Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Inaalam ang “Pag-iisip ni Kristo”
    Ang Bantayan—2000 | Pebrero 15
    • Inaalam ang “Pag-iisip ni Kristo”

      “‘Sino ang nakaalam sa pag-iisip ni Jehova, upang maturuan niya siya?’ Ngunit taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.”​—1 CORINTO 2:16.

      1, 2. Sa kaniyang Salita, nakita ni Jehova na angkop na isiwalat ang ano tungkol kay Jesus?

      ANO kaya ang hitsura ni Jesus? Ano kaya ang kulay ng kaniyang buhok? ng kaniyang balat? ng kaniyang mga mata? Gaano kaya siya kataas? Gaanong kabigat kaya ang timbang niya? Sa nakalipas na mga siglo, ang artistikong mga paglalarawan kay Jesus ay nagkakaiba-iba anupat may makatuwiran at may malayong magkatotoo. Inilalarawan siya ng ilan bilang isang tunay na lalaki at masigla, samantalang iginuguhit naman siya ng iba bilang isang lalaking mahina at maputla.

      2 Gayunman, ang Bibliya ay hindi nagtutuon ng pansin sa hitsura ni Jesus. Sa halip, nakita ni Jehova na angkop na isiwalat ang isang bagay na higit na mas mahalaga: ang uri ng pagkatao ni Jesus. Hindi lamang iniuulat ng mga salaysay ng Ebanghelyo ang sinabi at ginawa ni Jesus kundi isinisiwalat din nito ang tindi ng damdamin at ang takbo ng isip sa likod ng kaniyang mga sinabi at ikinilos. Pinangyayari ng apat na kinasihang salaysay na ito na maaninaw natin ang tinutukoy ni apostol Pablo na “pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) Mahalaga na makilala natin ang mga kaisipan, damdamin, at personalidad ni Jesus. Bakit? Di-kukulangin sa dalawang dahilan.

      3. Ang ating pagkakilala sa pag-iisip ni Kristo ay maaaring magbigay sa atin ng anong kaunawaan?

      3 Una, ipinababanaag sa atin ng pag-iisip ni Kristo ang pag-iisip ng Diyos na Jehova. Kilalang-kilala ni Jesus ang kaniyang Ama anupat masasabi niya: “Kung sino ang Anak ay walang sinumang nakakaalam kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at siya na sa kaniya ay ninanais ng Anak na isiwalat siya.” (Lucas 10:22) Para bang sinasabi ni Jesus, ‘Kung ibig mong malaman ang hitsura ni Jehova, tingnan mo ako.’ (Juan 14:9) Kaya nga, kapag pinag-aaralan natin ang isinisiwalat ng Mga Ebanghelyo hinggil sa naging paraan ng pag-iisip at naging damdamin ni Jesus, para bang natututuhan natin ang paraan ng pag-iisip at damdamin ni Jehova. Pinangyayari ng gayong kaalaman na mapalapit tayo sa ating Diyos.​—Santiago 4:8.

      4. Upang talagang makakilos tayo na gaya ni Kristo, ano muna ang dapat nating matutuhan, at bakit?

      4 Ikalawa, ang pagkaalam natin sa pag-iisip ni Kristo ay tumutulong sa atin na ‘masundan nang maingat ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Ang pagsunod kay Jesus ay hindi nangangahulugan ng basta pag-uulit lamang sa kaniyang mga sinabi at pagtulad sa kaniyang mga ginawa. Yamang ang pagsasalita at pagkilos ay naiimpluwensiyahan ng pag-iisip at damdamin, kailangan sa pagsunod kay Kristo ang paglilinang natin ng katulad na “pangkaisipang saloobin” na tinaglay niya. (Filipos 2:5) Sa ibang pananalita, upang talagang makakilos tayo na gaya ni Kristo, dapat muna nating matutuhang tularan ang kaniyang pag-iisip at damdamin, alalaong baga’y, sa pinakamabuting magagawa natin bilang di-sakdal na mga tao. Aninawin natin kung gayon, sa tulong ng mga manunulat ng Ebanghelyo, ang pag-iisip ni Kristo. Tatalakayin muna natin ang mga salik na nakaimpluwensiya sa naging paraan ng pag-iisip at naging damdamin ni Jesus.

