Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Pakinggan Ninyo ang Pagtatanggol Ko”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
    • 11. Anong tagubilin ang ibinigay ng matatandang lalaki kay Pablo, at ano ang nasasangkot sa pagsunod dito? (Tingnan din ang talababa.)

      11 Bagaman walang katotohanan ang mga usap-usapan, naligalig pa rin ang mga mananampalatayang Judio. Kaya naman tinagubilinan ng matatandang lalaki si Pablo: “May apat na lalaki sa amin na nasa ilalim ng panata. Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang mga gastusin nila, para mapaahitan nila ang kanilang ulo. At malalaman ng lahat na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa iyo, kundi namumuhay ka kaayon ng Kautusan.”c—Gawa 21:23, 24.

      12. Paano ipinakita ni Pablo na marunong siyang makibagay at makipagtulungan sa matatanda sa Jerusalem?

      12 Puwede sanang sabihin ni Pablo na ang talagang problema ay ang pagkapanatiko ng mga mananampalatayang Judio sa Kautusang Mosaiko, at hindi ang mga usap-usapan tungkol sa kaniya. Pero handa siyang makibagay, hangga’t walang nalalabag na mga simulain ng Diyos. Hindi pa natatagalan, sumulat siya: “Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.” (1 Cor. 9:20) Sa pagkakataong ito, nakipagtulungan si Pablo sa matatanda sa Jerusalem at naging “nasa ilalim ng kautusan.” Mainam na halimbawa para sa atin ang ginawa ni Pablo. Matutularan natin siya kung makikipagtulungan tayo sa mga elder at hindi ipagpipilitan ang gusto natin.​—Heb. 13:17.

      Collage: 1. Si Pablo habang nakikinig sa tagubilin ng matatandang lalaki sa Jerusalem. 2. Sa isang pagpupulong ng mga elder, pinagmamasdang mabuti ng brother ang mga kapuwa elder na nagtataas ng kamay.

      Dahil wala namang nalalabag na simulain, nagpasakop si Pablo. Ikaw rin ba?

      BATAS NG ROMA AT PAGKAMAMAMAYANG ROMANO

      Ang Roma ay kadalasan nang hindi nakikialam sa lokal na pamahalaan ng mga sakop nila. Kaya ang mga Judio ay pinamamahalaan ayon sa kautusang Judio. Nakialam lang ang mga Romano sa kaso ni Pablo dahil sa pangambang baka lalo pang lumaki ang gulo dahil sa pagpunta niya sa templo.

      Kapag hindi mamamayang Romano ang isa, kaunti lang ang karapatan niya sa Imperyo ng Roma. Pero ibang usapan naman kapag mamamayang Romano ang isa.f Ang pagiging Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Halimbawa, hindi puwedeng igapos o bugbugin ang isang Romanong hindi pa nahahatulan, dahil ginagawa lang ito sa mga alipin. May karapatan din ang mga mamamayang Romano na iapela sa emperador ng Roma ang hatol ng gobernador ng lalawigan.

      Nakukuha ang pagkamamamayang Romano sa iba’t ibang paraan. Puwede itong manahin. May mga pagkakataon ding ibinibigay ito ng mga emperador sa mga indibidwal o sa lahat ng malayang tao sa isang lunsod o distrito dahil sa kanilang serbisyo. Puwedeng maging mamamayang Romano ang isang alipin na nagbayad sa isang Romano para sa kalayaan niya, isang alipin na pinalaya ng isang Romano, o isang retiradong miyembro ng hukbong Romano. Lumilitaw na puwede ring bilhin ang pagkamamamayang Romano depende sa kalagayan. Ang totoo, ganito ang sabi ng kumandanteng si Claudio Lisias kay Pablo: “Nagbayad ako ng malaki para magkaroon ng mga karapatang ito bilang mamamayan.” Sumagot si Pablo: “Pero ako ay ipinanganak na Romano.” (Gawa 22:28) Kaya malamang na isa sa mga ninunong lalaki ni Pablo ang nakakuha ng pagkamamamayang Romano, bagaman hindi tiyak kung paano ito nakuha.

      f Noong unang siglo C.E., kakaunti lang ang mga mamamayang Romano sa Judea. Pagsapit ng ikatlong siglo lang nabigyan ng pagkamamamayang Romano ang lahat ng nakatira sa mga lalawigang sakop ng Roma.

  • “Pakinggan Ninyo ang Pagtatanggol Ko”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
    • c Ipinahihiwatig ng mga iskolar na ang mga lalaki ay nanata ng pagka-Nazareo, na isinasagawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Bil. 6:1-21) Bagaman alam ni Pablo na lipas na ang Kautusan, malamang na ikinatuwiran niyang hindi maling tuparin ng mga lalaki ang kanilang panata kay Jehova. Kaya hindi naman maling samahan niya sila at bayaran ang kanilang gastusin. Hindi natin alam kung anong uri iyon ng panata, pero anuman iyon, tiyak na hindi sumang-ayon si Pablo sa paghahandog ng hayop (gaya ng ginagawa ng mga Nazareo) para mahugasan ang kasalanan ng mga lalaki. Dahil sa perpektong hain ni Kristo, ang gayong mga handog ay hindi na makapagbabayad-sala. Anuman ang ginawa ni Pablo, makakatiyak tayong hindi siya sumang-ayon sa anumang bagay na labag sa kaniyang konsensiya.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share