-
Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!Ang Bantayan—2000 | Setyembre 1
-
-
4, 5. Anong pitak ng pangkaisipang saloobin ni Jesus ang itinampok sa Roma 15:1-3, at paano siya matutularan ng mga Kristiyano?
4 Ano ba ang nasasangkot sa pagtataglay ng pangkaisipang saloobin ni Kristo Jesus? Ang kabanata 15 ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma ay tumutulong sa atin na masagot ang tanong na iyan. Sa unang ilang talata ng kabanatang ito, tinukoy ni Pablo ang isang pambihirang katangian ni Jesus nang sabihin niya: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating mga sarili. Paluguran ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa kung ano ang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat: ‘Ang mga pagdusta niyaong mga dumudusta sa iyo ay nahulog sa akin.’ ”—Roma 15:1-3.
-
-
Ipaaninag ang Pangkaisipang Saloobin ni Kristo!Ang Bantayan—2000 | Setyembre 1
-
-
6. Sa anong paraan natin matutularan ang reaksiyon ni Jesus sa pagsalansang at pagdusta?
6 Ang isa pang mainam na katangian na ipinamalas ni Jesus ay ang paraan ng pag-iisip at paggawi na palaging positibo. Hindi niya pinahintulutan kailanman na maapektuhan ng negatibong saloobin ng iba ang kaniyang sariling mainam na saloobin sa paglilingkod sa Diyos; ni tayo man. Nang dinudusta at inuusig dahil sa tapat na pagsamba sa Diyos, may-pagtitiis na nagbata si Jesus nang walang pagrereklamo. Batid niya na ang pagsalansang ng di-sumasampalataya at di-nakauunawang sanlibutan ay maaaring asahan niyaong mga nagsisikap na paluguran ang kanilang kapuwa “sa kung ano ang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.”
7. Paano nagpamalas si Jesus ng pagtitiyaga, at bakit dapat din nating gawin ito?
7 Nagpamalas si Jesus ng tamang saloobin sa iba pang paraan. Hindi siya kailanman nagpahayag ng pagkainip kay Jehova kundi matiyaga siyang naghintay sa pagsasakatuparan ng Kaniyang mga layunin. (Awit 110:1; Mateo 24:36; Gawa 2:32-36; Hebreo 10:12, 13) Bukod diyan, si Jesus ay hindi nayamot sa kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya sa kanila: “Matuto kayo mula sa akin”; dahil sa siya ay “mahinahong-loob,” ang kaniyang mga turo ay nakapagpapatibay at nakagiginhawa. At dahil sa siya’y “mababa ang puso,” hindi siya kailanman naging mayabang o pangahas. (Mateo 11:29) Pinasisigla tayo ni Pablo na tularan ang mga pitak na ito ng saloobin ni Jesus nang sabihin niya: “Panatilihin sa inyo ang pangkaisipang saloobin na ito na nasa kay Kristo Jesus din, na, bagaman siya ay umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nagsaalang-alang sa pang-aagaw, alalaong baga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao.”—Filipos 2:5-7.
8, 9. (a) Bakit kailangan tayong magsikap upang malinang ang isang di-makasariling saloobin? (b) Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob sakali mang hindi tayo makaabot sa parisang iniwan ni Jesus, at paanong si Pablo ay isang mainam na halimbawa may kinalaman dito?
8 Madaling sabihin na gusto nating maglingkod sa iba at nais nating unahin ang kanilang mga pangangailangan sa halip na ang sa atin. Subalit ang tapat na pagsusuri sa ating pangkaisipang saloobin ay maaaring magsiwalat na ang ating puso ay hindi naman pala lubusang nakahilig doon. Bakit hindi? Una, dahil sa tayo’y may minanang makasariling mga pag-uugali mula kina Adan at Eva; ikalawa, dahil sa tayo’y nabubuhay sa isang daigdig na nagtataguyod ng pagkamakasarili. (Efeso 4:17, 18) Ang pagkakaroon ng isang di-makasariling saloobin ay madalas na nangangahulugan ng paglilinang ng isang paraan ng pag-iisip na taliwas sa ating likas na di-kasakdalan. Kailangan dito ang determinasyon at pagsisikap.
-