Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Magpatawad Mula sa Iyong Puso
    Ang Bantayan—1999 | Oktubre 15
    • 15, 16. (a) Paano inilarawan ni Mikas si Jehova? (b) Ano ang kahulugan ng “nagpapalampas ng pagsalansang” ang Diyos?

      15 Huwag nating kalilimutan ang Diyos bilang halimbawa natin sa pagpapatawad. (Efeso 4:32–5:1) May kinalaman sa pagiging parisan Niya sa pagpapalampas ng kamalian, sumulat ang propetang si Mikas: “Sino ang Diyos na tulad mo, na nagpapaumanhin ng kamalian at nagpapalampas ng pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? Hindi nga niya pananatilihin ang kaniyang galit magpakailanman, sapagkat siya ay nalulugod sa maibiging-kabaitan.”​—Mikas 7:18.

      16 Sa paglalarawan kay Jehova bilang ang isa na “nagpapalampas ng pagsalansang,” hindi ibig sabihin ng Bibliya na wala siyang kakayahang matandaan ang mga kamalian, anupat animo’y may pinipiling uri ng amnesya. Tingnan ang naging kaso nina Samson at David, na kapuwa nakagawa ng malubhang pagkakamali. Natandaan ng Diyos ang mga kasalanang iyon kahit napakatagal na; maging tayo man ay nakaalam pa nga ng ilan sa kanilang kasalanan sapagkat ipinaulat ni Jehova ang mga ito sa Bibliya. Gayunman, ang ating mapagpatawad na Diyos ay nagpakita ng kaawaan sa dalawang iyon, na ginawa silang mga halimbawa ng pananampalatayang dapat nating tularan.​—Hebreo 11:32; 12:1.

      17. (a) Anong paraan ang tutulong sa atin upang mapalampas na lamang ang mga pagkakamali, o kasalanan, ng iba? (b) Kung sisikapin nating magawa iyan, paano natin matutularan si Jehova? (Tingnan ang talababa.)

      17 Oo, nagawa ni Jehova na ‘mapalampas’a ang mga pagsalansang, gaya ng paulit-ulit na hiniling sa kaniya ni David. (2 Samuel 12:13; 24:10) Matutularan ba natin ang Diyos sa bagay na ito, ng pagiging handang magpalampas sa mga pananakit ng damdamin at pagdusta ng ating kapuwa mga lingkod bilang mga di-sakdal na tao? Gunigunihin mo ang iyong sarili na nakasakay sa isang eroplanong jet na mabilis na tumatahak sa runway. Nang dumungaw ka, nakita mo malapit sa runway ang isang kakilala na nakaiinis na parang batang nakadila sa iyo. Alam mong galit siya at baka ikaw ang nasa isip niya. O baka hindi naman pala ikaw ang nasa isip niya. Sa anu’t ano man, habang umiikot ang eroplano upang sumahimpapawid na, natanaw mo ang babae mula sa itaas, na ngayo’y para na lamang isang napakaliit na butil. Isang oras pa at daan-daang milya na ang layo mo, at ang kaniyang nakaiinis na muwestra ay malayung-malayo na sa iyo. Sa katulad na paraan, maraming ulit na matutulungan tayo nitong magpatawad kung sisikapin nating tularan si Jehova at may-katalinuhang palampasin na lamang ang pagkakasala. (Kawikaan 19:11) Hindi kaya magiging waring bahagya na lamang ang sama ng loob sampung taon mula ngayon o dalawang daang taon patungo sa Milenyo? Bakit hindi na lamang palampasin iyon?

  • Magpatawad Mula sa Iyong Puso
    Ang Bantayan—1999 | Oktubre 15
    • a Sinasabi ng isang iskolar na ang talinghagang Hebreo na ginamit sa Mikas 7:18 ay “mula sa ugali ng isang manlalakbay na dumaraan nang hindi napapansin ang isang bagay na ayaw niyang pansinin. Hindi ibig sabihin ng ideyang ito na, ang Diyos ay hindi mapunahin sa pagkakasala, o na itinuturing niya itong isang bagay na hindi gaanong mahalaga o walang halaga, kundi sa ilang partikular na kalagayan ay hindi niya ito minamarkahan upang parusahan; na hindi siya nagpaparusa, kundi nagpapatawad.”​—Hukom 3:26; 1 Samuel 16:8.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share