Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 3/22 kab. 3 p. 20-23
  • Ang Pagpupuno ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa Gitna ng mga Kaaway

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagpupuno ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa Gitna ng mga Kaaway
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Malaking Katuparan ng Awit 2
  • “Ang Anak ni David” Ay Iniluklok sa Langit
  • Ibinaba, ang Diyablo ay Nakikipagbaka
Gumising!—1987
g87 3/22 kab. 3 p. 20-23

Kabanata 3​—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”

Ang Pagpupuno ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa Gitna ng mga Kaaway

1, 2. (a) Anong mga tagubilin ang sinabi ni Jesu-Kristo sa isang pangkat ng kaniyang mga alagad? (b) Ito ba ay nangangahulugan ng pandaigdig na kombersiyon bago siya magpuno bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan”?

SANDALING panahon bago ang pag-akyat niya sa langit mahigit na 19 na siglo ang nakalipas, sinabi nang noo’y magiging “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo, ang mga tagubiling ito sa isang pangkat ng kaniyang tapat na mga alagad: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak at ng banal na espiritu . . . At, narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 28:19, 20.

2 Ang mga salita bang ito ni Jesus ay nangangahulugan ng pandaigdig na kombersiyon bago “ang katapusan ng sistema ng mga bagay” na nagsimula noong 1914? Hindi. Sa ngayon, malapit sa wakas ng ika-20 siglong ito, ang daigdig ng sangkatauhan ay nananatiling malayo sa pagiging komberte kay Jesu-Kristo bilang ang Tagapagligtas nito at matuwid na Hari. Gayunman, hindi nito inantala ang katuparan ng inihula ni Jehova sa mga hula sa Bibliya. Hindi kailanman layunin ng Diyos na ang buong daigdig ng sangkatauhan ay makomberte bago magsimula si Jesu-Kristo na magpuno bilang “Prinsipe ng Kapayapaan.” Kabaligtaran nito, siya ay inihulang magsisimulang magpuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway.

3. Paanong ang pagtukoy ni Jesus sa Awit 110 ay nagpapahiwatig na siya ay magpupuno sa gitna ng mga kaaway?

3 Kahit na nang narito pa siya sa lupa, batid ni Jesus ang bagay na ito. Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan bilang isang martir, siya ay nagkaroon ng isang pakikipagtalo sa kaniyang relihiyosong mga mananalansang at tinukoy niya ang Awit 110. Mababasa natin ang tungkol dito sa Lucas 20:41-44: “At kaniyang sinabi sa kanila: ‘Paanong sinasabi nila na ang Kristo ay anak ni David? Sapagkat si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon, Maupo ka sa aking kanan hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.” Dahil dito’y tinatawag siyang “Panginoon” ni David; at paanong siya’y anak niya?’”

4-6. (a) Paanong ang Awit 2 ay nagpapahiwatig din naman na si Jesus ay hindi kailangang maghintay ng pandaigdig na kombersiyon bago simulan ang kaniyang pagpupuno bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan”? (b) Kailan natupad ang Awit 2:7?

4 Maliwanag, kung gayon, si Jesu-Kristo, bilang ang Anak ni David, ay hindi magsisimulang magpuno pagkatapos ng pandaigdig na kombersiyon. Bagkus, siya ay magsisimulang magpuno sa gitna ng mga kaaway na sa pamamagitan ng pakikipagbaka ay sa dakong huli gagawin ng Diyos na Jehova na tuntungan ng paa ng kaniyang iniluklok na Anak. Sa gayunding paraan ipinakikita ng Awit 2, sa sumusunod na mga pananalita, ang pasimula ng kaniyang pagpupuno bilang ang “Prinsipe ng Kapayapaan” sa gitna ng mga kaaway:

5 “Bakit ang mga bansa ay nagugulo at ang mga bayan ay nagbububulong ng walang kabuluhang bagay? Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda at ang matataas na pinuno ay nagsasanggunian laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahiran [ang kaniyang Kristo], na nagsasabi: ‘Lagutin natin ang kanilang tali at ating iwaksi sa atin ang kanilang mga panali!’ Siyang nakaupo sa kalangitan ay magtatawa; sila’y kukutyain ni Jehova. Sa panahong iyon ay magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot at babagabagin sila sa kaniyang kagalitan, na nagsasabi: ‘Ako, samakatuwid baga’y ako, ang nagluklok sa aking hari sa Sion, na aking banal na bundok.’

