Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kaginhawahan sa Kaigtingan—Isang Praktikal na Lunas
    Ang Bantayan—2001 | Disyembre 15
    • Pagpasan sa Pamatok

      9, 10. Noong sinaunang panahon, sa ano sumasagisag ang pamatok, at bakit inanyayahan ni Jesus ang mga tao na pasanin nila ang kaniyang pamatok?

      9 Napansin mo ba na sa mga salitang sinipi mula sa Mateo 11:28, 29 ay sinabi ni Jesus: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin.” Noon, maaaring madama ng isang pangkaraniwang tao na parang siya ay pumapasan ng pamatok. Noon pa mang sinaunang panahon, ang pamatok ay sumasagisag na sa pang-aalipin o paglilingkod. (Genesis 27:40; Levitico 26:13; Deuteronomio 28:48) Marami sa mga arawang manggagawa na nakausap ni Jesus ay nagtrabaho na may aktuwal na pamatok sa kanilang mga balikat, anupat nagbubuhat ng mabibigat na pasan. Depende sa pagkakadisenyo ng pamatok, maaari itong maging maalwan sa leeg at mga balikat o maaari itong makagasgas. Bilang isang karpintero, marahil ay nakagawa na ng mga pamatok si Jesus, at malamang na alam niya kung paano huhubugin ang isa na “may-kabaitan.” Marahil ay sinapnan niya ng katad o tela ang mga bahagi na dumadaiti sa balat upang maging maalwang gamitin ang pamatok hangga’t maaari.

      10 Nang sabihin ni Jesus, “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” maaaring itinutulad niya ang kaniyang sarili sa isa na nagbibigay ng mga pamatok na maganda ang pagkakayari anupat magiging “may-kabaitan” sa leeg at mga balikat ng isang manggagawa. Kaya naman, sinabi pa ni Jesus: “Ang aking pasan ay magaan.” Ipinahihiwatig nito na ang pamatok ay hindi masakit gamitin, at hindi rin naman napakabigat ang trabaho. Totoo, sa pag-aanyaya sa kaniyang mga tagapakinig na tanggapin ang kaniyang pamatok, si Jesus ay hindi nag-aalok ng dagling kaginhawahan sa lahat ng mahihirap na kalagayan na umiiral noon. Gayunman, ang naiibang pangmalas na iniharap niya ay magdudulot ng malaking kaginhawahan. Ang mga pagbabago sa kanilang istilo ng pamumuhay at paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay ay magpapaginhawa rin sa kanila. Ang higit na mahalaga, ang maliwanag at matibay na pag-asa ay tutulong sa kanila na masumpungan na di-gaanong maigting ang buhay.

      Makasusumpong Ka ng Kaginhawahan

      11. Bakit hindi lamang pakikipagpalit ng pamatok ang ipinahihiwatig ni Jesus?

      11 Pakisuyong pansinin na hindi sinabi ni Jesus na makikipagpalit ng pamatok ang mga tao. Ang Roma pa rin ang mamamahala sa lupain, kung paanong ang mga pamahalaan sa ngayon ang namamahala sa lugar na tinitirhan ng mga Kristiyano. Ang unang-siglong pagbubuwis sa Roma ay hindi pa rin mapapawi. Mananatili pa rin ang mga suliranin sa kalusugan at kabuhayan. Patuloy pa ring makaaapekto sa mga tao ang di-kasakdalan at kasalanan. Gayunman, mapapasakanila ang kaginhawahan kung ikakapit nila ang turo ni Jesus, at maaari rin itong mapasaatin ngayon.

      12, 13. Ano ang itinampok ni Jesus na magdudulot ng kaginhawahan, at paano tumugon ang ilan?

      12 Ang isang mahalagang pagkakapit sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa pamatok ay naging maliwanag may kinalaman sa gawaing paggawa ng alagad. Walang alinlangan na ang pangunahing gawain ni Jesus ay ang pagtuturo sa iba, na binibigyang-diin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:23) Kaya nang sabihin niyang, “Pasanin ninyo ang aking pamatok,” tiyak na nagsasangkot iyon ng pagtulad sa kaniya sa gayunding gawain. Ipinakikita ng ulat ng Ebanghelyo na naganyak ni Jesus ang taimtim na mga tao upang baguhin ang kanilang hanapbuhay, isang bagay na labis na ikinababahala sa buhay ng marami. Tandaan ang kaniyang panawagan kina Pedro, Andres, Santiago, at Juan: “Sumunod kayo sa akin, at pangyayarihin ko kayong maging mga mangingisda ng mga tao.” (Marcos 1:16-20) Ipinakita niya sa mga mangingisdang iyon kung gaano magiging kasiya-siya kapag ginawa nila ang gawain na pangunahin sa kaniyang buhay, anupat ginagawa ito sa ilalim ng kaniyang patnubay at taglay ang kaniyang tulong.

