Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Magtiwala Ka kay Jehova
    Ang Bantayan—2003 | Setyembre 1
    • Bakit Pinahihintulutan ni Jehova ang Pagdurusa?

      10, 11. (a) Ayon sa Roma 8:19-22, ano ang nangyari sa “buong sangnilalang”? (b) Paano natin matitiyak kung sino ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang?

      10 Isang talata sa liham ni apostol Pablo sa mga taga-Roma ang nagbibigay-liwanag sa mahalagang paksang ito. Sumulat si Pablo: “Ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilalang ay ipinasakop sa kawalang-saysay, hindi ayon sa sarili nitong kalooban kundi sa pamamagitan niya na nagpasakop nito, salig sa pag-asa na ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.”​—Roma 8:19-22.

      11 Upang maunawaan ang punto sa mga talatang ito, kailangan muna nating sagutin ang ilang pinakasusing tanong. Halimbawa, Sino ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang? Ang sagot ng ilan ay si Satanas: ang iba naman ay si Adan daw. Ngunit pareho nilang hindi maipasasakop ang sangnilalang sa kawalang-saysay. Bakit hindi? Dahil ang isa na nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang ay gumawa nito “salig sa pag-asa.” Oo, nagbibigay siya ng pag-asa na sa dakong huli ay “palalayain [ang mga tapat] sa pagkaalipin sa kasiraan.” Hindi si Adan ni si Satanas man ang makapagbibigay ng gayong pag-asa. Si Jehova lamang ang makapagbibigay niyaon. Kung gayon, maliwanag na siya ang nagpangyari na masakop ng kawalang-saysay ang sangnilalang.

      12. Anong kalituhan ang bumangon hinggil sa kahulugan ng “buong sangnilalang,” at paano maaaring sagutin ang tanong na ito?

      12 Subalit ano ang “buong sangnilalang” na tinutukoy sa talatang ito? Sinasabi ng ilan na ang “buong sangnilalang” ay tumutukoy sa daigdig ng kalikasan, pati na ang mga hayop at mga pananim. Ngunit umaasa ba ang mga hayop at mga halaman na matamo ‘ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos’? Hindi. (2 Pedro 2:12) Kung gayon, ang “buong sangnilalang” ay maaaring tumukoy lamang sa sangkatauhan. Ito ang sangnilalang na apektado ng kasalanan at kamatayan dahil sa paghihimagsik sa Eden at lubhang nangangailangan ng pag-asa.​—Roma 5:12.

      13. Ano ang naidulot sa sangkatauhan ng paghihimagsik sa Eden?

      13 Ano nga ba talaga ang naidulot sa sangkatauhan ng paghihimagsik na iyon? Inilalarawan ni Pablo ang mga resulta nito sa iisang salita: kawalang-saysay.a Ayon sa isang reperensiyang akda, inilalarawan ng salitang ito “ang kawalang-saysay ng isang bagay na hindi gumagana ayon sa pagkakadisenyo nito.” Ang mga tao ay dinisenyong mabuhay magpakailanman, gumawang magkakasama bilang isang sakdal at nagkakaisang pamilya sa pangangalaga sa isang malaparaisong lupa. Sa halip, naging maikli, puno ng pasakit, at malimit na nakasisiphayo ang kanilang pag-iral. Gaya ng sabi ni Job, “ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Kawalang-saysay nga!

      14, 15. (a) Anong katibayan ng katarungan ang masusumpungan natin sa hatol na iginawad ni Jehova sa sangkatauhan? (b) Bakit sinabi ni Pablo na ipinasakop ang sangnilalang sa kawalang-saysay “hindi ayon sa sarili nitong kalooban”?