6 “Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya ni Jehova; kaniyang sinabi sa akin [kay Kristo]: ‘Ikaw ang aking anak; ako, sa araw na ito, ay naging ama mo. [Ang Awit 2:7 ay natupad nang buhaying-muli ni Jehova ang kaniyang Anak mula sa mga patay, sa gayon ay nagiging walang hanggang Ama kay Jesus. (Roma 1:4)] Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinaka-mana at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinaka-pag-aari. Sila’y iyong babaliin ng isang pamalong bakal, iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalayok.’ Ngayon nga’y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari; mangatuto kayo, Oh kayong mga hukom sa lupa. Kayo’y maglingkod kay Jehova nang may takot, at magalak na may panginginig. Hagkan ninyo ang anak, baka magalit Siya at kayo’y mapahamak sa daan, sapagkat ang kaniyang poot ay madaling mag-alab. Maliligaya ang nanganganlong sa kaniya.”

7. Anong pagtukoy sa Awit 2 ang ginawa ng mga apostol ni Jesu-Kristo pagkatapos ng araw ng Pentecostes?

7 Sang-ayon sa Gawa 4:24-27, binanggit ng mga apostol ni Jesu-Kristo ang ikalawang awit na ito pagkatapos ng araw ng Pentecostes, 33 C.E.: “Nagkakaisang itinaas nila ang kanilang tinig sa Diyos at nagsabi: ‘Soberanong Panginoon, ikaw ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at lahat ng bagay na narito, at siyang sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nagsabi sa pamamagitan ng bibig ng aming ninunong si David, na iyong lingkod, “Bakit nagugulo ang mga bansa at ang mga bayan ay nagsisihaka ng walang kabuluhan? Ang mga hari sa lupa ay nagsitindig at ang mga pinuno ay nagpisang nagkakaisa laban kay Jehova at laban sa kaniyang pinahirang isa.” Samakatuwid nga, kapuwa si Herodes at si Poncio Pilato na kasama ang mga lalaki ng mga bansa at ang mga bayan ng Israel ay aktuwal na nagpisang sama-sama sa lunsod na ito laban sa iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran.’”

Malaking Katuparan ng Awit 2

8. (a) Kailan naganap ang unang katuparan ng Awit 2:1, 2? (b) Sapol kailan nagaganap ang malaking katuparan ng Awit 2?

8 Nakita ng taon 33 ng unang siglo ang unang katuparan ng makahulang mga salitang iyon ng Awit 2:1, 2. Ito’y may kaugnayan sa taong si Kristo Jesus dito sa lupa. Siya ay pinahiran ng banal na espiritu ni Jehova sa panahon ng kaniyang bautismo sa pamamagitan ni Juan na Tagapagbautismo. Subalit ang malaking katuparan ng Awit 2 ay nagaganap sapol nang wakas ng mga Panahong Gentil noong taóng 1914. (Lucas 21:24) Napatunayan nang husto na “ang itinakdang panahon ng mga bansa,” na nagsimula sa unang pagkawasak ng lunsod ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ay nagwakas noong taóng 1914.a Pagkatapos ay tumunog ang agunyas para sa mga bansa ng sanlibutang ito, kasama na yaong sa Sangkakristiyanuhan.

9. Ano ang nangyari sa unang pagkawasak ng Jerusalem may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos na kinakatawan ng maharlikang linya ni Haring David?

9 Sa unang pagkawasak ng Jerusalem, ng mga taga-Babilonya, ang Kaharian ng Diyos na Jehova sa bansa ng Israel, na kinakatawan ng maharlikang linya ni Haring David ay nagwakas. Mula noon, ang likas na mga Judio ay hindi nagkaroon ng isang hari na nagpuno sa kanila mula sa linya ng maharlikang sambahayan ni David. Subalit ang Kaharian ng Kataas-taasang Diyos sa mga kamay ng isang inapo ni David, kung kanino nakipagtipan si Jehova para sa isang walang hanggang Kaharian sa kaniyang linya, ay hindi mahahandusay sa lupa magpakailanman.

