Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Hindi Mo Alam Kung Saan Ito Magtatagumpay!
    Ang Bantayan—2008 | Hulyo 15
    • Ang Ilustrasyon Tungkol sa Lebadura

      9, 10. (a) Anong punto ang idiniin ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa lebadura? (b) Sa Bibliya, saan karaniwang lumalarawan ang lebadura, at anong tanong tungkol sa pagtukoy ni Jesus sa lebadura ang isasaalang-alang natin?

      9 Ang paglago ay hindi laging nakikita ng mga tao. Sa kaniyang sumunod na ilustrasyon, idiniin ni Jesus ang puntong ito. Sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng lebadura, na kinuha ng isang babae at itinago sa tatlong malalaking takal ng harina, hanggang sa mapaalsa ang buong limpak.” (Mat. 13:33) Saan lumalarawan ang lebadurang ito, at paano ito nauugnay sa paglago ng Kaharian?

      10 Sa Bibliya, ang lebadura ay karaniwan nang ginagamit para lumarawan sa kasalanan. Sa ganitong paraan tinukoy ni apostol Pablo ang lebadura nang banggitin niya ang nakasasamang impluwensiya ng isang makasalanan sa kongregasyon sa sinaunang Corinto. (1 Cor. 5:6-8) Ginamit ba ni Jesus sa pagkakataong ito ang lebadura upang lumarawan sa paglago ng isang negatibong bagay?

      11. Paano ginamit ang lebadura sa sinaunang Israel?

      11 Bago sagutin ang tanong na iyan, kailangan muna nating bigyang-pansin ang tatlong mahahalagang bagay. Una, bagaman hindi pinahihintulutan ni Jehova na gumamit ng lebadura kapag panahon ng kapistahan ng Paskuwa, may mga pagkakataon namang tinatanggap niya ang mga hain na may lebadura. Ginamit ang lebadura may kaugnayan sa mga handog na pansalu-salo bilang pasasalamat, na kusang-loob na inihahain ng naghahandog taglay ang espiritu ng pasasalamat dahil sa maraming pagpapala ni Jehova. Nagdudulot ng kasiyahan ang kainang ito.​—Lev. 7:11-15.

      12. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng Bibliya ng paggamit ng mga sagisag para lumarawan sa iba pang bagay?

      12 Pangalawa, bagaman ang isang sagisag ay maaaring may negatibong kahulugan sa Kasulatan, may mga pagkakataong maaari din naman itong gamitin para lumarawan sa isang positibong bagay. Halimbawa sa 1 Pedro 5:8, itinulad si Satanas sa isang leon para ipakitang siya ay mapanganib at mabangis. Pero sa Apocalipsis 5:5, itinulad si Jesus sa isang leon​—“ang Leon na mula sa tribo ni Juda.” Dito ay ginamit ang leon para sumagisag sa may lakas-loob na katarungan.

      13. Ano ang ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lebadura may kinalaman sa espirituwal na paglago?

      13 Pangatlo, hindi sinabi ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon na sinira ng lebadura ang buong limpak ng harina, anupat hindi na ito puwedeng gamitin. Tinukoy lamang niya ang karaniwang proseso sa paggawa ng tinapay. Sadyang idinagdag ng maybahay ang lebadura, at maganda naman ang resulta. Itinago sa limpak ng harina ang lebadura. Kaya ang proseso ng pag-alsa ay hindi nakita ng maybahay. Ipinaaalaala nito sa atin ang lalaking naghahasik ng binhi at natutulog sa gabi. Sinabi ni Jesus na “ang binhi ay sumisibol at tumataas, kung paano ay hindi . . . alam [ng lalaki].” (Mar. 4:27) Napakasimple ngang paglalarawan sa di-nakikitang proseso ng espirituwal na paglago! Hindi man natin makita ang paglago sa simula, pero unti-unti ring mahahayag ang mga resulta nito.

      14. Anong aspekto ng gawaing pangangaral ang inilalarawan ng pag-alsa ng buong limpak dahil sa lebadura?

      14 Ang paglago ay hindi lamang lingid sa mata ng mga tao kundi laganap din ito. Ito ay isa pang aspektong idiniin sa ilustrasyon tungkol sa lebadura. Pinaalsa ng lebadura ang buong limpak, lahat ng “tatlong malalaking takal ng harina.” (Luc. 13:21) Tulad ng lebadura, ang gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian na siyang dahilan ng pagdami ng mga alagad ay lumawak hanggang sa punto na ipinangangaral na ngayon ang Kaharian “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Mat. 24:14) Napakalaki ngang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa kamangha-manghang paglawak na ito ng gawaing pang-Kaharian!

  • Hindi Mo Alam Kung Saan Ito Magtatagumpay!
    Ang Bantayan—2008 | Hulyo 15
    • 20, 21. (a) Ano ang natutuhan natin sa pagrerepaso sa mga ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa paglago? (b) Ano ang determinado mong gawin?

      20 Ano ang natutuhan natin sa maikling pagrerepaso sa mga ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa paglago? Una, mabilis ang pagdami ng mga taong nakikinig sa mensahe ng Kaharian tulad ng paglago ng butil ng mustasa. Walang makapipigil sa paglawak ng gawain ni Jehova! (Isa. 54:17) Karagdagan pa, ang proteksiyon laban kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sanlibutan ay inilalaan sa mga humahanap ng “masisilungan sa ilalim ng lilim [ng punungkahoy].” Ikalawa, ang Diyos ang nagpapalago nito. Gaya ng pagkalat ng itinagong lebadura sa buong limpak, hindi ito agad palaging nakikita o nauunawaan pero nangyayari ito! Ikatlo, hindi napatutunayan ng lahat ng tumutugon na sila ay karapat-dapat. Ang ilan ay tulad ng di-karapat-dapat na isda sa ilustrasyon ni Jesus.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share