-
“Pagkasumpong sa Isang Perlas na may Mataas na Halaga”Ang Bantayan—2005 | Pebrero 1
-
-
“Pagkasumpong sa Isang Perlas na may Mataas na Halaga”
“Ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—MATEO 11:12.
1, 2. (a) Anong bihirang katangian ang inilarawan ni Jesus sa isa sa mga talinghaga niya hinggil sa Kaharian? (b) Ano ang sinabi ni Jesus sa talinghaga hinggil sa perlas na may malaking halaga?
MAY isang bagay ba na napakahalaga sa iyo anupat ibibigay mo ang lahat ng iyong pag-aari o isasakripisyo mo ang lahat ng iyong tinataglay makamit lamang ito? Bagaman ang mga tao’y nag-uukol ng debosyon sa pag-abot sa ilang tunguhin—salapi, katanyagan, kapangyarihan, o posisyon—bihira sa isang tao na makasumpong ng isang bagay na lubhang kanais-nais anupat handa niyang isakripisyo ang lahat alang-alang dito. Tinukoy ni Jesu-Kristo ang bihira ngunit kapuri-puring katangiang ito sa isa sa maraming nakapupukaw-kaisipang mga talinghaga niya hinggil sa Kaharian ng Diyos.
2 Ito ay isang talinghaga, o ilustrasyon, na sinabi ni Jesus tangi lamang sa kaniyang mga alagad, isa na malimit tukuyin bilang ang talinghaga hinggil sa perlas na may mataas na halaga. Ganito ang sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas. Sa pagkasumpong sa isang perlas na may mataas na halaga, umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:36, 45, 46) Ano ang gusto ni Jesus na matutuhan ng kaniyang mga tagapakinig mula sa ilustrasyong ito? At paano tayo makikinabang mula sa mga salita ni Jesus?
Mataas na Halaga ng mga Perlas
3. Bakit napakahalaga ng maiinam na perlas noong sinaunang panahon?
3 Noon pa mang sinaunang panahon, pinahahalagahan na ang mga perlas bilang mga palamuti. Sinabi ng isang reperensiya na ayon sa Romanong iskolar na si Pliny na Nakatatanda, ang mga perlas ang “pangunahin sa lahat ng mga bagay na may halaga.” Di-tulad ng ginto, pilak, o ng maraming batong-hiyas, ang mga perlas ay nagmumula sa nabubuhay na mga bagay. Kilalá ang kakayahan ng ilang uri ng talaba na gawing makikinang na perlas ang mga bagay na nagdudulot sa kanila ng iritasyon—tulad ng maliliit na piraso ng bato—sa pamamagitan ng pagbalot sa mga ito ng likidong tinatawag na nakar na inilalabas ng talaba. Noong sinaunang panahon, ang pinakamaiinam na perlas ay pangunahin nang nakukuha sa Dagat na Pula, sa Gulpo ng Persia, at sa Karagatan ng India—malayo sa lupain ng Israel. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit binanggit ni Jesus ang “isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas.” Upang makasumpong ng tunay na mahahalagang perlas, kailangan ang puspusang pagpapagal.
4. Ano ang pangunahing punto sa talinghaga ni Jesus hinggil sa naglalakbay na mangangalakal?
4 Bagaman noon pa man ay mahal na ang maiinam na perlas, maliwanag na hindi ang kanilang presyo ang pangunahing punto sa talinghaga ni Jesus. Sa talinghagang ito, hindi lamang itinulad ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa isang perlas na may mataas na halaga; itinawag-pansin niya ang “isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas” at ang reaksiyon nito nang makasumpong ito ng gayong perlas. Di-tulad ng pangkaraniwang tindero, ang isang naglalakbay na mangangalakal, o negosyante, ng perlas ay matatawag ding isang eksperto sa ganitong hanapbuhay. Matalas ang kaniyang mga mata o madali niyang napapansin ang magagandang katangian at di-halatang mga detalye na palatandaan ng isang pambihirang uri ng perlas. Alam niya kung alin ang tunay na perlas kapag nakita niya ito at hindi siya malilinlang sa ipinagbibiling mahinang uri o huwad na perlas.
5, 6. (a) Ano ang lubhang kapansin-pansin hinggil sa mangangalakal sa talinghaga ni Jesus? (b) Ano ang isinisiwalat ng talinghaga hinggil sa nakatagong kayamanan kung tungkol sa naglalakbay na mangangalakal?
5 May isa pang bagay na kapansin-pansin sa natatanging mangangalakal na ito. Maaaring kuwentahin muna ng isang karaniwang mangangalakal kung magkano maipagbibili ang perlas upang matiyak kung magkano niya ito babayaran para tumubo siya. Baka isasaalang-alang din niya kung may gustong bumili ng gayong perlas upang madali niya itong maibenta. Sa ibang salita, magiging interesado siya sa agad na tutubuin ng kaniyang puhunan, hindi sa pagmamay-ari ng perlas. Ngunit hindi gayon ang mangangalakal sa talinghaga ni Jesus. Hindi siya interesado sa salapi o sa tubò. Sa katunayan, handa niyang isakripisyo ang “lahat ng mga bagay na taglay niya”—marahil ang lahat ng kaniyang pag-aari—makamit lamang ang kaniyang hinahanap.