      Ang Kaniyang Pag-iral Bago Naging Tao

      5, 6. (a) Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng ating mga kasama? (b) Anong pakikipagsamahan ang tinamasa ng panganay na Anak ng Diyos sa langit bago siya bumaba sa lupa, at ano ang naging epekto nito sa kaniya?

      5 Maaaring magkaroon ng epekto sa atin ang malalapit nating kasama, anupat naiimpluwensiyahan ang ating pag-iisip, damdamin, at pagkilos sa ikabubuti o sa ikasasama.a (Kawikaan 13:20) Isaalang-alang ang pakikipagsamahang tinamasa ni Jesus sa langit bago siya bumaba sa lupa. Itinawag-pansin ng Ebanghelyo ni Juan ang pag-iral ni Jesus bago naging tao bilang “ang Salita,” o Tagapagsalita, ng Diyos. Sinabi ni Juan: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos. Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos.” (Juan 1:1, 2) Yamang si Jehova ay walang pasimula, ang pagiging magkasama ng Diyos at ng Salita mula “nang pasimula” ay tiyak na tumutukoy sa pasimula ng mga gawang paglalang ng Diyos. (Awit 90:2) Si Jesus “ang panganay sa lahat ng nilalang.” Samakatuwid, siya’y umiral na bago pa man lalangin ang iba pang espiritung nilalang at ang pisikal na sansinukob.​—Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14.

      6 Ayon sa ilang makasiyensiyang pagtantiya, ang pisikal na sansinukob ay umiiral na sa loob ng di-kukulangin sa 12 bilyong taon. Kung ang pagtantiyang iyon ay masasabing halos tama, ang panganay na Anak ng Diyos ay nagtamasa na ng malapít na pakikipagsamahan sa kaniyang Ama sa loob ng bilyun-bilyong taon bago pa man lalangin si Adan. (Ihambing ang Mikas 5:2.) Isang magiliw at matibay na buklod kung gayon ang namagitan sa kanilang dalawa. Bilang personipikasyon ng karunungan, ang panganay na Anak na ito, sa kaniyang pag-iral bago naging tao, ay inilalarawan na nagsasabing: “Ako ang siyang lubhang kinagigiliwan [ni Jehova] araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” (Kawikaan 8:30) Tiyak na ang paggugol ng di-mabilang na panahon sa matalik na pakikipagsamahan sa Pinagmumulan ng pag-ibig ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa Anak ng Diyos! (1 Juan 4:8) Nalaman at naipaaninag ng Anak na ito ang pag-iisip, damdamin, at pamamaraan ng kaniyang Ama, sa paraang hindi kayang gawin ng iba.​—Mateo 11:27.

      Buhay sa Lupa at mga Impluwensiya

      7. Ano ang isa sa mga dahilan kung bakit kinailangang bumaba sa lupa ang panganay na Anak ng Diyos?

      7 Marami pang dapat matutuhan ang Anak ng Diyos, sapagkat ang layunin ni Jehova ay ang masangkapan ang kaniyang Anak upang maging isang madamaying Mataas na Saserdote, na maaaring “makiramay sa ating mga kahinaan.” (Hebreo 4:15) Ang pag-abot sa mga kahilingan para sa tungkuling ito ang isa sa mga dahilan kung bakit bumaba sa lupa ang Anak bilang isang tao. Dito, bilang isang taong may laman at dugo, si Jesus ay napalantad sa mga kalagayan at mga impluwensiya na noon ay pinagmamasdan lamang niya mula sa langit. Ngayon ay naranasan niya mismo ang damdamin at emosyon ng mga tao. Paminsan-minsan ay nakadarama siya ng pagod, uhaw, at gutom. (Mateo 4:2; Juan 4:6, 7) Higit pa riyan, nagbata siya ng lahat ng uri ng paghihirap at pagdurusa. Sa gayon ay “natuto siya ng pagkamasunurin” at naging lubusang kuwalipikado sa kaniyang papel bilang Mataas na Saserdote.​—Hebreo 5:8-10.

