Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Kikilos Ako Laban sa Iyo, O Gog”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
    • Ang “Lupain”—Ano Ito?

      11. Paano inilalarawan sa hula ni Ezekiel ang “lupain” na lulusubin ni Gog?

      11 Gaya ng nalaman natin sa parapo 3, lulusubin ni Gog ng Magog ang lupain na napakahalaga kay Jehova kaya sisiklab ang matinding galit Niya. Anong lupain ito? Balikan natin ang hula ni Ezekiel. (Basahin ang Ezekiel 38:8-12.) Sinasabi rito na “lulusubin [ni Gog] ang lupain ng bayan na naibalik” at “tinipon mula sa ibang bansa.” Pansinin din ang sinasabi nito tungkol sa mga nakatira sa lupaing iyon: “Naninirahan [sila] nang panatag”; ang tinitirhan nila ay “walang pader, halang, o pintuang-daan”; at “lumalaki ang yaman” nila. Iyon ang lupain kung saan naninirahan ang tunay na mga mananamba ni Jehova sa buong lupa. Paano natin malalaman kung ano ang lupaing iyon?

      12. Anong pagbabalik ang nangyari sa lupain ng sinaunang Israel?

      12 Suriin natin ang pagbabalik na nangyari sa sinaunang Israel, ang lupain kung saan maraming siglong nanirahan, nagtrabaho, at sumamba ang piniling bayan ng Diyos. Nang maging di-tapat ang mga Israelita, inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel na mawawasak at magiging tiwangwang ang lupain nila. (Ezek. 33:27-29) Pero inihula rin ni Jehova na isang grupo ng mga nagsisisi ang palalayain mula sa Babilonya at ibabalik nila ang dalisay na pagsamba sa lupain. Pagpapalain sila ni Jehova, at ang lupain ng Israel ay magiging “gaya ng hardin ng Eden.” (Ezek. 36:34-36) Nangyari iyan mula noong 537 B.C.E. nang umuwi sa Jerusalem ang mga Judio para ibalik ang tunay na pagsamba sa lupain nila.

      13, 14. (a) Ano ang espirituwal na lupain? (b) Bakit napakahalaga ng lupaing ito kay Jehova?

      13 Sa panahon natin, isang katulad na pagbabalik ang naranasan ng tunay na mga mananamba ng Diyos. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 9, nakalaya na noong 1919 ang bayan ng Diyos mula sa matagal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila. Nang taóng iyon, dinala ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa isang espirituwal na lupain. Ang lupaing iyan ay ang espirituwal na paraiso—ang kalagayan ng pagiging panatag at sagana sa espirituwal ng mga sumasamba sa tunay na Diyos. Sa lupaing ito, namumuhay tayo nang panatag at may kapayapaan ng isip at puso. (Kaw. 1:33) Sagana tayo sa espirituwal na pagkain, at marami tayong ginagawa sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Sumasang-ayon tayo sa kawikaang ito: “Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw. 10:22) Nasaan man tayo sa mundo, naninirahan tayo sa espirituwal na paraiso hangga’t aktibo nating sinusuportahan ang dalisay na pagsamba sa salita at sa gawa.

      14 Napakahalaga ng espirituwal na lupaing ito kay Jehova. Bakit? Para sa kaniya, ang mga naninirahan dito ay “ang kayamanan ng lahat ng bansa,” ang mga taong inilapit niya sa dalisay na pagsamba. (Hag. 2:7; Juan 6:44) Sinisikap nilang isuot ang bagong personalidad, at tinutularan nila ang magagandang katangian ng Diyos. (Efe. 4:23, 24; 5:1, 2) Bilang tunay na mga mananamba, ginagawa nila ang buong makakaya nila sa paglilingkod sa kaniya para maluwalhati siya at mapatunayan na talagang mahal nila siya. (Roma 12:1, 2; 1 Juan 5:3) Siguradong masayang-masaya si Jehova kapag nakikita niyang sinisikap ng mga mananamba niya na pagandahin ang espirituwal na lupain. Isipin ito: Kung gagawin mong priyoridad ang dalisay na pagsamba, hindi mo lang mapagaganda ang espirituwal na paraiso—mapapasaya mo rin ang puso ni Jehova!—Kaw. 27:11.

      Ang mga naninirahan sa espirituwal na paraiso ay nagtitipon, nagmamantini ng mga lugar ng pagsamba, nananalangin para sa tulong ng Diyos, at sumusuporta sa isa’t isa

      Nasaan man tayo sa mundo, naninirahan tayo sa espirituwal na lupain hangga’t aktibo nating itinataguyod ang dalisay na pagsamba (Tingnan ang parapo 13, 14)

  • “Kikilos Ako Laban sa Iyo, O Gog”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
    • 16 Kailan lulusubin ni Gog ng Magog ang ating ibinalik na espirituwal na lupain? Ito ang sagot ng hula: “Sa huling bahagi ng mga taon, lulusubin mo ang lupain.” (Ezek. 38:8) Ipinapahiwatig nito na mangyayari ang paglusob kapag malapit na ang wakas ng sistemang ito. Tandaan na ang malaking kapighatian ay magsisimula sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Matapos ang pagkapuksa ng mga relihiyosong organisasyon at bago magsimula ang Armagedon, isasagawa ni Gog ang kaniyang pinakamatindi at huling pagsalakay sa tunay na mga mananamba.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share