Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”
    Ang Bantayan—2006 | Disyembre 15
    • 4 Sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan at paroroon sa kaniya sa hatinggabi at magsasabi sa kaniya, ‘Kaibigan, pautangin mo ako ng tatlong tinapay, sapagkat isang kaibigan ko ang kararating lamang sa akin mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kaniya’? At ang isang iyon mula sa loob ay magsasabi bilang tugon, ‘Tigilan mo na ang panggugulo sa akin. Ang pinto ay naitrangka na, at ang aking mga anak ay kasama ko sa higaan; hindi ako maaaring bumangon at magbigay sa iyo ng anuman.’ Sinasabi ko sa inyo, Bagaman hindi siya babangon at magbibigay sa kaniya ng anuman dahil sa pagiging kaibigan niya, tiyak na dahil sa kaniyang may-tapang na pagpupumilit ay titindig siya at ibibigay sa kaniya ang anumang bagay na kailangan niya.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Jesus kung paano kumakapit ang ilustrasyong ito sa pananalangin, anupat sinabi: “Alinsunod dito ay sinasabi ko sa inyo, Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.”​—Lucas 11:5-10.

  • Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”
    Ang Bantayan—2006 | Disyembre 15
    • 6. Noong panahon ni Jesus, ano ang pangmalas sa kaugalian ng pagiging mapagpatuloy?

      6 Ipinakita sa atin ni Jesus hindi lamang kung paano tayo dapat manalangin​—nang may-tapang na pagpupumilit​—​kundi pati na rin kung bakit natin dapat gawin iyon. Upang lubusang maunawaan ang aral na iyan, dapat nating isaalang-alang kung ano ang pangmalas ng mga taong nakinig sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mapilit na lalaking may bisita may kinalaman sa kaugalian ng pagiging mapagpatuloy. Ipinakikita ng maraming talata sa Kasulatan na noong panahon ng Bibliya, ang pag-aasikaso sa mga bisita ay isang napakahalagang kaugalian, lalo na sa mga lingkod ng Diyos. (Genesis 18:2-5; Hebreo 13:2) Isang kadustaan kapag ang isa ay hindi naging mapagpatuloy. (Lucas 7:36-38, 44-46) Taglay iyan sa isipan, suriin nating muli ang kuwento ni Jesus.

      7. Bakit hindi nahiya ang lalaking may bisita sa ilustrasyon ni Jesus na gisingin ang kaniyang kaibigan?

      7 Ang may-bahay sa ilustrasyon ay may dumating na bisita nang hatinggabi na. Gusto niyang maghain ng pagkain sa kaniyang bisita pero ‘wala siyang maihain sa kaniya.’ Para sa kaniya, ito ay oras ng kagipitan! Kailangan siyang makakuha ng tinapay, anuman ang mangyari. Kaya pumunta siya sa isang kaibigan at hindi nahiyang gisingin ito. “Kaibigan, pautangin mo ako ng tatlong tinapay,” ang sigaw ng lalaking may bisita. Nagpumilit siya hanggang sa makuha niya ang kaniyang kailangan. Nang mayroon na siyang tinapay, saka lamang masasabi na isa siyang mabuting punong-abala.

      Higit ang Pangangailangan​—Higit ang Hihilingin

      8. Ano ang magpapakilos sa atin na matiyagang hingin sa panalangin ang banal na espiritu?

      8 Ano ang ipinakikitang dahilan ng ilustrasyong ito kung bakit dapat tayong magmatiyaga sa pananalangin? Patuloy na humingi ang lalaki ng tinapay dahil iniisip niya na talagang kailangan ito upang magampanan niya ang kaniyang tungkulin bilang isang punong-abala. (Isaias 58:5-7) Kung wala siyang tinapay, hindi siya maituturing na isang mabuting punong-abala. Katulad nito, yamang batid nating napakahalaga ng espiritu ng Diyos sa pagganap ng ating ministeryo bilang mga tunay na Kristiyano, patuloy tayong nananalangin sa Diyos at humihingi ng espiritung iyan. (Zacarias 4:6) Kung wala nito, mabibigo tayo. (Mateo 26:41) Nakikita mo ba ang mahalagang konklusyon na makukuha natin sa ilustrasyong ito? Kung iniisip natin na kailangang-kailangan na natin ang espiritu ng Diyos, malamang na magpupumilit tayo sa paghingi nito.

      9, 10. (a) Ilarawan kung bakit tayo kailangang magmatiyaga sa paghingi sa Diyos ng kaniyang espiritu. (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili, at bakit?

      9 Upang maikapit ang aral na ito sa panahon natin, isip-isiping nagkasakit ang isa mong kapamilya nang alanganing oras sa gabi. Gigisingin mo ba ang isang doktor para humingi ng tulong? Siyempre hindi kung hindi naman grabe ang idinaraing ng pasyente. Pero kapag inaatake siya sa puso, hindi ka mahihiyang tumawag ng doktor. Bakit? Dahil napapaharap ka sa isang kagipitan. Alam mong talagang kailangan ang tulong ng isang dalubhasa. Baka mamatay ang pasyente kung hindi ka hihingi ng tulong. Gayundin naman, napapaharap sa ngayon ang mga tunay na Kristiyano sa isang kagipitan, wika nga. Ang totoo, si Satanas ay gumagala-gala tulad ng “isang leong umuungal,” anupat sinisikap na silain tayo. (1 Pedro 5:8) Para manatili tayong buháy sa espirituwal, talagang kailangan natin ang tulong ng espiritu ng Diyos. Napakapanganib kung hindi tayo hihingi ng tulong sa Diyos. Kaya naman may-tapang tayong magpumilit na humingi sa Diyos ng kaniyang banal na espiritu. (Efeso 3:14-16) Sa paggawa lamang nito mapananatili natin ang lakas na kailangan upang ‘makapagbata hanggang sa wakas.’​—Mateo 10:22; 24:13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share