      13 Nakuha ng ilan sa kaniyang mga tagapakinig na Judio ang punto at ikinapit ito. Gunigunihin ang tanawin sa tabing-dagat na mababasa natin sa Lucas 5:1-11. Apat na mangingisda ang nagpagal nang buong magdamag ngunit walang nahuling anuman. Walang anu-ano, ang kanilang mga lambat ay napunô! Hindi lamang ito nagkataon; bunga ito ng tulong ni Jesus. Habang nakatingin sila sa dalampasigan, nakita nila ang napakaraming tao na lubhang interesado sa mga turo ni Jesus. Nakatulong iyon upang maipaliwanag ang sinabi ni Jesus sa apat na iyon: “Mula ngayon ay manghuhuli [kayo] ng mga taong buháy.” Ano ang kanilang naging tugon? “Ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.”

      14. (a) Paano tayo makasusumpong ng kaginhawahan sa ngayon? (b) Anong nakagiginhawang mabuting balita ang ipinahayag ni Jesus?

      14 Ang totoo, maaari kang tumugon sa gayunding paraan. Ang gawaing pagtuturo sa mga tao hinggil sa katotohanan sa Bibliya ay nagpapatuloy pa rin. Mga anim na milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang tumanggap sa paanyaya ni Jesus na ‘pasanin nila ang kaniyang pamatok’; sila ay naging “mga mangingisda ng mga tao.” (Mateo 4:19) Ginawa ito ng ilan bilang kanilang buong-panahong trabaho; ginagawa naman ng iba ang lubusan nilang magagawa sa kanilang limitadong panahon. Nasusumpungan ng lahat na ito ay nakagiginhawa, kaya ang kanilang buhay ay nagiging di-gaanong maigting. Kalakip dito ang paggawa ng kung ano ang kasiya-siya sa kanila, ang pagsasabi sa iba hinggil sa mabuting balita​—ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 4:23) Laging kalugud-lugod na ipakipag-usap ang tungkol sa mabuting balita ngunit lalo na ang mabuting balitang ito. Ang Bibliya ay naglalaman ng saligang materyal na kailangan natin upang makumbinsi ang marami na maaari silang mamuhay nang walang gaanong kaigtingan.​—2 Timoteo 3:16, 17.

      15. Paano ka makikinabang sa mga turo ni Jesus hinggil sa buhay?

      15 Sa isang antas, maging ang mga tao na kasisimula pa lamang na matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos ay nakikinabang na mula sa mga turo ni Jesus hinggil sa kung paano mamumuhay. Marami ang makapagsasabi nang may katotohanan na ang mga turo ni Jesus ay nagpaginhawa sa kanila at nakatulong sa kanila upang lubusang mabago ang kanilang buhay. Mapatutunayan mo iyan sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang simulain sa pamumuhay na isinasaad sa mga ulat hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus, lalo na sa mga Ebanghelyo na isinulat nina Mateo, Marcos, at Lucas.

      Isang Daan Tungo sa Kaginhawahan

      16, 17. (a) Saan mo masusumpungan ang ilan sa mga pangunahing turo ni Jesus? (b) Ano ang kailangan upang masumpungan ang kaginhawahan sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga turo ni Jesus?

      16 Noong tagsibol ng 31 C.E., si Jesus ay nagbigay ng pahayag na tanyag sa daigdig hanggang sa ngayon. Karaniwan na itong tinatawag na Sermon sa Bundok. Ito ay nakaulat sa Mateo kabanata 5 hanggang 7 at Lucas kabanata 6, at binubuod nito ang marami sa kaniyang mga turo. Masusumpungan mo ang iba pang mga turo ni Jesus sa iba pang bahagi ng mga Ebanghelyo. Karamihan sa kaniyang sinabi ay madaling unawain, bagaman ang pagkakapit nito ay maaaring maging hamon. Bakit hindi basahing mabuti at pag-isipan ang mga kabanatang iyon? Hayaang ang kapangyarihan ng kaniyang mga ideya ay makaimpluwensiya sa iyong pag-iisip at saloobin.

