-
Mga Regalong Nararapat sa HariAng Bantayan—2015 | Marso 1
-
-
Mga Regalong Nararapat sa Hari
Binuksan ng “mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi . . . ang kanilang mga kayamanan at inihandog sa kaniya ang mga kaloob, ginto at olibano at mira.”—Mateo 2:1, 11.
ANO ang pipiliin mong regalo para sa isang napakaimportanteng tao? Noong panahon ng Bibliya, ang ilang espesya ay kasinghalaga ng ginto—napakahalaga anupat kabilang ito sa mga regalong nararapat sa hari.a Kaya mababangong espesya ang dalawa sa mga iniregalo ng mga astrologo sa “hari ng mga Judio.”—Mateo 2:1, 2, 11.
Langis ng balsamo
Sinasabi rin ng Bibliya na nang dumalaw kay Solomon ang reyna ng Sheba, “binigyan niya ang hari ng isang daan at dalawampung talento na ginto, at ng langis ng balsamo na lubhang pagkarami-rami, at ng mahahalagang bato; at hindi na nagkaroon pa ng gayong langis ng balsamo na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.”b (2 Cronica 9:9) Ang mga hari ay nagpadala rin kay Solomon ng langis ng balsamo bilang pagpapakita ng kabutihang-loob.—2 Cronica 9:23, 24.
Bakit napakahalaga at napakamahal ng gayong mga espesya at ng mga produktong galing dito noong panahon ng Bibliya? Dahil marami itong pinaggagamitan, gaya sa pagpapaganda, pagsamba, at sa paglilibing ng patay. (Tingnan ang kahong “Gamit ng Mababangong Espesya Noong Panahon ng Bibliya.”) Bukod sa mabenta ito, napakamahal nito dahil sa gastos sa transportasyon at pamumuhunan.
PAGTAWID SA DISYERTO NG ARABIA
Kasia
Noong panahon ng Bibliya, may mga halamang espesya na tumutubo sa Libis ng Jordan. Pero ang iba ay inaangkat. Binabanggit sa Bibliya ang iba’t ibang produktong espesya. Pamilyar sa mga ito ang safron, aloe, balsamo, kanela (cinnamon), olibano, at mira. Nariyan din ang karaniwang mga pampalasa sa pagkain gaya ng komino, yerbabuena, at eneldo.
Saan galing ang mga eksotikong espesya? Ang aloe, kasia, at kanela ay matatagpuan sa China, India, at Sri Lanka. Galing naman ang mga espesyang gaya ng mira at olibano sa mga puno at palumpong na tumutubo sa mga disyerto mula sa timugang bahagi ng Arabia hanggang sa Somalia sa Aprika. At ang nardo ay nakukuha sa kabundukan ng Himalaya. India lang ang may produkto nito.
Safron
Para makarating sa Israel, maraming espesya ang kailangang itawid ng Arabia. Kaya noong ikalawa at unang siglo B.C.E., ang Arabia ang naging “kaisa-isang tagapaghatid ng mga paninda sa pagitan ng Silangan at Kanluran,” ang sabi ng The Book of Spices. Ang sinaunang mga bayan, tanggulan, at hintuan ng mga caravan na nasa Negev sa timugang Israel ang naging ruta ng mga negosyante ng espesya. Ipinakikita rin ng mga pamayanang ito “ang napakalaking kita sa negosyo . . . mula sa timog ng Arabia hanggang sa Mediteraneo,” ang ulat ng World Heritage Centre ng UNESCO.
“Ang mga espesya ay magandang negosyo dahil madali itong ibiyahe, mahal, at laging mabenta.”—The Book of Spices
Regular na nagbibiyahe ng mga 1,800 kilometro patawid sa Arabia ang mga caravan na punong-puno ng mababangong espesya. (Job 6:19) Binabanggit ng Bibliya ang isang caravan ng mga negosyanteng Ismaelita na may dalang mga espesya na gaya ng “ladano at balsamo at madagtang talob” mula sa Gilead patungo sa Ehipto. (Genesis 37:25) Ipinagbili ng mga anak na lalaki ni Jacob ang kapatid nilang si Jose bilang alipin sa mga negosyanteng iyon.
-