Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Isang Pagpapala Hanggang sa Wala Nang Kakulangan”
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
    • 1, 2. (a) Anong pagpili ang magiging kapaki-pakinabang para sa bawat isa sa atin? (b) Ang katuparan ng anong hula ang may kaugnayan sa mga pagpapalang matatamasa natin?

      NABUBUHAY tayo sa panahon ng paghatol at ng pagpapala. Panahon ito ng pagkabulok ng relihiyon at ng pagsasauli ng tunay na pagsamba. Tiyak na gusto mong matamasa ang pagpapala gayundin ang kalugud-lugod na mga epekto ng pagsasauli ng tunay na pagsamba sa kasalukuyan at sa hinaharap! Subalit paano ka makatitiyak na matatamasa mo ang mga ito? Ang sagot ay may kaugnayan sa isang hula na nagkaroon ng malaking katuparan pagkatapos magsimula ang “mga huling araw” noong 1914. (2 Timoteo 3:1) Inihula ni Malakias: “‘Darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon[g Jehova], na hinahanap ninyo, at ang mensahero ng tipan na siyang kinalulugdan ninyo. Narito! Siya ay tiyak na darating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”​—Malakias 3:1.

  • “Isang Pagpapala Hanggang sa Wala Nang Kakulangan”
    Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
    • ANG PANAHON PARA SA ESPIRITUWAL NA PAGLILINIS

      3. Anong pangyayari sa sinaunang bayan ng Diyos ang humantong sa pagpili ng “Israel ng Diyos”?

      3 Mga limang dantaon pagkatapos ng panahon ni Malakias, si Jehova, na kinakatawan ni Kristo (ang “mensahero ng [Diyos sa Abrahamikong] tipan”), ay dumating sa literal na templo sa Jerusalem upang hatulan ang Kaniyang katipang bayan. Ipinakita ng bansang iyon sa pangkalahatan na hindi na ito karapat-dapat tumanggap ng lingap, kaya itinakwil ito ni Jehova. (Mateo 23:37, 38) Makikita mo ang katibayan niyan sa nangyari noong 70 C.E. Makatitiyak ka rin na pinili ng Diyos ang “Israel ng Diyos,” isang espirituwal na bansa na binubuo ng 144,000 na kinuha mula sa lahat ng mga bansa. (Galacia 6:16; Roma 3:25, 26) Gayunman, hindi iyan ang sukdulang katuparan ng hula ni Malakias. Tumutukoy rin ito sa makabagong panahon at may tuwirang kaugnayan ito sa iyong mga pag-asa sa hinaharap para sa “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”

      4. Ano ang kailangang sagutin pagkatapos mailuklok si Jesus sa trono noong 1914?

      4 Pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya na noong 1914, si Jesu-Kristo ay iniluklok bilang Hari sa makalangit na Kaharian ni Jehova. Pagkatapos, dumating ang panahon upang kilalanin ni Jesus ang isang grupo ng mga Kristiyano na karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. Sino ang makapapasa sa pagsubok sa espirituwal na kadalisayan? Masusumpungan mo ang kasagutan sa ipinahihiwatig ng mga salita ni Malakias: “Sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagdating, at sino ang tatayo kapag nagpakita siya? Sapagkat siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay.” (Malakias 3:2) Kailan at paano dumating si Jehova sa kaniyang “templo” para sa paghatol?

      5, 6. (a) Nang dumating si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang magsiyasat, ano ang nasumpungan niya sa gitna ng karamihan sa nag-aangking mga mananamba? (b) Ano ang kailangan ng pinahiran-ng-espiritung mga lingkod ng Diyos?

      5 Maliwanag, hindi dumating ang Diyos sa isang templong yari sa bato at argamasa. Ang huling literal na templo para sa tunay na pagsamba ay nawasak noong 70 C.E. Sa halip, dumating si Jehova sa isang espirituwal na templo, ang kaayusan na doo’y makalalapit ang mga tao at makasasamba sa kaniya salig sa haing pantubos ni Jesus. (Hebreo 9:2-10, 23-28) Tiyak na hindi bahagi ng espirituwal na templong iyon ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, sapagkat sila’y bahagi ng isang relihiyosong sistema na nagkasala ng pagbububo ng dugo at espirituwal na pagpapatutot, isa na nagtataguyod ng huwad na mga turo sa halip ng dalisay na pagsamba. Si Jehova ay naging isang “mabilis na saksi laban” sa ginawa ng Sangkakristiyanuhan, at alam mong makatarungan ang kaniyang hatol laban sa kanila. (Malakias 3:5) Gayunman, pagkatapos maitatag ang Kaharian ng Diyos, may isang grupo ng tunay na mga Kristiyanong naglilingkod sa looban ng espirituwal na templo ng Diyos na nananatiling tapat sa Kaniya sa kabila ng matitinding pagsubok. Gayunpaman, kinailangan ding dalisayin ang mga pinahirang iyon. Binabanggit ng mga akda ng 12 propeta ang gayong pagdadalisay, sapagkat ang mga akdang iyon ay naglalaman ng nakapagpapasiglang mga pangako ng espirituwal at pisikal na pagsasauli sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Inihula ni Malakias na magkakaroon ng isang bayan na ‘dadalisayin ni Jehova na parang ginto at parang pilak.’ “Kay Jehova sila ay magiging bayan na nagdadala ng isang handog na kaloob sa katuwiran.”​—Malakias 3:3.

      6 Ipinakikita ng maraming katibayan na mula noong 1918 patuloy, isinagawa ni Jehova ang kinakailangang paglilinis para sa pinahirang mga Kristiyano, anupat dinadalisay ang kanilang pagsamba, gawain, at mga doktrina.a Sila at ang “malaking pulutong” na sumama sa kanila nang maglaon ay lubhang nakinabang. (Apocalipsis 7:9) Bilang isang nagkakaisang grupo, patuloy silang nagdadala ng “isang handog na kaloob sa katuwiran” na “kasiya-siya kay Jehova.”​—Malakias 3:3, 4.

      Larawan sa pahina 180, 181

      Dinadalisay ni Jehova ang kaniyang bayan bilang isang grupo. Bilang indibiduwal, kailangan ba natin ng higit na pagdadalisay?

      7. Ano ang angkop na maitatanong natin sa ating sarili tungkol sa katayuan natin sa Diyos?

      7 Totoo iyan sa bayan ng Diyos sa kabuuan, subalit kumusta naman ang bawat isa sa atin? Maitatanong mo: ‘May mga aspekto ba sa aking saloobin at mga pagkilos na kailangan pang dalisayin? Kailangan ko bang dalisayin ang aking paggawi, kung paanong dinalisay ni Jehova ang kaniyang pinahiran?’ Nakita natin sa naunang mga kabanata na itinampok ng 12 propeta ang di-wastong mga saloobin at paggawi gayundin ang kanais-nais na mga katangian at gawa. Dahil dito, naging posible na malaman mo kung ano ang “hinihingi sa iyo” ni Jehova. (Mikas 6:8) Pansinin ang pananalitang “sa iyo.” Idiniriin niyan kung bakit dapat nating suriin ang ating sarili upang malaman kung kinakailangan ba natin ng higit pang pagdadalisay o paglilinis.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share