Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Ang May Maitim na Buhok na Senyora sa Iláng ng Sirya”
    Ang Bantayan—1999 | Enero 15
    • Ang pagkakataon ni Zenobia na mapalawak ang kaniyang kapangyarihan bilang reyna ay dumating noong 269 C.E., nang lumitaw sa Ehipto ang isang impostor na tumututol sa pamamahala ng Roma. Agad na nagmartsa ang hukbo ni Zenobia patungong Ehipto, nilupig ang rebelde, at inangkin ang bansa. Sa pagpoproklama sa kaniyang sarili bilang reyna ng Ehipto, nagpagawa siya ng salaping metal sa kaniyang pangalan. Umabot na ngayon ang kaniyang kaharian mula ilog Nilo hanggang ilog Eufrates. Sa yugtong ito ng kaniyang buhay, nakuha niya ang posisyon bilang “hari ng timog” na binanggit sa hula ni Daniel sa Bibliya, yamang ang kaniyang kaharian noon ay sumasakop sa dakong timog ng sariling bayan ni Daniel. (Daniel 11:25, 26) Nasakop din niya ang kalakhang bahagi ng Asia Minor.

  • “Ang May Maitim na Buhok na Senyora sa Iláng ng Sirya”
    Ang Bantayan—1999 | Enero 15
    • ‘Napukaw ang Puso’ ng Isang Emperador Laban kay Zenobia

      Noong taóng 270 C.E., naging emperador ng Roma si Aurelian. Itinaboy at dinisiplina ng kaniyang hukbo ang mga barbaro ng hilaga. Noong 271 C.E.​—ngayo’y kinakatawanan “ang hari ng hilaga” ng hula ni Daniel​—‘napukaw ang kapangyarihan at puso [ni Aurelian] laban sa hari ng timog,’ na kinakatawanan naman ni Zenobia. (Daniel 11:25a) Nagpadala si Aurelian ng ilan sa kaniyang puwersa deretso sa Ehipto at pinangunahan niya ang kaniyang pangunahing hukbo pasilangan sa Asia Minor.

      Ang hari ng timog​—ang namamahalang katauhan na pinangungunahan ni Zenobia​—ay ‘naudyukang’ makipagdigma laban kay Aurelian “taglay ang pagkalaki-laki at pagkalakas-lakas na puwersang militar” sa ilalim ng dalawang heneral, sina Zabdas at Zabbai. (Daniel 11:25b) Ngunit nakuha ni Aurelian ang Ehipto at saka naglunsad ng isang ekspedisyon papasok sa Asia Minor at Sirya. Natalo si Zenobia sa Emesa (ngayo’y Homs), at siya’y bumalik sa Palmyra.

      Nang kubkubin ni Aurelian ang Palmyra, si Zenobia, sa pag-asang makahihingi ng tulong, ay tumakas kasama ang kaniyang anak na lalaki patungong Persia, ngunit nabihag lamang sila ng mga Romano sa Ilog Eufrates. Isinuko ng mga taga-Palmyra ang kanilang lunsod noong 272 C.E. Naging makonsiderasyon naman sa pakikitungo si Aurelian sa mga naninirahan doon, nanambong nang napakarami, kasali na ang idolo mula sa Templo ng Araw, at saka umalis patungong Roma. Hindi pinatay ng Romanong emperador si Zenobia, anupat ginawa siyang pangunahing tampok sa kaniyang parada ng tagumpay na dumaraan sa Roma noong 274 C.E. Ginugol nito ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay bilang isang Romanong matrona.

      Winasak ang Disyertong Lunsod

      Ilang buwan matapos sakupin ni Aurelian ang Palmyra, walang-awang pinagpapatay ng mga taga-Palmyra ang mga kawal na Romano na iniwan niya. Nang mabalitaan ni Aurelian ang pag-aalsang ito, agad niyang pinag-utusan ang kaniyang mga sundalo na balikan ang kanilang pinanggalingan, at sa pagkakataong ito ay ipinadama nila ang nakapanghihilakbot na paghihiganti sa mga mamamayan. Yaong mga nakaligtas sa walang-awang pagpatay ay napasadlak naman sa pagkaalipin. Ang mapagmapuring lunsod ay dinambong at winasak anupat hindi na ito muling maitatayo. Kaya naman ang abalang lunsod ay bumalik sa dating kalagayan nito​—“ang Tadmor sa ilang.”

      Nang buong-tapang na harapin ni Zenobia ang Roma, wala silang kamalay-malay na ginagampanan niya at ni Emperador Aurelian ang kani-kanilang papel bilang “ang hari ng timog” at “ang hari ng hilaga,” anupat tinutupad ang bahagi ng hulang iniulat ng propeta ni Jehova ayon sa kaliit-liitang detalye nito mga 800 taon bago nito. (Daniel, kabanata 11) Dahil sa kaniyang kaakit-akit na personalidad, nakuha ni Zenobia ang paghanga ng marami. Gayunman, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kaniyang papel na kumatawan sa isang pulitikal na katauhang sinabi sa hula ni Daniel. Hindi umabot sa mahigit na limang taon ang kaniyang pamamahala. Ang Palmyra ngayon, ang kapitolyo ng kaharian ni Zenobia, ay isang nayon na lamang. Maging ang makapangyarihang Imperyong Romano ay matagal nang naglaho at napasailalim sa modernong mga kaharian. Ano kaya ang magiging kinabukasan ng mga kapangyarihang ito? Ang kanila ring patutunguhan ay inuugitan ng tiyak na katuparan ng hula sa Bibliya.​—Daniel 2:44.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share