      8. Ano ang nalalaman natin hinggil sa kabataan ni Jesus sa lupa?

      8 Kumusta naman ang mga naging karanasan ni Jesus noong kaniyang kabataan sa lupa? Napakaigsi ng ulat hinggil sa kaniyang pagkabata. Sa katunayan, tanging sina Mateo at Lucas lamang ang nagsaysay sa mga pangyayaring naganap noong siya’y isilang. Batid ng mga manunulat ng Ebanghelyo na si Jesus ay nabuhay na sa langit bago pa man siya bumaba sa lupa. Higit sa anupaman, ang pag-iral na iyan bago naging tao ang nagpaliwanag kung naging anong uri siya ng tao. Gayunman, si Jesus ay isang ganap na tao. Bagaman sakdal, siya’y kinailangan pa ring lumaki mula sa pagkasanggol tungo sa pagkabata at pagbibinata hanggang sa pagiging nasa hustong gulang, habang patuloy na natututo. (Lucas 2:51, 52) Isinisiwalat ng Bibliya ang ilang bagay hinggil sa kabataan ni Jesus na walang-alinlangang nakaapekto sa kaniya.

      9. (a) Anong pahiwatig mayroon na si Jesus ay ipinanganak sa isang mahirap na pamilya? (b) Sa anong uri ng kalagayan malamang na lumaki si Jesus?

      9 Lumilitaw na ipinanganak si Jesus sa isang mahirap na pamilya. Ipinahihiwatig ito ng handog na dinala nina Jose at Maria sa templo mga 40 araw pagkasilang sa kaniya. Sa halip na magdala ng isang batang barakong tupa bilang handog na sinusunog at isang inakay na kalapati o isang batu-bato bilang handog ukol sa kasalanan, nagdala sila ng alinman sa “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.” (Lucas 2:24) Ayon sa Batas Mosaiko, ang handog na ito ay isang probisyon para sa mahihirap. (Levitico 12:6-8) Nang maglaon, ang mahirap na pamilyang ito ay dumami. Sina Jose at Maria ay nagkaroon ng di-kukulangin sa anim pang anak sa pamamagitan ng likas na paraan matapos ang makahimalang pagkapanganak kay Jesus. (Mateo 13:55, 56) Kaya si Jesus ay lumaki sa isang malaking pamilya, malamang na sa isang simpleng kalagayan.

      10. Ano ang nagpapakita na sina Maria at Jose ay mga indibiduwal na may takot sa Diyos?

      10 Si Jesus ay pinalaki ng may-takot sa Diyos na mga magulang na nagmalasakit sa kaniya. Ang kaniyang ina, si Maria, ay isang napakahusay na babae. Gunitain na noong batiin siya, sinabi ng anghel na si Gabriel: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.” (Lucas 1:28) Si Jose rin ay isang debotong lalaki. Taun-taon ay buong-katapatan siyang naglalakbay nang 150 kilometro patungong Jerusalem para sa Paskuwa. Dumadalo rin noon si Maria, bagaman mga lalaki lamang ang hinihilingang gumawa nito. (Exodo 23:17; Lucas 2:41) Sa isa sa gayong okasyon, matapos ang matiyagang paghahanap, nasumpungan nina Jose at Maria ang 12-taóng-gulang na si Jesus sa templo sa gitna ng mga guro. Sa kaniyang nababahalang mga magulang, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49) “Ama”​—ang salitang iyan ay tiyak na may mapagmahal at positibong kahulugan para sa batang si Jesus. Una sa lahat, maliwanag na nasabi na sa kaniya na si Jehova ang tunay niyang Ama. Karagdagan pa, tiyak na si Jose ay naging isang mabuting ama-amahan ni Jesus. Tiyak na hindi pipili si Jehova ng isang mabagsik o malupit na lalaking magpapalaki sa Kaniyang mahal na Anak!

