Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Siya ang Unang Umibig sa Atin”
    Maging Malapít kay Jehova
    • Ang Pinakadakilang Gawa ng Pag-ibig

      4. Paano napatunayan ng isang sundalong Romano na si Jesus ay hindi nga isang ordinaryong tao, at ano ang naging konklusyon ng sundalong iyon?

      4 Ang Romanong senturyon na nangasiwa sa pagpatay kay Jesus ay nanggilalas dahil sa nangyaring kadiliman bago mamatay si Jesus at sa napakalakas na lindol na kasunod nito. “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos,” ang sabi niya. (Mateo 27:54) Maliwanag na hindi ordinaryong tao si Jesus. Ang sundalong iyon ay tumulong sa pagpatay sa kaisa-isang Anak ng Kataas-taasang Diyos! Gaano nga ba kahalaga ang Anak na ito sa kaniyang Ama?

      5. Paano mailalarawan ang pagkahaba-habang panahong pinagsamahan ni Jehova at ng kaniyang Anak sa langit?

      5 Si Jesus ay tinatawag sa Bibliya na “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Colosas 1:15) Isip-isipin na lamang—ang Anak ni Jehova ay umiiral na bago pa man lumitaw ang pisikal na uniberso. Kung gayon, gaano na katagal magkasama ang Ama at ang Anak? Tinatantiya ng ilang siyentipiko na ang uniberso ay 13 bilyong taon na ang edad. Kaya mo bang arukin kahit sa isip man lamang ang pagkahaba-habang panahong iyon? Upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang edad ng uniberso ayon sa pagtantiya ng mga siyentipiko, isang planetarium ang naglagay ng isang time line na may 110 metro ang haba. Habang lumalakad ang mga bisita sa kahabaan ng time line na iyon, bawat hakbang nila ay kumakatawan sa mga 75 milyong taon sa buong pag-iral ng uniberso. Sa dulo ng time line, ang buong kasaysayan ng tao ay kinakatawanan ng isang markang singkapal lamang ng isang hibla ng buhok! Subalit, tama man ang pagtantiyang ito, hindi pa rin sasapat ang kabuoang time line na iyon upang kumatawan sa haba ng buhay ng Anak ni Jehova! Ano kaya ang kaniyang ginawa sa loob ng pagkahaba-habang panahong iyon?

      6. (a) Ano ang ginawa ng Anak ni Jehova sa panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao? (b) Anong uri ng kaugnayan ang umiral sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak?

      6 Ang Anak ay maligayang naglingkod bilang isang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama. (Kawikaan 8:30) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Walang bagay na ginawa ang Diyos nang hindi siya [ang Anak] katulong.” (Juan 1:3) Kaya si Jehova at ang kaniyang Anak ay magkasamang gumawa upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay. Tunay ngang kapana-panabik at maliligayang panahon ang tinamasa nila! Ngayon, marami ang sasang-ayon na ang pag-ibig ng magulang at ng anak sa isa’t isa ay napakatibay. Talagang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao. (Colosas 3:14) Dahil napakatagal nang magkasama si Jehova at ang kaniyang Anak, tiyak na hindi natin maaarok ang lalim ng pag-ibig nila sa isa’t isa. Maliwanag, ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ay lubusang pinagkaisa ng pag-ibig.

      7. Nang mabautismuhan si Jesus, paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang nadarama tungkol sa kaniyang Anak?

      7 Sa kabila nito, isinugo ng Ama ang kaniyang Anak sa lupa upang isilang bilang isang sanggol. Ang paggawa nito ay nangangahulugang sa loob ng ilang dekada, kailangang ipagkait ni Jehova sa kaniyang sarili ang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang minamahal na Anak sa langit. Taglay ang matinding interes, pinagmasdan niya mula sa langit ang paglaki ni Jesus hanggang sa maging isang perpektong tao. Si Jesus ay nabautismuhan nang siya’y mga 30 taóng gulang. Hindi na natin kailangan pang hulaan kung ano ang nadama ni Jehova tungkol sa kaniya. Nagsalita mismo ang Ama mula sa langit: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” (Mateo 3:17) Nang makita na buong katapatang tinupad ni Jesus ang lahat ng inihula at ang lahat ng kahilingan sa kaniya, tiyak na tuwang-tuwa ang kaniyang Ama!—Juan 5:36; 17:4.