10, 11. (a) Ano ang ipinasabi ng Diyos sa kaniyang propetang si Ezekiel kung tungkol sa trono ni David? (b) Sino ang dumating na may “legal na karapatan” sa trono ni David? (c) Ano ang sinabi ng pulutong na mga Judio nang iharap niya ang kaniyang sarili bilang ang legal na tagapagmana?

10 Sa hari ng sinaunang Jerusalem, sandaling panahon bago ang unang pagkawasak nito, pinangyari ni Jehova ang kaniyang propetang si Ezekiel na sabihin ang mga salitang ito: “At ikaw, Oh masama na nasugatan ng ikamamatay, na prinsipe sa Israel, na ang kaarawan ay dumating sa panahon ng parusang pinakawakas, ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘Ilapag mo ang turbante, at alisin mo ang korona. Ito’y hindi na mangyayari pa uli. Itaas mo ang mababa, at ibaba mo ang mataas. Aking ititiwarik, ititiwarik, ititiwarik. Ito rin nama’y hindi na mangyayari uli, hanggang sa dumating yaong may legal na karapatan, at aking ibibigay ito sa kaniya.’”​—Ezekiel 21:25-27.

11 Ang isa na may “legal na karapatan” ay dumating sa katauhan ni Jesu-Kristo, at ang kaniyang linya ng pinagmulan kay David ay nakaulat sa Mateo 1:1-16 at Lucas 3:23-31. Siya ay karaniwang tinutukoy bilang “ang Anak ni David.” Noong araw ng kaniyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem, sakay ng isang asno bilang katuparan ng hula, ang nagbubunying pulutong ng mga Judio na sumama sa kaniya at sa kaniyang mga apostol ay masayang nagsisigawan: “Iligtas, aming isinasamo, ang Anak ni David! Purihin siya na pumaparito sa pangalan ni Jehova! Iligtas siya, aming isinasamo, sa kaataas-taasan!”​—Mateo 21:9.

“Ang Anak ni David” Ay Iniluklok sa Langit

12. Nang ang mga Panahong Gentil ay nagwakas noong 1914, saan iniluklok si Jesu-Kristo, bilang ang permanenteng tagapagmana ni David?

12 Ang 2,520 taon ng pagyurak ng mga Gentil sa Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng sambahayan ni David ay nagwakas noong 1914. Pagkatapos dumating ang panahon para si Jesu-Kristo, “ang Anak ni David,” ay iluklok, hindi rito sa isang makalupang trono, kundi sa kataas-taasang mga langit sa kanang kamay ng Diyos na Jehova!​—Daniel 7:9, 10, 13, 14.

13. (a) Mula pa kailan itinuro ang taóng 1914 bilang ang wakas ng mga Panahong Gentil, at sa pamamagitan nino? (b) Ano ang saloobin ng mga bansa sa lupa sa bagong kaluluklok na “Anak ni David”?

13 Ang mahalagang petsang iyan ay itinuro na sapol pa noong 1876 niyaong mga nauugnay sa Watch Tower Bible and Tract Society. Subalit ang mga bansa sa lupa, maging yaong sa Sangkakristiyanuhan ay tumangging kilalanin ito bilang ang panahon para sa kanila na isuko ang kanilang makalupang mga pagkasoberano sa bagong kaluluklok na “Anak ni David.” Hindi nila kinilala na tangan niya ang bigay-Diyos na karapatan sa pamamahala sa buong lupa, na siyang tuntungan ng paa ng Diyos na Jehova. (Mateo 5:35) Ipinakita nila ang kanilang maalab na pagtanggi sa may karapatang Hari sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa unang digmaang pandaigdig.

14. (a) Sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I, anong saloobin ang ipinakita ng mga bansa sa mga Kristiyanong iyon na nauugnay sa Samahang Watch Tower? (b) Dahil dito, ano ang kahulugan ng pandaigdig na kalagayan?