6 Sa pangmalas ng maraming mangangalakal, malamang na mali ang ginawa ng lalaking iyon sa talinghaga ni Jesus. Ang isang matalinong negosyante ay hindi papasok sa gayong peligrosong pamumuhunan. Ngunit iba ang pamantayan ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus tungkol sa kung alin ang mahalaga. Ang kaniyang kagantihan ay hindi pinansiyal na kapakinabangan kundi ang kagalakan at kasiyahang dulot ng pagmamay-ari ng isang bagay na may nakahihigit na halaga. Niliwanag ang puntong ito sa isang katulad na ilustrasyon na inilahad ni Jesus. Sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang nakatago sa parang, na nasumpungan ng isang tao at itinago; at dahil sa kagalakang taglay niya ay humayo siya at ipinagbili ang mga bagay na taglay niya at binili ang bukid na iyon.” (Mateo 13:44) Oo, ang kagalakang nadama ng taong iyon nang matuklasan at makamit niya ang kayamanan ay sapat na para pakilusin siyang isakripisyo ang lahat ng taglay niya. May ganiyan bang mga indibiduwal sa ngayon? Mayroon bang kayamanan na karapat-dapat sa gayong pagsasakripisyo?
Yaong mga May Mataas na Pagpapahalaga sa Kaharian
7. Paano ipinakita ni Jesus na talagang mataas ang pagpapahalaga niya sa Kaharian?
7 Nang sabihin niya ang kaniyang talinghaga, tinatalakay noon ni Jesus ang tungkol sa “kaharian ng langit.” Siya mismo ay tiyak na may mataas na pagpapahalaga sa Kaharian. May matibay na patotoo ang Ebanghelyo hinggil sa katotohanang iyan. Pagkatapos ng kaniyang bautismo noong 29 C.E., “pinasimulan ni Jesus ang pangangaral at ang pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” Sa loob ng tatlo at kalahating taon, tinuruan niya ang karamihan tungkol sa Kaharian. Nilibot niya ang buong lupain, anupat “naglakbay . . . sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.”—Mateo 4:17; Lucas 8:1.
8. Ano ang ginawa ni Jesus upang ipakita kung ano ang isasakatuparan ng Kaharian?
8 Sa paggawa ng maraming himala sa buong lupain—kasali na ang pagpapagaling sa maysakit, pagpapakain sa nagugutom, pagsupil sa lagay ng panahon, at pati na ang pagbuhay-muli sa mga patay—ipinakita rin ni Jesus kung ano ang isasakatuparan ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 14:14-21; Marcos 4:37-39; Lucas 7:11-17) Sa wakas, pinatunayan niya ang kaniyang pagkamatapat sa Diyos at sa Kaharian sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay, anupat namatay bilang isang martir sa pahirapang tulos. Kung paanong kusang isinakripisyo ng naglalakbay na mangangalakal na iyon ang lahat ng taglay niya alang-alang sa “perlas na may mataas na halaga,” namuhay rin si Jesus at namatay alang-alang sa Kaharian.—Juan 18:37.
9. Anong pambihirang katangian ang nakita sa unang mga alagad ni Jesus?
9 Hindi lamang iniukol ni Jesus ang kaniyang sariling buhay sa Kaharian kundi tinipon din niya ang isang maliit na grupo ng mga tagasunod. Talagang mataas din ang pagpapahalaga ng mga indibiduwal na ito sa Kaharian. Isa na rito si Andres, na dating alagad ni Juan na Tagapagbautismo. Nang marinig ang patotoo ni Juan na si Jesus “ang Kordero ng Diyos,” si Andres at ang isa pang alagad ni Juan, malamang na isa sa mga anak ni Zebedeo na nagngangalan ding Juan, ay agad na nápalapít kay Jesus at naging mga mananampalataya. Ngunit hindi lamang iyon ang nangyari. Pinuntahan agad ni Andres ang kaniyang kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” Hindi rin nagtagal at natanto ni Simon (na nakilala bilang Cefas, o Pedro), gayundin ni Felipe at ng kaniyang kaibigang si Natanael, na si Jesus nga ang Mesiyas. Sa katunayan, naudyukan pa nga si Natanael na sabihin kay Jesus: “Ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”—Juan 1:35-49.
Napasiglang Kumilos
10. Paano tumugon ang mga alagad nang dumating si Jesus at anyayahan sila makalipas ang ilang panahon mula nang una niya silang makita?