      11. Anong gawain ang natutuhan ni Jesus, at noong panahon ng Bibliya, ano ang kasangkot sa trabahong ito?

      11 Noong mga taóng nasa Nazaret siya, natutuhan ni Jesus ang pagkakarpintero, malamang na mula sa kaniyang ama-amahang si Jose. Naging dalubhasa si Jesus sa trabahong iyan anupat siya mismo ay tinawag na “ang karpintero.” (Marcos 6:3) Noong panahon ng Bibliya, ang mga karpintero ay inuupahan sa pagtatayo ng mga bahay, paggawa ng mga muwebles (kasali na ang mga mesa, bangko, at mahahabang upuan), at sa paggawa ng mga gamit sa pagsasaka. Sa kaniyang Dialogue With Trypho, si Justin Martyr, ng ikalawang siglo C.E., ay sumulat tungkol kay Jesus: “Kinaugalian na niyang magtrabaho bilang isang karpintero kasama ng mga lalaki, na gumagawa ng mga araro at pamatok.” Hindi madali ang trabahong iyan, sapagkat ang sinaunang karpintero ay malamang na hindi makabibili ng kaniyang kahoy. Mas malamang, siya’y humayo at pumili ng isang punungkahoy, pinalakol iyon, at iniuwi ang kahoy. Kaya malamang na alam ni Jesus ang mga hamon ng pagkita ng ikabubuhay, pakikipagtransaksiyon sa mga parokyano, at pangangasiwa sa mga gastusin sa bahay.

      12. Ano ang nagpapahiwatig na malamang na unang namatay si Jose kaysa kay Jesus, at ano ang naging kahulugan nito para kay Jesus?

      12 Bilang panganay na anak, malamang na tumulong si Jesus sa pag-aasikaso sa pamilya, lalo pa nga’t lumilitaw na unang namatay si Jose kaysa kay Jesus.b Sinabi ng Zion’s Watch Tower ng Enero 1, 1900: “Sinasabi ng tradisyunal na paniniwala na si Jose ay namatay noong maliit pa si Jesus, at na ang huling nabanggit ay naghanapbuhay bilang karpintero at naging tagapagsustento ng pamilya. Waring sinusuportahan ito ng patotoo sa Kasulatan na doo’y tinatawag mismo si Jesus na isang karpintero, at binabanggit ang kaniyang ina at mga kapatid, subalit walang sinasabi tungkol kay Jose. (Marcos 6:3) . . . Kung gayon, malaki ang posibilidad na ang mahabang panahon na labingwalong taon ng buhay ng ating Panginoon, mula sa panahon ng pangyayari [na nakaulat sa Lucas 2:41-49] hanggang sa panahon ng kaniyang bautismo, ay ginugol sa pagsasagawa ng karaniwang mga tungkulin sa buhay.” Malamang na alam ni Maria at ng kaniyang mga anak, kabilang na si Jesus, ang kirot na dulot ng pagkamatay ng isang mahal na asawa at ama.

      13. Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, bakit taglay niya ang kaalaman, kaunawaan, at tindi ng damdamin na hindi maaaring taglayin ng sinumang tao?

      13 Maliwanag na si Jesus ay hindi ipinanganak sa isang maalwang buhay. Sa halip, naranasan niya mismo ang buhay ng ordinaryong mga tao. Pagkatapos, noong 29 C.E., dumating na ang panahon para isagawa ni Jesus ang banal na atas na naghihintay sa kaniya. Noong taglagas ng taóng iyon, siya’y binautismuhan sa tubig at inianak bilang espirituwal na Anak ng Diyos. ‘Ang langit ay nabuksan sa kaniya,’ na maliwanag na nagpapahiwatig na maaari na niyang maalaala ngayon ang kaniyang naging buhay sa langit bago naging tao, lakip na ang dati niyang mga pag-iisip at damdamin. (Lucas 3:21, 22) Kaya nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, taglay niya ang kaalaman, kaunawaan, at tindi ng damdamin na hindi maaaring taglayin ng sinumang tao. Yamang may mabuting dahilan, iniukol ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang karamihan ng kanilang isinulat sa mga nangyari sa ministeryo ni Jesus. Magkagayunman, hindi nila kayang iulat ang lahat ng kaniyang sinabi at ginawa. (Juan 21:25) Subalit ang kanilang naiulat sa ilalim ng pagkasi ay nagpapangyari sa atin na maaninaw ang pag-iisip ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.

