-
Ang Pinakadakilang Kapanganakan sa Lupa ang Nauuna sa Pandaigdig na KatiwasayanAng Bantayan—1987 | Abril 1
-
-
Ang Pinakadakilang Kapanganakan sa Lupa ang Nauuna sa Pandaigdig na Katiwasayan
“Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”—ISAIAS 9:6.
1. Sa ilalim nino isang katiyakan ang katiwasayan ng daigdig, at paano natin nalalaman ito?
ANG katiwasayan ng buong daigdig! Sa ilalim ng “Prinsipe ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo, ito ay isang imposibleng panaginip. (Juan 12:31, The New English Bible) Subalit ang katiwasayan ng buong daigdig sa ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo, ay isang lubos na katiyakan. Ito’y tinitiyak sa atin ni Jehova sa hula tungkol sa kapanganakan at karera ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sa Isaias 9:6, 7, ating mababasa: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”
2. (a) Ano ang mga kalagayan nang ibigay ang hula ng Isaias 9:6, 7? (b) Paano natin nalalaman na si Jehova ay tiyak na tutuparin ang tipan na ginawa niya kay David ukol sa isang walang-hanggang kaharian sa kaniyang angkan?
2 Anong kahanga-hangang hula! Totoong kalugud-lugod na suriin ang hulang ito tungkol sa pinakadakilang kapanganakan sa lupa. Subalit bago nating lubusang maunawaan ito, kailangang ituon natin ang pansin sa mga kalagayan nang ibigay ang hula. Iyan ay panahon ng pagsasabwatan ng mga bansa noong mga kaarawan ng kaharian ng Juda sa ilalim ni Haring Ahaz. Bagama’t ang haring ito’y di-tapat kay Jehova, siya’y pinayagan na maupo sa trono ni Jehova. Ang ganitong pagpapahintulot ay ipinakita sa kaniya dahilan sa tipan na ginawa ni Jehova kay David ukol sa isang walang-hanggang kaharian sa kaniyang angkan. Bagama’t ipinagkait kay David ang pribilehiyo na magtayo ng isang templo kay Jehova, siya’y binigyan ng Diyos ng isang katumbas na pagpapala. Ito ay nalalahad sa mga salita ni propeta Nathan: “At sinabi sa iyo ni Jehova na igagawa ka ni Jehova ng isang bahay. At ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tunay na magiging matiwasay magpakailanman; at ang iyo mismong trono ay mapapatatag magpakailanman.” (2 Samuel 7:11, 16) Ang pangakong iyan ng Diyos ay napatunayang totoong kasiya-siya kay Haring David kung kaya’t kaniyang inasam-asam ang maningning na katuparan niyaon.
3. (a) Kanino natutupad ang tipan na iyan kay David, at paanong ang tipan na iyan ay bukod-tangi? (b) Ano ang ginawa ng Diyablo na kaniyang tunguhin kung tungkol sa tipan sa Kaharian?
3 Ang tipang iyan kay David ay natutupad sa dakilang Anak ni David, si Jesu-Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Wala nang iba pang maharlikang angkan sa balat ng lupang ito na nagtamasa ng kagalakan sa gayong tipan ukol sa isang kaharian, na walang katapusan ang kasaganaan ng maharlikang pamamahala, at walang katapusan ang kapayapaan. Subalit ang tipang iyan sa Kaharian ay naghaharap ng hamon sa lahat ng mga kaharian ng sanlibutan na si Satanas ang prinsipe, o hari. Kaya naman ginawang tunguhin ng Diyablo at ng kaniyang mga demonyo na pagsumikapang lipulin ang angkan ni David at sa gayo’y maparam ang pagkakataon nito na magkaroon ng isang permanenteng tagapagmana. Si Satanas ay kaagad nakasumpong ng maaaring kasangkapanin sa katauhan ni Haring Rezin ng Siria, ng Haring Peca ng sampung-tribong kaharian ng Israel, at ng hari ng Asiria.
Pagsasabwatan Laban sa Tipan sa Kaharian
4. Paano humayo ang Diyablo sa kaniyang pagsisikap na mapahinto ang katuparan ng tipan ni Jehova sa Kaharian na ginawa kay David?
4 Ano ba noon ang pakana ng Diyablo? Ang kaniyang layunin ay puwersahin si Haring Ahaz ng Juda, dahil sa takot, na pumasok sa isang di-nararapat na pakikipagsabwatan sa hari ng Asiria. Paano nga magagawa ito ng Diyablo? Bueno, kaniyang pinapangyari na si Haring Peca ng Israel at si Haring Rezin ng Siria ay pumasok sa isang sabwatan laban sa angkan ni David. Sila’y nagkaisang alisin si Ahaz sa trono ng Juda upang ilagay naman ang kanilang sariling tauhan, ang anak ni Tabeel, bilang haring papet. Sino ba itong anak na ito ni Tabeel? Mahalagang malaman na siya’y hindi isang inapo ni David. Kung gayon, hindi siya isang tao na kabilang sa angkan na ginawa ng Diyos ng tipan ukol sa kaharian hanggang sa dumating sa angkang iyon ang permanenteng Tagapagmana na “Prinsipe ng Kapayapaan.” Siya ang kanilang magiging tauhan, hindi ang tauhan ng Diyos, sa trono ng Juda. Sa gayo’y ibinilad ng Bibliya ang pagsisikap ni Satanas na mapahinto ang katuparan ng tipan ni Jehova sa Kaharian na ginawa kay David.