10 Ang pananabik nina Andres, Pedro, Juan, at ng iba pa nang masumpungan nila ang Mesiyas ay maihahambing sa pananabik ng naglalakbay na mangangalakal nang masumpungan niya ang perlas na may mataas na halaga. Ano na ang gagawin nila ngayon? Walang gaanong sinasabi ang mga Ebanghelyo hinggil sa agad na ginawa nila pagkatapos ng una nilang makita si Jesus. Lumilitaw na nagbalik ang karamihan sa kanila sa normal na paraan ng kanilang pamumuhay. Gayunman, pagkalipas ng mga anim na buwan o isang taon, muli na namang nakita ni Jesus sina Andres, Pedro, Juan, at ang kapatid ni Juan na si Santiago sa kanilang negosyo ng pangingisda sa Dagat ng Galilea.a Nang makita sila, sinabi ni Jesus: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Paano sila tumugon? Ganito ang sinasabi ng ulat ni Mateo tungkol kina Pedro at Andres: “Karaka-rakang iniwan ang mga lambat, sila ay sumunod sa kaniya.” Ganito naman ang mababasa natin tungkol kina Santiago at Juan: “Karaka-rakang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, sila ay sumunod sa kaniya.” Sinasabi pa ng ulat ni Lucas na kanilang “iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.”—Mateo 4:18-22; Lucas 5:1-11.
11. Ano ang malamang na dahilan ng mabilis na pagtugon ng mga alagad sa paanyaya ni Jesus?
11 Ang mabilis na pagtugon ba ng mga alagad ay isang padalus-dalos na desisyon? Hindi! Bagaman binalikan nila ang negosyo ng pangingisda ng kanilang pamilya pagkatapos ng una nilang makita si Jesus, walang-alinlangang naikintal sa kanilang puso at isip ang bagay na nakita at narinig nila nang pagkakataong iyon. Ang paglipas ng halos isang taon ay malamang na nagbigay sa kanila ng maraming panahon upang bulay-bulayin ang gayong mga bagay. Ngayon ay panahon na upang magpasiya. Magiging katulad kaya sila ng naglalakbay na mangangalakal na ang puso ay labis na napasigla nang masumpungan niya ang walang-kasinghalagang perlas anupat, gaya ng paglalarawan ni Jesus, “umalis siya at dali-daling” ginawa ang kinakailangan upang mabili ang perlas na iyon? Oo. Napasigla ang kanilang puso sa nakita at narinig nila. Natanto nila na panahon na para kumilos. Kaya naman, gaya ng sinasabi sa atin ng ulat, walang pag-aatubili nilang isinakripisyo ang lahat ng bagay at naging mga tagasunod ni Jesus.
12, 13. (a) Paano tumugon ang marami sa mga nakarinig kay Jesus? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tapat na mga alagad, at ano ang ipinahihiwatig ng kaniyang mga salita?
12 Ibang-iba nga ang mga tapat na ito sa ilang tao na binanggit nang dakong huli sa mga ulat ng Ebanghelyo! Marami ang pinagaling o pinakain ni Jesus ngunit basta na lamang sila nagpatuloy sa kani-kanilang sariling gawain. (Lucas 17:17, 18; Juan 6:26) Tumanggi pa nga ang ilan nang anyayahan sila ni Jesus na maging mga tagasunod niya. (Lucas 9:59-62) Sa kabaligtaran, nang maglaon ay sinabi ni Jesus tungkol sa mga tapat: “Mula noong mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin na pinagpupunyagian ng mga tao, at sinusunggaban ito niyaong mga patuloy na nagpupunyagi.”—Mateo 11:12.
13 “Pinagpupunyagian” at “patuloy na nagpupunyagi”—ano ang ipinahihiwatig ng mga terminong ito? Ganito ang sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words tungkol sa pandiwang Griego kung saan hinalaw ang mga terminong ito: “Ipinahihiwatig ng pandiwang ito ang puspusang pagsisikap.” At sinasabi ng iskolar sa Bibliya na si Heinrich Meyer hinggil sa talatang ito: “Inilalarawan sa ganitong paraan ang may-pananabik, di-mapigilang pagsisikap at pagpupunyagi ukol sa nalalapit na Mesiyanikong kaharian . . . Gayon na lamang ang pananabik at kasiglahan (hindi na basta nananahimik lamang at naghihintay) may kinalaman sa kaharian.” Katulad ng naglalakbay na mangangalakal, natanto agad ng ilang indibiduwal na ito kung ano ang talagang mahalaga, at kusa nilang isinakripisyo ang lahat ng taglay nila alang-alang sa Kaharian.—Mateo 19:27, 28; Filipos 3:8.
Sumama ang Iba sa Paghahanap
14. Paano inihanda ni Jesus ang mga apostol para sa gawaing pangangaral ng Kaharian, at ano ang naging resulta?
14 Habang nagpapatuloy si Jesus sa kaniyang ministeryo, sinanay at tinulungan niya ang iba na magpagal alang-alang sa Kaharian. Pumili muna siya ng 12 mula sa kaniyang mga alagad at itinalaga niya sila bilang mga apostol, o mga sugo niya. Binigyan sila ni Jesus ng detalyadong mga tagubilin kung paano nila isasagawa ang kanilang ministeryo at binabalaan sila hinggil sa mga hamon at mga kahirapang mapapaharap sa kanila. (Mateo 10:1-42; Lucas 6:12-16) Sa sumunod na mga dalawang taon, sinamahan nila si Jesus sa kaniyang mga paglalakbay sa buong lupain upang mangaral, anupat tinamasa nila ang isang matalik na kaugnayan sa kaniya. Narinig nila ang mga sinabi niya, nasaksihan nila ang kaniyang makapangyarihang mga gawa, at nakita nila ang personal na halimbawa niya. (Mateo 13:16, 17) Walang alinlangan na lubhang nakaantig sa kanila ang lahat ng ito, anupat gaya ng naglalakbay na mangangalakal, naging masigasig sila at buong-pusong nagtaguyod sa Kaharian.