      17 Maliwanag, ang mga turo ni Jesus ay maaaring ayusin sa iba’t ibang paraan. Pagbukud-bukurin natin ang mga pangunahing turo upang magkaroon ng isang turo para sa bawat araw ng buwan, taglay ang tunguhin na ikapit ang mga ito sa iyong buhay. Paano? Buweno, huwag mong basahin nang mabilis ang mga ito. Alalahanin ang mayamang tagapamahala na nagtanong kay Jesu-Kristo: “Ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?” Nang repasuhin ni Jesus ang mahahalagang kahilingan ng Kautusan ng Diyos, sinabi ng lalaki na nagagawa na niya ang mga ito. Gayunman, natanto niya na kailangang gumawa siya nang higit pa. Hiniling ni Jesus na mag-ukol siya nang higit na pagsisikap upang maikapit ang makadiyos na mga simulain sa praktikal na mga paraan, upang maging isang aktibong alagad. Lumilitaw, ang lalaki ay hindi handa na gawin ang gayon kalaking bagay. (Lucas 18:18-23) Kaya, kailangang tandaan ng sinuman sa ngayon na nais matuto sa mga turo ni Jesus na may kaibahan ang pagsang-ayon sa mga ito at ang aktuwal na panghahawakan sa mga ito, sa gayon ay mababawasan ang kaigtingan.

      18. Ilarawan kung paano mo magagamit ang kalakip na kahon sa kapaki-pakinabang na paraan.

      18 Bilang pasimula sa pagsusuri at pagkakapit sa mga turo ni Jesus, tingnan ang punto 1 sa kalakip na kahon. Tumutukoy ito sa Mateo 5:3-9. Ang totoo, sinuman sa atin ay makagugugol ng maraming panahon sa pagbubulay-bulay sa kamangha-manghang payo na iniharap sa mga talatang iyon. Gayunman, sa pagsusuri sa mga ito sa kabuuan, ano ang iyong mahihinuha hinggil sa saloobin? Kung talagang gusto mong madaig ang epekto ng labis na kaigtingan sa iyong buhay, ano ang makatutulong? Paano mo mapabubuti ang iyong kalagayan kung pasusulungin mo ang iyong pagbibigay-pansin sa espirituwal na mga bagay, anupat hinahayaan itong mangibabaw sa iyong mga kaisipan? May pinagkakaabalahan ka ba sa iyong buhay na kailangang hindi mo gaanong pahalagahan, anupat magbibigay-daan para higit na mabigyang-pansin ang espirituwal na mga isyu? Kung gagawin mo ito, makadaragdag ito sa iyong kaligayahan ngayon.

      19. Ano ang magagawa mo upang makapagtamo ng karagdagang kaunawaan?

      19 Ngayon ay may iba ka pang magagawa. Bakit hindi ipakipag-usap ang mga talatang iyon sa isa pang lingkod ng Diyos, marahil sa iyong asawa, isang malapit na kamag-anak, o isang kaibigan? (Kawikaan 18:24; 20:5) Tandaan na ang mayamang tagapamahala ay nagtanong sa iba​—kay Jesus​—​tungkol sa isang kaugnay na bagay. Ang tugon ay nakapagpabuti sana sa kaniyang pag-asa ukol sa kaligayahan at walang-hanggang buhay. Ang kapuwa mananamba na kakausapin mo hinggil sa mga talatang iyon ay hindi makakapantay ni Jesus; gayunman, ang pag-uusap tungkol sa mga turo ni Jesus ay magiging kapaki-pakinabang sa inyong dalawa. Sikaping gawin ito sa lalong madaling panahon.

      20, 21. Anong programa ang maaari mong sundin upang matuto tungkol sa mga turo ni Jesus, at paano mo masusuri ang iyong pagsulong?

