-
Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”Tularan ang Kanilang Pananampalataya
-
-
10 Napakarami nang tao sa nayon pagdating nina Maria at Jose. Mas maagang dumating ang iba para magparehistro, anupat wala nang matuluyan sina Jose at Maria.b Kaya sa isang kuwadra na lang sila nagpalipas ng gabi. Maguguniguni natin ang pagkabahala ni Jose habang nakikita ang kaniyang asawa na nahihirapan dahil sa tumitinding kirot na noon lang nito naranasan. Sa dinami-dami ng lugar, doon pa siya inabutan ng panganganak.
11. (a) Bakit makadarama ng empatiya kay Maria ang mga kababaihan? (b) Sa anu-anong diwa masasabing “panganay” si Jesus?
11 Ang mga kababaihan ay makadarama ng empatiya kay Maria. Mga 4,000 taon bago nito, inihula ni Jehova na ang mga kababaihan ay mahihirapan sa panganganak dahil sa minanang kasalanan. (Gen. 3:16) Malamang na naranasan din ito ni Maria. Hindi inilarawan ni Lucas ang sakit na naramdaman ni Maria; ang sabi lang niya: “Isinilang niya ang kaniyang anak na lalaki, ang panganay.” (Luc. 2:7) Oo, isinilang na ang kaniyang “panganay”—ang una sa di-kukulangin sa pitong anak ni Maria. (Mar. 6:3) Subalit iba ito sa lahat. Hindi lang siya panganay ni Maria kundi siya rin ang “panganay sa lahat ng nilalang” ni Jehova, ang bugtong na Anak ng Diyos!—Col. 1:15.
12. Saan inihiga ni Maria ang sanggol, at paano naiiba sa mga tagpo sa mga dula, belen, at ipinintang mga larawan ang talagang nangyari?
12 Sa puntong ito, idinagdag ng ulat ang isang pamilyar na detalye: “Binalot niya ito ng mga telang pamigkis at inihiga ito sa isang sabsaban.” (Luc. 2:7) Ang tagpong ito ay ginawang di-makatotohanan sa mga dula, belen, at sa ipinintang mga larawan. Pero tingnan natin ang talagang nangyari. Sa sabsaban kumakain ang mga hayop na ginagamit sa bukid. Tandaan, nanuluyan ang pamilya sa kuwadra, na karaniwan nang mabaho at maruming lugar. Sino bang magulang ang gustong maisilang ang kanilang anak sa isang kuwadra, maliban na lang kung walang mapagpipilian? Nais ng lahat ng magulang ang pinakamabuti para sa mga anak nila. Higit na gugustuhin nina Maria at Jose na ilaan ang pinakamabuti para sa Anak ng Diyos!
13. (a) Paano ginawa nina Maria at Jose ang kanilang buong makakaya sa mahirap na sitwasyong iyon? (b) Paano matutularan ng matatalinong magulang sa ngayon ang priyoridad nina Jose at Maria?
13 Gayunman, hindi sila nagpokus sa mahirap na sitwasyong iyon; sa halip, ginawa nila ang kanilang buong makakaya sa gayong kalagayan. Halimbawa, pansinin na si Maria mismo ang nag-asikaso sa sanggol, anupat binalot ito nang maayos sa mga telang pamigkis, dahan-dahan itong inilagay sa sabsaban para matulog, at tiniyak na ligtas ito at komportable. Inilaan ni Maria ang pinakamabuti sa kabila ng di-kaayaayang kalagayan. Alam nina Maria at Jose na ang pinakamahalagang magagawa nila sa sanggol na ito ay turuan siya hinggil kay Jehova. (Basahin ang Deuteronomio 6:6-8.) Sa ngayon, iyan din ang priyoridad ng matatalinong magulang habang pinalalaki nila ang kanilang mga anak sa mundong ito na walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
-
-
Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”Tularan ang Kanilang Pananampalataya
-
-
b Kaugalian noon sa mga nayon na maglaan ng matutuluyan para sa mga manlalakbay.
-