-
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Neutral?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 45
Ano ang Ibig Sabihin ng Pagiging Neutral?
Itinuro ni Jesus na “hindi [dapat maging] bahagi ng sanlibutan” ang mga tagasunod niya. (Juan 15:19) Kasama rito ang pagiging neutral. Ibig sabihin, wala silang papanigan sa politika at digmaan. Pero ang totoo, hindi laging madali na maging neutral. Baka pagtawanan pa nga tayo ng mga tao dahil dito. Paano tayo mananatiling neutral at magiging tapat sa Diyos na Jehova?
1. Ano ang pananaw ng mga tunay na Kristiyano sa gobyerno ng tao?
Iginagalang ng mga Kristiyano ang gobyerno. Sinusunod natin ang sinabi ni Jesus na “ibayad . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” (Marcos 12:17) Ibig sabihin, sinusunod natin ang mga batas ng gobyerno gaya ng pagbabayad ng buwis. Sinasabi ng Bibliya na namumuno ang gobyerno ng tao kasi hinahayaan sila ni Jehova na gawin ito. (Roma 13:1) Kaya alam natin na relatibo o limitado lang ang awtoridad ng gobyerno ng tao. Nagtitiwala tayo na Kaharian lang ng Diyos ang makakapagbigay ng solusyon sa lahat ng problema ng tao.
2. Paano natin maipapakita na neutral tayo?
Gaya ni Jesus, hindi tayo nakikisali sa politika. Nang makita ng mga tao ang isa sa mga himala ni Jesus, gusto nila siyang gawing hari. Pero umalis siya. (Juan 6:15) Bakit? Sinabi niya ang dahilan: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Bilang mga alagad ni Jesus, maraming paraan para maipakita nating neutral tayo. Halimbawa, hindi tayo sumasali sa mga digmaan. (Basahin ang Mikas 4:3.) Iginagalang natin ang mga simbolo ng bansa, gaya ng bandila. Pero hindi natin ito pinaparangalan gaya ng pagpaparangal natin sa Diyos. (1 Juan 5:21) At wala tayong pinapanigan sa politika o sa mga kandidato nito. Kapag ginagawa natin ang mga bagay na gaya nito, ipinapakita nating tapat tayo sa Kaharian o gobyerno ng Diyos.
PAG-ARALAN
Pag-aralan ang mga sitwasyon na susubok sa iyong neutralidad, at tingnan kung paano ka makakagawa ng mga desisyon na magpapasaya kay Jehova.
3. Neutral ang mga tunay na Kristiyano
Nagpakita si Jesus at ang mga alagad niya ng halimbawa para sa atin. Basahin ang Roma 13:1, 5-7 at 1 Pedro 2:13, 14 at panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit dapat nating igalang ang mga nasa awtoridad?
Ano ang ilang paraan para maipakitang sinusunod natin sila?
Kapag may digmaan, sinasabi ng ilang bansa na neutral sila, pero pareho naman nilang sinusuportahan ang magkalabang panig. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagiging neutral? Basahin ang Juan 17:16 at panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang ibig sabihin ng pagiging neutral?
Paano kung may ipinapagawa ang gobyerno ng tao na labag sa batas ng Diyos? Basahin ang Gawa 5:28, 29 at panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kapag magkasalungat ang batas ng tao at ang batas ng Diyos, alin ang susundin natin?
May naiisip ka bang sitwasyon kung kailan hindi dapat sundin ng isang Kristiyano ang batas ng tao?
4. Maging neutral sa isip at sa gawa
Basahin ang 1 Juan 5:21 at panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit hindi sumali sa partido sa politika si Ayenge o sa seremonyang makabayan gaya ng pagsaludo sa bandila?
Sa tingin mo, tama kaya ang desisyon niya?
Ano pang mga sitwasyon ang puwedeng sumubok sa pagiging neutral natin? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano tayo mananatiling neutral kapag may international event para sa sports?
Paano tayo mananatiling neutral kapag apektado tayo ng mga desisyon ng isang politiko?
Paano nakakaapekto ang media o ang mga taong kasama natin sa ating neutralidad?
Sa anong mga sitwasyon dapat manatiling neutral ang isang Kristiyano sa isip at sa gawa?
KUNG MAY MAGTANONG: “Bakit hindi ka sumasaludo sa bandila o kumakanta ng pambansang awit?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Kailangang magsikap ang isang Kristiyano para maging neutral sa politika sa isip, salita, at sa gawa.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit dapat tayong sumunod sa gobyerno ng tao?
Bakit dapat tayong manatiling neutral sa politika?
Anong mga sitwasyon ang susubok sa pagiging neutral natin?
TINGNAN DIN
Anong mga bagay ang kailangan nating isakripisyo para maging neutral?
Paano magiging handa ang mga pamilya sa mga sitwasyong susubok sa pagiging neutral nila?
Bakit hindi ang pagtatanggol sa bansa ang pinakamataas na karangalan na matatanggap ng isang tao?
Alamin kung paano ka mananatiling hindi bahagi ng sanlibutan kapag nagdedesisyon tungkol sa trabaho.
“Ang Bawat Isa ay Magdadala ng Kaniyang Sariling Pasan” (Ang Bantayan, Marso 15, 2006)
-
-
Makakayanan Mo ang Pag-uusigMasayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
Sa malapit na hinaharap, pag-uusigin tayong mga Kristiyano at baka pahirapan pa nga tayo. Dapat ba tayong matakot?