15. Ano ang sinabi ni Jesus na tunay na dahilan na dapat ikagalak ng kaniyang mga tagasunod?
15 Bukod sa 12 apostol, si Jesus ay “nag-atas ng pitumpung iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kaniya mismong paroroonan.” Binanggit din niya sa kanila ang mga pagsubok at mga kahirapang mapapaharap sa kanila at tinagubilinan sila na sabihin sa mga tao: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.” (Lucas 10:1-12) Nang magbalik ang 70, lubha silang nagalak at nag-ulat nang ganito kay Jesus: “Panginoon, maging ang mga demonyo ay napasasakop sa amin sa pamamagitan ng paggamit ng iyong pangalan.” Ngunit marahil ay nasorpresa sila nang isiwalat ni Jesus na mas masidhing kagalakan pa ang mararanasan nila dahil sa kanilang sigasig alang-alang sa Kaharian. Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magsaya dahil dito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.”—Lucas 10:17, 20.
16, 17. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol noong huling gabi na kasama niya sila? (b) Anong kagalakan at katiyakan ang idinulot ng mga salita ni Jesus sa mga apostol?
16 Sa wakas, noong huling gabi na kasama ni Jesus ang mga apostol, noong Nisan 14, 33 C.E., pinasinayaan niya ang okasyong nakilala bilang ang Hapunan ng Panginoon at inutusan niya sila na gunitain ang pangyayaring iyon. Noong gabing iyon, sinabi ni Jesus sa 11 na nanatili: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.”—Lucas 22:19, 20, 28-30.
17 Tiyak na di-mailarawan ang kagalakan at kasiyahan ng mga apostol nang marinig nila ang mga salitang iyan ni Jesus! Ibinibigay sa kanila ang pinakamataas na karangalan at pribilehiyo na maaaring matamo ng isang tao. (Mateo 7:13, 14; 1 Pedro 2:9) Katulad ng naglalakbay na mangangalakal na iyon, marami silang isinakripisyo upang tularan si Jesus sa pagtataguyod ng Kaharian. Ngayon ay tiniyak sa kanila na hindi nawalan ng saysay ang mga pagsasakripisyo nila.
18. Sino pa bukod sa 11 apostol ang makikinabang sa Kaharian sa dakong huli?
18 Hindi lamang ang mga apostol na kasama ni Jesus noong gabing iyon ang makikinabang sa Kaharian. Kalooban ni Jehova na isang kabuuang bilang na 144,000 ang mailakip sa tipan ukol sa Kaharian bilang mga kasamang tagapamahala ni Jesu-Kristo sa maluwalhati at makalangit na Kaharian. Karagdagan pa, nakita ni apostol Juan sa pangitain ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, . . . na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, . . . na [nagsasabi]: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ” Ito ang makalupang mga sakop ng Kaharian.b—Apocalipsis 7:9, 10; 14:1, 4.
19, 20. (a) Anong pagkakataon ang bukás sa mga tao ng lahat ng mga bansa? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?
19 Noong malapit nang umakyat sa langit si Jesus, iniutos niya sa kaniyang tapat na mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Samakatuwid, ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay magiging mga alagad ni Jesu-Kristo. Aasam-asamin din ng mga ito ang Kaharian—makalangit man o makalupa ang kanilang gantimpala—gaya ng ginawa ng naglalakbay na mangangalakal may kinalaman sa mainam na perlas.
20 Ipinahiwatig ng mga salita ni Jesus na magpapatuloy ang paggawa ng alagad hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya sa ating panahon, mayroon pa kayang mga indibiduwal na gaya ng naglalakbay na mangangalakal, na handang isakripisyo ang lahat upang itaguyod ang Kaharian ng Diyos? Sasagutin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Si Juan, ang anak ni Zebedeo, ay maaaring sumunod kay Jesus at nasaksihan niya ang ilang bagay na ginawa ni Jesus matapos ang kanilang unang pagkikita, sa gayon ay napakalinaw na naisulat ni Juan ang mga ito sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo. (Juan, kabanata 2-5) Gayunpaman, binalikan pa rin niya ang negosyo ng pangingisda ng kaniyang pamilya sa loob ng ilang panahon bago siya inanyayahan ni Jesus.
b Para sa higit pang detalye, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
-
-
Paghanap sa “Perlas na may Mataas na Halaga” sa NgayonAng Bantayan—2005 | Pebrero 1
-
-
Paghanap sa “Perlas na may Mataas na Halaga” sa Ngayon
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.”—MATEO 24:14.
