-
Bakit May Kasamaan at Pagdurusa?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
ARALIN 26
Bakit May Kasamaan at Pagdurusa?
“Bakit?” Iyan ang madalas na itinatanong kapag may nangyayaring masama. Mabuti na lang may malinaw na sagot ang Bibliya sa tanong na iyan!
1. Paano pinasimulan ni Satanas ang kasamaan sa mundo?
Nagrebelde si Satanas na Diyablo sa Diyos. Gusto niya na pamunuan ang iba kaya inimpluwensiyahan niya ang unang mga tao, sina Adan at Eva, na sumama sa kaniya na magrebelde. Ginawa ito ni Satanas nang magsinungaling siya kay Eva. (Genesis 3:1-5) Pinalabas niyang may ipinagkakait o may ayaw ibigay si Jehova kay Eva. Parang sinasabi niya na magiging mas masaya ang mga tao kung hindi sila susunod sa Diyos. Sinabi ni Satanas ang unang kasinungalingan nang sabihin niyang hindi mamamatay si Eva. Kaya tinawag ng Bibliya si Satanas na “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
2. Ano ang piniling gawin nina Adan at Eva?
Napakaraming ibinigay ni Jehova kina Adan at Eva. Sinabi niya na makakakain sila ng bunga mula sa bawat puno sa hardin ng Eden maliban lang sa isa. (Genesis 2:15-17) Pero pinili nilang kainin ang bunga ng ipinagbabawal na puno. “Kaya pumitas [si Eva] ng bunga at kinain iyon.” Pagkatapos, “binigyan din niya [si Adan] at kumain ito.” (Genesis 3:6) Sinuway nila ang Diyos. Perpekto sina Adan at Eva, kaya dapat sana, tama ang pinili nilang gawin. Pero dahil sinadya nilang suwayin ang Diyos, nagkasala sila at tinanggihan ang pamumuno niya. Dahil dito, nagdusa sila.—Genesis 3:16-19.
3. Ano ang epekto sa atin ng naging desisyon nina Adan at Eva?
Nang magkasala sina Adan at Eva, naiwala nila ang pagiging perpekto. Kaya naipasa nila ito sa lahat ng anak nila. Tungkol kay Adan, sinabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.”—Roma 5:12.
Maraming dahilan kaya tayo nagdurusa. Minsan, nagdurusa tayo dahil sa maling desisyon natin o sa maling desisyon ng iba. Nagdurusa naman ang ilan dahil sa mga di-inaasahang pangyayari.—Basahin ang Eclesiastes 9:11.
PAG-ARALAN
Pag-aralan kung bakit hindi Diyos ang dahilan ng kasamaan at pagdurusa sa mundo, at kung ano ang nararamdaman niya kapag nagdurusa tayo.
4. Ang may kagagawan ng pagdurusa natin
Maraming tao ang naniniwala na Diyos ang namumuno sa buong mundo. Totoo kaya iyan? Panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Santiago 1:13 at 1 Juan 5:19. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Diyos ba ang dahilan ng pagdurusa at kasamaan?
5. Ang resulta ng pamumuno ni Satanas
Basahin ang Genesis 3:1-6. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas?—Tingnan ang talata 4 at 5.
Paano pinalabas ni Satanas na may ipinagkakait si Jehova sa mga tao?
Ayon kay Satanas, kailangan ba ng mga tao ang pamumuno ni Jehova para maging masaya sila?
Basahin ang Eclesiastes 8:9. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Dahil hindi si Jehova ang namumuno sa mundo ngayon, ano ang nangyayari?
Perpekto sina Adan at Eva at nakatira sila sa Paraiso. Pero nakinig sila kay Satanas at nagrebelde kay Jehova
Dahil sa pagrerebelde nina Adan at Eva, nagkakasala, nagdurusa, at namamatay ang mga tao
Aalisin ni Jehova ang kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. Magiging perpekto uli ang mga tao at mabubuhay sila sa Paraiso
6. Nakikita ni Jehova ang mga pagdurusa natin
May pakialam ba ang Diyos sa mga pagdurusa natin? Tingnan ang isinulat ni Haring David at apostol Pedro. Basahin ang Awit 31:7 at 1 Pedro 5:7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na nagmamalasakit sa atin si Jehova at nakikita niya ang pagdurusa natin?
7. Aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa ng mga tao
Basahin ang Isaias 65:17 at Apocalipsis 21:3, 4. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit nakakapagpalakas ng loob na malamang aalisin ni Jehova ang lahat ng kasamaan at pagdurusang nararanasan ng mga tao?
Alam mo ba?
Nang sabihin ni Satanas ang unang kasinungalingan, siniraang-puri niya si Jehova. Pinalabas niya na malupit at hindi patas na Tagapamahala ang Diyos kaya nasira ang reputasyon ni Jehova. Kapag inalis na ng Diyos ang pagdurusa ng tao, maipagbabangong-puri niya ang sarili niya. Papatunayan niya na siya ang pinakamahusay na Tagapamahala. Ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova ang pinakamahalagang bagay sa buong uniberso.—Mateo 6:9, 10.
MAY NAGSASABI: “Sinusubok tayo ng Diyos kaya tayo nagdurusa.”
Ano ang sasabihin mo?
SUMARYO
Si Satanas na Diyablo at ang unang mag-asawa ang may kagagawan ng kasamaan sa mundo. Nakikita ni Jehova ang mga pagdurusa natin, at dahil nagmamalasakit siya, malapit na niya itong alisin.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong kasinungalingan ang sinabi ni Satanas na Diyablo kay Eva?
Ano ang epekto sa atin ng pagrerebelde nina Adan at Eva?
Paano natin nalaman na nagmamalasakit si Jehova sa mga nagdurusa?
