“Kapuwa mga Judio at proselita” ang nakarinig sa pangangaral ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E.—Gawa 2:10.
Kabilang sa mga kuwalipikadong lalaki na inatasang mag-asikaso sa ‘mahalagang gawain’ ng araw-araw na pamamahagi ng pagkain ay si Nicolas, na tinatawag na “isang proselita mula sa Antioquia.” (Gawa 6:3-5) Ang mga proselita ay mga Gentil, o mga di-Judio, na nakumberte sa Judaismo. Itinuring silang mga Judio sa lahat ng bagay, yamang tinanggap nila ang Diyos at ang Kautusan ng Israel, itinakwil ang lahat ng ibang mga diyos, nagpatuli (kung lalaki), at sumama sa bansang Israel.
Matapos palayain ang mga Judio mula sa pagiging tapon sa Babilonya noong 537 B.C.E., marami ang nanirahan sa ibang lupaing malayo sa Israel, pero dala pa rin nila ang relihiyong Judaismo. Dahil dito, naging pamilyar sa relihiyon ng mga Judio ang mga tao sa buong sinaunang Gitnang Silangan at sa iba pang lugar. Ang sinaunang mga manunulat na gaya nina Horace at Seneca ay nagpapatunay na talaga ngang napakaraming tao mula sa iba’t ibang lupain na naakit sa mga Judio at sa kanilang mga paniniwala ang sumama sa pamayanan nila at naging mga proselita.