Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Makikinabang Ka sa Bagong Tipan
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
    • 5. Bakit inihula ng Diyos ang bagong tipan?

      5 Kaya makikita natin na kahit may bisa pa ang tipang Kautusan, kinasihan na si Jeremias na ihula ang tungkol sa isa pang tipan, ang bagong tipan. Dahil sa pag-ibig at kabaitan ni Jehova, nais niyang maglaan ng permanenteng tulong hindi lamang para sa isang bansa. Sinabi ng Diyos tungkol sa mga kabilang sa tipang ito sa hinaharap: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jer. 31:34) Bagaman noong panahon ni Jeremias inihayag ang pangakong iyan, ang makikinabang sa pag-asang ito ay ang buong sangkatauhan. Paano?

      6, 7. (a) Ano ang nadarama ng ilan sa pagiging makasalanan nila? (b) Bakit ka mapapatibay kung pag-aaralan mo ang bagong tipan?

      6 Hindi pa rin tayo sakdal at nagigising tayo sa katotohanang iyan kapag nakakagawa tayo ng kasalanan. Iyan ang naranasan ng isang brother na nakikipagpunyagi sa isang kahinaan. Sinabi niya: “Nang madaig uli ako ng kahinaan ko, lumung-lumo ako. Pakiramdam ko parang hindi na ako makakabangon pa. Nahihirapan akong manalangin. Minsan sasabihin ko, ‘Diyos na Jehova, hindi ko po alam kung pakikinggan ninyo ang panalangin ko, pero . . . ’” Pakiramdam ng ilang nagkasala o muling nadaig ng kahinaan ay nahaharangan ng ‘ulap’ ang panalangin nila. (Panag. 3:44) Ang ilan ay waring binabangungot pa rin ng alaala ng nagawa nilang kasalanan kahit maraming taon na ang nakalipas. Maging ang mga huwarang Kristiyano ay nakapagbibitiw ng mga salitang pinagsisisihan nila.​—Sant. 3:5-10.

      7 Walang sinuman sa atin ang makapagsasabing hindi tayo magkakasala. (1 Cor. 10:12) Kahit si Pablo ay umaming nagkakasala siya. (Basahin ang Roma 7:21-25.) Kung gayon, dapat nating isipin ang bagong tipan. Nangako ang Diyos, salig sa bagong tipan, na hindi na niya aalalahanin pa ang mga kasalanan. Walang kapantay na pagpapala nga! Tiyak na naantig si Jeremias nang ihula niya iyan. At ganiyan din tayo habang nadaragdagan ang alam natin tungkol sa bagong tipan at sa pakinabang na idudulot nito.

  • Makikinabang Ka sa Bagong Tipan
    Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias
    • 8, 9. Ano ang isinakripisyo ni Jehova para maging posible ang kapatawaran ng kasalanan?

      8 Habang higit mong nakikilala si Jehova, lalo mong makikita ang kaniyang kabaitan at awa sa mga taong di-sakdal. (Awit 103:13, 14) Nang ihula ang bagong tipan, idiniin ni Jeremias na ‘patatawarin ni Jehova ang kanilang kamalian’ at hindi na ito aalalahanin pa. (Jer. 31:34) Nakikini-kinita mo siguro si Jeremias na nagtataka kung paano isasagawa ng Diyos ang gayong kapatawaran. Pero ang naintindihan niya tungkol sa bagong tipan ay gagawa ang Diyos ng kasunduan, o kontrata, sa pagitan Niya at ng mga tao. Sa paanuman, gagamitin ni Jehova ang tipang iyan para isakatuparan ang ipinasulat niya kay Jeremias, kasama na ang pagpapatawad. Sa takdang panahon pa sasabihin ng Diyos ang iba pang detalye tungkol sa layunin niya, pati ang tungkol sa gagawin ng Mesiyas.

      9 May alam ka sigurong mga magulang na pinapalaking spoiled ang mga anak nila. Sa tingin mo ba, ganoon si Jehova? Aba hindi! Isaalang-alang kung paano ipinatupad ang bagong tipan. Sa halip na basta kanselahin ang kasalanan, buong-katapatang sinunod ng Diyos ang sarili niyang pamantayan ng katarungan sa pamamagitan ng paglalaan ng legal na basehan para magpatawad​—kahit mangahulugan pa ito ng napakalaking sakripisyo sa kaniya. Para maunawaan mo ito, tingnan natin ang isinulat ni Pablo. (Basahin ang Hebreo 9:15, 22, 28.) Binanggit ni Pablo ang ‘pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos’ at sinabing “malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” Pero hindi ito paghahain ng dugo ng mga toro at kambing gaya noon. Ang bagong tipan ay salig sa dugo ni Jesus. Dahil sa sakdal na haing iyan, ang ‘kamalian at kasalanan’ ay permanenteng mapapatawad ni Jehova. (Gawa 2:38; 3:19) Pero sino ang kabilang sa tipang ito na tatanggap ng kapatawaran? Hindi ang bansang Judio. Sinabi ni Jesus na itatakwil ng Diyos ang mga Judio​—ang mga naghandog ng hayop sa ilalim ng Kautusan. Babaling Siya sa ibang bansa. (Mat. 21:43; Gawa 3:13-15) Iyon ay ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu. Sa madaling salita, ang tipang Kautusan ay sa pagitan ni Jehova at ng likas na Israel, samantalang ang bagong tipan ay sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel, at si Jesus ang Tagapamagitan.​—Gal. 6:16; Roma 9:6.

      Larawan sa pahina 172

      10. (a) Sino ang “sibol” para kay David? (b) Paano makikinabang sa “sibol” ang mga tao?

      10 Inilarawan ni Jeremias ang ipinangakong Isa, ang Mesiyas, bilang “sibol” para kay David. Angkop naman iyon. Noong propeta si Jeremias, naputol na parang punungkahoy ang pamamahala ng angkan ni David. Pero buháy pa ang tuod nito. Nang maglaon, isinilang si Jesus, inapo ni Haring David. Tinawag siyang “Si Jehova ang Ating Katuwiran,” na katibayang mahalaga sa Diyos ang katuwiran. (Basahin ang Jeremias 23:5, 6.) Pumayag si Jehova na magdusa at mamatay dito sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak. At kaayon ng katarungan, ang halaga ng haing pantubos ng “sibol” ay gagamitin ngayon ng Diyos bilang saligan ng pagpapatawad. (Jer. 33:15) Naging daan ito upang ang ilang tao ay maipahayag na “matuwid para sa buhay,” mapahiran ng banal na espiritu, at mapabilang sa bagong tipan. Pero may iba pang makikinabang sa bagong tipan kahit hindi sila tuwirang kabilang dito, gaya ng makikita natin.​—Roma 5:18.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share