5, 6. Ano ang naging epekto kay Haring Ahaz ng sabwatan laban sa angkan ni David, at ano ang nagpapalakas-loob na mensahe na ibinigay sa kaniya ni Jehova?
5 Ano ang naging epekto kay Haring Ahaz ng bantang ito? Siya at ang kaniyang bayan ay nanginig sa takot. Kaya’t binigyan siya ni Jehova ng mga ilang nagpapalakas-loob na impormasyon upang huwag niyang ipagpatuloy ang pagbuo ng isang tagapagsanggalang na alyansa sa hari ng sumisikat na pandaigdig na kapangyarihan, ang Asiria. Sinugo ni Jehova ang kaniyang propetang si Isaias upang makipagtagpo kay Ahaz at dalhin ang mensaheng ito na nasa Isaias 7:4-9:
6 “Huwag kang matakot . . . dahil sa ang Siria kasama ang Ephraim [ang pangunahing miyembro ng kaharian ng Israel] at ang anak ni Remalias [si Peca] ay nagpayo ng masama laban sa iyo, na nagsasabi: ‘Umahon tayo laban sa Juda at ating pagwatak-watakin at ating pasukin para makuha natin; at tayo’y maglagay ng ibang hari sa loob niyaon, ang anak ni Tabeel.’ Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Iyon ay hindi matatayo, ni mangyayari man. . . . Kung kayong mga tao’y hindi maniniwala, kayo rin naman ay hindi magtatagal.’”
Isang Tanda ng Pagkabigo ng Sabwatan
7. (a) Ano ang umakay tungo sa pambihirang hula ng Isaias 7:14? (b) Ang kapanganakan ni Emmanuel ay isang mapanghahawakang tanda ng ano, at ang mga anak ni Isaias ay magsisilbing ano?
7 Sa gayon, inihula ni Jehova ang pagbagsak ng mga magkakasabwat. Nang sandaling iyon ay sumapit ang panahon para sa kinasihang hula na mahalaga at yayanig sa daigdig, sapagkat ito’y tumukoy sa maharlikang Tagapagmana ng tipan sa Kaharian na ginawa kay David. Subalit ano ang umakay tungo sa pambihirang hulang iyan? Bueno, si Jehova ay nagsalita noon kay Haring Ahaz. Kaniyang sinabi kay Ahaz na humingi ng anumang makahimalang tanda na maaari niyang maisip, at pagkatapos ay gagawin iyon ni Jehova bilang isang lubos na garantiya na wawasakin ng Diyos ang sabwatan laban sa sambahayan ni David. Subalit si Ahaz ay tumanggi na humingi ng gayong tanda. Ano ang sumunod na nangyari? Ang Isaias 7:14 ay nagsasabi sa atin: “Kaya’t si Jehova mismo ay magbibigay sa inyo na mga tao ng isang tanda: Narito! Ang dalaga ay magdadalang-tao, at siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang tiyak na itatawag niya rito ay Emmanuel.” Ang ibig sabihin ng pangalang iyan ay “Sumasa-atin Ang Diyos.” Yamang si Emmanuel at ang dalawa pang anak ni Isaias ay magsisilbing mga tanda, sinabi ng propeta sa Isaias 8:18: “Narito! Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ni Jehova ay mga pinaka-tanda at mga pinaka-himala sa Israel na mula kay Jehova ng mga hukbo.” Kaya’t ang kapanganakan ni Emmanuel ay isang mapanghahawakang tanda na lahat ng mga magkakasabwat at ang kanilang mga sabwatan laban sa tipan ng Diyos sa Kaharian at sa Tagapagmana nito ay mabibigo!
8. (a) Ano ang sinabi ng hula sa Isaias 7:15, 16 tungkol sa batang si Emmanuel, at ano ang resulta? (b) Bakit kaya hindi tiyakang ipinakilala kung sino si Emmanuel noong mga kaarawan ni Isaias?
8 Hindi sinasabi ng Bibliya kung sino ang nagsilang sa anak na pinanganlang Emmanuel. Baka iyon ay isang dalagang Judio na naging ikalawang asawa ng propetang si Isaias. Magkagayon man, ang hula ay nagpatuloy at nagsabi na bago sumapit ang bata sa sapat na edad upang makakilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama, ang dalawang hari na nagsabwatan laban sa angkan ni David ay mapapahamak. (Isaias 7:15, 16) Ito’y natupad. Ang hindi tiyakang pagpapakilala sa atin kung sino si Emmanuel noong mga kaarawan ni Isaias ay baka upang huwag magambala ang atensiyon ng mga huling salinlahi sa Lalong-dakilang Emmanuel pagka siya’y lumitaw bilang isang kahima-himalang tanda buhat sa langit.
9. (a) Ang katuparan ng tanda at ang pagbagsak ng sabwatan laban sa tipan sa Kaharian ay garantiya ng ano? (b) Ano ang pinakamalaking sabwatan sa daigdig kailanman?
9 Mangyari pa, noong mga kaarawan ni Ahaz, nagkaroon ng isang maliit lamang na katuparan ang tanda at ang pagbagsak ng makasanlibutang sabwatan laban sa tipan ng Diyos sa Kaharian. Gayunman ang unang katuparan na iyon ay garantiya na ang tanda at ang pagbagsak ng makasanlibutang sabwatan ay matutupad sa malakihang paraan sa ating mapanganib na panahon. Sa ngayon tayo ay nakaharap mismo sa pinakamalaking sabwatan sa daigdig kailanman. Sa anong diwa? Sa bagay na ang mga bansa ay lubusang nagwawalang-bahala sa kaayusan ni Jehova sa pagdadala ng walang-hanggang kapayapaan, at kanila man ding sinasalansang ang mga kinatawan ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ang sabwatan ay tunay na laban sa Tagapagmana ng tipan sa Kaharian, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ngayon, kumusta naman ang lubos na katuparan ng hula? Kung ating nakikita ang tanda, ating mauunawaan na ang kalalabasan ng pandaigdig na sabwatang ito ay tiyak na.
