Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ‘Ang Diyos ang Nagpapalago Nito’!
    Ang Bantayan—2008 | Hulyo 15
    • Ang Manghahasik na Natutulog

      13, 14. (a) Ilahad sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lalaking nagsasaboy ng binhi. (b) Kanino lumalarawan ang manghahasik, at ano ang binhi?

      13 Sa Marcos 4:26-29, mababasa natin ang isa pang ilustrasyon tungkol sa manghahasik: “Sa ganitong paraan ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang tao na naghahagis ng binhi sa lupa, at natutulog siya sa gabi at bumabangon sa araw, at ang binhi ay sumisibol at tumataas, kung paano ay hindi niya alam. Ang lupa sa ganang sarili ay nagbubunga nang unti-unti, una ay ang dahon, pagkatapos ay ang uhay sa tangkay, sa wakas ay ang kabuuang butil sa uhay. Ngunit sa sandaling ipahintulot ng bunga, isinusulong niya ang karit, sapagkat ang panahon ng pag-aani ay dumating na.”

      14 Sino ang manghahasik na ito? Naniniwala ang ilan sa Sangkakristiyanuhan na tumutukoy ito kay Jesus mismo. Pero paano masasabing natutulog si Jesus at hindi niya nalalaman kung paano lumalago ang binhi? Tiyak na batid ni Jesus ang nagaganap na paglago! Sa halip, ang manghahasik na ito, na binanggit kanina, ay lumalarawan sa indibiduwal na mga tagapaghayag ng Kaharian, ang mga naghahasik ng binhi ng Kaharian sa pamamagitan ng kanilang masigasig na pangangaral. Ang binhing inihagis sa lupa ay ang salita na kanilang ipinangangaral.b

      15, 16. Anong katotohanan tungkol sa literal at espirituwal na paglago ang ibinangon ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa manghahasik?

      15 Sinabi ni Jesus na ang manghahasik ay “natutulog . . . sa gabi at bumabangon sa araw.” Hindi ito pagpapabaya sa bahagi ng manghahasik. Ipinakikita lamang nito ang normal na rutin ng buhay ng karamihan sa mga tao. Ang ginamit na pananalita sa talatang ito ay tumutukoy sa patuluyang proseso ng pagtatrabaho kung araw at pagtulog kung gabi sa loob ng isang yugto ng panahon. Ipinaliwanag ni Jesus ang nangyari sa panahong iyon. Sinabi niya: “Ang binhi ay sumisibol at tumataas.” Idinagdag pa ni Jesus: “Kung paano ay hindi niya alam.” Ang pagdiriin ay sa katotohanang nangyayari ang paglago “sa ganang sarili” nito.c

      16 Ano ang gustong tukuyin dito ni Jesus? Pansinin na ang idiniriin ay ang paglago at kung paano ito unti-unting nangyayari. “Ang lupa sa ganang sarili ay nagbubunga nang unti-unti, una ay ang dahon, pagkatapos ay ang uhay sa tangkay, sa wakas ay ang kabuuang butil sa uhay.” (Mar. 4:28) Ang paglagong ito ay unti-unti at yugtu-yugto. Hindi ito puwedeng pilitin o pabilisin. Katulad din iyan ng espirituwal na paglago o pagsulong. Nangyayari ito nang yugtu-yugto habang pinahihintulutan ni Jehova na lumago ang katotohanan sa puso ng isang tao na wastong nakaayon.​—Gawa 13:48; Heb. 6:1.

      17. Sino ang nakikipagsaya kapag nagbunga ng bagong alagad ang binhi ng katotohanan?

      17 Paano makikibahagi ang manghahasik sa pag-aani “sa sandaling ipahintulot ng bunga”? Kapag pinangyari ni Jehova na lumago sa mga puso ng bagong mga alagad ang katotohanan tungkol sa Kaharian, dumarating ito sa puntong nauudyukan sila ng kanilang pag-ibig sa Diyos na ialay ang kanilang buhay sa kaniya. Sila ay nagpapabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang pag-aalay. Unti-unting tumatanggap ng mga pananagutan sa kongregasyon ang mga kapatid na patuloy na sumusulong sa pagkamaygulang. Kapag may naging bagong alagad, hindi lamang ang mismong naghasik ang nagsasaya kundi pati ang iba pang mga tagapaghayag ng Kaharian na hindi personal na naghasik ng binhing nagbunga ng bagong alagad na iyon. (Basahin ang Juan 4:36-38.) Tunay nga, ‘ang manghahasik at ang manggagapas ay nagsasayang magkasama.’

  • ‘Ang Diyos ang Nagpapalago Nito’!
    Ang Bantayan—2008 | Hulyo 15
    • b Ipinaliwanag noon sa magasing ito na ang binhi ay lumalarawan sa katangian ng personalidad na naiimpluwensiyahan ng kapaligiran kung kaya kailangan nitong sumulong sa pagkamaygulang. Gayunman, pansinin na ang binhi sa ilustrasyon ni Jesus ay hindi naging masamang binhi o bulok na bunga. Ito ay sumulong lamang sa pagkamaygulang.​—Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1980, pahina 20-3.

      c Ang tanging iba pang pagkakagamit ng pananalitang ito ay makikita sa Gawa 12:10, kung saan ang isang pintuang-daang bakal ay awtomatikong bumubukas, “nang kusa.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share