      20 Tingnan mong muli ang kalakip na kahon, “Mga Turo na Tutulong sa Iyo.” Ang mga turong ito ay pinagbukud-bukod upang magkaroon ka ng kahit isa man lamang turo na maisasaalang-alang sa bawat araw. Maaari mo munang basahin ang sinabi ni Jesus sa mga talatang binanggit. Pagkatapos ay pag-isipan ang kaniyang mga sinabi. Magmuni-muni kung paano mo maikakapit ang mga ito sa iyong buhay. Kung sa palagay mo’y ginagawa mo na ito, magbulay-bulay upang makita kung ano pa ang magagawa mo upang makapamuhay ayon sa turong iyon ng Diyos. Sikaping ikapit ito sa araw na iyon. Kung kailangang magpunyagi ka upang maunawaan ito o maintindihan kung paano mo ito maikakapit, gumugol ng isa pang araw rito. Gayunman, tandaan na hindi mo ito kailangang kabisaduhin bago ka lilipat sa susunod. Kinabukasan, maisasaalang-alang mo ang isa pang turo. Sa dulo ng isang linggo, maaari mong repasuhin kung gaano ka katagumpay sa pagkakapit sa apat o limang turo ni Jesus. Sa ikalawang linggo ay magdagdag ka pa, araw-araw. Kung masumpungan mo na nabigo kang ikapit ang isang turo, huwag kang masiraan ng loob. Bawat Kristiyano ay makararanas ng gayon. (2 Cronica 6:36; Awit 130:3; Eclesiastes 7:20; Santiago 3:8) Patuloy itong ikapit sa ikatlo at ikaapat na linggo.

      21 Pagkalipas ng isang buwan o higit pa, baka naisaalang-alang mo na ang lahat ng 31 punto. Anuman ang naisaalang-alang, ano ang madarama mo bilang resulta? Hindi ba’t ikaw ay mas maligaya, marahil ay mas relaks? Kahit na makagawa ka lamang ng kaunting pagsulong, malamang na mababawasan ang kaigtingang nadarama mo, o sa paanuman ay mapangangasiwaan mo nang mas mabuti ang kaigtingan, at malalaman mo ang pamamaraan para magpatuloy. Huwag mong kalilimutan na marami pang ibang maiinam na punto sa mga turo ni Jesus na wala sa talaan. Bakit hindi saliksikin ang ilan sa mga ito at sikaping ikapit ang mga ito?​—Filipos 3:16.

      22. Ano ang maaaring ibunga ng pagsunod sa mga turo ni Jesus, ngunit anong karagdagang aspekto ang kailangang pag-aralan?

      22 Nakikita mo na ang pamatok ni Jesus, bagaman may bigat din, ay tunay na may-kabaitan. Ang pasanin ng kaniyang mga turo at ng pagiging alagad ay magaan. Pagkaraan ng mahigit na 60 taon ng personal na karanasan, si apostol Juan, ang minamahal na kaibigan ni Jesus, ay sumang-ayon: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Maaari mong taglayin ang gayunding pagtitiwala. Habang tumatagal ang pagkakapit mo sa mga turo ni Jesus, lalo mong masusumpungan na ang labis na nagpapaigting sa buhay ng marami sa ngayon ay hindi na nakapagpapaigting sa iyo. Makikita mo na nakasumpong ka ng matinding ginhawa. (Awit 34:8) Gayunman, may isa pang aspekto sa may-kabaitang pamatok ni Jesus na kailangan mong isaalang-alang. Binanggit din ni Jesus ang kaniyang pagiging “mahinahong-loob at mababa ang puso.” Paano ito kumakapit sa ating pagkatuto at pagtulad kay Jesus? Isasaalang-alang natin ito sa susunod na artikulo.​—Mateo 11:29.

  • “Matuto Kayo Mula sa Akin”
    Ang Bantayan—2001 | Disyembre 15
    • “Matuto Kayo Mula sa Akin”

      “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”​—MATEO 11:29.

      1. Bakit maaaring maging kalugud-lugod at nakapagpapayaman ang matuto mula kay Jesus?

      SI Jesu-Kristo ay laging nag-iisip, nagtuturo, at kumikilos nang naaangkop. Maikli lamang ang kaniyang panahon sa lupa, ngunit tinamasa niya ang isang kapaki-pakinabang at kasiya-siyang karera, at nanatili siyang maligaya. Kumuha siya ng mga alagad at tinuruan sila kung paano sasambahin ang Diyos, iibigin ang sangkatauhan, at daraigin ang sanlibutan. (Juan 16:33) Nilipos niya ng pag-asa ang kanilang puso at “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2 Timoteo 1:10) Kung ibinibilang mo ang iyong sarili na alagad niya, ano sa palagay mo ang kahulugan ng pagiging alagad? Sa pagsasaalang-alang sa sinabi ni Jesus hinggil sa mga alagad, matututuhan natin kung paano mapayayaman ang ating buhay. Nagsasangkot ito ng pagtanggap sa kaniyang pangmalas at pagkakapit sa ilang saligang simulain.​—Mateo 10:24, 25; Lucas 14:26, 27; Juan 8:31, 32; 13:35; 15:8.