Kapanganakan ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
10. (a) Sa lubos na katuparan ng Isaias 7:14, sino ang nagsilang ng bata bilang tanda at Tagapagmana ng tipan sa Kaharian? (b) Papaanong ang tanda ni Emmanuel at ang sambahayan ni David ay pinag-uugnay ng mananalaysay na si Mateo?
10 Sa lubos na katuparan ng hula, ang dalaga na nagsilang ng anak bilang tanda at Tagapagmana ng tipan sa Kaharian ay si Maria, isang birheng Judio na inapo ni Haring David. Sinabi sa kaniya ng anghel Gabriel na siya’y manganganak ng isang lalaki na panganganlang Jesus, at ang Diyos na Jehova ang “magbibigay sa kaniya ng trono ni David na kaniyang ama,” at na “hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:26-33) Ang tanda ni Emmanuel at ang sambahayan ni David ay pinag-uugnay ng kinasihang mananalaysay na si Mateo. Ating mababasa sa Mateo 1:20-23: “Ang anghel ni Jehova ay napakita [kay Jose] sa panaginip, na nagsasabi: ‘Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa, sapagkat ang kaniyang dinadalang-tao ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya’y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kaniya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.’ Lahat na ito ay tunay na nangyari upang maganap ang sinalita ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta, na nagsasabi: ‘Narito! Ang dalaga ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki, at Emmanuel ang pangalang itatawag sa kaniya,’ na ang ibig sabihin, kung isasalin, ay ‘Sumasa-atin Ang Diyos.’”
11. Kailan at saan naganap ang inihulang kapanganakan ni Emmanuel?
11 Kailan at saan naganap ang inihulang kapanganakang ito ni Emmanuel? Lahat ng mga Judio ay doon nakatingin sa tamang direksiyon dahilan sa mga salita ng Mikas 5:2, na sinipi sa Mateo 2:6: “At ikaw, Oh Bethlehem ng lupain ng Juda, sa anumang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit na lunsod sa mga pangulong-bayan ng Juda; sapagkat sa iyo manggagaling ang isang gobernador, na siyang magpapastol sa aking bayang Israel.” Noong taóng 2 B.C.E. sa lunsod ng Bethlehem isinilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” at ang nakagagalak na hula ng Isaias 9:6, 7 ay nagsimulang natupad.
12, 13. Kanino nagdala ng malaking karangalan ang kapanganakan ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” at anong kaluwalhatian at kaningningan ang kalakip ng kaniyang kapanganakan?
12 Sino ba sa atin ang hindi mag-iisip na isang karangalan at isang kagalakan ang maging magulang ng isa na magkakaroon ng titulong “Prinsipe ng Kapayapaan”? Kaya naman ito’y nagdala ng malaking kaluwalhatian sa maharlikang Ama ng Prinsipeng ito. Sa katunayan, wala pa, walang-wala pa noon, na sinumang taong ipinanganak na kasabay ng gayong kaluwalhatian at kaningningan.
13 Ang nagniningning na anghel ni Jehova ay napakita sa mga pastol na nagbabantay ng kanilang mga kawan sa gabi sa kabukiran sa labas ng Bethlehem, at “ang kaluwalhatian ni Jehova ay sumikat sa buong palibot nila.” Pagkatapos ay ibinalita ng anghel ang kapanganakan bilang katuparan ng kinasihang hula, na nagsasabi: “Ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” Para bagang hindi pa sapat ang kaluwalhatiang iyan, sa kalangitan sa itaas ay lumitaw ang isang karamihan ng mga anghel na nagpupuri sa Ama ng bagong silang na sanggol at nagsabi na parang iisang tinig: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob.” Anong pagkaangkup-angkop nga na ibalita ng mga anghel nang isilang ang itinalagang “Prinsipe ng Kapayapaan” na magkakaroon ng banal na kapayapaan para sa lahat ng mga tao na may taglay ng kabutihang-loob ng Diyos!—Lucas 2:8-14.
14, 15. (a) Dahil sa anong mga pangyayari pinuri si Jehova ng mga anak ng Diyos sa langit? (b) Bakit walang ibang pagsilang sa buong kasaysayan ng tao ang maihahambing sa pagsilang na ito?
14 Malaon pa bago isilang ang isa na magiging “Prinsipe ng Kapayapaan,” ang mga anghel ay nagpuri na sa Diyos sa isang natatanging okasyon. Iyan ay noong, sa paglalang, kaniyang itinatag ang lupa. (Job 38:4) Nakakita ka na ba ng mga larawan ng ating lupa na kuha ng mga astronaut na nasa malayong kalawakan? Kung gayon ay nakita mo yaong mga bagay na ang mga anghel lamang ang nakakita hanggang sa kamakailan na mga panahon. At paano tumugon noon ang mga anghel? Ang Job 38:7 ang nagsasabi sa atin: “Umawit na magkasama ang mga bituing pang-umaga, at lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsimulang maghiyawan sa kagalakan.”