1, 2. (a) Ano ang nasa isip ng mga Judio hinggil sa Kaharian ng Diyos noong panahon ni Jesus? (b) Ano ang ginawa ni Jesus upang ipaunawa nang wasto ang hinggil sa Kaharian, at ano ang naging resulta?
NANG dumating si Jesus sa lupa, interesadung-interesado ang mga Judio hinggil sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 3:1, 2; 4:23-25; Juan 1:49) Subalit sa simula, hindi lubusang nauunawaan ng karamihan sa kanila ang lawak at kapangyarihan nito; ni nauunawaan man nila na ito’y magiging isang makalangit na pamahalaan. (Juan 3:1-5) Kahit ang ilan na naging mga tagasunod ni Jesus ay hindi lubusang nakauunawa kung ano ang Kaharian ng Diyos o kung ano ang dapat nilang gawin upang matanggap ang pagpapala na maging kasamang mga tagapamahala ni Kristo.—Mateo 20:20-22; Lucas 19:11; Gawa 1:6.
2 Sa paglipas ng panahon, matiyagang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang maraming aral, kasali na ang talinghaga hinggil sa perlas na may mataas na halaga na tinalakay sa naunang artikulo, anupat ipinakita sa kanila ang kahalagahan ng kanilang pagpapagal sa pagtataguyod ng makalangit na Kaharian. (Mateo 6:33; 13:45, 46; Lucas 13:23, 24) Malamang na nakaantig ito sa kanilang puso dahil di-nagtagal, sila’y naging determinado at matatapang na tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian sa malalayong bahagi ng lupa, gaya ng lubos na pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa.—Gawa 1:8; Colosas 1:23.
3. May kaugnayan sa ating panahon, ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa Kaharian?
3 Kumusta naman sa ngayon? Ipinangangaral na sa milyun-milyong tao ang mga pagpapala ng isang makalupang paraiso sa ilalim ng Kaharian. Sa kaniyang dakilang hula hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” espesipikong sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14; Marcos 13:10) Ipinaliwanag din niya na ang napakalaking atas na ito ay isasagawa sa kabila ng napakahirap na mga hadlang at hamon, at pag-uusig pa nga. Gayunpaman, ibinigay niya ang katiyakang ito: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:9-13) Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo sa sarili at debosyon na gaya ng ipinakita ng naglalakbay na mangangalakal sa talinghaga ni Jesus. May mga indibiduwal ba sa ngayon na nagpapamalas ng gayong pananampalataya at sigasig sa pagtataguyod ng Kaharian?
Ang Kagalakan ng Pagkasumpong sa Katotohanan
4. Ano ang epekto ng katotohanan ng Kaharian sa mga tao sa ngayon?
4 Tuwang-tuwa ang mangangalakal sa talinghaga ni Jesus nang masumpungan niya ang napatunayan niyang isang “perlas na may mataas na halaga.” Inudyukan siya ng kagalakang iyan na gawin ang lahat ng kaniyang magagawa upang makamit ang perlas. (Hebreo 12:1) Sa ngayon, nakaaakit at nakapagpapasigla rin sa mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Ipinaaalaala nito ang komento ni Brother A. H. Macmillan, na sumulat ng aklat na Faith on the March tungkol sa kaniyang personal na paghahanap sa Diyos at sa Kaniyang layunin para sa sangkatauhan. Sinabi niya: “Ang nasumpungan ko ay nasusumpungan pa rin taun-taon ng libu-libong tao. At sila ay mga taong gaya natin, dahil nanggaling sila sa lahat ng bansa, lahi, antas ng pamumuhay, at edad. Ang katotohanan ay hindi nagtatangi ng tao. Ito ay umaakit sa lahat ng uri ng tao.”
5. Anu-anong maiinam na resulta ang makikita sa ulat ng 2004 taon ng paglilingkod?
5 Nakikita ang katotohanan ng mga salitang iyan yamang taun-taon ay daan-daang libong tapat-pusong indibiduwal ang nauudyukan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na ialay ang kanilang buhay kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. Makikita rin ito sa 2004 taon ng paglilingkod, na sumasaklaw mula Setyembre 2003 hanggang Agosto 2004. Sa 12 buwan na iyan, hayagang sinagisagan ng 262,416 katao ang kanilang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Naganap ito sa 235 lupain, kung saan idinaraos ng mga Saksi ni Jehova ang 6,085,387 lingguhang pantahanang pag-aaral sa Bibliya upang tulungan ang mga tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay at mula sa maraming bansa, tribo, at wika na kumuha ng nagbibigay-buhay na katotohanan mula sa Salita ng Diyos.—Apocalipsis 7:9.