      2, 3. (a) Ano ba ang isang alagad ni Jesus? (b) Bakit mahalaga na itanong sa ating sarili, ‘Kanino ako naging alagad?’

      2 Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang isinaling “alagad” ay pangunahin nang nangangahulugang isa na nagtutuon ng kaniyang pag-iisip sa isang bagay, o isa na natututo. Ang isang kaugnay na salita ay makikita sa ating temang teksto, Mateo 11:29: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” Oo, ang isang alagad ay isang mag-aarál. Karaniwan nang ikinakapit ng mga Ebanghelyo ang salitang “alagad” sa matalik na mga tagasunod ni Jesus, na naglakbay na kasama niya habang siya ay nangangaral at mga naturuan din naman niya. Maaaring basta na lamang tanggapin ng ilang tao ang mga turo ni Jesus, baka ginawa pa nga ito nang palihim. (Lucas 6:17; Juan 19:38) Binanggit din ng mga manunulat ng Ebanghelyo “ang mga alagad ni Juan [na Tagapagbautismo] at ang mga alagad ng mga Pariseo.” (Marcos 2:18) Yamang nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “mag-ingat . . . sa turo ng mga Pariseo,” maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Kanino ako naging alagad?’​—Mateo 16:12.

      3 Kung tayo ay mga alagad ni Jesus at kung tayo ay natuto sa kaniya, dapat lamang kung gayon na makadama ang iba ng espirituwal na kaginhawahan kapag kasama tayo. Dapat na maunawaan nila na tayo ay naging mas mahinahong-loob at mas mababa ang puso. Kung tayo ay may mga pananagutan sa pangangasiwa sa ating trabaho, kung tayo ay mga magulang, o may mga pananagutan sa pagpapastol sa kongregasyong Kristiyano, nadarama ba niyaong nasa ating pangangalaga na pinakikitunguhan natin sila na gaya ng pakikitungo ni Jesus sa mga pinangangalagaan niya?

      Kung Paano Nakitungo si Jesus sa mga Tao

      4, 5. (a) Bakit hindi mahirap na malaman kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao na may mga problema? (b) Ano ang naging karanasan ni Jesus nang kumakain siya sa tahanan ng isang Pariseo?

      4 Kailangan nating malaman kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao, lalo na sa mga may malulubhang problema. Hindi iyon dapat mahirap matutuhan; ang Bibliya ay naglalaman ng maraming ulat tungkol sa pakikitungo ni Jesus sa iba, na ang ilan sa mga ito ay napipighati. Pansinin din natin kung paano nakitungo ang mga relihiyosong lider, lalo na ang mga Pariseo, sa mga tao na may gayunding mga problema. Nakapagtuturo ang pagkakaiba.

      5 Noong taóng 31 C.E., samantalang si Jesus ay naglilibot upang mangaral sa Galilea, “isa sa mga Pariseo ang patuloy na humihiling [kay Jesus] na kumaing kasama niya.” Si Jesus ay hindi nag-atubili na tanggapin ang paanyaya. “Alinsunod dito ay pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa mesa. At, narito! isang babae na kilala sa lunsod bilang isang makasalanan ang nakaalam na nakahilig siya sa kainan sa bahay ng Pariseo, at nagdala ito ng isang sisidlang alabastro ng mabangong langis, at, pagkatapos na lumagay sa likuran ng kaniyang mga paa, tumangis ang babae at pinasimulang basain ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga paa at pinunasan niya ang mga iyon ng buhok ng kaniyang ulo. Gayundin, magiliw na hinalikan ng babae ang kaniyang mga paa at pinahiran ng mabangong langis.”​—Lucas 7:36-38.

      6. Bakit posibleng ang babae na “isang makasalanan” ay nasa tahanan ng Pariseo?

      6 Maguguniguni mo ba iyon? Ganito ang sinabi ng isang reperensiyang akda: “Sinamantala ng babae (tal.37) ang mga kaugalian sa lipunan na nagpapahintulot sa nangangailangang mga tao na magpunta sa gayong piging upang tumanggap ng mga tira-tira.” Maaaring ipaliwanag nito kung paano makapapasok ang isang tao na di-inanyayahan. Baka may mga iba pa na umaasang makasisimot ng pagkain kapag natapos ang kainan. Gayunman, kakaiba ang iginawi ng babaing ito. Hindi siya nagmasid mula sa tabi, anupat naghihintay na matapos ang kainan. Siya ay may di-kaayaayang reputasyon, palibhasa’y “isang makasalanan” na kilaláng-kilalá, anupat sinabi ni Jesus na alam niya ang “kaniyang mga kasalanan, bagaman marami [ang mga ito].”​—Lucas 7:47.

