-
Talaga Bang Ito Na ang mga Huling Araw?Ang Bantayan—1997 | Abril 1
-
-
Nagbangon ang mga Tagasunod ni Jesus ng Isang Makahulugang Tanong
Tiyak na namangha ang mga tagasunod ni Jesus. Kasasabi lamang ni Jesus sa kanila, sa maliwanag na pananalita, na ang kahanga-hangang mga gusali ng templo sa Jerusalem ay lubusang mawawasak! Nakapagtataka ang gayong hula. Di-nagtagal pagkatapos, habang nakaupo sila sa Bundok ng mga Olibo, apat sa mga alagad ang nagtanong kay Jesus: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3; Marcos 13:1-4) Natanto man nila iyon o hindi, ang sagot ni Jesus ay magkakaroon ng hindi lamang iisang pagkakapit.
Ang pagkawasak ng templo sa Jerusalem at ang katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay ay hindi kapareho ng panahon ng pagkanaririto ni Kristo at ng katapusan ng sistema ng mga bagay sa buong sanlibutan. Gayunpaman, sa kaniyang mahabang kasagutan, buong-husay na tinalakay ni Jesus ang lahat ng bahaging ito ng tanong. Sinabi niya sa kanila kung ano ang magiging kalagayan bago mawasak ang Jerusalem; sinabi rin niya sa kanila kung ano ang maaasahang mangyayari sa sanlibutan sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, kung kailan siya mamamahala bilang Hari sa langit at kikilos upang wakasan ang buong sistema ng mga bagay ng sanlibutan.
Ang Wakas ng Jerusalem
Isaalang-alang muna ang sinabi ni Jesus tungkol sa Jerusalem at sa templo nito. Mahigit sa tatlong dekada bago nito, inihula niya ang panahon ng kakila-kilabot na kahirapan para sa isa sa pinakadakilang lunsod sa daigdig. Bigyan ng pantanging pansin ang kaniyang mga salita na nakaulat sa Lucas 21:20, 21: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” Kung palilibutan ang Jerusalem, anupat paliligiran ng nagkakampong mga hukbo, paanong basta ‘makaaalis’ “yaong mga nasa gitna niya,” gaya ng iniutos ni Jesus? Maliwanag, ipinahihiwatig ni Jesus na mabubuksan ang isang pagkakataon. Nagkagayon ba?
Noong 66 C.E., naitaboy ng mga hukbong Romano sa ilalim ng pangunguna ni Cestius Gallus ang mga rebeldeng puwersa ng mga Judio pabalik sa Jerusalem at nasukol sila sa loob ng lunsod. Nakapasok pa man din ang mga Romano sa lunsod mismo at nakaabot hanggang sa pader ng templo. Subalit pagkatapos ay ipinagawa ni Gallus sa kaniyang mga hukbo ang isang bagay na talaga namang nakalilito. Inutusan niya silang umatras! Ang tuwang-tuwang mga Judiong sundalo naman ay nagsimulang tumugis at maminsala sa kanilang tumatakas na mga Romanong kaaway. Sa gayon, nabuksan ang pagkakataon na inihula ni Jesus. Ang mga tunay na Kristiyano ay nakinig sa babalang ito at tumakas mula sa Jerusalem. Ito’y isang matalinong hakbang, sapagkat pagkaraan lamang ng apat na taon, bumalik ang mga hukbong Romano, na pinangungunahan ni Heneral Tito. Sa pagkakataong ito ay imposible nang makatakas pa.
Muli na namang pinaligiran ng mga hukbong Romano ang Jerusalem; nagtayo sila ng bakod ng matutulis na tulos sa paligid nito. Ganito ang inihula ni Jesus hinggil sa Jerusalem: “Ang mga araw ay darating sa iyo kapag ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng bakod na may matutulis na mga tulos at papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig.”a (Lucas 19:43) Di-nagtagal, bumagsak ang Jerusalem; ang maluwalhating templo nito ay nauwi sa nagbabagang kaguhuan. Tunay ngang natupad ang bawat detalye ng mga salita ni Jesus!
Subalit hindi lamang ang pagkawasak ng Jerusalem ang nasa isip ni Jesus. Tinanong din siya ng kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Hindi nila noon nalalaman, ngunit tumutukoy ito sa panahon na itatalaga siya upang mamahala bilang Hari sa langit. Ano ang inihula niya?
-
-
Talaga Bang Ito Na ang mga Huling Araw?Ang Bantayan—1997 | Abril 1
-
-
a Dito ay hawak na ni Tito ang alas. Gayunpaman, sa dalawang mahalagang detalye, hindi niya nagawa ang kaniyang gusto. Nag-alok siya para sa isang mapayapang pagsuko, ngunit sa di-maipaliwanag na dahilan, ang mga lider ng lunsod ay may katigasan ng ulong tumanggi. At nang sa wakas ay mabutas ang mga pader ng lunsod, iniutos niya na huwag galawin ang templo. Subalit ito ay lubusang tinupok! Niliwanag ng hula ni Jesus na ititiwangwang ang Jerusalem at na lubusang wawasakin ang templo.—Marcos 13:1, 2.
-