-
Sino ang Makatatayo Laban sa Prinsipe ng mga Prinsipe?Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
-
-
13. Ano ang tumubo sa isa sa apat na sungay, at paano ito kumilos?
13 Ang sumunod na bahagi ng pangitain ay may lawig na mahigit sa 2,200 taon, na ang katuparan nito ay umaabot hanggang sa makabagong panahon. Si Daniel ay sumulat: “Mula sa isa sa kanila [ang apat na sungay] ay may lumabas na isa pang sungay, na maliit, at ito ay patuloy na lumaking lubha tungo sa timog at tungo sa sikatan ng araw at tungo sa Kagayakan. At ito ay patuloy na lumaki hanggang umabot sa hukbo sa langit, anupat pinalaglag nito sa lupa ang ilan sa hukbo at ang ilan sa mga bituin, at niyurakan nito ang mga iyon. At lubha itong nagpalalo hanggang sa Prinsipe ng hukbo, at sa kaniya ay inalis ang palagiang handog, at ang tatag na dako ng kaniyang santuwaryo ay ibinagsak. At isang hukbo ang ibinigay sa kalaunan, kasama ang palagiang handog, dahil sa pagsalansang; at patuloy nitong inihahagis sa lupa ang katotohanan, at ito ay kumilos at nagtagumpay.”—Daniel 8:9-12.
14. Ano ang sinabi ni anghel Gabriel hinggil sa mga gawain ng makasagisag na maliit na sungay, at ano ang mangyayari sa sungay na iyon?
14 Bago natin maunawaan ang kahulugan ng mga salitang kasisipi pa lamang, kailangan nating magbigay-pansin sa anghel ng Diyos. Pagkatapos tukuyin ang pagsampa sa kapangyarihan ng apat na kaharian mula sa imperyo ni Alejandro, ang anghel na si Gabriel ay nagsabi: “Sa huling bahagi ng kanilang kaharian, habang ang mga mananalansang ay kumikilos tungo sa kalubusan, may tatayong isang hari na mabangis ang mukha at nakauunawa ng malalabong pananalita. At ang kaniyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa sarili niyang kapangyarihan. At sa kamangha-manghang paraan ay manggigiba siya, at siya ay tiyak na magtatagumpay at gagawa sa mabisang paraan. At ipapahamak nga niya ang mga makapangyarihan, gayundin ang bayan na binubuo ng mga banal. At ayon sa kaniyang kaunawaan ay tiyak na pagtatagumpayin din niya sa kaniyang kamay ang panlilinlang. At sa kaniyang puso ay lubhang magpapalalo siya, at sa panahon ng kalayaan sa alalahanin ay ipahahamak niya ang marami. At laban sa Prinsipe ng mga prinsipe ay tatayo siya, ngunit mawawasak siya na hindi sa pamamagitan ng kamay.”—Daniel 8:23-25.
-
-
Sino ang Makatatayo Laban sa Prinsipe ng mga Prinsipe?Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
-
-
NAGING DAKILA SA KAPANGYARIHAN ANG MALIIT NA SUNGAY
16. (a) Mula sa aling makasagisag na sungay nagmula ang maliit na sungay? (b) Paano naging ikaanim na kapangyarihang pandaigdig ang Roma sa hula ng Bibliya, subalit bakit hindi ito ang makasagisag na maliit na sungay?
16 Ayon sa kasaysayan, ang maliit na sungay ay supang ng isa sa apat na makasagisag na sungay—ang isa na nasa pinakakanlurananing bahagi. Ito ang Helenistikong kaharian ni Heneral Cassander sa Macedonia at Gresya. Sa dakong huli, ang kahariang ito ay sinakop ng kaharian ni Heneral Lysimachus, ang hari ng Thrace at Asia Minor. Noong ikalawang siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang kanluraning bahaging ito ng Helenistikong teritoryo ay nasakop ng Roma. At pagsapit ng taóng 30 B.C.E., sinakop ng Roma ang lahat ng Helenistikong kaharian, anupat ginawa ang sarili na ikaanim na kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Subalit ang Imperyo ng Roma ay hindi siyang maliit na sungay sa pangitain ni Daniel, yamang ang imperyong ito ay hindi nagpatuloy hanggang sa “takdang panahon ng kawakasan.”—Daniel 8:19.