      7, 8. (a) Paano kaya tayo tumugon sa ilalim ng mga kalagayan na katulad niyaong iniulat sa Lucas 7:36-38? (b) Paano tumugon si Simon?

      7 Gunigunihin ang iyong sarili na nabubuhay nang panahong iyon at ikaw ang nasa kalagayan ni Jesus. Ano kaya ang iyong reaksiyon? Ikaw kaya ay maaasiwa habang lumalapit sa iyo ang babaing ito? Paano makaaapekto sa iyo ang gayong situwasyon? (Lucas 7:45) Ikaw kaya ay mangingilabot?

      8 Kung ikaw ay kabilang sa ibang mga panauhin, ang iyo kayang pag-iisip sa paanuman ay naging kagaya niyaong kay Simon na Pariseo? “Nang makita ito, ang Pariseo na nag-anyaya [kay Jesus] ay nagsabi sa loob niya: ‘Ang taong ito, kung siya nga ay propeta, ay makakakilala kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniya, na siya ay isang makasalanan.’ ” (Lucas 7:39) Sa kabaligtaran, si Jesus ay isang lalaki na lubhang mahabagin. Naunawaan niya ang kalagayan ng babae at nadama ang kaniyang pagdadalamhati. Hindi sinabi sa atin kung paano siya nasadlak sa isang makasalanang pamumuhay. Kung siya ay talagang isang patutot, ang mga lalaki ng bayan, na mga debotong Judio, ay lumilitaw na hindi tumulong sa kaniya.

      9. Paano tumugon si Jesus, at ano ang posibleng resulta nito?

      9 Ngunit gusto siyang tulungan ni Jesus. Sinabi niya sa babae: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.” (Lucas 7:48-50) Dito nagtatapos ang ulat. Maaaring tumutol ang ilan na walang gaanong ginawa si Jesus para sa kaniya. Ang totoo, pinahayo niya ito taglay ang kaniyang pagpapala. Sa palagay mo ba ay posibleng bumalik siya sa kaniyang masamang paraan ng pamumuhay? Bagaman hindi natin masasabi nang may katiyakan, pansinin kung ano ang sumunod na sinabi ni Lucas. Inilahad niya na si Jesus ay naglakbay “sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian.” Iniulat din ni Lucas na ang “ilang babae” ay kasama ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, na “naglilingkod sa kanila mula sa . . . mga tinatangkilik [ng mga babae].” May posibilidad na ang nagsisi at mapagpahalagang babaing ito ay kabilang na noon sa kanila, anupat nagpasimula na ng isang makadiyos na paraan ng pamumuhay taglay ang isang malinis na budhi, isang panibagong pagkadama ng layunin, at isang mas matinding pag-ibig sa Diyos.​—Lucas 8:1-3.

      Pagkakaiba ni Jesus at ng mga Pariseo

      10. Bakit kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang ulat tungkol kay Jesus at sa babae sa tahanan ni Simon?

      10 Ano ang matututuhan natin mula sa malinaw na ulat na ito? Inaantig nito ang ating damdamin, hindi ba? Gunigunihin mo ang iyong sarili na nasa tahanan ni Simon. Ano ang madarama mo? Tutugon ka ba na gaya ni Jesus, o madarama mo nang bahagya ang nadama ng Pariseo na nag-anyaya sa kaniya? Si Jesus ay Anak ng Diyos, kaya hindi natin eksaktong matutularan ang kaniyang nadama at ikinilos. Sa kabilang panig naman, marahil ay hindi natin gustong isipin na katulad natin si Simon, ang Pariseo. Kaunti lamang ang magmamalaki sa pagiging katulad ng mga Pariseo.

