-
AlejandroKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
1. Si Alejandrong Dakila, anak ni Felipe II ng Macedonia at ng asawa nitong si Olympias, isinilang sa Pela noong 356 B.C.E. Bagaman hindi binanggit ang kaniyang pangalan sa Bibliya, ang pamamahala niya sa ikalimang imperyong pandaigdig ay inihula dalawang siglo bago ang kaniyang kapanganakan.—Dan 8:5-7, 20, 21.
Medalyang may ukit ng diumano’y wangis ni Alejandrong Dakila
Sa edad na mga 22, dalawang taon pagkaluklok niya sa trono kasunod ng pagpaslang sa kaniyang ama, humayo si Alejandro upang lupigin ang daigdig. (Dan 8:5) Inayos ng magiting na kabataang estratehistang ito ang kaniyang di-kalakihang hukbo sa dikit-dikit na mga hanay ng pormasyong phalanx, isang taktikang pinasimulan ng kaniyang ama at pinaghusay nang husto ni Alejandro.
Sa halip na tugisin ni Alejandro ang tumatakas na mga Persiano pagkatapos ng dalawang mahahalagang tagumpay sa Asia Minor (ang una ay sa Ilog Granicus at ang ikalawa ay sa Kapatagan ng Issus, kung saan isang napakalaking hukbong Persiano na tinatayang nasa kalahating milyon ang lubusang natalo), ibinaling niya ang kaniyang pansin sa pulong lunsod ng Tiro. Ilang siglo bago nito, inihula na ang mga pader, mga tore, mga bahay, at ang mismong alabok ng Tiro ay ihahagis sa dagat. (Eze 26:4, 12) Kaya naman naging makahulugan ang pagkuha ni Alejandro sa mga guho ng lunsod na nasa mismong kontinente na winasak ni Nabucodonosor ilang taon bago nito at ang paggamit niya ng mga iyon sa pagtatayo ng isang 800-m (0.5 mi) daanan patungo sa pulong lunsod. Noong Hulyo 332 B.C.E, winasak ng kaniyang hukbong-dagat at mga makinang pandigma ang mapagmapuring lunsod na iyon sa karagatan.
Sa kabilang dako, binuksan ng Jerusalem ang mga pintuang-daan nito bilang pagsuko, at ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, XI, 337 [viii, 5]), ipinakita kay Alejandro ang aklat ng hula ni Daniel, malamang na ang kabanata 8, kung saan binabanggit na isang makapangyarihang Griegong hari ang susupil at lulupig sa Imperyo ng Persia. Dahil dito ay hindi ginalaw ni Alejandro ang Jerusalem at nagpunta siya sa T patungong Ehipto, kung saan siya sinalubong bilang isang tagapagligtas. Doon ay itinatag niya ang lunsod ng Alejandria, ang sentro ng kaalaman kung saan ginawa ang Griegong Septuagint. Nang maglaon, nilisan ni Alejandro ang Ehipto at dumaan sa Palestina patungong S. Pagkatapos, kasama ang 47,000 kawal, nilupig niya ang isang pagkalaki-laki at muling-inorganisang hukbong Persiano malapit sa Gaugamela. Mabilis na naganap ang sumunod na mga pangyayari: Pinaslang si Dario III ng kaniyang dating mga kaibigan, sumuko ang Babilonya, at humayo si Alejandro upang kunin ang Susa at Persepolis. Mula roon ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang kampanya patungo sa India bago siya muling bumalik sa kanluran.
-