Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap”
    Ang Bantayan—1999 | Mayo 1
    • Makikita Iyon ng mga Kapanahon

      11. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa “salinlahing ito”?

      11 Inakala ng maraming Judio na ang kanilang sistema sa pagsamba, na nakasentro sa templo, ay magpapatuloy nang walang takda. Ngunit sinabi ni Jesus: “Pag-aralan ang puntong ito mula sa puno ng igos . . . : Sa sandaling ang mga bagong sanga nito ay nagiging murà at nagsisibol ito ng mga dahon, alam ninyo na ang tag-init ay malapit na. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na na nasa mga pintuan. Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.”​—Mateo 24:32-35.

      12, 13. Paano inunawa ng mga alagad ang pagtukoy ni Jesus sa “salinlahing ito”?

      12 Sa mga taon hanggang 66 C.E., nakita na ng mga Kristiyano ang katuparan ng maraming panimulang bahagi ng kabuuang tanda​—mga digmaan, taggutom, maging ang isang malawakang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Gawa 11:28; Colosas 1:23) Subalit kailan darating ang wakas? Ano ang nais tukuyin ni Jesus nang sabihin niya: ‘Ang salinlahing ito [Griego, ge·ne·aʹ] ay hindi lilipas’? Madalas tawagin ni Jesus ang kapanahon niyang pulutong ng mga mananalansang na Judio, pati na ang relihiyosong mga lider, na ‘isang balakyot at mapangalunyang salinlahi.’ (Mateo 11:16; 12:39, 45; 16:4; 17:17; 23:36) Kaya nang muli siyang bumanggit tungkol sa “salinlahing ito” habang nasa Bundok ng mga Olibo, maliwanag na hindi niya tinutukoy ang buong lahi ng mga Judio sa buong kasaysayan; ni tinutukoy man niya ang kaniyang mga alagad, bagaman sila’y “isang lahing pinili.” (1 Pedro 2:9) Ni sinasabi man ni Jesus na ang “salinlahing ito” ay isang yugto ng panahon.

      13 Sa halip, nasa isip ni Jesus ang sumasalansang na mga Judio noon na makararanas ng katuparan ng tanda na ibinigay niya. Hinggil sa pagtukoy sa “salinlahing ito” sa Lucas 21:32, ganito ang sabi ni Propesor Joel B. Green: “Sa Ikatlong Ebanghelyo, ang ‘salinlahing ito’ (at ang kaugnay na mga parirala) ay laging tumutukoy sa isang uri ng mga tao na tumatanggi sa layunin ng Diyos. . . . [Tumutukoy ito] sa mga tao na buong-pagmamatigas na tumatanggi sa banal na layunin.”b

      14. Ano ang naranasan ng “salinlahing” iyon, ngunit paano nagkaroon ng ibang resulta para sa mga Kristiyano?

      14 Ang wakas ay mararanasan din ng balakyot na salinlahi ng mga Judiong mananalansang na makasasaksi sa katuparan ng tanda. (Mateo 24:6, 13, 14) At naranasan nga nila iyon! Noong 70 C.E., nagbalik ang hukbong Romano, na pinangungunahan ni Tito, anak ni Emperador Vespasian. Halos hindi kapani-paniwala ang pagdurusa ng mga Judio na muling nakulong sa lunsod.c Iniulat ng nakasaksing si Flavius Josephus na noong wasakin ng mga Romano ang lunsod, mga 1,100,000 Judio ang namatay at mga 100,000 ang dinalang bihag, na karamihan sa mga ito ay nalipol din kaagad sa kakila-kilabot na paraan sa pamamagitan ng pagkagutom o sa mga teatrong Romano. Tunay, ang kapighatian noong 66-​70 C.E. ang pinakamatindi na naranasan kailanman o mararanasan kailanman ng Jerusalem at ng sistemang Judio. Ibang-iba nga sa kinahinatnan ng mga Kristiyano na sumunod sa makahulang babala ni Jesus at umalis sa Jerusalem pagkatapos lumisan ang mga hukbong Romano noong 66 C.E.! ‘Naligtas,’ o naingatang ligtas, ang “mga pinili” na pinahirang mga Kristiyano noong 70 C.E.​—Mateo 24:16, 22.

  • Ang mga Bagay na Ito ay Kailangang Maganap”
    Ang Bantayan—1999 | Mayo 1
    • b Ganito ang sabi ng Britanong iskolar na si G. R. Beasley-Murray: “Hindi dapat lumikha ng suliranin para sa mga tagapagbigay-kahulugan ang pariralang ‘ang salinlahing ito.’ Bagaman totoo na ang genea sa mas matandang Griego ay nangangahulugan ng pagsilang, supling, at samakatuwid ay lahi, . . . sa [Griegong Septuagint] ay kadalasang salin ito ng Hebreong salita na dôr, na nangangahulugang edad, edad ng sangkatauhan, o salinlahi sa diwa na magkakapanahon. . . . Sa mga salitang ipinalalagay na kay Jesus, ang salita ay lumilitaw na may dobleng kahulugan: sa isang banda ay lagi itong tumutukoy sa kaniyang mga kapanahon, at sa kabilang banda naman ay lagi itong nagpapahiwatig ng maliwanag na kritisismo.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share