-
“Maging Tagasunod Kita”—Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus?Halika Maging Tagasunod Kita
-
-
KABANATA 1
“Maging Tagasunod Kita” —Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus?
“Ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?”
1, 2. Ano ang pinakamagandang paanyaya na puwedeng matanggap ng isang tao, at ano ang puwede nating itanong sa sarili?
ANO ang pinakamagandang paanyaya na natanggap mo? Isa bang espesyal na okasyon o kasal ng dalawang taong mahalaga sa iyo? Binigyan ka ba ng isang importanteng trabaho? Kung nakatanggap ka na ng ganiyang mga paanyaya, tiyak na tuwang-tuwa ka. Baka itinuring mo pa ngang karangalan iyan para sa iyo. Pero ang totoo, nakatanggap ka at ang bawat isa sa atin ng di-hamak na mas magandang paanyaya. Anuman ang maging tugon natin dito, malaki ang magiging epekto nito sa atin. Ito ang pinakamahalagang desisyon na gagawin natin.
2 Ano ang paanyayang iyan? Paanyaya iyan ni Jesu-Kristo, ang kaisa-isang Anak ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Nakaulat ito sa Bibliya. Sa Marcos 10:21, sinabi ni Jesus: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” Paanyaya din iyan ni Jesus sa bawat isa sa atin. Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili, ‘Paano ako tutugon?’ Baka sabihin mo, ‘Sino naman ang tatanggi sa gayong napakagandang paanyaya?’ Pero ang nakakagulat, karamihan ay tumatanggi rito. Bakit?
3, 4. (a) Anong mga bagay ang pinapangarap ng iba na nasa lalaking lumapit kay Jesus para magtanong tungkol sa buhay na walang hanggan? (b) Anong magagandang katangian ang posibleng nakita ni Jesus sa mayamang tagapamahala?
3 Pag-isipan ang halimbawa ng isang lalaki na direktang tumanggap ng paanyayang iyan mga 2,000 taon na ang nakakalipas. Isa siyang lubhang iginagalang na tao. Nasa kaniya ang tatlo sa mga bagay na pinapangarap ng maraming tao—lakas, yaman, at kapangyarihan. Inilalarawan siya sa Bibliya na isang kabataan, “napakayaman,” at isang “tagapamahala.” (Mateo 19:20; Lucas 18:18, 23) Pero may katangian ang lalaking ito na mas mahalaga. Nabalitaan niya ang tungkol sa Dakilang Guro, si Jesus, at nagustuhan niya ang kaniyang narinig.
4 Hindi iginagalang si Jesus ng karamihan sa mga tagapamahala noong panahong iyon. (Juan 7:48; 12:42) Pero iba ang ginawa ng tagapamahalang ito. Sinasabi ng Bibliya: “Habang naglalakad [si Jesus], isang lalaki ang tumakbo palapit sa kaniya at lumuhod sa harap niya. Nagtanong ito: ‘Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?’” (Marcos 10:17) Pansinin na gustong-gusto ng lalaking ito na makausap si Jesus. Sa harap ng maraming tao, tumakbo siya papalapít kay Jesus, na para bang isa lang siyang ordinaryo o mahirap na tao. Pagkatapos, lumuhod ang lalaki sa harap ng Kristo. Mapagpakumbaba siya at alam niyang dapat siyang magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Pinahalagahan ni Jesus ang magagandang katangiang ito. (Mateo 5:3; 18:4) Kaya nga hindi na tayo dapat magulat na “tumingin si Jesus sa kaniya at nakadama ng pagmamahal sa kaniya.” (Marcos 10:21) Paano sinagot ni Jesus ang tanong ng lalaki?
Isang Napakahalagang Paanyaya
5. Paano sinagot ni Jesus ang mayamang lalaki, at paano natin nalaman na hindi kailangang maging mahirap ang lalaki para maging lingkod ng Diyos? (Tingnan din ang talababa.)
