Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ibinaba ni Jehova ang Isang Mapagmataas na Lunsod
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • Ang Instrumento ng Diyos sa Pagpuksa

      10. Sino ang gagamitin ni Jehova upang talunin ang Babilonya?

      10 Aling kapangyarihan ang gagamitin ni Jehova upang ibagsak ang Babilonya? Mga 200 taon ang kaagahan, isiniwalat ni Jehova ang kasagutan: “Narito, pupukawin ko laban sa kanila ang mga Medo, na sa kanila ay walang kabuluhan ang pilak at ang ginto naman ay hindi nila kinalulugdan. At pagluluray-lurayin ng kanilang mga busog maging ang mga kabataang lalaki. At ang bunga ng tiyan ay hindi nila kahahabagan; ang mga anak ay hindi kaaawaan ng kanilang mata. At ang Babilonya, ang kagayakan ng mga kaharian, ang kagandahan ng pagmamapuri ng mga Caldeo, ay magiging gaya noong gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomorra.” (Isaias 13:17-19) Ang maringal na Babilonya ay babagsak, at ang instrumentong gagamitin ni Jehova upang magsagawa nito ay ang mga hukbo mula sa malayo, bulubunduking bansa ng Media.a Sa wakas, ang Babilonya ay matitiwangwang gaya ng labis na imoral na mga lunsod ng Sodoma at Gomorra.​—Genesis 13:13; 19:13, 24.

  • Ibinaba ni Jehova ang Isang Mapagmataas na Lunsod
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • 11, 12. (a) Paano naging isang kapangyarihang pandaigdig ang Media? (b) Anong pambihirang kaugalian ang binabanggit ng hula hinggil sa mga hukbo ng Media?

      11 Noong kaarawan ni Isaias, kapuwa ang Media at ang Babilonya ay nasa ilalim ng pamatok ng Asirya. Makaraan ang halos isang siglo, noong 632 B.C.E., ang Media at Babilonya ay nagsanib ng puwersa at iginupo ang Nineve, ang kabisera ng Asirya. Ito’y nagbukas ng daan upang maging nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ang Babilonya. Hindi man lamang niya naisip ni kakatiting na humigit-kumulang sa 100 taon pagkatapos niyaon, siya’y pupuksain ng Media! Sino pa kundi ang Diyos na Jehova lamang ang maaaring gumawa ng gayong tahasang prediksiyon?

      12 Sa pagpapakilala sa kaniyang piniling instrumento ng pagpuksa, sinabi ni Jehova na sa mga hukbo ng Media ay “walang kabuluhan ang pilak at ang ginto naman ay hindi nila kinalulugdan.” Tunay na isang pambihirang kaugalian ito para sa mga sundalong pinatapang ng digmaan! Ang iskolar ng Bibliya na si Albert Barnes ay nagsabi: “Sa katunayan, iilan lamang sa sumasalakay na mga hukbo ang hindi naimpluwensiyahan ng pag-asang manamsam.” Pinatunayan ba ng mga hukbo ng Media na tama si Jehova sa bagay na ito? Oo. Isaalang-alang ang komentong ito na masusumpungan sa The Bible-Work, na ginawa ni J. Glentworth Butler: “Di-tulad ng maraming bansa na nakikipagdigma, ang mga Medo, at lalo na ang mga Persiano, ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa pananakop at karangalan kaysa sa ginto.”b Dahilan dito, hindi kataka-taka na noong kaniyang palayain ang mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, ibinalik sa kanila ng tagapamahalang Persiano na si Ciro ang libu-libong mga sisidlang ginto at pilak na kinulimbat ni Nabucodonosor mula sa templo ng Jerusalem.​—Ezra 1:7-11.

      13, 14. (a) Bagaman hindi interesado sa samsam, ano ang ambisyon ng mga mandirigmang Medo at Persiano? (b) Paano napagtagumpayan ni Ciro ang ipinangangalandakang depensa ng Babilonya?

      13 Bagaman ang mga mandirigmang Mediano at Persiano ay hindi gaanong nagnanasa ng samsam, sila naman ay mga ambisyoso. Hindi nila gustong manatiling pangalawa lamang sa alinmang bansa sa tanghalan ng daigdig. Bukod dito, inilagay ni Jehova ang “pananamsam” sa kanilang mga puso. (Isaias 13:6) Kaya, sa pamamagitan ng kanilang busog na metal​—na maaaring gamitin hindi lamang upang magpahilagpos ng palaso kundi upang hampasin at durugin ang mga kaaway na sundalo, ang mga supling ng mga inang taga-Babilonya​—sila’y determinadong sakupin ang Babilonya.

      14 Si Ciro, ang pinuno ng mga hukbo ng Medo-Persia, ay hindi nahadlangan ng mga tanggulan ng Babilonya. Noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E., kaniyang ipinag-utos na ilihis ang mga tubig ng Ilog Eufrates. Habang bumababa ang tubig, ang mga sumasalakay ay palihim na lumakad sa pinakasahig ng ilog, na hanggang hita ang lalim ng tubig, upang pumasok sa lunsod. Nasorpresa ang mga naninirahan sa Babilonya, at ang Babilonya ay bumagsak. (Daniel 5:30) Kinasihan ng Diyos na Jehova si Isaias na ihula ang mga pangyayaring ito, na walang-alinlangang nagpapatunay na Siya ang umuugit sa mga bagay-bagay.

  • Ibinaba ni Jehova ang Isang Mapagmataas na Lunsod
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • a Ang mga Medo lamang ang binanggit ni Isaias sa pangalan, subalit may ilan pang bansa ang magkakampi-kampi laban sa Babilonya​—ang Media, Persia, Elam, at iba pang mas maliliit na bansa. (Jeremias 50:9; 51:24, 27, 28) Ang mga kalapit na bansa ay tumukoy kapuwa sa mga Medo at Persiano bilang “ang Medo.” Karagdagan pa, noong kaarawan ni Isaias, ang Media ay ang nangingibabaw na kapangyarihan. Sa ilalim lamang ni Ciro nangibabaw ang Persia.

  • Ibinaba ni Jehova ang Isang Mapagmataas na Lunsod
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
    • b Gayunman, lumilitaw na nang maglaon ang mga Medo at ang mga Persiano ay naging labis na mapaghangad sa luho.​—Esther 1:1-7.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share