Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pag-aralan at Ituro ang Kristiyanong Moralidad
    Ang Bantayan—2002 | Hunyo 15
    • 6, 7. (a) Bakit kailangan muna nating turuan ang ating sarili? (b) Sa anong diwa nabigo ang unang-siglong mga Judio bilang mga guro?

      6 Bakit sinasabi na kailangan muna nating turuan ang ating sarili? Buweno, hindi natin wastong matuturuan ang iba kung hindi muna natin tuturuan ang ating sarili. Idiniin ni Pablo ang katotohanang ito sa isang nakapupukaw-kaisipang talata na naging mahalaga para sa mga Judio noon ngunit may dalang importanteng mensahe para sa mga Kristiyano sa ngayon. Nagtanong si Pablo: “Gayunman, ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba? Ikaw, na nagsasabing ‘Huwag mangalunya,’ nangangalunya ka ba? Ikaw, na nagpapahayag ng pagkamuhi sa mga idolo, ninanakawan mo ba ang mga templo? Ikaw, na nagmamapuri dahil sa kautusan, sa pamamagitan ba ng iyong pagsalansang sa Kautusan ay winawalang-dangal mo ang Diyos?”​—Roma 2:21-23.

      7 Sa retorikang paraan, itinampok ni Pablo ang dalawang kamalian na tuwirang tinukoy ng Sampung Utos: Huwag magnanakaw, at huwag mangangalunya. (Exodo 20:14, 15) Ipinagmamapuri ng ilang Judio noong panahon ni Pablo na taglay nila ang Kautusan ng Diyos. Sila ay ‘tinuruan nang bibigan mula sa Kautusan at naniwala na sila ay mga tagaakay ng mga bulag at liwanag para sa mga nasa kadiliman, mga guro ng mga sanggol.’ (Roma 2:17-20) Gayunman, ang ilan ay mapagpaimbabaw dahil palihim silang nagnanakaw o nangangalunya. Iyon ay nag-aalis ng dangal kapuwa sa Kautusan at sa Awtor nito na nasa langit. Mauunawaan mo na talagang hindi sila kuwalipikadong magturo sa iba; ang totoo ay ni hindi pa nga nila tinuturuan ang kanilang sarili.

      8. Paano ‘nagnanakaw sa mga templo’ ang ilang Judio noong panahon ni Pablo?

      8 Binanggit ni Pablo ang pagnanakaw sa mga templo. Literal nga bang ginawa iyon ng ilang Judio? Ano ang nasa isip noon ni Pablo? Ang totoo, dahil sa limitadong impormasyon tungkol sa kasulatang ito, hindi tayo maaaring maging dogmatiko hinggil sa kung paano ‘nagnakaw sa mga templo’ ang ilang Judio. Nauna rito, ipinahayag ng tagapagtala ng lunsod ng Efeso na ang mga kasamahan ni Pablo ay hindi “mga magnanakaw sa mga templo,” na nagpapahiwatig na sa paano man ay nasa isip ng ilang tao na maaari ngang paratangan ng gayon ang mga Judio. (Gawa 19:29-37) Personal ba nilang ginagamit o kinakalakal ang mahahalagang bagay mula sa mga paganong templo na dinambong ng mga mananakop o ng mga relihiyosong panatiko? Ayon sa Kautusan ng Diyos, ang ginto at pilak ng mga idolo ay dapat sirain, hindi dapat kunin para gamitin nang personal. (Deuteronomio 7:25)a Kaya maaaring tinutukoy ni Pablo ang mga Judio na nagwalang-bahala sa utos ng Diyos at gumamit o nakinabang mula sa mga bagay na nanggaling sa mga paganong templo.

      9. Anong maling mga gawain na nauugnay sa templo sa Jerusalem ang maaaring katumbas ng pagnanakaw sa templo?

      9 Sa kabilang panig naman, inilahad ni Josephus ang isang iskandalo sa Roma na kagagawan ng apat na Judio, na ang lider ay isang guro ng Kautusan. Kinumbinsi ng apat na iyon ang isang babaing Romano, isang proselitang Judio, na ibigay sa kanila ang ginto at iba pang mahahalagang bagay bilang kontribusyon sa templo sa Jerusalem. Nang makuha na nila ito sa kaniya, ginamit nila ang mga yaman para sa kanilang sarili​—na katulad na rin ng pagnanakaw sa templo.b Ang iba naman ay para na ring nagnanakaw sa templo ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang paghahandog ng may depektong mga hain at pagtataguyod ng sakim na komersiyalismo sa bakuran nito, anupat ang templo ay ginagawang “yungib ng mga magnanakaw.”​—Mateo 21:12, 13; Malakias 1:12-14; 3:8, 9.

  • Pag-aralan at Ituro ang Kristiyanong Moralidad
    Ang Bantayan—2002 | Hunyo 15
    • a Bagaman inilalarawan ang mga Judio na hindi lapastangan sa mga sagradong bagay, ganito ang paraan ng pagkakasabi ni Josephus sa kautusan ng Diyos: “Sinuman ay huwag mamumusong sa mga diyos na pinagpipitaganan sa ibang mga lunsod, ni magnanakaw sa mga banyagang templo, ni kukuha ng kayamanan na inialay sa pangalan ng sinumang diyos.” (Amin ang italiko.)​—Jewish Antiquities, Aklat 4, kabanata 8, parapo 10.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share