TINGNAN DIN
Tingnan ang paliwanag ng Bibliya tungkol sa kasalanan.
Alamin pa ang tungkol sa isyu na ibinangon ni Satanas na Diyablo sa hardin ng Eden.
“Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?” (Ang Bantayan, Enero 1, 2014)
Pag-aralan ang sagot sa mahirap na tanong na ito.
“Bakit Nangyari ang Holocaust? Bakit Hindi Ito Pinigilan ng Diyos?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan kung paano naintindihan ng isang lalaki ang dahilan ng pagdurusa.
-
-
Paano Tayo Maililigtas ng Kamatayan ni Jesus?Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
-
-
Nagkakasala tayo, nagdurusa, at namamatay dahil sa pagsuway nina Adan at Eva sa Diyos.a Pero hindi ibig sabihin nito na wala na tayong pag-asa. Gumawa si Jehova ng paraan! Ibinigay niya ang Anak niya, si Jesu-Kristo, para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Itinuturo ng Bibliya na nagsilbing pantubos ang kamatayan ni Jesus. Ang pantubos ay ang ibinabayad na halaga para mapalaya ang isang tao. Ibinigay ni Jesus ang perpektong buhay niya bilang kabayaran o pantubos. (Basahin ang Mateo 20:28.) Dahil perpekto si Jesus, puwede sana siyang mabuhay magpakailanman dito sa lupa. Pero kusa niyang ibinigay ang buhay niya para maibalik sa atin ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva. Ipinapakita nito na mahal na mahal tayo ni Jehova at ni Jesus. Sa araling ito, mas mapapahalagahan mo ang kamatayan ni Jesus.
1. Ano ang epekto sa atin ngayon ng kamatayan ni Jesus?
Dahil makasalanan tayo, nakakagawa tayo ng mga bagay na nagpapalungkot kay Jehova. Pero magkakaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa Diyos, kung talagang pagsisisihan natin ang mga nagawa natin. Kailangan din nating humingi ng kapatawaran kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at gawin ang makakaya natin para hindi na ito maulit. (1 Juan 2:1) Sinasabi ng Bibliya: “Si Kristo ay namatay nang minsanan para sa mga kasalanan, isang taong matuwid para sa mga di-matuwid, para maakay kayo sa Diyos.”—1 Pedro 3:18.
2. Ano ang epekto sa atin sa hinaharap ng kamatayan ni Jesus?
Ibinigay ni Jehova ang perpektong buhay ni Jesus “para ang bawat isa na nananampalataya [kay Jesus] ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng masamang epekto ng pagsuway ni Adan. Naging posible ito dahil sa sakripisyong ginawa ni Jesus. Kaya kung mananampalataya tayo rito, puwede tayong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa!—Isaias 65:21-23.
PAG-ARALAN
Alamin pa kung bakit isinakripisyo ni Jesus ang buhay niya, at kung ano ang magagawa nito para sa iyo.
3. Pinapalaya tayo ng kamatayan ni Jesus mula sa kasalanan at kamatayan
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Perpektong tao si Adan. Pero dahil sumuway siya sa Diyos, lahat ng tao ay nagkakasala at namamatay
Perpektong tao si Jesus. At dahil sinunod niya ang Diyos, posible nang mabuhay magpakailanman at maging perpekto ang mga tao
4. Ang nagawa ng kamatayan ni Jesus para sa lahat ng tao
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano makikinabang ang lahat ng tao sa kamatayan ng isang tao?
Basahin ang 1 Timoteo 2:5, 6. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Perpektong tao si Adan. Pero dahil sa kasalanan niya, lahat tayo ay nagkakasala at namamatay. Dahil perpektong tao rin si Jesus, ano ang kaya niyang ibigay?
5. Regalo sa iyo ni Jehova ang pantubos
Para sa mga kaibigan ni Jehova, personal na regalo ang pantubos. Tingnan ang isang halimbawa. Basahin ang Galacia 2:20. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ipinakita ni apostol Pablo na itinuturing niyang regalo ang pantubos?
Nang magkasala si Adan, siya at ang lahat ng magiging anak niya ay nahatulan ng kamatayan. Pero isinugo ni Jehova ang Anak niya para mamatay kaya posible na tayong mabuhay magpakailanman.
Habang binabasa mo ang mga teksto, pag-isipan kung ano ang nararamdaman ni Jehova nang makita niyang nagdurusa ang Anak niya. Basahin ang Juan 19:1-7, 16-18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo sa sakripisyong ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa iyo?
KUNG MAY MAGTANONG: “Paano maliligtas ang lahat ng tao dahil sa kamatayan ng isang tao?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Dahil sa kamatayan ni Jesus, puwede nang mapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin at posible na tayong mabuhay magpakailanman.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit namatay si Jesus?
Bakit natin masasabi na naibigay ni Jesus ang halaga na katumbas ng naiwala ni Adan?
Ano ang epekto sa iyo ng kamatayan ni Jesus?
TINGNAN DIN
Pag-aralan kung bakit tinawag na pantubos ang perpektong buhay ni Jesus.
“Paanong ang Hain ni Jesus ay Naging ‘Pantubos Para sa Marami’?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Alamin kung ano ang dapat gawin para maligtas.
Mapapatawad ba ni Jehova ang malulubhang kasalanan?
“Sagot sa mga Tanong sa Bibliya” (Ang Bantayan, Mayo 1, 2013)
Alamin kung paano natulungan ang isang lalaki na baguhin ang ugali niya nang malaman niya ang sakripisyo ni Kristo.
a Ang kasalanan ay hindi lang tumutukoy sa mga maling gawain kundi pati na sa minanang kalagayan ng lahat ng tao, ang pagiging di-perpekto.
-