15 Ang pinakadakilang pagsilang na kailanma’y naging karangalan sa lupa ay isa ring pangyayari na kung saan ang mga anak ng Diyos ay magkakaisa-isa ng kanilang malalambing na mga tinig sa pag-awit ng papuri. Gaya ng isang makalupang ama na binabati sa pagsilang ng kaniyang panganay na anak, ang makalangit na Ama na nagpangyari ng pinakadakilang kapanganakang ito na naganap sa lupa kailanman ay karapat-dapat purihin sa awit ng mga miyembro ng kaniyang makalangit na sambahayan. Tiyak na ang pagkaganda-gandang konsiyertong iyan ay nagdulot ng kaligayahan sa banal na Diyos sa kaniyang pagiging ama noon sa unang pagkakataon sa gitna ng isang lubusang bagong mga kalagayan! Hindi pa nagkaroon bago nito sa buong kasaysayan ng sansinukob ng isang kapanganakan na maihahambing sa kapanganakan ng itinalagang “Prinsipe ng Kapayapaan.”
“Isang Dakilang Liwanag” ang Sumikat
16. Kailan at paano nagkaroon ng higit pang katuparan ang Isaias kabanata 9?
16 Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang pangmadlang ministeryo, nagkaroon ng patuloy na katuparan ang Isaias kabanatang 9 tal 1, 2. Ito’y may kinalaman sa unang dalawang talata nito, na tungkol sa “isang dakilang liwanag” na sisikat sa mga taong “lumalakad sa kadiliman.” Ang katuparan ng mga talatang ito ay ipinaliliwanag para sa atin ng kinasihang mananalaysay na si Mateo sa kabanata 4, talatang 13 hanggang 17: “At, pagkatapos lisanin ang Nazaret, [si Jesus] ay naparoon at nanirahan sa Capernaum sa tabing-dagat sa mga pook ng Zebulun at Neftali, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi: ‘Oh lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, sa gawing dagat, sa kabilang panig ng Jordan, Galilea ng mga bansa! ang bayang nakalugmok sa kadiliman ay nakakita ng isang dakilang liwanag, at para sa mga nakalugmok sa pook at lilim ng kamatayan, sa kanila’y sumikat ang liwanag.’ Mula noon ay nagsimulang nangaral si Jesus at nagsabi: ‘Magsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.’”
17. Bakit magagawa ni Jesus na sumikat ang liwanag sa mga tao sa Zebulun at Neftali, at mangangahulugan ng ano ang liwanag na ito para sa mga nakaupo sa kadiliman?
17 Ang Zebulun at Neftali ay naroon sa hilagang kadulu-duluhan ng Israel at kasali rito ang distrito ng Galilea. Ang Neftali ang hangganan ng buong kanlurang baybayin ng Dagat ng Galilea. Kaya’t sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga lugar na iyon pinapangyari ni Jesus, kasama ang kaniyang mga alagad, na ang liwanag ay sumikat sa mga tao roon na matagal nang nangakaupo sa kadiliman. Sinabi ni Jesus sa Juan 8:12: “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay sa anumang paraan hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” Sa gayon, sa pamamagitan ni Jesus yaong “mga nakalugmok sa pook ng lilim ng kamatayan” ay nangyaring magkaroon ng “ilaw ng buhay” sapagkat kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay bilang “isang pantubos na kapalit ng marami.” Siya ang ginamit ni Jehova upang magsabog ng liwanag sa daan na sa pamamagitan niyaon ay maaaring marating ng mga tao ang buhay.—Mateo 4:23; 20:28.
18. (a) Bakit ang “dakilang liwanag” na ito ay hindi para lamang sa mga taga-Galilea? (b) Ano ang pag-uusapan sa susunod na artikulo?
18 Ang “dakilang liwanag” na ito na nangangako ng katubusan buhat sa kamatayan at kaapihan ay hindi para lamang sa mga taga-Galilea. Hindi baga inihula ni Isaias na ang kasaganaan ng pamahalaan ay hindi magwawakas? At hindi baga inihula ni Isaias na ang papel na gagampanan ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay magiging totoong dakila? Oo, sapagkat ang Isaias 9:6, 7 ay nagsasabi: “Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” Sa susunod na artikulo, ating pag-uusapan ang papel na gagampanan ni Jesu-Kristo bilang ang “Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama,” at gayundin bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.”
-
-
Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”Ang Bantayan—1987 | Abril 1
-
-
Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
“Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda. Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”—ISAIAS 9:7.
1, 2. (a) Ang kapanganakan ng Kaharian ng Diyos ay magiging isang okasyon para sa ano, at kailan naganap ang kapanganakang ito? (b) Ano ang iniaatas ng saligang-batas ng United Nations sa organisasyong iyan, subalit ano naman ang iniatas ng tipan sa Kaharian kay Jesu-Kristo? (c) Paano natin nalalaman na tiyak na tutuparin ni Jehova ang tipan sa Kaharian?
KUNG paano ang kapanganakan ni Jesus, na sakdal na lalaking-sanggol, ay isang okasyon ng pambihirang kagalakan, gayundin na ang kapanganakan ng malaon-nang-ipinangakong Kaharian niya ay magiging isang okasyon ng di-kawasang kagalakan. (Awit 96:10-12) Sang-ayon sa mga katibayan sa modernong kasaysayan, ang gobyernong iyan ay iniatang sa balikat ng niluwalhating si Jesus noong 1914. Ang pag-iral ng organisasyon ng United Nations o Nagkakaisang mga Bansa sa ngayon ay hindi nagpapabulaan sa bagay na iyan. Walang isa man sa mga pinuno ng 159 na mga miyembro ng UN ang buhat sa angkan ni David. Gayumpaman, ang saligang-batas ng pandaigdig na sabwatang iyan ay nag-aatas sa kanila ng gawain na pagtatatag ng kapayapaan at katiwasayan para sa sangkatauhan sa buong daigdig.
