Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
    • Gamit ang Bibliya at ilang salig-Bibliyang publikasyon, nangangaral ang mag-asawa sa isang lalaking nakatayo sa harap ng bahay niya.

      Gaya ng mga apostol, tayo ay nangangaral “sa bahay-bahay”

      16. Paano ipinakita ng mga apostol na determinado silang lubusang magpatotoo, at paano natin sinusunod ang paraan ng pangangaral na pinasimulan nila?

      16 Walang inaksayang panahon ang mga apostol sa kanilang muling pagpapatotoo. Buong tapang nilang ipinagpatuloy “araw-araw sa templo at sa bahay-bahay” ang gawaing “paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.”d (Gawa 5:42) Determinado ang masisigasig na mángangarál na ito na lubusang magpatotoo. Pansinin na dinala nila ang mensahe sa bahay ng mga tao, gaya ng itinagubilin ni Jesu-Kristo. (Mat. 10:7, 11-14) Tiyak na sa ganiyang paraan nila pinalaganap sa Jerusalem ang turo nila. Sa ngayon, kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagsunod sa paraang iyan ng pangangaral na pinasimulan ng mga apostol. Sa pagpunta sa bawat bahay sa ating teritoryo, maliwanag nating ipinapakita na gusto rin nating lubusang magpatotoo, anupat binibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na marinig ang mabuting balita. Pinagpapala ba ni Jehova ang ating ministeryo sa bahay-bahay? Oo! Milyon-milyon ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian sa panahong ito ng kawakasan, at marami ang noon lamang nakarinig ng mabuting balita nang kumatok sa kanilang pinto ang isang Saksi.

      PANGANGARAL “SA BAHAY-BAHAY”

      Sa kabila ng pagbabawal ng Sanedrin, patuloy pa rin ang mga alagad sa pangangaral at pagtuturo “araw-araw sa templo at sa bahay-bahay.” (Gawa 5:42) Ano ba talaga ang ibig sabihin ng pananalitang “sa bahay-bahay”?

      Sa orihinal na Griego, ang pariralang katʼ oiʹkon ay literal na nangangahulugang “ayon sa bahay.” Sinasabi ng ilang tagapagsalin na ang salitang ka·taʹ ay nagpapahiwatig na nangangaral ang mga alagad sa bahay-bahay. Ganito rin ang pagkakagamit ng ka·taʹ sa Lucas 8:1, kung saan mababasa na nangaral si Jesus “sa mga lunsod at sa mga nayon.”

      Ang anyong pangmaramihan na katʼ oiʹkous ay ginamit sa Gawa 20:20. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo sa mga tagapangasiwang Kristiyano: “Hindi rin ako nag-atubiling . . . turuan kayo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Taliwas sa ipinapalagay ng iba, hindi lamang tungkol sa pagtuturong ginaganap sa mga bahay ng matatanda sa kongregasyon ang binabanggit dito ni Pablo, kundi gaya ng sinabi niya sa susunod na talata: “Lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:21) Nagsisi na ang kaniyang mga kapananampalataya at nananampalataya na kay Jesus. Kaya ang pangangaral at pagtuturo sa bahay-bahay ay maliwanag na may kaugnayan sa pagpapatotoo sa mga di-sumasampalataya.

  • “Dapat Naming Sundin ang Diyos Bilang Tagapamahala”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share