-
PilatoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Bilang kinatawan ng emperador, lubusang kontrolado ng gobernador ang probinsiya. Maaari siyang magpataw ng hatol na kamatayan, at ayon sa mga nagtataguyod sa pangmalas na ang Sanedrin ay makapaglalapat ng hatol na kamatayan, kailangang makamit ng hukumang iyon ng mga Judio ang pagsang-ayon ng gobernador upang magkabisa ang hatol nilang iyon. (Ihambing ang Mat 26:65, 66; Ju 18:31.) Yamang ang opisyal na tirahan ng Romanong tagapamahalang iyon ay nasa Cesarea (ihambing ang Gaw 23:23, 24), doon nakahimpil ang pangunahing pangkat ng mga hukbong Romano, na may mas maliit na hukbong nakatalaga sa Jerusalem. Gayunman, karaniwan nang naninirahan sa Jerusalem ang gobernador kapag panahon ng kapistahan (gaya ng Paskuwa) at nagsasama ng karagdagang mga kawal. Kasama noon ni Pilato sa Judea ang kaniyang asawa (Mat 27:19), yamang posible ito dahil nagkaroon ng pagbabago sa patakaran ng Roma may kinalaman sa mga gobernador na nasa mapanganib na mga atas.
-
-
PilatoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Muling ipinatawag ang mga lider na Judio at ang bayan, at muling sinikap ni Pilato na iwasang hatulan ng kamatayan ang isang taong walang-sala, anupat tinanong niya ang pulutong kung ibig nilang palayain si Jesus ayon sa kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo sa bawat kapistahan ng Paskuwa. Ngunit sa sulsol ng kanilang mga lider ng relihiyon, ipinagsigawan ng pulutong na palayain si Barabas, na isang magnanakaw, mamamaslang, at sedisyonista. Sa kabila ng paulit-ulit na pagsisikap ni Pilato na palayain ang akusado, lalo pa nilang ipinagsigawan na ibayubay si Jesus. Sa takot na baka magkagulo at sa pagnanais na payapain ang pulutong, sumang-ayon si Pilato sa kanilang kagustuhan, anupat hinugasan ng tubig ang kaniyang mga kamay na para bang nililinis ang mga iyon mula sa pagkakasala sa dugo. Bago pa man ito mangyari, sinabihan na si Pilato ng kaniyang asawa na nagkaroon siya ng nakababagabag na panaginip may kinalaman sa “taong matuwid na iyan.”—Mat 27:19.
-
-
PilatoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Bilang bahagi ng “nakatataas na mga awtoridad,” si Pilato ay humawak ng kapangyarihan dahil sa pahintulot ng Diyos. (Ro 13:1) May pananagutan siya sa kaniyang pasiya, isang pananagutan na hindi mahuhugasan ng tubig. Maliwanag na ang panaginip ng kaniyang asawa ay nagmula sa Diyos, gaya rin ng lindol, ng di-pangkaraniwang kadiliman, at ng pagkahati ng kurtina na naganap nang araw na iyon. (Mat 27:19, 45, 51-54; Luc 23:44, 45) Ang panaginip ng kaniyang asawa ay dapat sanang naging babala kay Pilato na hindi ito pangkaraniwang paglilitis at na hindi pangkaraniwan ang nasasakdal. Ngunit gaya ng sinabi ni Jesus, ang isa na nagbigay sa kaniya kay Pilato ay “may mas malaking kasalanan.” (Ju 19:10, 11) Si Hudas, na unang nagkanulo kay Jesus, ay tinawag na “anak ng pagkapuksa.” (Ju 17:12) Ang mga Pariseong iyon na nakibahagi sa pakana laban sa buhay ni Jesus ay inilarawan bilang ‘mga nakahanay ukol sa Gehenna.’ (Mat 23:15, 33; ihambing ang Ju 8:37-44.) At ang mataas na saserdote, na nanguna sa Sanedrin, ang lalo nang may pananagutan sa harap ng Diyos dahil ibinigay niya ang Anak ng Diyos sa tagapamahalang Gentil na ito upang hatulan ng kamatayan. (Mat 26:63-66) Mas mabigat ang pagkakasala nila kaysa kay Pilato, ngunit napakasama rin ng ginawa ni Pilato.
-