2 Subalit ang tipan ni Jehova sa Kaharian ay hindi kailanman napawi. Sa Isaias 9:7 ang pananalitang “sa trono ni David” ang nagpapatibay sa tipan na ginawa ng Diyos kay David ukol sa isang walang-hanggang kaharian. Isa pa, si Jehova ay sumumpa na ito’y matagumpay na matutupad. Na tutuparin ni Jehova ang tipang ito ay nililiwanag sa Awit 89:3, 4, 35, 36: “Ako’y nakipagtipan sa aking pinili; ako’y sumumpa kay David na aking lingkod, ‘Ang binhi mo’y itatatag ko magpakailanman, at ang trono mo’y itatayo ko sa sali’t salinlahi.’ Minsan ako’y sumumpa sa pamamagitan ng aking kabanalan, hindi ako magbubulaan kay David. Ang kaniyang binhi man ay mananatili hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw sa harap ko.” Ang tipan na iyan, pati na rin ang titulong “Prinsipe ng Kapayapaan,” ay nag-aatas kay Jesu-Kristo ng gawaing pagtatatag ng katiwasayan sa buong daigdig.
3. Bakit ang panahon para sa pagsisimula ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ng kaniyang pamamahala ay hindi isang panahon ng kapayapaan para sa langit o sa lupa?
3 Gayunman, ang panahon para sa Diyos na Jehova na iatang ang pamahalaan sa balikat ng kaniyang Erederong Prinsipe ay hindi isang taon ng kapayapaan maging sa langit man sa itaas o sa lupa dito sa ibaba. Sang-ayon sa Apocalipsis kabanatang 12, ang kapanganakan ng kaniyang Kaharian ay susundan ng digmaan sa langit. Si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay lumaban sa bagong katatatag na gobyerno, at ang bagong kaluluklok na Hari kasama ang kaniyang mga banal na anghel ay nakipaglaban sa mga hukbong iyan ng demonyo. Ang resulta ay na pinatalsik buhat sa langit si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at dito ibinulusok sa kapaligiran ng ating lupa. Kaya naman, ang malakas na sigaw ay: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:12) Sapol nang ihagis dito ang Diyablo, nakalulungkot sabihin na ang ating lupa ay naging dako ng walang katulad na karahasan at digmaan. Anong laki nga ng pangangailangan na ang sangkatauhan ay pamahalaan ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” sapagkat ang magiging resulta nito’y ang katiwasayan ng buong daigdig!
4. Bakit ang titulong “Makapangyarihang Diyos” ay hindi dapat ipagkamali sa titulo namang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?
4 Sang-ayon sa Isaias 9:6, may iba pang mga titulo, bukod sa “Prinsipe ng Kapayapaan,” na ikakabit sa maluwalhating pangalan ni Jesu-Kristo. Isa na sa mga titulong ito ay “Makapangyarihang Diyos.” Siya’y hindi tatawaging Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, na para bagang siya’y isang kapantay na miyembro ng isang trinidad ng mga diyos. Kahit na noong araw nang siya’y buhaying-muli, kaniyang ipinaalam na siya’y mababa pa rin kay Jehova. Siya’y napakita kay Maria Magdalena at kaniyang pinapunta ito upang ibalita sa nananabik na mga alagad na siya’y babalik na sa kanilang Ama at sa kaniyang Ama at sa kanilang Diyos at sa kaniyang Diyos. (Juan 20:17) Magpahanggang sa mismong araw na ito, siya’y nagpapatuloy na manguna sa lahat ng mga nilalang sa pagsamba sa “Diyos ng mga diyos,” si Jehova. (Daniel 11:36) Ah, oo, si Jesu-Kristo ay may Diyos at ang Diyos na iyon ay hindi si Jesus mismo kundi ang makalangit na Amang si Jehova. Anong pagkadaki-dakila ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa kaniyang paglilingkod bilang ang tagapaghanda ng pansansinukob na walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan!
5. Bakit si Jesu-Kristo ang pinakakuwalipikadong manguna sa lahat ng matalinong mga nilalang sa pagsamba sa kaisa-isang tunay at buháy na Diyos, si Jehova?
5 Sa panahong walang-hanggan, ang niluwalhating Anak ng Diyos ay magpapatuloy na manguna sa lahat ng matalinong nilalang sa pagsamba sa kaisa-isang tunay at buháy na Diyos, si Jehova. Ang itinaas na Anak ng Diyos ang unang-unang kuwalipikado para rito. Sa lahat ng mga nilalang sa langit at sa lupa, ang niluwalhating Anak ng Diyos ang tanging nakakilala kay Jehova nang pinakamahabang yugto ng panahon at sa pinakamatalik na paraan. Sa 1 Corinto 2:11 si apostol Pablo ay nagsasabi: “Sapagkat sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao kundi ang espiritu ng tao na nasa kaniya?” Ganiyan din kung tungkol kay Jesu-Kristo. Bagama’t siya’y ginamit ni Jehovang Diyos sa paglalang sa tao, iba naman para sa kaniya na siya mismo’y maging isang tao, mapaligiran ng lahat ng mga kalagayan dito sa lupa at siya mismo’y makaranas ng mga damdamin ng isang tao. Kaya naman nasusulat na “bagaman siya’y Anak, gayunma’y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kaniyang tiniis” bilang isang tao rito sa lupa. (Hebreo 5:8) Tunay nga na pinatunayan niyang siya’y karapat-dapat na pagkatiwalaan ng ‘lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa’ at magtaglay ng titulong “Makapangyarihang Diyos.”—Mateo 28:18; ihambing ang Filipos 2:5-11.
