Ang Pagpapatibay ng Pananampalataya Upang Magpalipat ng mga Bundok
“TALAGANG may pananampalataya ako; o, tulungan mo ako na magkaroon ng higit pa!” Ito ang mga salita ng naliligalig na ama ng himataying bata na binanggit sa naunang artikulo. (Marcos 9:24, The Living Bible) Baka ang pangungusap na ito ay nagpapadama rin sa iyo ng gayong damdamin. Kung gayon, tiyak na hindi ka nag-iisa. Ang mga kalagayan sa daigdig sa ngayon ay nagpapahina ng pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita. Ang ateistikong pilosopya, materyalismo, mga krisis sa mga relihiyon, at ang nakatatakot na pagdami ng karahasan ay pawang sumisira sa tunay na pananampalataya. Kung gayon, angkop na angkop ang tanong ni Jesu-Kristo, “Pagdating ng Anak ng tao, tunay kayang makakasumpong siya ng pananampalataya sa lupa?”—Lucas 18:8.
Minsan, maging ang mga apostol man ni Jesus ay namanhik, “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” Sa halip na makahimalang bigyan sila ng higit pang pananampalataya, sinabi niya: “Kung mayroon kayo ng pananampalataya na kasinlaki ng isang butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka at matanim ka sa dagat!’ at ito’y tatalima sa inyo.” (Lucas 17:5, 6) Kaya, paano nga ba tayo makapagtatamo ng higit pang pananampalataya?
Ang Pagtatayo ng Pananampalataya
Si apostol Pablo ay sumulat: “Paano . . . sila sasampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? . . . Kaya nga ang pananampalataya ay nanggagaling sa mga bagay na napakinggan. Ang bagay na napakinggan naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol sa Kristo.” (Roma 10:14-17) Kung gayon, masasabi na kung ibig natin ng higit pang pananampalataya, kailangang tayo’y makinig at kumuha ng kaalaman sa Kasulatan. Iyan ang ginawa ng nabanggit nang lumpo. Siya’y inaralan ng Bibliya ng mga Saksi ni Jehova, nagtamo siya ng pananampalataya, at pagkatapos ay ikinapit niya ang kaniyang natutuhan sa araw-araw na pamumuhay. Sa gayon ay nakasumpong siya ng pananampalataya upang alisin ang mistulang bundok na mga balakid sa kaniyang buhay.
Nangangailangan ng panahon upang matipon ang kapani-paniwalang ebidensiya bilang saligan ng pananampalataya. (Hebreo 11:1) At kailangan din ang pagsusumikap. Ikaw ba ay handang gumugol ng panahon at regular na magsumikap upang matipon ang ebidensiya na kailangan upang magtayo ng pananampalataya?
“Mga Bloke” Para sa Pagtatayo ng Pananampalataya
Ang pagtatayo ng pananampalataya ay maihahalintulad sa isang pagtatayo ng gusali. Kahit ang pinakamalalaking gusali ay binubuo ng indibiduwal na mga bloke sa pagtatayo. Bawat bloke ay inilalagay sa lugar kasama ng daan-daang pang mga bloke upang ang gusali ay magkaroon ng katatagan na kinakailangan upang mapaglabanan ang malalakas na mga bagyo at ang mga pinsala na likha ng paglakad ng panahon. Ang pananampalataya ay nakasalig din sa indibiduwal na “mga bloke” ng ebidensiya na maingat na pinaghanay-hanay may kaugnayan sa iba. Bawat “bloke” ay nagpapasok ng ebidensiya na umiiral ang Diyos, na siya ang Maylikha ng lahat ng bagay, at na siya’y may layunin tungkol sa kaniyang mga taong nilalang. Ano nga ba ang “mga bloke” na ito?
Unang-una, masdan mo ang iyong sariling katawan. Hindi mo ba nakikita ang kapani-paniwalang ebidensiya ng isang Manlalalang, halimbawa, sa iyong di-kapani-paniwalang utak—isang organo na hindi man lamang mapapangarap ng siyensiya na gayahin? Masasabi mo ba ang gaya ng sinabi ng salmista, “Kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan”? (Awit 139:14) Kung masasabi mo iyan, ikaw ay mayroon nang isang “bloke” na mapagtatayuan mo ng iyong pananampalataya.
Ikaw ba’y nakakakita ng isa pang ebidensiya ng isang maibiging Manlalalang sa walang katapusang pagkakasari-sari at kagandahan ng mga punungkahoy, mga halaman, at mga bulaklak? Nakikita mo ba ang gayong ebidensiya sa hayop, sa ibon, at sa mga kinapal sa karagatan at sa kanilang pagkaumaasa sa isa’t isa at pati na sa kanilang kahalagahan sa sangkatauhan? Kung tayo’y handang makinig, maaari nating “mapakinggan” ang lahat ng mga ito na nagpapahayag, ‘Umiiral ang Diyos!’—Roma 1:20.
