Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Pasalitang Batas—Bakit Ito Isinulat?
    Ang Bantayan—1999 | Enero 15
    • BAKIT maraming Judio noong unang siglo ang hindi tumanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas? Isang saksing nakakita ang nag-ulat: “Pagkatapos pumaroon [si Jesus] sa templo, ang mga punong saserdote at ang mga nakatatandang lalaki ng bayan ay lumapit sa kaniya habang siya ay nagtuturo at nagsabi: ‘Sa anong awtoridad ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?’ ” (Mateo 21:23) Sa kanilang pananaw, ang Torah (Batas) ay ibinigay ng Makapangyarihan-sa-lahat sa bansa ng mga Judio, at nagkaloob ito ng bigay-Diyos na awtoridad sa ilang tao. Taglay ba ni Jesus ang gayong awtoridad?

      Ipinakita ni Jesus ang sukdulang paggalang sa Torah at sa mga pinagkalooban nito ng tunay na awtoridad. (Mateo 5:17-20; Lucas 5:14; 17:14) Subalit madalas niyang tuligsain yaong mga lumalabag sa mga utos ng Diyos. (Mateo 15:3-9; 23:2-28) Sinunod ng mga taong iyon ang mga tradisyon na nakilala bilang ang pasalitang batas. Tinanggihan ni Jesus ang awtoridad nito. Kaya naman tinanggihan din siya ng marami bilang Mesiyas. Naniwala sila na tanging ang isa na sumusuporta sa mga tradisyon ng mga nasa awtoridad sa gitna nila ang siyang tinatangkilik ng Diyos.

  • Ang Pasalitang Batas—Bakit Ito Isinulat?
    Ang Bantayan—1999 | Enero 15
    • “Sino ang Nagbigay sa Iyo ng Awtoridad na Ito?”

      Maliwanag na ipinaubaya ng Mosaikong Batas ang pangunahing awtoridad sa relihiyon at sa pagtuturo sa mga kamay ng mga saserdote, ang mga inapo ni Aaron. (Levitico 10:8-11; Deuteronomio 24:8; 2 Cronica 26:16-20; Malakias 2:7) Subalit sa paglipas ng mga siglo, ang ilang saserdote ay naging di-tapat at tiwali. (1 Samuel 2:12-17, 22-29; Jeremias 5:31; Malakias 2:8, 9) Noong panahon ng pananakop ng mga Griego, marami sa mga saserdote ang nakipagkompromiso sa mga isyung panrelihiyon. Noong ikalawang siglo B.C.E., ang mga Fariseo​—isang bagong grupo sa Judaismo na nawalan ng tiwala sa mga saserdote​—ay nagsimulang magtatag ng mga tradisyon na sa pamamagitan nito ay maituturing ng pangkaraniwang tao ang kaniyang sarili na kasimbanal ng saserdote. Ang mga tradisyong ito ay nakaakit sa marami, subalit ang mga ito’y di-nararapat na pagdaragdag sa Batas.​—Deuteronomio 4:2; 12:32 (13:1 sa edisyong Judio).

      Ang mga Fariseo ang naging mga bagong iskolar ng Batas, ginagawa ang gawain na para sa kanila ay hindi ginagampanan ng mga saserdote. Yamang ang Mosaikong Batas ay hindi nagpahintulot sa kanilang awtoridad, gumawa sila ng bagong mga pamamaraan ng pagpapaliwanag sa Kasulatan sa pamamagitan ng malalabong pahiwatig at ng iba pang pamamaraan na waring sumusuporta sa kanilang pangmalas.a Bilang ang mga pangunahing tagapangalaga at tagapagtaguyod ng mga tradisyong ito, lumikha sila ng isang bagong saligan ng awtoridad sa Israel. Pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga Fariseo ay naging nangingibabaw na puwersa sa Judaismo.

      Habang kanilang tinitipon ang umiiral na mga pasalitang tradisyon at hinahanap ang pahiwatig ng Kasulatan upang higit na maitatag ang kanilang sarili, nakita ng mga Fariseo ang pangangailangang magbigay ng karagdagang awtoridad sa kanilang gawain. Lumitaw ang isang bagong ideya tungkol sa pinagmulan ng mga tradisyong ito. Sinimulang ituro ng mga rabbi: “Tinanggap ni Moises ang Torah sa Sinai at ibinigay ito kay Josue, mula kay Josue tungo sa matatanda, at mula sa matatanda tungo sa mga propeta. At ibinigay ito ng mga propeta sa mga lalaki ng dakilang kapulungan.”​—Avot 1:1, ang Mishnah.

      Sa pagsasabing, “tinanggap ni Moises ang Torah,” hindi lamang ang nasusulat na mga batas ang tinutukoy ng mga rabbi kundi ang lahat ng kanilang pasalitang tradisyon. Inaangkin nila na ang mga tradisyong ito​—na inimbento at ginawa ng mga tao​—ay ibinigay ng Diyos kay Moises sa Sinai. At itinuro nila na hindi ipinaubaya ng Diyos sa mga tao na punan ang mga puwang kundi pasalitang ipinaliwanag kung ano ang hindi binanggit ng nasusulat na Batas. Ayon sa kanila, ipinasa ni Moises ang pasalitang batas na ito sa mga salinlahi, hindi sa mga saserdote, kundi sa ibang mga pinuno. Inangkin ng mga Fariseo na sila ang likas na mga tagapagmana ng “di-naputol” na kawing na ito ng awtoridad.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share