“Kamangha-manghang Tagapayo” at “Walang-hanggang Ama”
6. Paanong si Jesu-Kristo ay naglilingkod bilang “Kamangha-manghang Tagapayo,” at paanong ang “malaking pulutong” ay nakikinabang sa kaniyang kamangha-manghang payo?
6 Batay sa lahat ng matitibay na dahilang ito, ang makalangit na Prinsipe ng Diyos ay lubusang kuwalipikado na maglingkod sa sangkatauhan bilang ang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isaias 9:6) Ang kaniyang payo ay laging pantas, sakdal, at walang pagkakamali. Bilang ang Tagapamagitan sa Diyos na Jehova at sa mga kasali sa bagong tipan, siya ay naglilingkod nga bilang isang kamangha-manghang tagapayo sa loob ng lumipas na 19 na siglong ito. Ngayon, sapol noong 1935, “isang malaking pulutong” ng kaniyang “mga ibang tupa” ang tumatanggap sa kaniyang kamangha-manghang payo at sila’y nagtatamo ng pinakamainam na turo at patnubay. (Apocalipsis 7:9-17; Juan 10:16) Bilang isang ahensiya para sa pagpapayong ito, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” na ito ay nagbangon siya ng ipinangakong uring “tapat at maingat na alipin” upang mangalaga sa kaniyang makalupang mga ari-arian, o mga kapakanan ng kaharian. (Mateo 24:3, 45-47; Lucas 12:42-44) Ang “malaking pulutong” ay tumatanggap ngayon ng espirituwal na payo na tunay ngang kamangha-mangha at mapagkakatiwalaan sapagkat iyon ay nakasalig sa isiniwalat na Salita ng Diyos.
7. Bakit si Satanas na Diyablo ay hindi na isang makapangyarihang diyos sa bayan ni Jehova?
7 Dahilan sa kanilang pagtugon sa ganiyang payo, si Satanas na Diyablo, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ay hindi na isang makapangyarihang diyos sa atin bilang ang bayan ni Jehova. (2 Corinto 4:4) Tayo’y masunuring nagsilabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo na huwad na relihiyon, at tayo’y hindi na nakikibahagi sa kaniyang garapal na mga kasalanan. Tayo’y naninindigan na matatag sa panig ng Isa na sa mga balikat niya iniatang ng Diyos na Jehova ang Kaniyang pamahalaan.
8. (a) Bakit ang titulong “Walang-hanggang Ama” ay lalong higit na nakaaakit sa “malaking pulutong”? (b) Ano ang mangyayari sa mga nagpapahintulot na si Satanas na Diyablo ang maging kanilang espirituwal na ama?
8 Ang titulong “Walang-hanggang Ama” ay lipos ng pagmamahal. Ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ang lalong higit na nagpapahalaga sa terminong ito. Sila’y hindi naakit ng pagkaama ni Satanas na Diyablo. Sila’y nanginginig pagka nagunita nila ang mga relihiyosong pinunong Judio na sumalansang kay Jesus at sa kanila’y sinabi niya: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa noong una, at hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya, sapagkat siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Ang “malaking pulutong” ay humiwalay na sa mga espirituwal na anak na iyon ni Satanas na Diyablo, na ang pagkaama sa nagkasalang sangkatauhan ay hindi sa walang-hanggan. Yaong mga nagpapahintulot sa kaniya na siya ang maging kanilang espirituwal na ama ay malilipol na kasama niya. Ang lubos na pagkapuksa, na isinasagisag ng “walang-hanggang apoy” sa Mateo 25:41, ang naghihintay sa Diyablo at sa lahat ng tao na hindi hihiwalay sa kaniyang pagkaama.—Mateo 25:41-46.
9. Paano nararanasan ng “malaking pulutong” ang pagpapala ng pagiging mga anak ng “Walang-hanggang Ama”?
9 Sa kabilang dako, nararanasan na ngayon pa ng “malaking pulutong” ang pagpapala ng pagiging mga anak ng “Walang-hanggang Ama.”a Sa paano? Sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at pagiging kaniyang “mga ibang tupa” at pakikisama sa nalabi ng espirituwal na Israel. Ang ganitong mainit na relasyon bilang pamilya ay nagdudulot ng kapayapaan. Sa kaniyang kinasihang sulat, sa Roma 16:20 ay tinukoy ni apostol Pablo si Jehova bilang “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” Kung gayon, anong pagkaangkup-angkop na ang kaniyang bugtong na Anak ay tawaging “Prinsipe ng Kapayapaan”! Sa pamamagitan ng pagsasauli ng kapayapaan sa buong uniberso, tiyakang tutuparin ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang kahulugan ng kaniyang dakilang titulo.
Ang Maharlikang Pamahalaan ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
10, 11. Pagkatapos ihula ang pinakadakilang kapanganakan kailanman, ano ang kinasihan si Isaias na sabihin, at ano ang ibig sabihin ng kaniyang mga salita?
