-
Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
20. Anong apat na pangitain ang iniuulat hinggil sa mga kapangyarihang pandaigdig, at bakit nagpapatibay-pananampalataya ang pagrerepaso nito sa ngayon?
20 Nagpapasigla at nagpapatitibay-pananampalataya ang pagrerepaso sa mga pangitain ni Daniel. Nariyan ang apat na pangitain ng mga kapangyarihang pandaigdig: (1) ang kakila-kilabot na imahen na ang ulong ginto ay kumatawan sa dinastiya ng mga haring Babiloniko pasimula kay Nabukodonosor na sinundan ng tatlong kaharian na inilarawan ng ibang bahagi ng imahen. Ito ang mga kaharian na dinurog ng “bato,” na naging “isang kaharian na hindi magigiba kailanman,” ang Kaharian ng Diyos. (2:31-45) (2) Sumunod ang sariling mga pangitain ni Daniel, ang una ay ang apat na hayop na kumatawan sa “apat na hari.” Ito ang leon, ang oso, ang leopardo na may apat na ulo, at isang hayop na may malalaking ngiping bakal, sampung sungay, at nang maglao’y isang maliit na sungay. (7:1-8, 17-28) (3) Sumunod ang pangitain ng tupang lalaki (Medo-Persya), ang kambing na lalaki (Gresya), at ang maliit na sungay. (8:1-27) (4) Sa wakas ay ang pangitain ng hari ng timog at hari ng hilaga. Wastong inilalarawan ng Daniel 11:5-9 ang alitan ng mga sangang Ehipsiyo at Seleucid ng Imperyo ng Gresya pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C.E. Mula sa 11 talata 20 tinatalunton ng hula ang sunud-sunod na mga bansa sa timog at hilaga. Ayon sa pagtukoy ni Jesus sa “kasuklam-suklam na bagay na lumilikha ng kagibaan” (11:31) bilang tanda ng kaniyang pagkanaririto, patuloy ang alitan ng dalawang hari hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Nakakaaliw ang katiyakan na sa “panahon ng kabagabagan na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon,” titindig si Miguel upang alisin ang balakyot na mga bansa at upang magdulot ng kapayapaan sa masunuring sangkatauhan!—Dan. 11:20–12:1.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
23. (a) Papaano idiniriin ang pag-asa ng Kaharian sa buong Daniel? (b) Sa anong gawain tayo pinasisigla ng aklat na ito ng hula?
23 Ang pag-asa sa Kaharian ay idinidiin ng aklat sa paraang nagpapatibay-pananampalataya! Ipinakikita ang Diyos na Jehova bilang Kataas-taasang Soberano na ang Kaharian ay hindi kailanman magigiba at na dudurog sa lahat ng ibang kaharian. (2:19-23, 44; 4:25) Maging ang mga paganong haring Nabukodonosor at Dario ay napilitang kumilala sa pagiging-kataastaasan ni Jehova. (3:28, 29; 4:2, 3, 37; 6:25-27) Siya ang dinadakila at niluluwalhati bilang Matanda sa mga Araw na magpapasiya sa isyu ng Kaharian at magkakaloob sa “anak ng tao” ng “kapangyarihan at karangalan at isang kaharian, upang ang mga bayan, bansa at wika ay maglingkod sa kaniya.” Ang “mga banal ng Kataas-taasan” ay makikibahagi kay Kristo Jesus, “ang Anak ng tao,” sa Kaharian. (Dan. 7:13, 14, 18, 22; Mat. 24:30; Apoc. 14:14) Siya si Miguel, dakilang prinsipe na hahawak ng kapangyarihan ng Kaharian upang durugin at wakasan ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. (Dan. 12:1; 2:44; Mat. 24:3, 21; Apoc. 12:7-10) Ang mga hula at pangitaing ito ay dapat magpasigla sa mga umiibig sa katuwiran na kumilos at magparoo’t- parito sa mga pahina ng Salita ng Diyos upang matuklasan ang tunay na “kamangha-manghang mga bagay” ng layunin ng Kaharian Diyos na isinisiwalat ng kinasihan at kapaki-pakinabang na aklat ni Daniel.—Dan. 12:2, 3, 6.
-