-
Iniligtas Mula sa Bibig ng mga Leon!Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
-
-
7. Anong mungkahi ang ibinigay ng matataas na opisyal at ng mga satrapa sa hari, at sa anong paraan nila ginawa ito?
7 Si Dario ay nilapitan ng isang pangkat ng matataas na opisyal at ng mga satrapa na “pumaroon sa hari bilang isang pulutong.” Ang Aramaikong pananalita rito ay nangangahulugang isang dumadagundong na kaguluhan. Maliwanag, pinalilitaw ng mga lalaking ito na may ihaharap silang isang bagay kay Dario na kailangan niyang malaman kaagad. Maaaring sila’y nangatuwiran na malamang na hindi na niya pag-aalinlanganan ang kanilang mungkahi kung kanilang ihaharap ito taglay ang kombiksiyon at bilang isang bagay na nangangailangan ng karaka-rakang pagkilos. Kaya, tuwiran nilang tinukoy ang punto, sa pagsasabing: “Ang lahat ng matataas na opisyal sa kaharian, ang mga prepekto at ang mga satrapa, ang matataas na maharlikang opisyal at ang mga gobernador, ay nagsangguniang magkakasama upang magtibay ng isang maharlikang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na ang sinumang magsumamo sa alinmang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw malibang sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon.”a—Daniel 6:6, 7.
8. (a) Bakit nagustuhan ni Dario ang mungkahing batas? (b) Ano ang talagang motibo ng matataas na opisyal at ng mga satrapa?
8 Ang mga ulat ng kasaysayan ay nagpapatunay na karaniwan na para sa mga haring taga-Mesopotamia na malasin at sambahin bilang diyos. Kaya si Dario ay walang-pagsalang labis na nasiyahan sa mungkahing ito. Marahil ay nakita rin niya ang bentaha nito. Tandaan, para doon sa namumuhay sa Babilonya, si Dario ay isang banyaga at isang baguhan. Pagtitibayin ng bagong batas na ito ang kaniyang pagiging hari, at hihimukin nito ang karamihang naninirahan sa Babilonya na tahasang magpahayag ng kanilang katapatan at suporta sa bagong rehimen. Gayunman, sa pagmumungkahi ng bagong batas, ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay hindi nagmamalasakit sa kapakanan ng hari. Ang kanilang tunay na motibo ay upang siluin si Daniel, yamang nalalaman nila na ugali na niyang manalangin sa Diyos nang tatlong ulit sa isang araw sa harap ng nakabukas na mga bintana ng kaniyang silid-bubungan.
9. Bakit hindi lilikha ng problema ang bagong batas para sa karamihan ng mga di-Judio?
9 Ang paghihigpit bang ito sa pananalangin ay lilikha ng isang suliranin sa lahat ng relihiyosong komunidad sa Babilonya? Hindi naman, lalo na’t ang pagbabawal ay tatagal lamang ng isang buwan. Higit pa rito, iilan lamang sa mga di-Judio ang magsasabing ang pansamantalang pagbabaling ng kanilang pagsamba sa isang tao ay isang pakikipagkompromiso. Binanggit ng isang iskolar ng Bibliya: “Ang pagsamba sa hari ay hindi bagong bagay sa mga napaka-idolatrosong mga bansa; anupat nang hilingin sa mga taga-Babilonya na mag-ukol sa manlulupig—si Dario na Medo—ng pagsambang karapat-dapat sa isang diyos, sila’y madaling sumunod. Ang mga Judio lamang ang tumutol sa gayong pag-uutos.”
-
-
Iniligtas Mula sa Bibig ng mga Leon!Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
-
-
a Ang pagkakaroon ng “yungib ng mga leon” sa Babilonya ay sinusuportahan ng testimonyo ng sinaunang mga inskripsiyon na nagpapakita na ang mga pinunong taga-Silangan ay kadalasan nang may kulungan ng mababangis na hayop.
-