-
Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang PaghihirapGumising!—1990 | Oktubre 8
-
-
“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.”—Jeremias 10:23, 24.
ANG mga salitang iyon ay isinulat libu-libong taon pagkatapos lalangin ang tao. Natanto ni Jeremias na hanggang noong panahon niya, ang kasaysayan ng tao ay isang malaking sakuna kung ihahambing sa magandang pasimula na ibinigay ng Diyos sa ating unang mga magulang.
Ang obserbasyon ni Jeremias ay pinagtibay ng rekord ng mahigit na 2,500 karagdagang taon ng kasaysayan mula noong panahon niya. Ang malaking sakuna ay lalo pang lumala. Ano ang nagkamali?
-
-
Kung Bakit Pinayagan ng Diyos ang PaghihirapGumising!—1990 | Oktubre 8
-
-
Ipinakita rin ng paglipas ng panahon kung gaano kakila-kilabot na gumawi ang makasalanang tao sa isa’t isa. Nagkaroon ng di mabilang sa dami na imbing mga digmaan, etniko at relihiyosong pagkapoot, mga inkisisyon, katakut-takot na mga krimen ng lahat ng uri, at mga gawa ng kasakiman at kaimbutan. Gayundin, ang karalitaan at gutom ay bumibiktima ng di mabilang na angaw-angaw katao.
Sa nakalipas na libu-libong taon, sinubok na ng tao ang lahat ng maiisip na uri ng gobyerno. Gayunman, isa-isa itong nabigo upang sapatan ang mga pangangailangan ng tao. Kamakailan, ang mga gobyernong Komunista ay tinanggihan sa maraming bansa. Sa mga bansang demokratiko ay mayroon ding palasak na krimen, karalitaan, mabuway na ekonomiya, at katiwalian. Oo, lahat ng uri ng gobyerno ng tao ay napatunayang kulang.
Isa pa, ipinahintulot ng Diyos ang panahon upang marating ng mga tao ang rurok ng kanilang siyentipiko at materyal na tagumpay. Subalit tunay bang pagsulong kung ang busog at palaso at hinalinhan ng nuklear na mga missile? kung ang mga tao’y nakapaglalakbay sa kalawakan subalit hindi naman makapamuhay nang mapayapa sa lupa? kung ang angaw-angaw na mga tao ay natatakot lumabas sa gabi dahil sa krimen?
Ipinakikita ng pagsubok ng panahon na hindi posible para sa mga tao na matagumpay na ‘ituwid ng kanila mismong hakbang’ kung paanong hindi posibleng mabuhay nang walang pagkain, tubig, at hangin. Tayo’y idinisenyo upang umasa sa patnubay ng ating Maylikha kung paanong tayo’y nilikha upang umasa sa pagkain, tubig, at hangin.—Mateo 4:4.
Sa pagpapahintulot sa kabalakyutan at paghihirap, ipinakita ng Diyos minsan at magpakailanman ang malungkot na mga resulta ng maling paggamit ng kalayaang magpasiya. Ito’y isang mahalagang kaloob anupa’t sa halip na alisin ang kalayaang magpasiya sa mga tao, pinayagan ng Diyos na makita nila kung ano ang kahulugan ng maling gamit nito.
Kung tungkol sa kalayaang magpasiya, ang publikasyong “Statement of Principles of Conservative Judaism” ay nagsasabi: “Kung walang tunay na posibilidad na ang mga tao’y gumawa ng maling pagpili kapag nakakaharap ang mabuti at masama, ang buong ideya ng pagpili ay walang saysay. . . . Ang karamihan ng mga paghihirap sa daigdig ay tuwirang bunga ng ating maling gamit sa kalayaang magpasiya na ipinagkaloob sa atin.”
Tiyak, na tama si Jeremias nang sabihin niya: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” At tama rin si Solomon nang sabihin niya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
-