10 Pagkatapos ihula ni Isaias ang pinakadakilang kapanganakan kailanman—oo, ang kapanganakan ng Anak ng Diyos na pararangalan ng titulong “Prinsipe ng Kapayapaan”—ang propeta ay kinasihan ng espiritu ni Jehova na magsabi: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas . . . Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.”—Isaias 9:7.
11 Sa pagsasabing “ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala,” ipinakikita ng hula na ang sakop ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay ang buong sangkalupaan. Hindi magkakaroon ng mga hangganan sa lupa na maglalagay ng limitasyon sa kaniyang nasasakupan. Kaniyang pamamahalaan ang buong globo. Isa pa, sa darating na lupang Paraiso, hindi magkakaroon ng wakas ang kapayapaan. Kailanman ay hindi magkakaroon ng mga kaguluhan saanman. Kapayapaan ang iiral sa buong lupa at laging mananagana. (Awit 72:7) Sa kasong ito ang kapayapaan ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagkawala lamang ng karahasan at digmaan. Kasali na rito ang katarungan at katuwiran, sapagkat sinabi ni Isaias na ang maharlikang pamamahala ay aalalayan “ng katarungan at ng katuwiran, mula ngayon hanggang sa panahong walang takda.” Magkakaroon ng saganang mga pagpapala para sa sangkatauhan. At ang walang-hanggang sikap ni Jehovang Diyos ang magsasagawa nito sa mismong panahon natin.
12. Paanong ang pamamahala na nakaatang sa balikat ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay may mga kinatawan sa buong lupa?
12 Kahit na ngayon, ang pamahalaang ito na nasa balikat ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay may mga kinatawan sa buong lupa. Mabilis na dumarami ang tumatanggap sa kaniyang maharlikang pamahalaan sa langit. Ang nalabi ng inianak-sa-espiritung mga alagad ni Jesu-Kristo ay lubusang natipon na buhat sa mga bansa. Bukod dito, ang “malaking pulutong” ay tinitipon na buhat sa mahigit na 200 iba’t ibang lupain. Mayroon na ngayong 3,229,022 mga saksi ni Jehova, at ang masayang gawaing pagtitipon ay hindi pa natatapos. Ang “malaking pulutong” na ito ay nagbubunyi sa pamahalaan na nakaatang sa balikat ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Ang mga miyembro nito ay lubhang napasasalamat na pasakop sa pamahalaang iyan at maging mga kinatawan nito sa buong lupa, kasama ng “mga embahador na kumakatawan kay Kristo,” ang pinahirang nalabi.—2 Corinto 5:20.
Ang Modernong-Panahong Sabwatan ay Wawasakin
13. (a) Ano ang sinisikap na gawin ng mga kinatawan ng Kaharian sa gitna nila? (b) Ano ang pangmalas ng Diyos sa United Nations?
13 Ang mga kinatawan ng Kaharian ay may kapayapaan din sa gitna nila. Kanilang ‘taimtim na pinagsisikapan na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.’ (Efeso 4:3) Kanilang ginagawa ito sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa buong lupa ngayon. Ang pambansang mga kilusan sa loob at labas ng United Nations ay sa katunayan nakahanay laban sa gobyerno ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” Sa pangmalas ng Diyos, ang United Nations ay isang dambuhalang pandaigdig na sabwatan. Bakit? Sapagkat ipinapahayag nito na magagawa niya ang mga gawain na iniatang ng Diyos tangi lamang sa kaniyang “Prinsipe ng Kapayapaan” at ito lamang ang makagagawa. At nananawagan ito sa mga bayan ng lahat ng mga bansa upang suportahan ito sa pagtatatag ng katiwasayan sa buong daigdig sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. May proklamasyon pa man din ito na ang 1986 ang “Internasyonal na Taon na Kapayapaan.” Sa gayo’y pinatutunayan nito ang sarili na isang sabwatan laban sa “Prinsipe ng Kapayapaan” at laban sa tipan ni Jehova sa kaniya ukol sa walang-hanggang Kaharian.
14. Papaano nagbabala si propeta Isaias sa lahat ng sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang tipan sa Kaharian?
14 Sa dahilan na katulad niyan, si propeta Isaias ay nagbabala kay Haring Ahaz at sa kaniyang mga sakop noon laban sa paghahangad ng kapayapaan at katiwasayan sa pamamagitan ng pagpasok sa isang alyansa sa Pandaigdig na Kapangyarihan ng Asiria. Ang babala ay nasa Isaias 8:9, 10. Sa kagandahan na patula, ang propeta ay nagbabala sa lahat niyaong sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang tipan sa Kaharian: “Kayo’y magsama-sama, Oh mga bayan, at kayo’y magkakawatak-watak; at kayo’y mangakinig, kayong lahat na nasa malalayong panig ng lupa! Mangagbigkis kayo, at kayo’y magkakawatak-watak! Mangagbigkis kayo at kayo’y magkakawatak-watak! Magplano kayo ng isang panukala, at iyon ay masisira! Magsalita kayo ng anumang salita, at iyon ay hindi tatayo, sapagkat ang Diyos ay sumasa-amin!”
15. Ano ang mangyayari sa sabwatan laban sa tipan sa Kaharian ngayon, gaya ng nangyari sa sabwatan noong mga kaarawan ni Haring Ahaz?