14 Sa lahat ng naglalabang mga bansa, ang nag-alay na mga Kristiyano na kaugnay sa Samahang Watch Tower ay napasailalim ng matinding panggigipit na talikdan ang kanilang pasiya na manatiling malinis mula sa kasalanan ng dugo. Hindi nila lubusang nauunawaan noon ang kahilingan para sa Kristiyanong neutralidad. Ang hula ng “Anak ni David,” si Jesu-Kristo, sa kaniyang mga alagad tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” ay nagkatotoo: “Kayo’y kapopootan ng lahat ng bansa dahil sa aking pangalan.” (Mateo 24:9) Ang pagkapoot na ito ay hindi nabawasan sapol nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig I. Dahilan sa makahulugang mga katotohanang ito ng makabagong kasaysayan, ano ang kahulugan ng pandaigdig na kalagayan? Ito: Ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay nagpupuno sa gitna ng mga kaaway na narito mismo sa lupa!

15. Ano ang nangyari kay Satanas na Diyablo at sa kaniyang mga kampong demonyo nang sumiklab ang digmaan sa langit, at sa anong taon lubusang naganap ang mga resulta?

15 Pinangyari ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang pagsilang ng ipinangakong Mesianikong Kaharian sa kaniyang itinakdang panahon sa kabila ng lahat ng nakaabang na mga kaaway sa langit at sa lupa. Ipinakikita ng Apocalipsis 12:1-9 na pagkatapos isilang ang ‘anak na lalaki’ na Kaharian sa mga langit mula sa bahay-bata ng tulad-asawang organisasyon ni Jehova, biglang sumiklab ang digmaan sa langit mismo. Ang banal na mga langit ay hindi na siyang dako para sa simbolikong dragon, si Satanas na Diyablo, at ng kaniyang mga anghel na demonyo. Sa digmaang ito, na di-nakikita ng mata ng tao, ang maharlikang binigyan ng kapangyarihang “Anak ni David” ay matagumpay na nakipagbaka at pinalayas si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga kampong demonyo mula sa mga langit at ikinulong sila sa kapaligiran ng ating makalupang globo. Ang paghahagis na ito sa mga hukbo ni Satanas ay maliwanag na lubusang natapos noong 1918, ang taon nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig I.

Ibinaba, ang Diyablo ay Nakikipagbaka

16, 17. (a) Laban kanino nakipagdigma ang ibinabang si Satanas na Diyablo? (b) Sino ang ginagamit niya upang isagawa ang pakikipagbakang ito?

16 Ang ibinabang si Satanas na Diyablo, ang simbolikong dragon, ay lalo na ngayong galit na galit sa tulad-asawang organisasyon ng Diyos na Jehova. (Apocalipsis 12:17) Kaya siya ay galit na galit na nakikipagbaka sa inianak-sa-espiritung nalabi ng nag-alay na mga Kristiyano na nagpapatunay na ang tulad-asawang organisasyon ni Jehova ang kanilang espirituwal na ina.​—Galacia 4:26.

17 Si Satanas ay nakikipagbaka rin sa “ibang tupa,” na masunuring gumagawa na kasama ng pinahirang nalabi sa pagpapatotoo sa pagsilang ng Kaharian. (Juan 10:16) Hindi lamang niya ginagamit ang kaniyang ibinabang mga puwersa ng demonyo, na ngayo’y nasa kapaligiran ng lupa, kundi ginagamit din niya ang nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon upang makipagbaka laban sa nalabi at sa “ibang tupa.”

18. (a) Bagaman ang Diyablo ay galit na galit na nakikipagbaka laban sa pinahirang nalabi at sa kanilang mga kasama, anong puwersang pananggalang mayroon sila? (b) Anong bahagi ng pagpupuno ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ang nalalapit na sa wakas nito?

18 Ang pagpupuno ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa gitna ng kaniyang mga kaaway dito sa lupa ay malapit nang matapos. Napakahusay na pinangalagaan niya ang kalagayan. Araw at gabi ang kaniyang matapat at banal na mga anghel ay nakabantay, handang tumanggap ng maharlikang utos mula sa kaniya at kumilos ayon sa kaniyang pag-uutos. Sila’y nagsisilbi bilang isang puwersang pananggalang para sa pinahirang nalabi at sa kanilang mga kasama, ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa,” habang ang mga ito ay patuloy na naglilingkod sa mga kapakanan ng Kaharian sa mabilis-nauubos na panahong ito kung kailan ang “Prinsipe ng Kapayapaan” ay nagpupuno sa gitna ng kaniyang mga kaaway.​—Apocalipsis 7:9.

[Talababa]

a Para sa mga detalye, tingnan ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, pahina 138-41, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share