6. Ano ang mga dahilan ng patuloy na pagsulong sa nakalipas na mga taon?
6 Paano naging posible ang lahat ng ito? Walang alinlangan na inilalapit ni Jehova sa kaniya ang mga taong ito na wastong nakaayon. (Juan 6:65; Gawa 13:48) Gayunman, hindi dapat maliitin ang di-makasariling saloobin at walang-kapagurang pagsisikap ng mga nagpapagal para hanapin ang Kaharian. Sa edad na 79, sumulat si Brother Macmillan: “Mula nang una kong matutuhan ang mga pangakong ibinigay sa may-sakit at namamatay na sangkatauhan, hindi nagmaliw ang aking pag-asa sa isinisiwalat ng mensaheng iyan ng Bibliya. Mula noon, naging determinado akong tuklasin kung ano pa ang itinuturo ng Bibliya upang matulungan ko ang ibang gaya ko na naghahanap ng kaalaman tungkol sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, at sa kaniyang mabubuting layunin para sa sangkatauhan.”
7. Anong karanasan ang naglalarawan sa kagalakan at kasabikan ng mga nakasusumpong ng katotohanan sa Bibliya?
7 Ang pananabik na iyan ay makikita rin sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Kuning halimbawa si Daniela na mula sa Vienna, Austria. Sinabi niya: “Mula pagkabata, ang Diyos na ang pinakamatalik kong kaibigan. Matagal ko nang gustong malaman ang kaniyang pangalan dahil para sa akin, ang titulong ‘Diyos’ ay hindi sapat para magkaroon ako ng kaugnayan sa kaniya. Ngunit kinailangan kong maghintay hanggang sa sumapit ako sa edad na 17, nang dalawin ako ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag nila ang lahat ng nais kong malaman tungkol sa Diyos. Sa wakas, nasumpungan ko ang katotohanan, at kahanga-hanga ito! Sabik na sabik ako anupat nagsimula akong mangaral kahit na kanino.” Di-nagtagal at tinuya siya ng kaniyang mga kaeskuwela dahil sa kaniyang masiglang pangangaral. “Subalit para sa akin, katuparan lamang ito ng hula ng Bibliya,” ang sabi pa ni Daniela, “dahil natutuhan kong sinabi ni Jesus na kapopootan at uusigin ang kaniyang mga tagasunod dahil sa kaniyang pangalan. Tuwang-tuwa ako at hangang-hanga.” Di-nagtagal, inialay ni Daniela ang kaniyang buhay kay Jehova, nagpabautismo, at nagsimulang magtaguyod ng tunguhing maglingkod bilang misyonera. Nang mag-asawa siya, nangaral si Daniela kasama ang kaniyang asawang si Helmut, sa mga Aprikano, Indian, Pilipino, at Tsino na nasa Vienna. Sina Daniela at Helmut ay naglilingkod ngayon bilang mga misyonero sa timog-kanlurang Aprika.
Hindi Sila Sumusuko
8. Ano ang isang kasiya-siyang paraan na doo’y ipinakikita ng marami ang kanilang pag-ibig sa Diyos at pagkamatapat sa kaniyang Kaharian?
8 Tunay nga, ang paglilingkod bilang misyonero ay isa sa mga paraan na doo’y ipinakikita ng bayan ni Jehova sa ngayon ang kanilang pag-ibig sa Diyos at pagkamatapat sa kaniyang Kaharian. Tulad ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus, yaong mga pumapasok sa ganitong paglilingkuran ay handang maglakbay sa malalayong lugar alang-alang sa Kaharian. Siyempre pa, hindi naglalakbay ang mga misyonerong ito upang hanapin ang mabuting balita ng Kaharian; dinadala nila ito sa mga taong nakatira sa malalayong bahagi ng lupa, anupat tinuturuan at tinutulungan silang maging mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 28:19, 20) Sa maraming lupain, kailangan nilang batahin ang napakahirap na mga kalagayan. Ngunit saganang ginagantimpalaan ang kanilang pagbabata.
9, 10. Anu-anong kapana-panabik na mga karanasan ang tinatamasa ng mga misyonero sa malalayong lugar, tulad ng Central African Republic?
9 Kuning halimbawa ang Central African Republic, kung saan ang mga dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong nakaraang taon ay 16,184, mga pitong beses ang dami kaysa sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa lupaing iyan. Yamang walang kuryente sa maraming lugar sa bansang iyan, karaniwan nang ginagawa ng mga tao ang kanilang araw-araw na gawain sa labas ng bahay at sa lilim ng punungkahoy. Kaya natural lamang na sa gayunding paraan isasagawa ng mga misyonero ang kanilang gawain—magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa labas ng bahay at sa lilim ng punungkahoy. Hindi lamang mas maliwanag at mas malamig sa labas ng bahay kundi may isa pang bentaha iyon. Likas na mapagpahalaga sa Bibliya ang mga tagaroon, at ang talakayan hinggil sa relihiyosong mga paksa ay kasingkaraniwan na lamang ng mga pag-uusap tungkol sa isport o sa lagay ng panahon sa ibang mga kultura. Kadalasan, napapansin ng mga dumaraan ang idinaraos na pag-aaral at basta na lamang sila sumasali.