17. (a) Ano ang relasyon ng Britanya sa Imperyo ng Roma? (b) Paano nauugnay ang Imperyo ng Britanya sa Helenistikong kaharian ng Macedonia at Gresya?
17 Ano kung gayon, ang ipinakikilala ng kasaysayan bilang ang agresibong “hari na mabangis ang mukha”? Ang Britanya sa katunayan ay isang hilagang-kanlurang supang ng Imperyo ng Roma. Hanggang sa maagang bahagi ng ikalimang siglo C.E., may mga lalawigan ng Roma sa tinatawag ngayong Britanya. Sa paglipas ng panahon, humina ang Imperyo ng Roma, subalit ang impluwensiya ng Greco-Romanong sibilisasyon ay nagpatuloy sa Britanya at sa iba pang bahagi ng Europa na dati’y sumailalim ng pamamahala ng Roma. “Sa pagbagsak ng Imperyo ng Roma,” sulat ng nagwagi ng Nobel Prize na makata at awtor na taga-Mexico na si Octavio Paz, “ang Simbahan ang siyang humalili.” Dagdag pa niya: “Inilakip ng mga ama ng Simbahan, at ng mga iskolar nang dakong huli, ang Griegong pilosopiya sa Kristiyanong doktrina.” At ang ika-20 siglong pilosopo at matematikong si Bertrand Russell ay nagsabi: “Ang sibilisasyon ng Kanluran, na nanggaling sa Griego, ay salig sa makapilosopiya at makasiyensiyang tradisyon na nagsimula sa Mileto [isang Griegong lunsod sa Asia Minor] dalawa at kalahating libong taon na ang nakararaan.” Kaya, masasabing ang kultural na mga ugat ng Imperyo ng Britanya ay nagmula sa Helenistikong kaharian ng Macedonia at Gresya.
18. Ano ang maliit na sungay na naging “isang hari na mabangis ang mukha” sa “panahon ng kawakasan”? Ipaliwanag.
18 Pagsapit ng 1763 tinalo ng Imperyo ng Britanya ang makapangyarihan niyang mga karibal, ang Espanya at Pransiya. Mula noon ay itinanghal niya ang kaniyang sarili bilang reyna ng mga karagatan at bilang ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Kahit na pagkatapos na humiwalay ang 13 kolonyang Amerikano mula sa Britanya noong 1776 upang itatag ang Estados Unidos ng Amerika, ang Imperyo ng Britanya ay lumawak upang sakupin ang ikaapat na bahagi ng balat ng lupa at ikaapat na bahagi ng populasyon nito. Ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig ay lalo pang lumakas nang ang Estados Unidos ng Amerika ay sumama sa Britanya upang buuin ang magkasanib na kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerikano. Sa ekonomiya at sa militar, ang kapangyarihang ito ay tunay na naging “isang hari na mabangis ang mukha.” Kung gayon, ang maliit na sungay na naging isang mabangis na kapangyarihang pulitikal sa “panahon ng kawakasan,” ay ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano.
19. Ano ang “Kagayakan” na binanggit sa pangitain?
19 Nakita ni Daniel na ang maliit na sungay ay “patuloy na lumaking lubha” tungo sa “Kagayakan.” (Daniel 8:9) Ang Lupang Pangako, na ibinigay ni Jehova sa kaniyang piniling bayan, ay napakaganda anupat ito’y tinawag na “ang kagayakan ng lahat ng lupain,” alalaong baga, ng buong lupa. (Ezekiel 20:6, 15) Totoo, sinakop ng Britanya ang Jerusalem noong Disyembre 9, 1917, at noong taóng 1920, ang Liga ng mga Bansa ay nagbigay ng atas sa Gran Britanya na mangasiwa sa Palestina, na nagpatuloy hanggang Mayo 14, 1948. Subalit ang pangitain ay makahula, na naglalaman ng maraming sagisag. At ang “Kagayakan” na binanggit sa pangitain ay sumasagisag, hindi sa Jerusalem, kundi sa makalupang kalagayan ng bayan na itinuturing ng Diyos na banal sa panahon ng ikapitong kapangyarihang pandaigdig. Tingnan natin kung paanong pinagsikapan ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano na isapanganib ang mga banal.
-