-
TipanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Tipan Upang Maging Saserdoteng Tulad ni Melquisedec. Ang tipang ito ay ipinahayag sa Awit 110:4, at ikinapit ito kay Kristo ng manunulat ng aklat ng Mga Hebreo sa Hebreo 7:1-3, 15-17. Ito’y tipan na tanging kay Jesu-Kristo ipinakipagtipan ni Jehova. Lumilitaw na tinukoy ito ni Jesus nang makipagtipan siya sa kaniyang mga tagasunod ukol sa isang kaharian. (Luc 22:29) Sa pamamagitan ng ipinanatang sumpa ni Jehova, si Jesu-Kristo, ang makalangit na Anak ng Diyos, ay magiging isang saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec. Si Melquisedec ay naging hari at saserdote ng Diyos sa lupa. Manunungkulan si Jesu-Kristo kapuwa bilang Hari at Mataas na Saserdote, hindi sa lupa, kundi sa langit. Permanente siyang itinalaga sa katungkulang ito pagkaakyat niya sa langit. (Heb 6:20; 7:26, 28; 8:1) Ang tipang ito ay may bisa magpakailanman, yamang maglilingkod si Jesus bilang Hari at Mataas na Saserdote magpakailanman sa ilalim ng patnubay ni Jehova.—Heb 7:3.
-
-
TipanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang Tipan ni Jesus sa Kaniyang mga Tagasunod. Noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., matapos ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon, ginawa ni Jesus ang tipang ito sa kaniyang tapat na mga apostol. Pinangakuan niya ang 11 tapat na apostol na uupo sila sa mga trono. (Luc 22:28-30; ihambing ang 2Ti 2:12.) Nang maglaon, ipinakita niya na saklaw ng pangakong ito ang lahat ng inianak-sa-espiritu na mga “nananaig.” (Apo 3:21; tingnan din ang Apo 1:4-6; 5:9, 10; 20:6.) Noong araw ng Pentecostes, pinasinayaan niya ang tipang ito sa kanila sa pamamagitan ng pagpapahid ng banal na espiritu sa mga alagad na nasa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gaw 2:1-4, 33) Yaong mga mananatiling kasama niya sa mga pagsubok at mamamatay sa kamatayan na tulad ng sa kaniya (Fil 3:10; Col 1:24) ay maghaharing kasama niya sa Kaharian. Ang tipang ito ay mananatiling may bisa sa pagitan ni Jesu-Kristo at ng mga kasamang haring ito magpakailanman.—Apo 22:5.
-