Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”
    Ang Bantayan—2008 | Oktubre 1
    • Napakarami nang tao pagdating nina Maria at Jose sa nayon. Mas maagang dumating ang iba para magparehistro, kaya wala nang matuluyan sina Jose at Maria.b Wala silang nagawa kundi ang magpalipas ng gabi sa isang kuwadra. Isip-isipin na lamang ang pagkabahala ni Jose habang nakikita ang kaniyang asawa na hirap na hirap dahil sa tumitinding kirot na noon lamang nito naranasan. Sa dinami-dami ng lugar, doon pa siya inabutan ng mga hapdi ng panganganak.

      Ang kababaihan sa lahat ng dako ay makadarama ng empatiya kay Maria. Mga 4,000 taon bago nito, inihula ni Jehova na lahat ng kababaihan ay daranas ng hapdi ng panganganak dahil sa minanang kasalanan. (Genesis 3:16) Tiyak na naranasan din ito ni Maria. Hindi espesipikong inilarawan ni Lucas ang sakit na naramdaman ni Maria, sinabi lamang niya: “Isinilang niya ang kaniyang anak na lalaki, ang panganay.” (Lucas 2:7) Oo, ipinanganak ang kaniyang “panganay”​—ang una sa humigit-kumulang pitong anak ni Maria. (Marcos 6:3) Subalit iba ito sa lahat. Hindi lamang siya ang panganay ni Maria kundi siya rin ang mismong “panganay sa lahat ng nilalang” ni Jehova​—ang bugtong na Anak ng Diyos!​—Colosas 1:15.

      Sa puntong ito, idinagdag pa ng ulat ang isang pamilyar na detalye: “Binalot niya ito ng mga telang pamigkis at inihiga ito sa isang sabsaban.” (Lucas 2:7) Ang tagpong ito ay ginawang labis at di-makatotohanan ng mga belen at ng ipinintang mga larawan. Pero tingnan natin kung ano talaga ang nangyari. Sa isang sabsaban kumakain ang mga inaalagaang hayop sa bukid. Kaya ang pamilya ay nanuluyan sa isang kuwadra, na isang maruming lugar. Tiyak na walang magulang ang gustong manganak sa kuwadra maliban na lamang kung walang mapagpipilian. Nais ng lahat ng magulang na ilaan ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Lalong higit na gugustuhin nina Maria at Jose na ilaan ang pinakamabuti para sa Anak ng Diyos!

      Gayunman, hindi sila naghinanakit; sa halip, ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya sa gayong kalagayan. Halimbawa, pansinin na si Maria mismo ang nag-alaga sa sanggol, binalot niya ito nang maayos sa mga telang pamigkis, pagkatapos ay dahan-dahan niya itong inilagay sa sabsaban para makatulog, at tiniyak na ligtas at komportable ito. Inilaan ni Maria ang pinakamabuti at hindi niya hinayaan na magambala siya ng kabalisahan. Alam nina Maria at Jose na ang pinakamahalagang bagay na magagawa nila sa sanggol na ito ay maturuan siya hinggil kay Jehova. (Deuteronomio 6:6-8) Sa ngayon, iyan din ang tunguhin ng matatalinong magulang habang pinalalaki nila ang kanilang mga anak sa mundong ito na walang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.

  • Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”
    Ang Bantayan—2008 | Oktubre 1
    • b Kaugalian noon sa mga nayon na maglaan ng matutuluyan sa mga manlalakbay.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share