-
Isang Pag-atake Mula sa Hilaga!Ang Bantayan (Pag-aaral)—2020 | Abril
-
-
14. Kailan natupad ang Joel 2:28, 29?
14 May magandang balita rin si Joel. Magiging mabunga ulit ang lupa. (Joel 2:23-26) Pagkatapos, magkakaroon ng saganang espirituwal na pagkain sa hinaharap. “Ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao,” ang sabi ni Jehova, “at manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae . . . Ibubuhos ko rin ang espiritu ko sa aking mga aliping lalaki at babae.” (Joel 2:28, 29) Ang pagbubuhos ng espiritu ng Diyos ay hindi agad nangyari pagbalik ng mga Israelita mula sa Babilonya. Lumipas pa ang ilang daang taon bago ito nangyari noong Pentecostes 33 C.E. Paano natin nalaman?
15. Gaya ng makikita sa Gawa 2:16, 17, paano binago ni Pedro ang pananalita sa Joel 2:28, at ano ang ipinapakita nito?
15 Sa tulong ng Diyos, iniugnay ni apostol Pedro ang Joel 2:28, 29 sa isang kamangha-manghang pangyayari noong araw ng Pentecostes. Mga alas-nuwebe ng umagang iyon, naganap ang makahimalang pagbubuhos ng banal na espiritu at ang mga nakatanggap nito ay nakapagsalita “tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” (Gawa 2:11) Gumamit si Pedro ng ibang pananalita nang sipiin niya ang hula ni Joel. Napansin ba ninyo ang pagbabagong ginawa niya? (Basahin ang Gawa 2:16, 17.) Imbes na simulan ito sa salitang “pagkatapos,” sinabi ni Pedro: “At sa mga huling araw”—tumutukoy sa huling araw ng sistema ng mga Judio—ibubuhos ang espiritu ng Diyos “sa bawat uri ng tao.” Ipinapakita nito na mahabang panahon pa ang lilipas bago matupad ang hula ni Joel.
16. Ano ang epekto ng espiritu ng Diyos sa gawaing pangangaral noong unang siglo, at kumusta naman ngayon?
16 Pagkatapos ng kamangha-manghang pagbubuhos na iyon ng espiritu ng Diyos noong unang siglo, nagsimula na ang gawaing pangangaral na aabot sa buong mundo. Nang sulatan ni apostol Pablo ang mga taga-Colosas noong mga 61 C.E., sinabi niyang ang mabuting balita ay ipinangangaral na “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.” (Col. 1:23) Ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang mga bahagi ng mundo na alam noon ng mga tao. Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, napakalawak na ng naaabot ng gawaing pangangaral ngayon—“hanggang sa mga dulo ng lupa”!—Gawa 13:47; tingnan ang kahong “Ibubuhos Ko ang Espiritu Ko.”
-