-
“Mga Tinatawag na ‘mga Diyos’”Gumising!—2005 | Abril 22
-
-
Gayunman, maaaring itanong ng isang tao, ‘Sa anong diwa “Makapangyarihang Diyos” si Jesus, at hindi ba’t sinabi ni apostol Juan na Diyos mismo si Jesus?’ Ganito ang mababasa sa Juan 1:1 sa bersiyon ng Bibliya na King James: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ikinakatuwiran ng ilan na nangangahulugan ito na “ang Salita,” na isinilang sa lupa bilang ang sanggol na si Jesus, ay ang mismong Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Totoo ba ito?
Kung bibigyang-kahulugan ang talatang ito na si Jesus mismo ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, magiging salungat ito sa naunang pananalita na “ang Salita ay kasama ng Diyos.” Hindi maaaring sabihin na “kasama” ng isa ang kaniyang sarili. Kaya naman ipinakikita ng maraming salin ng Bibliya ang pagkakaiba, anupat nililiwanag na ang Salita ay hindi siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Halimbawa, ganito ang pagkakasabi ng ilang salin ng Bibliya: “Ang Salita ay isang Diyos,” “isang diyos ang Salita,” at “ang Salita ay banal.”a
Gumagamit ng pananalitang “isang diyos” ang mga talata sa Bibliya na ang pagkakabuo ng pangungusap sa wikang Griego ay nakakatulad ng Juan 1:1. Halimbawa, nang tukuyin si Herodes Agripa I, sumigaw ang pulutong: ‘Nagsasalita ang isang diyos.’ At nang hindi mamatay si Pablo sa tuklaw ng isang makamandag na ahas, sinabi ng mga tao: “Siya ay isang diyos.” (Gawa 12:22; 28:3-6) Kaayon kapuwa ng balarilang Griego at ng turo ng Bibliya na tawagin ang Salita na “isang diyos,” at hindi Diyos.—Juan 1:1.
Isaalang-alang kung paano ipinakilala ni Juan “ang Salita” sa unang kabanata ng kaniyang Ebanghelyo. “Ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin,” ang isinulat niya, “at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya [hindi ng sa Diyos kundi] ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” Kaya “ang Salita,” na naging laman, ay nabuhay sa lupa bilang ang taong si Jesus at nakita siya ng mga tao. Samakatuwid, hindi maaaring maging siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, na tungkol sa Kaniya ay sinabi ni Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.”—Juan 1:14, 18.
-
-
“Mga Tinatawag na ‘mga Diyos’”Gumising!—2005 | Abril 22
-
-
a Tingnan ang The New Testament, ni James L. Tomanek; The Emphatic Diaglott, na may interlinear reading, ni Benjamin Wilson; The Bible—An American Translation, ni J.M.P. Smith at E. J. Goodspeed.
-