Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Manatili Kayong Naghihintay sa Akin”
    Ang Bantayan—1996 | Marso 1
    • “Manatili Kayong Naghihintay”

      16. (a) Para kanino isang pinagmumulan ng kagalakan ang pagsapit ng araw ni Jehova, at bakit? (b) Ano ang pumupukaw na panawagan para sa mga tapat na nalabing ito?

      16 Samantalang ang espirituwal na pananamlay, pag-aalinlangan, idolatriya, katiwalian, at materyalismo ay laganap sa mga lider at sa maraming mamamayan ng Juda at Jerusalem, maliwanag na may ilang tapat na Judio na nakinig sa mga babalang hula ni Zefanias. Ikinalungkot nila ang karima-rimarim na mga gawain ng mga prinsipe, hukom, at mga saserdote ng Juda. Ang mga kapahayagan ni Zefanias ay pinagmumulan ng kaaliwan para sa mga tapat na ito. Sa halip na maging sanhi ng panggigipuspos, ang pagsapit ng araw ni Jehova ay isang pinagmumulan ng kagalakan para sa kanila, sapagkat pahihintuin nito ang gayong kasuklam-suklam na mga gawain. Pinakinggan ng mga tapat na nalabing ito ang pumupukaw na panawagan ni Jehova: “ ‘Kaya manatili kayong naghihintay sa akin,’ ang kapahayagan ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagtindig sa pagsamsam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang pisanin ang mga bansa, upang aking matipong sama-sama ang mga kaharian, upang maibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit.’ ”​—Zefanias 3:8.

      17. Kailan at papaano nagsimulang matupad sa mga bansa ang mga kahatulang mensahe ni Zefanias?

      17 Yaong mga nakinig sa babalang iyan ay hindi nagulat. Marami ang nanatiling buháy upang makita ang katuparan ng hula ni Zefanias. Noong 632 B.C.E., ang Nineve ay nasakop at nawasak ng nagsanib na mga taga-Babilonya, Medo, at ng mga pangkat buhat sa hilaga, marahil ang mga taga-Scythia. Ganito ang inilahad ng istoryador na si Will Durant: “Isang hukbo ng mga taga-Babilonya sa ilalim ni Nabopolassar ang nakiisa sa hukbo ng mga Medo sa ilalim ni Cyaxares at sa isang pangkat ng mga taga-Scythia buhat sa Caucasus, at magaan at mabilis na nabihag nila ang mga balwarte ng hilaga sa kamangha-manghang paraan. . . . Sa isang dagok ang Asirya ay nabura sa kasaysayan.” Ito ang eksaktong inihula ni Zefanias.​—Zefanias 2:13-15.

      18. (a) Papaano isinakatuparan sa Jerusalem ang banal na kahatulan, at bakit? (b) Papaano natupad ang hula ni Zefanias hinggil sa Moab at Ammon?

      18 Maraming Judio na nanatiling naghihintay kay Jehova ay nabuhay rin upang makita ang pagpapatupad ng kaniyang mga kahatulan sa Juda at Jerusalem. Tungkol sa Jerusalem, ganito ang hula ni Zefanias: “Kaabahan sa kaniya na nagrerebelde at dinudumhan ang kaniyang sarili, ang mapaniil na lunsod! Hindi siya nakinig sa isang tinig; hindi siya tumanggap ng disiplina. Hindi siya nagtiwala kay Jehova. Hindi siya lumapit sa kaniyang Diyos.” (Zefanias 3:1, 2) Dahil sa kaniyang pagiging di-tapat, ang Jerusalem ay dalawang ulit na kinubkob ng mga taga-Babilonya at sa wakas ay nasakop at nawasak noong 607 B.C.E. (2 Cronica 36:5, 6, 11-21) Kung tungkol naman sa Moab at Ammon, ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, ang mga taga-Babilonya ay nakipagdigma at nanakop sa kanila noong ikalimang taon pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem. Kasunod nito ay hindi na sila umiral, gaya ng inihula.

      19, 20. (a) Papaano ginantimpalaan ni Jehova yaong nanatiling naghihintay sa kaniya? (b) Bakit nasasangkot tayo sa mga pangyayaring ito, at ano ang isasaalang-alang sa kasunod na artikulo?

      19 Ang katuparan nito at ng iba pang detalye ng hula ni Zefanias ay isang nakapagpapatibay-pananampalatayang karanasan para sa mga Judio at di-Judio na nanatiling naghihintay kay Jehova. Kabilang sa mga nakaligtas sa pagkawasak ng Juda at Jerusalem ay sina Jeremias, ang Etiopeng si Ebed-melech, at ang sambahayan ni Jonadab, ang Rekabita. (Jeremias 35:18, 19; 39:11, 12, 16-18) Ang tapat na mga Judiong napatapon at ang kanilang mga supling, na patuloy na naghintay kay Jehova, ay naging bahagi ng maliligayang nalabi na nakalaya buhat sa Babilonya noong 537 B.C.E. at nagsibalik sa Juda upang muling itatag ang dalisay na pagsamba.​—Ezra 2:1; Zefanias 3:14, 15, 20.

  • “Huwag Nawang Lumaylay ang Iyong mga Kamay”
    Ang Bantayan—1996 | Marso 1
    • 2. Anong pagkakatulad ang umiiral sa pagitan ng mga kalagayan noong kaarawan ni Zefanias at sa sitwasyon sa loob ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon?

      2 Sa ngayon, ang hudisyal na pasiya ni Jehova ay ang tipunin ang mga bansa para sa mas malawakang pagkapuksa kaysa noong kaarawan ni Zefanias. (Zefanias 3:8) Ang mga bansang iyon na nag-aangking Kristiyano ay lalo nang napakasama sa paningin ng Diyos. Kung papaanong ang Jerusalem ay nagbayad ng malaki dahil sa pagiging di-tapat kay Jehova, gayundin na ang Sangkakristiyanuhan ay tiyak na mananagot sa Diyos dahil sa labis na kahalayan nito. Ang banal na mga kahatulan na ipinahayag laban sa Juda at Jerusalem noong kaarawan ni Zefanias ay mas matinding kumakapit sa mga simbahan at sekta ng Sangkakristiyanuhan. Kanila ring dinumhan ang dalisay na pagsamba dahil sa kanilang lumalapastangan sa Diyos na mga doktrina, na marami ay may paganong pinagmulan. Inihain nila sa modernong altar ng digmaan ang milyun-milyon sa kanilang malulusog na anak na lalaki. Karagdagan pa, ang tinaguriang Kristiyanismo ay hinaluan ng mga mamamayan ng antitipikong Jerusalem ng astrolohiya, espiritismo, at kahalayan sa sekso, na nagpapagunita ng pagsamba kay Baal.​—Zefanias 1:4, 5.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share