Gayunpaman, ang paniniwala sa pag-iral ng Manlalalang ay hindi sapat. Upang sagutin ang mga tanong tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin, kailangan natin ang pagsisiwalat buhat sa di-nakikita, sakdal-dunong na Diyos na ito. At mayroon nga tayo nito! Saan? Sa Bibliya. Datapuwat marami ang hindi kumikilala sa pinagmumulang ito ng impormasyon bilang mapanghahawakan gaya ng nakikitang mga paglalang sa palibot natin.
Gayunman, may saganang patotoo, kapani-paniwalang ebidensiya na ang Bibliya ay isang aklat na kinasihan ng Diyos. Halimbawa, ang pagkakasundu-sundo ng mga manunulat nito—mga 40 lahat-lahat, na sumulat sa loob ng 16 na siglo—ay ebidensiya na mayroon itong iisang Awtor, ang Diyos na Jehova. Ulit at ulit na ang mga natuklasan ng tunay na siyensiya at ng arkeolohiya ay nagpatunay rin na ang Bibliya ay totoo at mapanghahawakan. Halimbawa, ang astronomong si Robert Jastrow ay sumulat: “Ang mga detalye ay nagkakaiba-iba, ngunit ang mahalagang mga elemento sa astronomikal at Biblikal na ulat ng Genesis ay iisa: ang sunud-sunod na mga pangyayari na humahantong sa tao ay nagsimulang biglang-bigla at karaka-raka sa isang tiyak na sandali sa panahon, sa isang guhit ng liwanag at enerhiya.”
Isaalang-alang ang kahit isa lamang halimbawa ng kung paano pinagtibay ng arkeolohiya ang rekord ng Bibliya. Sa 2 Hari 18:13-15, mababasa natin: “Nang ikalabing-apat na taon na ng Haring Hezekias ay umahon si Senacherib na hari ng Asiria laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at kaniyang sinakop ang mga ito.” Nang panahon na iyon “siningil ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.” Bilang pagpapatunay, noong ika-19 na siglo ang arkeologong si A. H. Layard ay nakatuklas ng tinatawag na King Sennacherib’s Prism. Ang tekstong cuneiform ay kababasahan: “Kung tungkol kay Hezekias na Judio, na hindi nagpasakop sa aking pamatok, 46 ng kaniyang matitibay, na nakukutaang mga bayan, . . . ay aking kinubkob at nakuha. . . . Idinagdag ko sa dating tributo, at siningil ko siya bilang kaniyang taunang pagbabayad, ng buwis . . . 30 talento ng ginto at 800 talento ng pilak.” Isang kapuna-punang pagpapatibay sa ulat ng Bibliya, na nagkakaiba lamang sa halaga ng ibinuwis na pilak!
Iba Pang “mga Bloke” Para sa Pagtatayo ng Pananampalataya
Isa sa mahalagang “mga bloke” sa pagtatayo ay yaong ibinibigay ng katuparan ng mga hula sa Bibliya. Ang hula ay isang prediksiyon ng isang pangyayari sa hinaharap. Pagka natupad na ang pangyayaring iyon, tinatatakan niyaon na totoo ang prediksiyon. Ang gayong mga hula ay lampas sa kakayahan ng tao na gawin, at tama ang pagkasabi ng Bibliya: “Ang hula’y hindi dumating kailanman dahil sa kalooban ng tao, kundi ang mga lalaki ay nagsalita mula sa Diyos habang kinakasihan sila ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Ang pagmamasid sa ilan sa gayong mga hula sa Bibliya ay tunay na nagpapatibay-pananampalataya.
Mga 732 B.C.E., inihula ni Isaias ang pagbagsak ng Babilonya sa kamay ng mga Medo at mga Persiano, at ibinigay pa mandin ang pangalan ng mananakop, si Ciro. Kapuna-puna, ang hulang ito ay ibinigay mga 200 taon bago nasakop ni Ciro ang Babilonya! Sa isang bahagi, binabanggit ng hula si Jehova bilang “ang Isa na nagsasabi sa kalaliman ng tubig, ‘Ikaw ay matuyo; at aking tutuyuin ang lahat mong mga ilog.’ ” Inihula na ang Diyos ay ‘magbubukas sa unahan ni Ciro ng dalawang-pohas na mga pinto, na anupa’t maging ang mga pintuang bayan ay hindi masasarhan.’ “Ang mga pintuang tanso ay aking pagdudurug-durugin, at aking pagpuputul-putulin ang mga halang na bakal,” ang sabi ni Jehova, “at ibibigay ko sa inyo ang mga kayamanang nasa kadiliman.” (Isaias 44:24–45:3) Paano nga natupad ang hulang ito?
