-
Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
4, 5. Papaano napabulaanan ng arkeolohiya ang pag-aangkin ng maseselang na tagapuna hinggil kay Daniel?
4 Bagaman ang pagka-makasaysayan ng Daniel ay kinukuwestiyon ng maseselang na tagapuna sa Bibliya, ang pag-aangkin nila ay ganap nang napabulaanan ng arkeolohiya. Halimbawa, kinutya ng mga kritiko ang pagsasabi ni Daniel na si Belsasar ay hari sa Babilonya nang si Nabonido ang siyang ipinalalagay na pinunò. (Dan. 5:1) Napatunayan ng arkeolohiya na si Belsasar ay tunay na persona at na siya’y kasabay ni Nabonido na naghari sa huling mga taon ng Imperyo ng Babilonya. Halimbawa, ang sinaunang tekstong cuneiform na “Verse Account of Nabonidus” ay tumitiyak sa maharlikang autoridad ni Belsasar sa Babilonya at ipinaliliwanag nito kung papaano siya nakasabay ni Nabonido bilang hari.b May iba pang ebidensiyang cuneiform na nagpapatotoong si Belsasar ay humawak ng maharlikang mga tungkulin. Nasa isang sulatang-putik mula sa ika-12 taon ni Nabonido ang panata na ginawa sa pangalan ni Nabonido, ang hari, at ni Belsasar, anak ng hari, na nagpapakita na si Belsasar ay ka-ranggo ng kaniyang ama.c Mahalaga rin ito sa pag-unawa sa alok ni Belsasar kay Daniel na maging “ikatlo sa kaharian” kung maipaliliwanag nito ang sulat-kamay sa pader. Si Nabonido ang itinuturing na una, si Belsasar ang pangalawa, at si Daniel ang itatanghal na ikatlong tagapamahala. (5:16, 29) Ayon sa isang mananaliksik: “Ang papel ni Belsasar ay nililiwanag ng mga cuneiform anupat buong-linaw na nahahayag ang kaniyang dako sa kasaysayan. Makikita sa maraming teksto na sina Belsasar at Nabonido ay halos pantay sa posisyon at prestihiyo. Kinikilala na ngayon ang pag-iral ng tambalang paghahari sa kalakhan ng huling bahagi ng Neo-Babilonikong panahon. Humawak si Nabonido ng kataas-taasang autoridad sa kaniyang palasyo sa Tema sa Arabya, at si Belsasar ay tumayong katuwang-na-hari sa Babilonya bilang sentro ng kapangyarihan. Maliwanag na si Belsasar ay hindi isang mahinang kinatawan; ipinagkatiwala sa kaniya ‘ang paghahari.’ ”d
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
11. Sa gitna ng anong kahalayan nakita ni Belsasar ang makahulang sulat-kamay, papaano ito ipinaliwanag ni Daniel, at papaano ito natupad?
11 Ang piging ni Belsasar: ipinaliwanag ang sulat-kamay (5:1-31). Yaon ang makahulang gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. Si Haring Belsasar, anak ni Nabonido at katuwang na hari ng Babilonya, ay naghanda ng malaking piging para sa isang libo niyang tagapamahala. Ipinakuha ng lasing na hari ang mga sagradong ginto at pilak na sisidlan mula sa templo ni Jehova, at mula rito’y buong-kahalayan silang nag-inuman habang pinupuri ang kanilang mga paganong diyos. Biglang lumitaw ang isang kamay at sumulat ng lihim na mensahe sa dingding. Nasindak ang hari. Hindi ito mabigyang-kahulugan ng mga pantas. Sa wakas ay ipinasundo si Daniel. Inalok siya na maging pangatlo sa kaharian kung kaniyang mababasa at mabibigyan ng kahulugan ang sulat, ngunit tinanggihan ni Daniel ang mga kaloob ng hari. Ipinaliwanag niya ang sulat at ang kahulugan nito: “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN. . . . Binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan ito. . . . Tinimbang ka at nasumpungang kulang. . . . Hinati ang iyong kaharian at ibinigay sa mga Medo at Persyano.” (5:25-28) Nang gabi ring yaon ay napatay si Belsasar, at si Dario na Medo ang tumanggap ng kaharian.
-