      Ang Uri ng Pagkatao ni Jesus

      14. Paano inilarawan si Jesus ng Mga Ebanghelyo bilang isang lalaking may magiliw na pagmamahal at matinding damdamin?

      14 Ang personalidad ni Jesus na lumitaw sa Mga Ebanghelyo ay gaya ng isang lalaking may magiliw na pagmamahal at matinding damdamin. Nagpamalas siya ng napakaraming iba’t ibang emosyonal na pagtugon: pagkahabag sa isang may ketong (Marcos 1:40, 41); labis na pagkalungkot dahil sa di-pagtugon ng bayan (Lucas 19:41, 42); matuwid na pagkagalit sa sakim na mga tagapagpalit ng salapi (Juan 2:13-17). Bilang isang taong may empatiya, si Jesus ay maaaring maantig na lumuha, at hindi niya itinago ang kaniyang damdamin. Nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro, labis na naantig si Jesus nang makita si Maria, kapatid ni Lazaro, na tumatangis kung kaya siya mismo ay napaluha, anupat umiyak sa harap mismo ng iba.​—Juan 11:32-36.

      15. Paano nakita ang magiliw na damdamin ni Jesus sa paraan ng pangmalas at pakikitungo niya sa iba?

      15 Ang magiliw na damdamin ni Jesus ay lalo nang nakita sa paraan ng kaniyang pangmalas at pakikitungo sa iba. Inaabot niya ang mahihirap at mga naaapi, anupat tinutulungan silang ‘masumpungan ang pagpapanariwa ng kanilang mga kaluluwa.’ (Mateo 11:4, 5, 28-30) Tinutugon pa rin niya ang mga pangangailangan ng mga naghihirap kahit siya’y abala, iyon man ay isang babaing inaagasan ng dugo na lihim na humipo sa kaniyang kasuutan o isang pulubing bulag na hindi mapatahimik. (Mateo 9:20-22; Marcos 10:46-52) Ang tiningnan ni Jesus ay ang kabutihang taglay ng iba at pinuri niya sila; ngunit, handa rin siyang sumaway kung kailangan. (Mateo 16:23; Juan 1:47; 8:44) Noong panahong kakaunti lamang ang karapatan ng mga babae, pinakitunguhan sila ni Jesus nang may timbang na antas ng dignidad at paggalang. (Juan 4:9, 27) Kaya naman mauunawaan kung bakit ang isang grupo ng mga babae ay kusang-loob na naglingkod sa kaniya mula sa kanilang sariling mga tinatangkilik.​—Lucas 8:3.

      16. Ano ang nagpapakita na si Jesus ay may timbang na pangmalas sa buhay at sa materyal na mga bagay?

      16 Si Jesus ay may timbang na pangmalas sa buhay. Ang materyal na mga bagay ay hindi siyang pinakamahalaga sa kaniya. Kung tungkol sa materyal, wari’y kaunting-kaunti lamang ang kaniyang ari-arian. Sinabi niya na ‘walang dakong mapaghigan ang kaniyang ulo.’ (Mateo 8:20) Kasabay nito, nakaragdag pa si Jesus sa kasiyahan ng iba. Nang dumalo siya sa isang piging ng kasalan​—isang okasyon na karaniwan nang may musika, awitan, at pagsasaya​—maliwanag na hindi siya naroroon upang palungkutin ang okasyon. Sa katunayan, doon ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala. Nang maubusan ng alak, ginawa niyang mainam na alak ang tubig, isang inuming “nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:15; Juan 2:1-11) Sa gayon ay nagpatuloy ang kasayahan, at walang-alinlangan na hindi napahiya ang bagong kasal. Higit pang naipamalas ang kaniyang pagiging timbang sa bagay na marami pang nabanggit na mga pagkakataon na si Jesus ay nagpagal nang matagal sa kaniyang ministeryo.​—Juan 4:34.

