-
Ehipto, EhipsiyoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Inihula sa Ezekiel 29:1-16 ang pagkatiwangwang ng Ehipto na tatagal nang 40 taon. Maaaring naganap ito matapos lupigin ni Nabucodonosor ang Ehipto. Bagaman binabanggit ng ilang komentaryo na ang paghahari ni Amasis (Ahmose) II, kahalili ni Hopra, ay naging napakasagana sa loob ng mahigit 40 taon, ito’y pangunahin nang batay sa testimonyo ni Herodotus, na dumalaw sa Ehipto pagkaraan ng mahigit pa sa isang daang taon. Ngunit gaya nga ng sinabi sa Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 62) tungkol sa kasaysayang isinulat ni Herodotus hinggil sa yugtong ito (ang “Yugtong Saitico”): “Ang kaniyang salaysay ay hindi lubusang mapananaligan kung susuriin batay sa kakaunting katibayan mula sa lugar na iyon.” Ang Bible Commentary ni F. C. Cook, matapos itawag-pansin na hindi man lamang binanggit ni Herodotus ang pagsalakay ni Nabucodonosor sa Ehipto, ay nagsabi: “Maraming nakaaalam na si Herodotus, bagaman tapat niyang iniulat ang lahat ng kaniyang narinig at nakita sa Ehipto, ay kumuha ng kaniyang impormasyon hinggil sa nakalipas na kasaysayan sa mga saserdoteng Ehipsiyo, na ang mga salaysay ay basta na lamang niya tinanggap. . . . Ang buong kuwento [ni Herodotus] tungkol kina Apries [Hopra] at Amasis ay hinaluan ng napakaraming impormasyon na nagkakasalungatan at maalamat anupat mas mabuti na huwag natin itong tanggapin agad bilang tunay na kasaysayan. Hindi naman talaga kataka-taka na sisikapin ng mga saserdote na pagtakpan ang kasiraang-puri ng bansa nang mapasailalim ito sa pamatok ng mga banyaga.” (Nota B., p. 132) Dahil dito, bagaman ang sekular na kasaysayan ay walang inilalaang malinaw na katibayan na natupad ang hulang iyon, makapagtitiwala tayo na tumpak ang ulat ng Bibliya.
-
-
Ehipto, EhipsiyoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa ilalim ng pamamahala ng Gresya at Roma. Ang Ehipto ay patuloy na pinamahalaan ng Persia hanggang noong sakupin ito ni Alejandrong Dakila noong 332 B.C.E., na diumano’y pinalalaya ang Ehipto mula sa pamatok ng Persia ngunit lubusan namang winawakasan ang pamamahala ng mga Paraon na katutubong Ehipsiyo. Ang makapangyarihang Ehipto ay talagang naging “isang mababang kaharian.”—Eze 29:14, 15.
-