-
Mag-ingat sa mga “Epicureo”Ang Bantayan—1997 | Nobyembre 1
-
-
Itinuro rin ni Epicurus na hindi maaaring magkaroon ng buhay pagkatapos ng kamatayan. Siyempre pa, ito ay salungat sa turo ng Bibliya hinggil sa pagkabuhay-muli. Sa katunayan, nang magsalita si apostol Pablo sa Areopago, malamang na kabilang ang mga Epicureo sa mga tumutol kay Pablo hinggil sa doktrina ng pagkabuhay-muli.—Gawa 17:18, 31, 32; 1 Corinto 15:12-14.
Maaaring ang pinakamapanganib na elemento sa pilosopiya ni Epicurus ang siya ring pinakamapandaya. Ang pagtanggi niya sa isang buhay pagkatapos ng kamatayan ay umakay sa kaniya na maghinuha na ang tao ay dapat mamuhay nang maligaya hangga’t maaari sa panahon ng kaniyang maikling pamamalagi sa lupa. Gaya ng nakita na natin, ang ideya niya ay hindi naman ang mamuhay sa makasalanang paraan kundi, sa halip, ang tamasahin ang kasalukuyan, yamang ngayon lamang tayo mabubuhay.
Kaya naman hindi pinasigla ni Epicurus ang lihim na paggawa ng masama upang maiwasan ang pagkatakot na mabisto, isang maliwanag na banta sa kasalukuyang kaligayahan. Pinasigla niya ang pagiging katamtaman upang maiwasan ang masamang bunga ng pagpapakasasa, isa pang hadlang sa kasalukuyang kaligayahan. Pinasigla rin niya ang mabuting pakikipag-ugnayan sa iba dahil ang ganti ng mga ito ay kapaki-pakinabang. Sabihin pa, ang pag-iwas sa lihim na paggawa ng masama, ang pagiging katamtaman, at pakikipagkaibigan ay mabubuti sa ganang sarili. Kaya bakit mapanganib para sa isang Kristiyano ang pilosopiya ni Epicurus? Sapagkat ang kaniyang payo ay salig sa kaniyang walang-pananampalatayang pangmalas: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”—1 Corinto 15:32.
Totoo na ipinakikita ng Bibliya sa mga tao kung paano mamumuhay nang maligaya ngayon. Gayunman, ito ay nagpapayo: “Panatilihin ang inyong mga sarili sa pag-ibig ng Diyos, habang kayo ay naghihintay sa awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo ukol sa buhay na walang-hanggan.” (Judas 21) Oo, higit na binibigyang-pansin ng Bibliya ang walang-hanggang kinabukasan, hindi ang lumilipas na kasalukuyan. Para sa isang Kristiyano, ang paglilingkuran sa Diyos ang siyang pangunahing pinag-uukulan ng pansin, at nasusumpungan niya na kapag inuuna niya ang Diyos, siya ay maligaya at kontento. Sa katulad na paraan, sa halip na maging abala sa kaniyang sariling kapakanan, ginugol ni Jesus ang kaniyang lakas sa walang-imbot na paglilingkod kay Jehova at sa pagtulong sa mga tao. Tinuruan niya ang kaniyang mga alagad na gumawa ng mabuti sa iba, hindi sa pag-asang tatanggap ng kapalit, kundi dahil sa tunay na pag-ibig sa kanila. Maliwanag, ang saligang pangganyak ng Epicureanismo at Kristiyanismo ay lubusang magkaiba.—Marcos 12:28-31; Lucas 6:32-36; Galacia 5:14; Filipos 2:2-4.
-
-
Mag-ingat sa mga “Epicureo”Ang Bantayan—1997 | Nobyembre 1
-
-
Bagaman naglaho ang Epicureanismo noong ikaapat na siglo C.E., mayroon pa rin ngayong nagtataglay ng nakakatulad na pangmalas na mamuhay-para-sa-kasalukuyan-lamang. Ang mga taong ito ay may kaunti o walang pananampalataya sa pangako ng Diyos hinggil sa buhay na walang hanggan. Gayunman, ang ilan sa kanila ay masasabing may matataas na pamantayang asal.
Ang isang Kristiyano ay maaaring matukso na magkaroon ng matalik na kaugnayan sa gayong mga tao, marahil ay nangangatuwiran na ang kanilang kagalang-galang na mga katangian ang nagbibigay-matuwid sa pakikipagkaibigan. Subalit, bagaman hindi itinuturing ang ating sarili na nakahihigit, dapat nating tandaan na lahat ng “masasamang kasama”—pati na yaong ang impluwensiya ay higit na mapandaya—“ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.”
Ang pilosopiyang mamuhay-para-sa-kasalukuyan-lamang ay makikita rin sa ilang seminar sa negosyo, mga aklat tungkol sa sariling-sikap, mga nobela, pelikula, mga programa sa telebisyon, at musika. Bagaman hindi tuwirang itinataguyod ang makasalanang paggawi, maiimpluwensiyahan kaya tayo sa paraang mapandaya ng salat-sa-pananampalatayang mga pangmalas na ito? Halimbawa, tayo kaya ay nagiging labis na abala sa pag-abot sa ating mga pangarap anupat nawawaglit na sa ating pansin ang usapin tungkol sa soberanya ni Jehova? Tayo kaya ay maililihis tungo sa ‘pagiging kampante,’ sa halip na magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”? O malilinlang kaya tayo na mag-alinlangan sa pagiging matuwid at kapaki-pakinabang ng mga pamantayan ni Jehova? Kailangan tayong magbantay kapuwa sa pagkahantad sa tahasang imoralidad, karahasan, at espiritismo at sa mga naimpluwensiyahan ng makasanlibutang mga pangmalas!—1 Corinto 15:58; Colosas 2:8.
-