      14 Ngayon ay sumapit na tayo sa pinakapangunahing tanong: Bakit ipinasakop ng “Hukom ng buong lupa” ang sangkatauhan sa puno-ng-pasakit at nakasisiphayong pag-iral na ito? (Genesis 18:25) Naging makatuwiran ba siya sa paggawa nito? Buweno, tandaan ang ginawa ng ating unang mga magulang. Sa paghihimagsik sa Diyos, pumanig sila kay Satanas, na nagbangon ng malawakang hamon sa pagkasoberano ni Jehova. Sa kanilang ginawa, sinuportahan nila ang pag-aangkin na mas mapapabuti ang tao kung wala si Jehova, anupat pamamahalaan niya ang kaniyang sarili sa ilalim ng patnubay ng isang mapaghimagsik na espiritung nilalang. Sa paggawad ng hatol sa mga naghimagsik, sa diwa ay ibinigay ni Jehova sa kanila kung ano ang kanilang hinihingi. Pinahintulutan niya ang tao na pamahalaan ang kaniyang sarili sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, ano pang pasiya ang magiging higit na makatuwiran kaysa sa ipasakop ang sangkatauhan sa kawalang-saysay ngunit salig sa pag-asa?

      15 Sabihin pa, hindi ito ayon sa “sariling kalooban” ng sangnilalang. Isinilang tayo bilang mga alipin ng kasalanan at kabulukan nang walang anumang mapagpipilian. Ngunit dahil sa awa ni Jehova ay pinahintulutan niyang mabuhay pa at magsilang ng mga supling sina Adan at Eva. Bagaman tayo, na kanilang mga inapo, ay ipinasakop sa kawalang-saysay ng kasalanan at kamatayan, may pagkakataon tayong gawin ang hindi ginawa nina Adan at Eva. Maaari nating pakinggan si Jehova at matutuhan na ang kaniyang soberanya ay matuwid at sakdal, samantalang ang pamamahala ng tao na hiwalay kay Jehova ay magdudulot lamang ng pasakit, pagkasiphayo, at kawalang-saysay. (Jeremias 10:23; Apocalipsis 4:11) At pinalulubha lamang ng impluwensiya ni Satanas ang mga bagay-bagay. Pinatutunayan ng kasaysayan ng tao ang mga katotohanang ito.​—Eclesiastes 8:9.

      16. (a) Bakit tayo makatitiyak na hindi si Jehova ang may pananagutan sa pagdurusa na nakikita natin sa daigdig sa ngayon? (b) Anong pag-asa ang maibiging inilaan ni Jehova para sa tapat na mga tao?

      16 Maliwanag, may makatuwirang mga dahilan si Jehova na ipasakop ang sangkatauhan sa kawalang-saysay. Subalit nangangahulugan ba iyon na si Jehova ang sanhi ng kawalang-saysay at pagdurusa na pumipighati sa bawat isa sa atin sa ngayon? Buweno, gunigunihin ang isang hukom na naggawad ng makatuwirang hatol sa isang kriminal. Maaaring magdusa nang husto ang nahatulan habang tinatapos niya ang sentensiya sa kaniya, ngunit makatuwiran ba niyang masisisi ang hukom bilang siyang sanhi ng kaniyang pagdurusa? Siyempre, hindi! Isa pa, si Jehova ay hindi kailanman pinagmumulan ng kabalakyutan. Sinasabi ng Santiago 1:13: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” Tandaan din natin na iginawad ni Jehova ang hatol na ito “salig sa pag-asa.” Maibigin siyang gumawa ng mga kaayusan upang masaksihan ng tapat na mga inapo nina Adan at Eva ang wakas ng kawalang-saysay at malugod sa “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Hindi na kailangang mabahala magpakailanman ang tapat na sangkatauhan na baka muli na namang masadlak ang buong sangnilalang sa kalagayan na puno ng pasakit at kawalang-saysay. Ang makatuwirang pangangasiwa ni Jehova sa mga bagay-bagay ang magpapatunay sa pagiging matuwid ng kaniyang soberanya sa habang panahon.​—Isaias 25:8.

  • Magtiwala Ka kay Jehova
    Ang Bantayan—2003 | Setyembre 1
    • a Ang Griegong salita na ginamit ni Pablo para sa “kawalang-saysay” ay siya ring ginamit sa Griegong Septuagint upang isalin ang pananalita na paulit-ulit na ginamit ni Solomon sa aklat ng Eclesiastes, tulad sa pananalitang “ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan!”​—Eclesiastes 1:2, 14; 2:11, 17; 3:19; 12:8.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share