10 Kaya naman, nang magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa labas ng bahay ang isang misyonero, lumapit ang isang kabataang lalaki na nakatira sa kabilang kalye at nagsabi na yamang hindi pa siya napupuntahan ng misyonero, dapat siyang dalawin ng misyonero at makipag-aral din ng Bibliya sa kaniya. Siyempre pa, tuwang-tuwang sumang-ayon ang misyonero, at mabilis ang pagsulong ng kabataang lalaki. Sa bansang iyan, madalas na pinahihinto ng mga pulis ang mga Saksi sa daan, hindi para arestuhin o pagmultahin, kundi para humiling ng pinakabagong isyu ng mga magasing Bantayan at Gumising! o para pasalamatan sila dahil sa isang artikulo na nagustuhan ng mga pulis.
11. Sa kabila ng mga pagsubok, ano ang nadarama ng matatagal nang mga misyonero tungkol sa kanilang paglilingkod?
11 Marami sa mga nagsimulang maglingkod bilang mga misyonero mga 40 o 50 taon na ang nakalilipas ang tapat pa ring naglilingkod sa larangan. Tunay ngang mga halimbawa sila ng pananampalataya at pagtitiyaga para sa ating lahat! Isang mag-asawa ang 42 taon nang magkasamang nakapaglingkod bilang mga misyonero sa tatlong bansa. Sinabi ng asawang lalaki: “Marami kaming naranasang hirap. Halimbawa, 35 taon kaming nakipaglaban sa sakit na malarya. Gayunman, hindi namin pinagsisihan kailanman ang aming pasiya na maging mga misyonero.” Sinabi pa ng kaniyang asawa: “Napakarami naming dapat ipagpasalamat. Talagang kasiya-siya ang ministeryo sa larangan, at madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kapag nakikita mong dumadalo sa mga pulong ang mga estudyante at nakikipagkilala sa isa’t isa, para itong pagsasama-sama ng isang pamilya.
‘Ang Lahat ng Bagay ay Itinuturing Nilang Kawalan’
12. Paano ipinahahayag ang tunay na pagpapahalaga sa Kaharian?
12 Nang masumpungan ng naglalakbay na mangangalakal ang isang perlas na may mataas na halaga, “umalis siya at dali-daling ipinagbili ang lahat ng mga bagay na taglay niya at binili iyon.” (Mateo 13:46) Ang katangiang ito ng pagiging handang isakripisyo ang bagay na maaaring itinuturing na mahalaga ay kitang-kita sa mga tunay na nagpapahalaga sa Kaharian. Bilang isa na may pag-asang maranasan ang kaluwalhatian ng Kaharian kasama ni Kristo, sinabi ni apostol Pablo: “Tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya ay tinanggap ko ang kawalan ng lahat ng bagay at itinuturing kong mga basura ang mga iyon, upang matamo ko si Kristo.”—Filipos 3:8.
13. Paano ipinakita ng isang indibiduwal sa Czech Republic ang kaniyang pag-ibig sa Kaharian?
13 Sa katulad na paraan, marami sa ngayon ang handa ring gumawa ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay upang matamo ang mga pagpapala ng Kaharian. Halimbawa, noong Oktubre 2003, ang 60-taóng-gulang na prinsipal sa isang paaralan sa Czech Republic ay nakasumpong ng isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Matapos basahin ito, agad siyang nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar para makipag-aral ng Bibliya. Mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal at di-nagtagal ay nagsimula na siyang dumalo sa lahat ng pulong. Subalit paano na ang kaniyang planong tumakbo bilang alkalde at sa kalaunan ay kumandidato sa eleksiyon bilang senador? Pinili niyang itaguyod ang ibang karera sa buhay—bilang isang tagapaghayag ng Kaharian. Sinabi niya, “Nakapagpasakamay ako ng maraming literatura sa Bibliya sa aking mga estudyante.” Sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa isang kombensiyon noong Hulyo 2004.
14. (a) Ano ang ginawa ng milyun-milyong tao dahil sa mabuting balita ng Kaharian? (b) Anu-anong seryosong mga tanong ang maaaring isaalang-alang ng bawat isa sa atin?
14 Milyun-milyong tao sa buong daigdig ang tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian sa katulad na paraan. Lumabas sila sa balakyot na sanlibutan, hinubad ang kanilang lumang personalidad, humiwalay sa kanilang dating mga kasamahan, at tumalikod sa kanilang makasanlibutang mga tunguhin. (Juan 15:19; Efeso 4:22-24; Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17) Bakit nila ginagawa ang lahat ng ito? Dahil higit nilang pinahahalagahan ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos kaysa sa anumang bagay na maiaalok ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Gayundin ba ang nadarama mo hinggil sa mabuting balita ng Kaharian? Nauudyukan ka ba nitong gumawa ng kinakailangang mga pagbabago upang maiayon sa mga kahilingan ni Jehova ang iyong istilo ng pamumuhay, mga pamantayan, at tunguhin? Ang paggawa nito ay magdudulot sa iyo ng saganang pagpapala ngayon at sa hinaharap.
