-
BabilonyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa ilalim ng panunupil ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya, ang Babilonya ay nasangkot sa iba’t ibang pakikipaglaban at paghihimagsik. Pagkatapos, nang humina ang ikalawang imperyong pandaigdig, nagtatag ang Caldeong si Nabopolassar ng isang bagong dinastiya sa Babilonya noong mga 645 B.C.E. Ang kaniyang anak na si Nabucodonosor II, na tumapos sa pagsasauli at nagdala sa lunsod sa tugatog ng kaluwalhatian nito, ay naghambog, “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo?” (Dan 4:30) Taglay ang gayong kaluwalhatian, nanatili itong kabisera ng ikatlong kapangyarihang pandaigdig hanggang noong gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. (kalendaryong Gregorian), nang bumagsak ang Babilonya sa harap ng sumasalakay na mga hukbong Medo-Persiano sa ilalim ng pangunguna ni Cirong Dakila.
Noong kapaha-pahamak na gabing iyon sa lunsod ng Babilonya, nagdaos si Belsasar ng isang piging kasama ang isang libo sa kaniyang mga taong mahal. Wala roon si Nabonido upang makita ang nagbababalang sulat sa palitada ng pader: “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN.” (Dan 5:5-28) Nanganlong siya sa lunsod ng Borsippa sa dakong TK nang matalo siya sa mga kamay ng mga Persiano. Ang propeta ni Jehova na si Daniel ay nasa Babilonya nang gabing iyon ng Oktubre 5, 539 B.C.E., at ipinabatid niya ang kahulugan ng sulat sa pader. Ang mga tauhan sa hukbo ni Ciro ay hindi natutulog sa kanilang kampamento sa palibot ng waring di-maigugupong mga pader ng Babilonya. Para sa kanila, napakamagawain ng gabing iyon. Isang napakahusay na estratehiya ang isinagawa ng mga inhinyerong panghukbo ni Ciro nang ilihis nila ang daloy ng malaking Ilog Eufrates mula sa lunsod ng Babilonya. Pagkatapos ay lumusong ang mga Persiano sa pinakasahig ng ilog, umahon sa mga pampang nito, at pumasok sa mga pintuang-daan sa kahabaan ng pantalan upang salakayin ang lunsod nang biglaan. Mabilis silang dumaan sa mga lansangan, pinagpapatay ang lahat ng lumalaban, binihag ang palasyo, at pinatay si Belsasar. Dito na nagwakas ang lahat. Sa isang gabi ay bumagsak ang Babilonya, sa gayo’y natapos ang maraming siglo ng Semitikong pangingibabaw; napasailalim ng kontrol ng mga Aryano ang Babilonya, at ang sinalita ni Jehova sa kaniyang hula ay natupad.—Isa 44:27; 45:1, 2; Jer 50:38; 51:30-32; tingnan ang LARAWAN, Tomo 2, p. 325; CIRO.
-