Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Resulta ng Pangangaral—“Ang mga Bukid . . . ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani”
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
    • 1, 2. (a) Ano ang hindi maintindihan ng mga alagad? (b) Anong pag-aani ang tinutukoy ni Jesus?

      HINDI maintindihan ng mga alagad ang sinabi ni Jesus: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” Tumingin sila sa direksiyong itinuturo ni Jesus, pero hindi puti ang nakikita nila, kundi berde​—ang kulay ng bagong-sibol na sebada. ‘Pag-aani?’ ang malamang na tanong nila. ‘Ilang buwan pa ang lilipas bago ang anihan.’​—Juan 4:35.

      2 Pero hindi literal na pag-aani ang tinutukoy ni Jesus. Ginagamit niya ang pagkakataong ito para turuan ang kaniyang mga alagad ng dalawang mahalagang aral tungkol sa espirituwal na pag-aani​—ang pag-aani ng mga tao. Anong mga aral iyon? Para malaman, detalyado nating talakayin ang ulat na ito.

      Kumilos Nang Apurahan at Maging Maligaya

      3. (a) Ano ang posibleng dahilan kung bakit sinabi ni Jesus: “Ang mga bukid . . . ay mapuputi na para sa pag-aani”? (Tingnan ang talababa.) (b) Ano ang sinabi ni Jesus para linawin ang ibig niyang sabihin?

      3 Nangyari ang pag-uusap na iyan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa pagtatapos ng 30 C.E., malapit sa lunsod ng Sicar sa Samaria. Habang nasa lunsod ang mga alagad, naiwan si Jesus sa isang balon kung saan niya ibinahagi ang espirituwal na mga katotohanan sa isang babae na agad namang nagpahalaga sa kaniyang mga turo. Pagbalik ng mga alagad, nagmadaling umalis ang babae para sabihin sa kaniyang mga kababayan sa Sicar ang kamangha-manghang mga bagay na kaniyang narinig. Kaya napukaw ang interes ng marami at nagmadali silang pumunta sa balon para makita si Jesus. Posibleng nang pagkakataong iyon​—habang nakatanaw si Jesus sa mga bukid at nakitang paparating ang grupo ng mga Samaritano—​sinabi niya: “Tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.”a Para linawing espirituwal na pag-aani ang tinutukoy niya at hindi literal, idinagdag ni Jesus: “Ang manggagapas [ay] nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan.”​—Juan 4:5-30, 36.

      4. (a) Anong dalawang aral tungkol sa pag-aani ang itinuro ni Jesus? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

      4 Anong dalawang mahalagang aral tungkol sa espirituwal na pag-aani ang itinuro ni Jesus? Una, apurahan ang gawain. Nang sabihin niyang “ang mga bukid . . . ay mapuputi na para sa pag-aani,” hinihimok niya ang kaniyang mga tagasunod na kumilos. Para maidiin sa kaniyang mga alagad ang pagkaapurahan ng gawain, idinagdag ni Jesus: “Sa ngayon ay tumatanggap na ng kabayaran ang manggagapas.” Oo, nagsimula na ang pag-aani​—wala nang panahon para magpatumpik-tumpik! Ikalawa, maligaya ang mga manggagawa. Ang mga manghahasik at mga manggagapas ay ‘magsasaya nang magkakasama,’ ang sabi ni Jesus. (Juan 4:35b, 36) Kung paanong nagsaya si Jesus nang makita niyang “marami sa mga Samaritano . . . ang nanampalataya sa kaniya,” matinding kaligayahan din ang madarama ng kaniyang mga alagad habang buong-kaluluwa silang nakikibahagi sa pag-aani. (Juan 4:39-42) Napakahalaga sa atin ng ulat na ito noong unang siglo dahil ipinapakita nito kung ano ang mangyayari sa panahong ito ng pinakamalawak na espirituwal na pag-aani. Kailan nagsimula ang modernong-panahong pag-aaning ito? Sino ang nakikibahagi rito? Ano ang mga resulta?

  • Resulta ng Pangangaral—“Ang mga Bukid . . . ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani”
    Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!
    • a Nang sabihin ni Jesus na ‘ang mga bukid ay mapuputi,’ maaaring tinutukoy niya ang mahahabang damit na puti na malamang na suot ng grupo ng mga Samaritano na papalapít kay Jesus.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share