Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan—1995 | Hulyo 15
    • Karaka-raka pagkatapos ng kaniyang bautismo, si Jesus ay tinukso ng isang di-nakikitang espiritung nilalang na tinatawag na Satanas na Diyablo. Sa pagbanggit sa isa sa mga tukso, sinasabi ng Bibliya: “Dinala [si Jesus] ng Diyablo sa isang bundok na di-pangkaraniwan ang taas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” (Mateo 4:8) Pagkatapos ay sinabi ni Satanas kay Jesus: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ibinigay na sa akin, at sa kaninumang nais ko ay ibinibigay ko ito. Ikaw, kung gayon, kung gagawa ka ng isang gawang pagsamba sa harap ko, ay magiging iyong lahat ito.”​—Lucas 4:6, 7.

      Si Satanas ay nag-angking may taglay na awtoridad sa ibabaw ng lahat ng kaharian, o mga pamahalaan, ng sanlibutang ito. Itinanggi ba ni Jesus ang pag-aangking ito? Hindi. Sa katunayan, tiniyak niya ito sa isa pang pagkakataon sa pamamagitan ng pagtukoy kay Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan.”​—Juan 14:30.

      Ayon sa Bibliya, si Satanas ay isang balakyot na anghel na may malaking kapangyarihan. Iniuugnay ng Kristiyanong apostol na si Pablo si Satanas sa “balakyot na mga puwersang espiritu” at binabanggit sila bilang ang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito.” (Efeso 6:11, 12) Bukod dito, sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sinasabi ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis na si Satanas ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Sa makasagisag na pananalita, inilalarawan din ng Apocalipsis si Satanas bilang isang dragon na nagbibigay sa makapulitikang sistema ng sanlibutan ng ‘kaniyang kapangyarihan at ng kaniyang trono at dakilang awtoridad.’​—Apocalipsis 13:2.

      Pinatutunayan din ng mga pangyayari sa sanlibutan na may isang balakyot na kapangyarihan na kumikilos, anupat iniimpluwensiyahan ang mga tao sa kanilang ikapipinsala. May iba pa kayang dahilan kung bakit nabibigo ang mga pamahalaan ng tao na itaguyod ang kapayapaan? Ano pa nga ba ang dahilan ng pagkakapootan at pagpapatayan ng mga tao sa isa’t isa? Palibhasa’y nangingilabot sa pamamaslang at kamatayan sa isang gera sibil, ganito ang sabi ng isang saksing nakakita: “Hindi ko maubos-maisip kung papaano nangyayari ito. Masahol pa ito sa pagkakapootan. Ito’y isang balakyot na espiritu na gumagamit sa mga taong ito upang lipulin ang isa’t isa.”

  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan—1995 | Hulyo 15
    • Bakit Pinapayagang Mamahala si Satanas

      Natatandaan mo ba ang sinabi ni Satanas kay Jesus tungkol sa pamamahala sa lupa? “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng awtoridad na ito . . . sapagkat ibinigay na sa akin,” sabi ni Satanas. (Lucas 4:6) Ipinakikita ng pangungusap na iyan na si Satanas na Diyablo ay humahawak ng awtoridad dahil lamang sa pahintulot ng Diyos. Subalit bakit hinahayaan ng Diyos si Satanas?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share