Sumasapit Na sa Kasukdulan ang Pag-aani
15. Ano ang inihulang gagawin ng bayan ng Diyos sa mga huling araw?
15 Sumulat ang salmista: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar.” Kabilang sa mga naghandog ng kanilang sarili ang “pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog” at ang “isang malaking hukbo” ng “mga babaing naghahayag ng mabuting balita.” (Awit 68:11; 110:3) Ano ang naging resulta ng kasipagan at pagsasakripisyo sa sarili ng bayan ni Jehova—mga lalaki at babae, mga bata at matanda—sa mga huling araw na ito?
16. Magbigay ng halimbawa kung paano nagsisikap ang mga lingkod ng Diyos upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa Kaharian.
16 Isang payunir, o buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian, sa India ang nabahala kung paano matutulungan ang mahigit na dalawang milyong bingi sa lupaing iyan na matuto tungkol sa Kaharian. (Isaias 35:5) Nagpasiya siyang kumuha ng maikling kurso sa Bangalore upang matuto ng wikang pasenyas. Naibahagi niya sa maraming bingi roon ang pag-asa ukol sa Kaharian, at naitatag ang panggrupong mga pag-aaral sa Bibliya. Sa loob lamang ng ilang linggo, mahigit sa isang dosenang tao ang nagsimula nang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Nang maglaon, sa isang handaan sa kasal, nakilala ng payunir ang isang binging kabataang lalaki na taga-Calcutta na nagbangon ng maraming tanong at nagpakita ng masidhing pagnanais na higit pang makaalam tungkol kay Jehova. Subalit may problema. Uuwi na ang kabataang lalaki sa Calcutta, mga 1,600 kilometro ang layo, upang magkolehiyo, at walang Saksi roon na marunong ng wikang pasenyas. Sinikap niya nang husto na kumbinsihin ang kaniyang ama na pag-aralin na lamang siya sa Bangalore upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Mahusay ang pagsulong niya sa espirituwal, at pagkaraan ng halos isang taon, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. Siya naman ngayon ang nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa ilang bingi, kabilang na ang isang kaibigan niya mula pa sa pagkabata. Ang tanggapang pansangay sa India ay nagsasaayos ngayon para makapag-aral ng wikang pasenyas ang mga payunir upang makatulong sa larangang iyan.
17. Ilahad ang nasumpungan mong lubhang nakapagpapatibay tungkol sa ulat ng 2004 taon ng paglilingkod na nasa pahina 19 hanggang 22.
17 Sa pahina 19 hanggang 22 ng magasing ito, makikita mo ang pandaigdig na ulat ng gawain sa larangan ng mga Saksi ni Jehova para sa 2004 taon ng paglilingkod. Gumugol ng ilang sandali para suriin ito, at tingnan mo mismo ang katibayan na talagang nakatuon sa ngayon ang pansin ng bayan ni Jehova sa buong daigdig sa paghahanap sa “perlas na may mataas na halaga.”
Patuloy na “Hanapin Muna ang Kaharian”
18. Anong impormasyon ang hindi binanggit ni Jesus sa talinghaga hinggil sa naglalakbay na mangangalakal, at bakit?
18 Kung muli nating susuriin ang talinghaga ni Jesus hinggil sa naglalakbay na mangangalakal, mapapansin natin na hindi binanggit ni Jesus kung paano matutustusan ng mangangalakal ang kaniyang sarili matapos ipagbili ang lahat ng taglay niya. Makatotohanan namang itanong ng ilan: ‘Paano na ang pagkain, damit, at tirahan ng mangangalakal ngayong wala na siyang mapagkukunan pa? Ano ang kabuluhan sa kaniya ng mahalagang perlas na iyon?’ Makatuwiran ngang mga katanungan iyan kung titingnan sa makalamang pangmalas. Ngunit hindi ba’t hinimok ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo”? (Mateo 6:31-33) Ang pangunahing punto ng talinghaga ay ang pangangailangang ipakita ang buong-pusong debosyon sa Diyos at ang sigasig ukol sa Kaharian. May aral ba tayong mapupulot dito?
19. Anong pangunahing aral ang matututuhan natin mula sa talinghaga ni Jesus hinggil sa perlas na may mataas na halaga?
19 Tayo man ay bago pa lamang natuto tungkol sa kahanga-hangang mabuting balita o maraming dekada nang nagtataguyod ng Kaharian at nagpapahayag sa iba tungkol sa mga pagpapala nito, kailangan nating patuloy na ituon ang ating interes at pansin sa Kaharian. Totoo ngang mahirap ang panahon ngayon, ngunit may matitibay tayong dahilan upang maniwala na ang hinahanap natin ay tunay at walang katumbas—gaya ng perlas na nasumpungan ng mangangalakal. Ang mga pangyayari sa daigdig at ang natupad na mga hula sa Bibliya ay nagbibigay ng nakakakumbinsing patotoo na nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Gaya ng naglalakbay na mangangalakal, ipakita natin ang buong-pusong sigasig para sa Kaharian ng Diyos at magsaya sa pribilehiyo ng pagpapahayag ng mabuting balita.—Awit 9:1, 2.
-