      11. Bakit ayaw nating maging kauri ng mga Pariseo?

      11 Mula sa pag-aaral sa salig-Bibliya at sekular na katibayan, mahihinuha natin na mataas ang pagtingin ng mga Pariseo sa kanilang sarili bilang mga katiwala ukol sa ikabubuti ng bayan at sa kapakanan ng bansa. Hindi sila kontento na ang Kautusan ng Diyos ay pangunahin nang maliwanag at madaling maunawaan. Kailanma’t ang Kautusan ay waring hindi espesipiko para sa kanila, sinisikap nilang punan ang ipinalalagay na mga puwang ng espesipikong mga pagkakapit upang alisin ang anumang pangangailangan ukol sa budhi. Tinangka ng mga relihiyosong lider na ito na gumawa ng panuntunan na uugit sa paggawi sa lahat ng isyu, kahit sa hindi mahahalagang bagay.a

      12. Ano ang pangmalas ng mga Pariseo sa kanilang sarili?

      12 Nililiwanag ng unang-siglong istoryador na Judio na si Josephus na itinuturing ng mga Pariseo ang kanilang sarili na mabait, malumanay, makatarungan, at ganap na kuwalipikado sa kanilang mga atas. Walang alinlangan, ang ilan sa kanila ay halos naging gayon nga. Maaaring sumagi sa iyong isip si Nicodemo. (Juan 3:1, 2; 7:50, 51) Nang maglaon, ang ilan sa kanila ay yumakap sa landasing Kristiyano. (Gawa 15:5) Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat tungkol sa ilang Judio, tulad ng mga Pariseo: “May sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Gayunman, inihaharap sila ng mga Ebanghelyo ayon sa naging pangmalas sa kanila ng mga pangkaraniwang tao​—mapagmapuri, arogante, mapagmatuwid sa sarili, mapaghanap ng kamalian, mahilig humatol, at mapanghamak.

      Ang Pangmalas ni Jesus

      13. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa mga Pariseo?

      13 Kinastigo ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo bilang mga mapagpaimbabaw. “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” Oo, ang pasan ay mabigat, at ang pamatok na ipinapasan sa mga tao ay may kalupitan. Tinawag pa ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo na “mga mangmang.” Ang isang mangmang ay isang panganib sa pamayanan. Tinawag din ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo na “mga bulag na tagaakay” at iginiit na “winalang-halaga [nila] ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.” Sino ang nagnanais na ituring ni Jesus na katulad ng mga Pariseo?​—Mateo 23:1-4, 16, 17, 23.

      14, 15. (a) Ang pakikitungo ni Jesus kay Mateo Levi ay nagsisiwalat ng ano tungkol sa mga paraan ng mga Pariseo? (b) Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin mula sa ulat na ito?

      14 Nakikita ng halos sinumang mambabasa ng mga ulat ng Ebanghelyo ang likas na pagiging mapunahin ng karamihan sa mga Pariseo. Matapos anyayahan ni Jesus si Mateo Levi, ang maniningil ng buwis, na maging isang alagad, si Levi ay naghanda ng isang malaking piging bilang pagsalubong sa kaniya. Sinasabi ng ulat: “Dahil dito ang mga Pariseo at ang kanilang mga eskriba ay nagsimulang bumulong sa kaniyang mga alagad, na sinasabi: ‘Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?’ Bilang tugon ay sinabi ni Jesus sa kanila: ‘. . . Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.’ ”​—Lucas 5:27-32.

      15 Naunawaan mismo ni Levi ang isa pang bagay na sinabi ni Jesus nang pagkakataong iyon: “Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ ” (Mateo 9:13) Bagaman inaangkin ng mga Pariseo na naniniwala sila sa mga isinulat ng mga propetang Hebreo, hindi nila tinanggap ang pananalitang ito mula sa Oseas 6:6. Kung sakali mang magkamali sila, tiniyak nila na ito ay dahil sa mahigpit na pagsunod sa tradisyon. Bawat isa sa atin ay maaaring magtanong sa ating sarili, ‘Ako ba ay kilala sa pagiging mahigpit sa pagsunod sa ilang alituntunin, gaya ng mga alituntunin na doo’y masasalamin ang personal na opinyon o karaniwang pagharap sa isang bagay? O ang turing ba sa akin ng iba, una sa lahat, ay maawain at mabait?’