5 Ipinahiwatig ng sagot ni Jesus na may ibinigay nang impormasyon ang kaniyang Ama kung paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Sumipi siya sa Kasulatan, at sinabi naman ng lalaki na buong-katapatan niyang sinusunod ang Kautusang Mosaiko. Pero dahil sa pambihirang kaunawaan ni Jesus, nakikita niya ang nasa puso ng tao. (Juan 2:25) Nahalata niyang may seryosong problema ang tagapamahalang ito sa kaugnayan nito sa Diyos. Kaya sinabi ni Jesus: “May isa ka pang kailangang gawin.” Ano iyon? Sinabi ni Jesus: “Ipagbili mo ang mga pag-aari mo at ibigay mo sa mahihirap ang napagbilhan.” (Marcos 10:21) Ang ibig bang sabihin ni Jesus, kailangang maging mahirap ang isang tao para makapaglingkod sa Diyos? Hindi.a May mahalagang aral na gustong ituro si Jesus sa lalaki.
6. Ano ang paanyaya ni Jesus, at ano ang isinisiwalat ng naging tugon ng mayamang tagapamahala hinggil sa kaniyang puso?
6 Para ipakita kung ano ang kulang pa sa lalaki, binigyan siya ni Jesus ng napakagandang pagkakataon: “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita.” Isip-isipin na lang—direktang inanyayahan ng Anak ng Kataas-taasang Diyos ang lalaking iyon na maging tagasunod niya! Napakaganda rin ng pangako ni Jesus sa kaniya: “Magkakaroon ka ng kayamanan sa langit.” Tinanggap ba ng mayamang tagapamahala ang napakahalagang paanyayang ito? Sinasabi ng ulat: “Nang marinig ito ng lalaki, nanlumo siya at malungkot na umalis, dahil marami siyang pag-aari.” (Marcos 10:21, 22) Dahil sa sinabi ni Jesus, lumabas kung ano talaga ang nasa puso ng lalaki. Sobrang mahal niya ang mga pag-aari niya, pati na ang kapangyarihan at katanyagang naibibigay nito. Nakakalungkot, mas mahal niya ang mga ito kaysa kay Kristo. Kaya ang talagang kulang sa lalaki ay ang buong-puso at mapagsakripisyong pag-ibig kay Jesus at kay Jehova. Dahil wala siya nito, tinanggihan niya ang isang napakahalagang paanyaya! Pero paano ka naman nasasangkot dito?
7. Paano tayo nakakatiyak na kasama tayo sa inaanyayahan ni Jesus?
7 Ang paanyaya ni Jesus ay hindi lang para sa lalaking iyon o sa iilang tao. Sinabi ni Jesus: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, . . . patuloy [niya] akong sundan.” (Lucas 9:23) Pansinin na puwedeng maging tagasunod ni Kristo ang “isa” kung talagang “gusto” niya. Inilalapit ng Diyos sa kaniyang Anak ang gayong tapat-pusong mga tao. (Juan 6:44) Binibigyan ng pagkakataon ang lahat na tanggapin ang paanyaya ni Jesus, hindi lang ang mayayaman, mahihirap, isang partikular na lahi o bansa, o mga nabuhay noong panahong iyon. Kaya ang sinabi ni Jesus na “Sumama ka sa akin, at maging tagasunod kita” ay paanyaya rin niya sa iyo. Pero bakit dapat kang maging tagasunod ni Kristo? At ano ang kailangan para magawa iyon?
-
-
“Maging Tagasunod Kita”—Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus?Halika Maging Tagasunod Kita
-
-
a Hindi hinilingan ni Jesus ang lahat ng tagasunod niya na iwan ang lahat ng pag-aari nila. Kahit sinabi niya kung gaano kahirap para sa isang taong mayaman na pumasok sa Kaharian ng Diyos, idinagdag niya: “Ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:23, 27) Ang totoo, may ilang mayayamang tao na naging tagasunod ni Kristo. Tumanggap sila ng espesipikong payo mula sa Kristiyanong kongregasyon, pero hindi sila hinilingang iabuloy ang lahat ng kanilang kayamanan sa mahihirap.—1 Timoteo 6:17.
-