1. Bakit inaasahan na natin ang pag-uusig?
Malinaw ang sinasabi ng Bibliya: “Pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:12) Pinag-usig si Jesus kasi hindi siya bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Hindi rin tayo bahagi ng sanlibutan, kaya hindi na tayo magtataka kung pag-uusigin tayo ng gobyerno at ng mga relihiyosong organisasyon.—Juan 15:18, 19.
2. Paano tayo makakapaghanda sa pag-uusig?
Ngayon pa lang, kailangan nating patibayin ang pagtitiwala natin kay Jehova. Araw-araw na manalangin sa kaniya at magbasa ng Salita niya. Regular na dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Tutulong ang mga ito para magkaroon tayo ng lakas ng loob na harapin ang anumang pag-uusig kahit manggaling pa ito sa mga kapamilya natin. Madalas pag-usigin si apostol Pablo, kaya sinabi niya: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.”—Hebreo 13:6.
Magkakaroon din tayo ng lakas ng loob kung regular tayong mangangaral. Kapag nangangaral tayo, natututo tayong magtiwala kay Jehova at nawawala ang takot natin sa mga tao. (Kawikaan 29:25) Habang lumalakas ang loob nating mangaral ngayon, mas nagiging handa tayong patuloy na mangaral kahit ipagbawal pa ng gobyerno ang gawain natin.—1 Tesalonica 2:2.
3. Paano tayo makikinabang kung mananatili tayong tapat kahit pinag-uusig tayo?
Siyempre hindi natin gusto na pag-usigin tayo. Pero kung makakayanan natin ang pag-uusig, titibay ang pananampalataya natin. Mas mapapalapít tayo kay Jehova kasi nakikita nating tinutulungan niya tayo, lalo na sa panahong parang hindi na natin kaya. (Basahin ang Santiago 1:2-4.) Nasasaktan si Jehova kapag nakikita niya tayong nahihirapan, pero masaya siya kapag nakikita niya tayong hindi sumusuko. Sinasabi ng Bibliya: “Kung nagtitiis kayo ng pagdurusa dahil sa paggawa ng mabuti, kalugod-lugod ito sa Diyos.” (1 Pedro 2:20) Kung mananatili tayong tapat, pagpapalain tayo ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan. Pagkatapos, maglilingkod kay Jehova ang lahat ng titira doon at wala nang uusig sa kanila.—Mateo 24:13.
PAG-ARALAN
Alamin kung bakit puwede tayong manatiling tapat kay Jehova kahit pinag-uusig tayo at kung paano niya tayo pagpapalain.
4. Makakayanan mo ang pang-uusig ng mga kapamilya mo
Baka pigilan tayo ng mga kapamilya natin na maglingkod kay Jehova. Iyan mismo ang sinabi ni Jesus. Basahin ang Mateo 10:34-36. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang posibleng mangyari kung ipasiya ng isang miyembro ng pamilya na maglingkod kay Jehova?
Para makita ang isang halimbawa, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang gagawin mo kung pahintuin ka ng kapamilya o kaibigan mo na maglingkod kay Jehova?
Basahin ang Awit 27:10 at Marcos 10:29, 30. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano makakatulong sa iyo ang pangakong ito kapag pinag-usig ka ng kapamilya o kaibigan mo?
5. Patuloy na sambahin si Jehova kahit may pag-uusig
Kailangan natin ng lakas ng loob para patuloy na mapaglingkuran si Jehova kahit pag-usigin tayo. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ka napatibay ng mga karanasan sa video?
Basahin ang Gawa 5:27-29 at Hebreo 10:24, 25. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mahalagang patuloy na sambahin si Jehova kahit ipagbawal ang pangangaral at mga pulong natin?
6. Tutulungan ka ni Jehova na magtiis
Kahit pinag-uusig, patuloy pa ring naglilingkod nang tapat kay Jehova ang mga Saksi, anuman ang edad nila at saanman sila nakatira. Ano ang nakatulong sa kanila? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Sa video, ano ang nakatulong sa mga Saksi para makapagtiis?
Basahin ang Roma 8:35, 37-39 at Filipos 4:13. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Paano sinisigurado ng tekstong ito na makakayanan mo ang mga pag-uusig?
Basahin ang Mateo 5:10-12. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit puwede kang maging masaya kahit may pag-uusig?
Tapat na naglilingkod ang milyon-milyong mananamba ni Jehova kahit may pag-uusig. At magagawa mo rin iyan!
MAY NAGSASABI: “Parang ’di ko kakayanin ang pag-uusig.”
Anong teksto ang gagamitin mo para mapatibay mo siya?
SUMARYO
Pinapahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap natin na patuloy siyang paglingkuran kahit may pag-uusig. Sa tulong niya, makakayanan natin ito!
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit inaasahan na ng mga Kristiyano na pag-uusigin sila?
Ano ang puwede mong gawin ngayon para maging handa ka sa pag-uusig?
Bakit ka makakapagtiwala na makakapaglingkod ka kay Jehova kahit may mga pagsubok?
TINGNAN DIN
Panoorin kung paano nakapagtiis, o nakapagbata, ang isang brother sa tulong ni Jehova nang mabilanggo siya dahil sa neutralidad.
Alamin kung ano ang nakatulong sa isang mag-asawa na makapaglingkod nang tapat kay Jehova sa loob ng maraming taon kahit may pag-uusig.
Alamin kung paano ka magkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang mga pag-uusig.
“Maghanda Na Ngayon sa Pag-uusig” (Ang Bantayan, Hulyo 2019)
Ano ang dapat na maging pananaw natin kapag pinag-uusig tayo ng mga kapamilya natin, at paano natin ito mahaharap?
“Ang Dala ng Katotohanan ay ‘Tabak, Hindi Kapayapaan’” (Ang Bantayan, Oktubre 2017)
-