      8, 9. (a) Ano ang dinanas ni Jesus noong Nisan 14, 33 C.E., at paano naapektuhan ang kaniyang Ama sa langit? (b) Bakit pinahintulutan ni Jehova na ang kaniyang Anak ay magdusa at mamatay?

      8 Subalit, ano kaya ang nadama ni Jehova noong Nisan 14, 33 C.E.? Ano kaya ang kaniyang nadama nang si Jesus ay traidurin at arestuhin ng isang grupo ng mang-uumog kinagabihan? Nang si Jesus ay pabayaan ng kaniyang mga kaibigan at mapasailalim sa isang ilegal na paglilitis? Nang siya’y tuyain, duraan, at suntukin? Nang siya’y hagupitin, anupat halos madurog ang kaniyang likod? Nang ipako ang kaniyang mga kamay at paa sa isang posteng kahoy at iniwang nakabitin doon habang nilalait siya ng mga tao? Ano kaya ang nadama ng Ama nang ang kaniyang minamahal na Anak ay dumaing sa kaniya habang nag-aagaw-buhay? Ano kaya ang nadama ni Jehova nang hugutin ni Jesus ang kaniyang huling hininga, at sa kauna-unahang pagkakataon mula sa pasimula ng lahat ng nilalang, ang Kaniyang pinakamamahal na Anak ay hindi na umiral?​—Mateo 26:14-16, 46, 47, 56, 59, 67; 27:38-44, 46; Juan 19:1.

      9 Kulang ang mga salita upang masagot natin ito. Yamang si Jehova ay may damdamin, ang kirot na dinanas niya sa pagkamatay ng kaniyang Anak ay hindi kayang ilarawan ng mga salita. Ang maaaring ipaliwanag ay ang dahilan ni Jehova sa pagpapahintulot na ito’y maganap. Bakit kaya pumayag ang Ama na sumailalim siya sa gayong mga damdamin? Isinisiwalat ni Jehova sa atin ang isang kahanga-hangang bagay sa Juan 3:16—isang talata sa Bibliya na napakahalaga anupat tinawag itong munting Ebanghelyo. Ito’y nagsasabi: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Kaya ang dahilan ni Jehova sa kabuoan ay ito: pag-ibig. Ang kaloob ni Jehova—ang pagsusugo niya sa kaniyang Anak upang magdusa at mamatay para sa atin—ang pinakadakilang gawa ng pag-ibig kailanman.

      “Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang kaisa-isang Anak”

  • “Siya ang Unang Umibig sa Atin”
    Maging Malapít kay Jehova
    • 12 Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ang a·gaʹpe ay madalas na tumutukoy sa pag-ibig na inuugitan ng simulain. Kaya ito’y hindi lamang isang bugso ng damdamin para sa ibang tao. Mas malawak ang saklaw nito, mas pinag-iisipan at pinag-aaralang mabuti ang saligan nito. Higit sa lahat, ang Kristiyanong pag-ibig ay hindi makasarili. Halimbawa, tingnan muli ang Juan 3:16. Anong “sangkatauhan” ang inibig ng Diyos nang gayon na lamang kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak? Iyon ay ang sangkatauhan na binubuo ng mga tao na maaaring tubusin. Kalakip dito ang maraming tao na tumatahak sa makasalanang landasin sa buhay. Iniibig ba ni Jehova ang bawat isa bilang isang personal na kaibigan, gaya ng pag-ibig niya sa tapat na si Abraham? (Santiago 2:23) Hindi, ngunit ang lahat ay maibiging pinagpapakitaan ni Jehova ng kabutihan, mangahulugan man ito ng napakalaking sakripisyo para sa kaniya. Nais niyang lahat ay magsisi at magbago ng kanilang landas. (2 Pedro 3:9) Marami ang gumawa nito. Ang mga ito’y masaya niyang tinatanggap bilang kaniyang mga kaibigan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share