Nangyari ito sa isang gabi ng paglalasingan sa katuwaan sa Babilonya at ng kaniyang mga prinsipe. Samantalang hindi napapansin sa kalaliman ng gabi, ang hukbo ni Ciro ay puspusang nagtrabaho upang paagusin sa ibang dako ang tubig ng Ilog Eufrates, na umaagos sa gitna ng lunsod. Dahil dito ang mga sundalo ay nakapasok sa Babilonya sa pamamagitan ng pagdaraan sa natuyong ilog. Ang pintuang bayan sa dalampasigan ng ilog ay napabayaang bukás sa panahon ng pagsasayá. Kaya naman, ang mga Medo at mga Persiano ay hindi nahirapan sa pananakop sa Babilonya at sa pagkuha ng lahat ng kayamanan nito. Ang hula ni Isaias ay natupad sa lahat ng mga detalye.
Minabuti rin ng Diyos na Jehova na si Jesu-Kristo ang gawing pinakasentro ng marami sa mga hula na tumutukoy ng mga detalye ng kaniyang kapanganakan, buhay, ministeryo, at kamatayan, ang iba sa mga ito ay nasulat na daan-daang taóng patiuna. Halimbawa, inihula na siya’y isisilang sa angkan ni Juda sa sambahayan ni David (Genesis 49:10; Isaias 11:1, 2) at sa bayan ng Bethlehem. (Mikas 5:2) Ang isang matalik na kaibigan ay magtataksil at magkakanulo sa kaniya sa halagang 30 pirasong pilak. (Awit 41:9; Zacarias 11:12) Ang kaniyang mga kasuotan ay ipagsasapalaran sa pamamagitan ng palabunutan. (Awit 22:18) Siya’y uulusin, ngunit walang isa man sa kaniyang mga buto ang mababali. (Zacarias 12:10; Awit 34:20) Sa Daniel 9:24-27 ay inihula ang pagparito ni Jesus bilang ang Mesiyas, o Kristo, pagkaraan ng 69 na sanlinggo ng mga taon, isang yugto ng panahon na 483 taon magmula sa 455 B.C.E. hanggang sa pagbabautismo kay Jesus noong 29 C.E. Kalahati ng “sanlinggo” (3 1/2 taon) ang lumipas, noong 33 C.E., si Jesus ay “pinutol” sa kamatayan gaya ng inihula. Ang mga iba pang detalye ng hula ay natupad din.
Ito’y ilan lamang sa “mga bloke” na magagamit upang itayo ang pananampalataya na makapagpapalipat sa mga bundok. Ang pagtitipon sa lahat ng ito at paglalagay nito sa kani-kanilang lugar ay nangangailangan ng panahon, pagod, at pagtitiyaga. Subalit may nakagawa nito. Si John, na naninirahan sa Santos, Brazil, ay makapagpapatunay na ito’y magagawa. Mga ilang taon na ngayon, siya’y nagwawalang-bahala sa relihiyon, walang pananampalataya sa Bibliya, bagama’t naniniwala siya na umiiral ang Diyos. Sumang-ayon si John na siya’y dalawin ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang linggu-linggong mga pagtatalakayan nila ang sa wakas ang kumumbinsi kay John na ang Bibliya ay hindi isang karaniwang aklat, at sa wakas ay “kaniyang tinanggap iyon, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, kung ano nga iyon sa totoo, ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Kinailangan ng panahon, subalit ang patuloy na pag-aaral sa Bibliya ang tumulong kay John na maunawaan ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Sa wakas, noong 1970 siya ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon, bilang isang hinirang na matanda sa kongregasyon, siya ay tumutulong sa mga iba pa upang maitayo at mapanatili ang kanilang pananampalataya.
Nais mo bang matulungan ka sa pagpapatibay ng iyong pananampalataya? Kung gayon, tandaan na “ang pananampalataya ay nanggagaling sa mga bagay na napakinggan. Ang bagay na napakinggan naman ay sa pamamagitan ng salita tungkol sa Kristo.” (Roma 10:17) Mahigit na 3,000,000 mga Saksi ni Jehova ang masigasig na nangangaral ng “salita tungkol sa Kristo” at sa Kaharian ng Diyos sa mahigit na 200 mga bansa. Sila’y nagagalak na tumulong sa iyo upang matuto ka nang higit pa tungkol sa pamamagitan ng walang bayad na mga pagtuturo ng Bibliya.
Matitiyak mo na ang panahong gugugulin mo sa pakikinig sa “bagay na napakinggan” ay sulit naman. Ito’y tutulong sa iyo na magtayo ng pananampalataya na magpapalipat sa mga bundok. Ito, sa kabilang dako, ang aakay patungo sa buhay na walang hanggan, “sapagkat ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang lahat ng nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
“MGA BLOKE” Para sa Pagtatayo ng Pananampalataya
Pahalagahan ang mga bagay na ginawa ni Jehova
Tanggapin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos
Alamin kung paano pinagtitibay ng arkeolohiya at ng kasaysayan ang ulat ng Bibliya
Suriin ang katuparan ng mga hula sa Bibliya