15 Kaya’t hayaang ang mga bansa sa ilalim ng prinsipe ng sanlibutang ito, si Satanas na Diyablo, ay magsabwatan laban sa tipan sa Kaharian at sa maharlikang Tagapagmana at Hari nito. Ang sabwatan ay magkakawatak-watak, gaya ng nangyari sa sabwatan noong mga kaarawan ni Haring Ahaz. Si Haring Rezin ng Siria at si Haring Peca ng Israel ay hindi natakot kay Jehova ng mga hukbo kundi nagsabwatan laban sa kaniyang tipan ukol sa Kaharian. Ang nangyari, ang kanilang sabwatan ay pinagluray-luray. Gayundin naman, si Haring Ahaz ng Juda ay hindi natakot kay Jehova kundi pumasok siya sa pakikipagsabwatan sa pandaigdig na kapangyarihan ng Asiria. Ito ay hindi tunay na nakatulong kay Ahaz at hindi nagdala sa kaniya ng kapayapaan at katiwasayan. Ang idinulot nito ay kahirapan at pagkaalipin. Ang pinakamasama sa lahat, si Ahaz ay nawalan ng pagpapala ni Jehova.
16. Paano sinira ni Jehova ang sabwatan ng Asiria laban sa tipan sa Kaharian, at ano ang inilarawan nito para sa ating kaarawan?
16 Pagkamatay ni Ahaz at noong mga kaarawan ng kaniyang anak na si Ezekias, sinira ni Jehova ng mga hukbo ang sabwatang Asirio laban sa tipan sa Kaharian. Ang hari ng Asiria ay napilitang umatras buhat sa lupain ng Juda pagkatapos na lipulin ng anghel ni Jehova ang 185,000 mga kawal niya. Hindi nakuha ng kaaway na tirahin man lamang kahit ng isang pana ang siyudad ng Jerusalem. (Isaias 37:33-36) Ganiyan ding pagkatalo ang mangyayari sa kasalukuyang pandaigdig na sabwatan laban sa tipan ni Jehova sa Kaharian at sa “Prinsipe ng Kapayapaan,” sapagkat ang Diyos ay sumasa-kaniyang Prinsipe Emmanuel at sa lahat ng nagbubunyi sa kaniya!
Paninindigang Walang Takot sa Panig ni Jehova Bilang Soberano ng Sansinukob
17. (a) Sa hindi na magtatagal ano ang gagawin sa Babilonyang Dakila ng mga pulitikal na elemento, at ano ang kakailanganin at tatanggapin ng bayan ni Jehova? (b) Pagkatapos mailigpit ang Babilonyang Dakila, ano ang gagawin ng walang diyos na mga pinuno ngayon, na magtutulak kay Jehova na gumawa ng anong pagkilos?
17 Sa hindi na magtatagal ang mga elementong pulitikal ay magtutuon ng kanilang pagsisikap hindi lamang laban sa Sangkakristiyanuhan kundi laban sa lahat ng bahagi ng Babilonyang Dakila, ang buong pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, upang ito’y lipulin. Sa maselang na yugtong iyan, ang bayan ni Jehova ay mangangailangan ng lubusang proteksiyon buhat sa kaniya. Palibhasa’y udyok ng madugong tagumpay sa Babilonyang Dakila, ang walang kinikilalang Diyos na mga pinuno ay babaling naman laban sa mga nasa panig ng gobyerno ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo. At kung magkagayon ay gagamitin ni Jehova ang kaniyang “Prinsipe ng Kapayapaan” upang ipaglaban “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Si Jesu-Kristo ay magpapatunay na isang di-magagaping Mandirigma na ang pamamahala ay hindi uurong. Siya’y magpapatunay na “Makapangyarihang Diyos” sa ilalim ng mapagtagumpay na Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Ang “Makapangyarihang Diyos” na ito ay aabot sa sukdulan ang maningning na karera sa pagtatagumpay sa Armagedon na ang kabantugan ay hindi kukupas magpakailanman. Lahat nga’y magbunyi sa walang makakatulad na tagumpay na iyan!
18. Sa harap ng modernong-panahong sabwatan laban sa tipan sa Kaharian, ano ang disididong gawin ng mga Saksi ni Jehova, at ano ang magiging resulta?
18 Kung gayon, humayo upang kamtin ang lalong dakilang katanyagan sa daigdig higit kaysa kailanman, lahat kayong mga saksi ni Jehova, na may lubos na pagtitiwala sa inyong Diyos at sa kaniyang nagpupunong Hari, ang “Prinsipe ng Kapayapaan”! Magpakita kayo ng tahasang kawalang-takot sa kasalukuyang pandaigdig na sabwatan. Sa pamamagitan ng inyong pagbabalita sa lahat ng dako ng pabalita ng Kaharian at ng napipintong pagtatagumpay nito laban sa pandaigdig na sabwatan sa Armagedon, kayong lahat ay maging pinaka-tanda at pinaka-himala tungo sa ikararangal ni Jehova. Pagka pinapangyari ng Diyablo na ang makasanlibutang mga pinuno ay bumaling sa atin, alalahanin, ang tagumpay ay kakamtin niyaong mga naninindigang tapat at totoo sa panig ng Kaharian ni Emmanuel, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” sapagkat “Sumasa-atin Ang Diyos”! (Mateo 1:23; Ihambing ang Isaias 8:10.) At harinawang lahat ng mga anghel sa langit at lahat ng mga taong nag-iingat ng kanilang katapatan sa lupa ay magsabi ng “Amen” sa ikapagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova sa lahat ng nilalang sa langit at sa lupa, taglay ang katiwasayan na hindi magwawakas kailanman!
-