-
Sino ang Nangangaral ng Mabuting Balita?Ang Bantayan—2011 | Marso 1
-
-
Sino ang Nangangaral ng Mabuting Balita?
“ . . . ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—MATEO 24:14.
ANG mabuting balita ay ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ginagawa nila ito sa iba’t ibang paraan. Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng . . .
Pakikipag-usap sa Iba. Gaya ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang mga Saksi ni Jehova ay pumupunta sa mga tao taglay ang mabuting balita. (Lucas 8:1; 10:1) Hindi nila hinihintay na ang mga tao ang pumunta sa kanila. Ang pangangaral sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos ay ginagawa ng lahat ng Saksi na mahigit nang pitong milyon. Nangangaral sila sa bahay-bahay, sa lansangan, sa pamamagitan ng telepono, at iba pang paraan. Noong isang taon, ang mga Saksi ay gumugol ng mahigit isa’t kalahating bilyong oras sa pangangaral.
Hindi lamang tungkol sa Kaharian ng Diyos ang itinuturo nila kundi tungkol din sa “lahat ng mga bagay na iniutos” ni Jesus. (Mateo 28:20) Regular silang nagdaraos ng mahigit walong milyong libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
Ang mga Saksi ay nangangaral sa lahat ng uri ng tao sa buong daigdig—sa 236 na lupain. Nangangaral sila sa nayon at sa lunsod, sa mga kagubatan ng Amazon at Siberia, sa mga disyerto ng Aprika, at sa mga kabundukan ng Himalaya. Dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, ginagawa nila ito nang walang suweldo, anupat ginagamit ang kanilang sariling pera at panahon. Ipinaaalam din nila ang mabuting balita sa pamamagitan ng . . .
Mga Publikasyon. Ang magasing ito, na ang buong pamagat ay Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay inilalathala na ngayon sa 185 wika at may sirkulasyon na mahigit 42 milyong kopya bawat isyu. Ang kasama nitong magasin na Gumising!, na naghahayag din ng Kaharian, ay inilalathala sa 83 wika at may sirkulasyon na mga 40 milyong kopya bawat isyu.
Mayroon ding mga aklat, brosyur, tract, CD/MP3, at DVD na nagpapaliwanag ng mga turo ng Bibliya sa mga 540 wika. Ang mga Saksi ay nakagawa at nakapamahagi na ng mahigit 20 bilyon ng mga ito—mga tatlo sa bawat tao sa lupa—sa nakalipas lamang na sampung taon!
Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-imprenta at nagpaimprenta rin ng iba’t ibang salin ng Bibliya. Ang kabuuan o mga bahagi ng New World Translation of the Holy Scriptures ay isinalin, inimprenta, at ipinamahagi nila sa 96 na wika. Mahigit 166 na milyong kopya ang naipamahagi na. Ibinabahagi rin ng mga Saksi ang mabuting balita ng Kaharian . . .
Sa mga Kristiyanong Pagpupulong. Ang lingguhang mga pagpupulong na ginaganap sa mga Kingdom Hall sa inyong lugar ay hindi lamang mga relihiyosong serbisyo o misa; ang mga ito ay dinisenyo para magbigay-kaalaman. May mga pahayag tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa Bibliya, at ang Bibliya ay pinag-aaralan sa tulong ng magasing Ang Bantayan at ng iba pang publikasyon. Sa mga pagpupulong, ang mga Saksi ay natututo rin na maging mas mabisang mga tagapaghayag ng mabuting balita.
Pare-pareho ang pinag-aaralan ng mga Saksi sa mahigit 107,000 kongregasyon sa buong daigdig. Nakatutulong ito para magkaisa sila. Ang mga pagpupulong na ito ay para sa lahat at walang ginagawang pangongolekta ng pera. Sabihin pa, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung hindi isasagawa ng mga Saksi ang kanilang ipinangangaral. Kaya, sinisikap nilang irekomenda ang mabuting balita . . .
Sa Pamamagitan ng Kanilang Halimbawa. Sinisikap nilang maging huwarang Kristiyano sa kanilang paggawi. Ginagawa nila ang kanilang buong makakaya upang pakitunguhan ang iba sa paraang gusto nilang pakitunguhan sila ng iba. (Mateo 7:12) Bagaman hindi sila perpekto at kung minsan ay nagkukulang, sinisikap nilang magpakita ng pag-ibig sa lahat ng tao hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila ng mabuting balita kundi sa pamamagitan din ng pagtulong sa kanila kung posible.