      16. Ano ang paraan ng mga Pariseo, at paano natin maiiwasang maging katulad nila?

      16 Puna, puna, puna. Iyan ang paraan ng mga Pariseo. Hinahanap ng mga Pariseo ang bawat pagkakamali​—totoo man o guniguni. Lagi nilang pinupukaw na magtanggol ang mga tao at ipinaaalaala sa kanila ang kanilang mga pagkukulang. Ipinagmamapuri ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa pagbibigay ng ikapu maging sa pinakamaliit na halaman, gaya ng yerbabuena, eneldo, at komino. Itinatanghal nila ang kanilang kabanalan sa pamamagitan ng kanilang pananamit at sinisikap na ugitan ang bansa. Walang alinlangan, kung gusto nating makasuwato ng ating mga kilos ang halimbawa ni Jesus, dapat nating iwasan ang hilig na laging maghanap at magtampok ng mga pagkakamali sa iba.

      Paano Hinarap ni Jesus ang mga Problema?

      17-19. (a) Ipaliwanag kung paano hinarap ni Jesus ang isang situwasyon na nagkaroon sana ng napakalubhang kinahinatnan. (b) Ano ang nagpangyari na maging maigting at di-kaayaaya ang situwasyon? (c) Kung sakaling ikaw ay naroon nang lapitan ng babae si Jesus, ano kaya ang naging reaksiyon mo?

      17 Ang paraan ni Jesus sa pagharap sa mga problema ay lubhang naiiba sa paraan ng mga Pariseo. Isaalang-alang kung paano hinarap ni Jesus ang isang situwasyon na maaari sanang naging napakalubha. Kasangkot dito ang isang babae na inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon. Mababasa mo ang ulat sa Lucas 8:42-48.

      18 Sinasabi ng ulat ni Marcos na ang babae ay “natatakot at nanginginig.” (Marcos 5:33) Bakit? Walang alinlangan na dahil sa alam niya na nilabag niya ang Kautusan ng Diyos. Ayon sa Levitico 15:25-28, ang isang babae na may di-karaniwang pag-agas ng dugo ay marumi hangga’t inaagasan siya, at hanggang sa lumipas pa ang sanlinggo pagkatapos itong huminto. Lahat ng kaniyang mahipo at bawat tao na madaiti sa kaniya ay nagiging marumi. Upang makalapit kay Jesus, ang babaing ito ay kailangang makipagsiksikan sa pulutong. Kung titingnan natin ang ulat 2,000 taon na ang nakalipas, mahahabag tayo sa kaniya dahil sa kaniyang paghihirap.

      19 Kung ikaw ay naroroon sa araw na iyon, paano mo kaya minalas ang situwasyon? Ano ang maaaring sinabi mo? Pansinin na pinakitunguhan ni Jesus ang babaing ito sa isang mabait, maibigin, at makonsiderasyong paraan, ni wala mang binanggit na anumang problema na maaaring naidulot niya.​—Marcos 5:34.

      20. Kung ang Levitico 15:25-28 ay isang kahilingan sa ngayon, anong hamon ang mapapaharap sa atin?

      20 May matututuhan ba tayo mula sa pangyayaring ito? Ipagpalagay nating ikaw ay isang matanda sa isang kongregasyong Kristiyano sa ngayon. At ipagpalagay rin na ang Levitico 15:25-28 ay isang kahilingang Kristiyano sa ngayon at nilabag ng isang babaing Kristiyano ang kautusang iyon, anupat natataranta at kaawa-awa. Paano ka kaya tutugon? Ipapahiya mo ba siya sa madla sa pamamagitan ng mapamunang payo? “Ah,” ang sasabihin mo, “hindi ko kailanman gagawin iyan! Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, gagawin ko ang lahat ng pagsisikap upang maging mabait, maibigin, mapagmalasakit, at makonsiderasyon.” Napakahusay! Subalit ang hamon ay ang gawin ito, ang tularan ang parisan na inilaan ni Jesus.

      21. Ano ang itinuro ni Jesus sa mga tao tungkol sa Kautusan?

      21 Ang totoo, ang mga tao ay naginhawahan kay Jesus, napabuti at napatibay-loob. Kapag ang Kautusan ng Diyos ay espesipiko, iyon mismo ang kahulugan nito. Kung ito ay waring pangkalahatan, ang kanilang budhi ay higit na gaganap ng papel at maipakikita nila ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pasiya. Ang Kautusan ay nagbigay sa kanila ng pagkakataon na bumagay sa situwasyon. (Marcos 2:27, 28) Minahal ng Diyos ang kaniyang bayan, lagi siyang nagpapagal para sa kanilang ikabubuti, at handa siyang maging maawain kapag sila ay nagkamali. Ganiyan si Jesus.​—Juan 14:9.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share