Hindi sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na baguhin ang daigdig sa pamamagitan ng kanilang pangangaral. Sa halip, kapag ang gawaing iyon ay naisagawa na ayon sa nais ni Jehova, darating ang wakas, gaya ng inihula ni Jesus. Ano ang ibig sabihin niyan para sa lupa at sa mga tao?
[Larawan sa pahina 7]
Ang mabuting balita ay ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig
-
-
Ano “ang Wakas”?Ang Bantayan—2011 | Marso 1
-
-
Ano “ang Wakas”?
“. . . at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
WARING wala nang katapusan ang usap-usapan tungkol sa katapusan ng mundo. Ginagawa pa nga itong katatawanan at paksa sa siyensiya sa mga aklat, pelikula, at magasin. Nariyan ang pagkalipol dahil sa digmaang nuklear, pagbangga ng asteroid, nakamamatay na mga virus, di-makontrol na pagbabago ng klima, o pagsalakay ng mga taga-ibang planeta.
Iba-iba rin ang pananaw ng mga relihiyon. Itinuturo ng marami na “ang wakas” ang katapusan ng lahat ng buhay sa lupa. Bilang komento sa Mateo 24:14, ganito ang nakatatakot na sinabi ng isang teologo: “Ang tekstong ito ang isa sa pinakaimportanteng talata sa Salita ng Diyos . . . Ang ating henerasyon ay napapaharap sa isang potensiyal at lubusang pagkalipol na ayaw man lamang isipin ng karamihan sa atin.”
Sa gayong mga pananaw, karaniwan nang nakakaligtaan ang isang mahalagang bagay: ‘Matibay na itinatag’ ng Diyos na Jehova ang lupa; ‘hindi niya ito nilalang na walang kabuluhan, kundi inanyuan ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Kaya nang banggitin ni Jesus “ang wakas,” hindi niya sinasabing gugunawin ang lupa ni lilipulin man ang mga tao. Ang ibig niyang sabihin, ang masasama—yaong tumatangging mamuhay ayon sa maibiging patnubay ni Jehova—ay pupuksain.
Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Ipagpalagay nang mayroon kang isang magandang bahay at may pinatira ka rito nang walang bayad. Ang ilan sa kanila ay mapayapang naninirahan doon at iniingatan ang iyong bahay. Pero ang iba ay magulo, nag-aaway, at pineperwisyo nila ang mababait na naninirahan. Sinisira nila ang pag-aari mo at matitigas ang ulo.
Ano ang gagawin mo? Gigibain mo ba ang iyong bahay? Tiyak na hindi. Malamang na paaalisin mo ang masasamang naninirahan dito at kukumpunihin ang mga nasira.
Ganiyan din ang gagawin ni Jehova. Ginabayan niya ng kaniyang espiritu ang salmista na isulat: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa. At kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:9-11.
Binanggit din iyan ni apostol Pedro. Sa patnubay ng espiritu ng Diyos, isinulat niya: “May mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2 Pedro 3:5, 6) Tinutukoy rito ng apostol ang Baha noong panahon ni Noe. Ang mga taong di-makadiyos ay napuksa, ngunit ang lupa ay hindi nawasak. Ang pangglobong Delubyong iyon ay nagsisilbing “isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.”—2 Pedro 2:6.
Idinagdag pa ni Pedro: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy.” Ibig bang sabihin niyan ay magugunaw ang lupa? Pansinin ang pagpapatuloy ng talata: “At ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Ang pupuksain ay ang mga taong di-makadiyos, hindi ang lupa. Ano ang kasunod? Isinulat ni Pedro: “May mga bagong langit [ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng mga tao] na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:7, 13.
Ipinakikita rin ng hula ng Bibliya na “ang wakas” ay malapit na. Basahin ang Mateo 24:3-14 at 2 Timoteo 3:1-5 upang makita ang mga bahagi ng hula na nagpapatunay na ito ay totoo.a
Hindi ba kakatwa na marami ang nalilito tungkol sa Mateo 24:14, isang talata na mauunawaan kahit ng isang bata? May dahilan ito. Binulag ni Satanas ang mga tao sa mahahalagang katotohanang nasa Salita ng Diyos. (2 Corinto 4:4) Gayundin, hindi ipinaalam ng Diyos ang kaniyang layunin sa mga palalo kundi isiniwalat niya ito sa mga mapagpakumbaba. Kaya sinabi ni Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Isa ngang karangalang mapabilang sa mga mapagpakumbaba na nakauunawa kung ano nga ba ang Kaharian ng Diyos at makaaasa sa mga pagpapalang dadalhin nito sa lahat ng sumusuporta rito!
-