      17. Bakit hindi kataka-taka na si Jesus ay naging isang Dalubhasang Guro, at ano ang ipinaaaninag ng kaniyang mga turo?

      17 Si Jesus ay isang Dalubhasang Guro. Karamihan sa kaniyang mga turo ay nagpapaaninag ng mga totoong nangyayari sa pang-araw-araw na buhay, na alam na alam niya. (Mateo 13:33; Lucas 15:8) Walang makapapantay sa kaniyang paraan ng pagtuturo​—na laging maliwanag, simple, at praktikal. Lalo nang mahalaga ang kaniyang itinuro. Ipinaaninag ng kaniyang mga turo ang kaniyang taos-pusong hangarin na ipabatid sa kaniyang mga tagapakinig ang pag-iisip, damdamin, at pamamaraan ni Jehova.​—Juan 17:6-8.

      18, 19. (a) Anong buháy na mga paglalarawan ang ginamit ni Jesus para sa kaniyang Ama? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

      18 Sa madalas na paggamit ng mga ilustrasyon, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng buháy na mga paglalarawan na hindi karaka-rakang malilimutan. Madaling sabihin sa paraang pangkalahatan ang tungkol sa awa ng Diyos. Subalit iba naman kung ihahambing si Jehova sa isang mapagpatawad na ama na lubhang naantig nang makita ang kaniyang nagbabalik-loob na anak anupat siya’y ‘tumakbo at sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya.’ (Lucas 15:11-24) Bilang pagtanggi sa mahigpit na kultura na doo’y mababa ang tingin ng mga lider ng relihiyon sa karaniwang mga tao, ipinaliwanag ni Jesus na ang kaniyang Ama ay isang Diyos na madaling lapitan na mas pinili pa ang mga pagsusumamo ng isang mapagpakumbabang maniningil ng buwis kaysa sa mapagpasikat na panalangin ng isang mapagmalaking Pariseo. (Lucas 18:9-14) Inilarawan ni Jesus si Jehova bilang isang mapagmalasakit na Diyos na nakababatid sa pagbagsak ng isang maliit na maya sa lupa. “Huwag kayong matakot,” ang pagtiyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “kayo ay nagkakahalaga nang higit kaysa maraming maya.” (Mateo 10:29, 31) Kaya naman mauunawaan kung bakit namangha ang mga tao sa “paraan ng pagtuturo” ni Jesus at naakit ang mga ito sa kaniya. (Mateo 7:28, 29) Aba, minsan ay “isang malaking pulutong” ang namalagi sa tabi niya sa loob ng tatlong araw, kahit walang pagkain!​—Marcos 8:1, 2.

      19 Makapagpapasalamat tayo na isiniwalat ni Jehova sa kaniyang Salita ang pag-iisip ni Kristo! Kung gayon, paano natin malilinang at maipakikita ang pag-iisip ni Kristo sa ating pakikitungo sa iba? Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.

      [Mga talababa]

      a Na ang espiritung mga nilalang ay maaaring maimpluwensiyahan ng kanilang kasama ay ipinakikita sa Apocalipsis 12:3, 4. Doon ay inilalarawan si Satanas bilang isang “dragon” na nakagamit ng kaniyang impluwensiya upang hikayatin ang ibang “mga bituin,” o espiritung mga anak, na sumama sa kaniya sa pagtahak sa rebelyosong landasin.​—Ihambing ang Job 38:7.

      b Ang huling tuwirang pagbanggit kay Jose ay noong matagpuan sa templo ang 12-taóng-gulang na si Jesus. Hindi tinutukoy na naroroon si Jose sa piging ng kasalan sa Cana, sa pagsisimula ng ministeryo ni Jesus. (Juan 2:1-3) Noong 33 C.E., si Maria ay ipinagkatiwala ng nakabayubay na si Jesus sa pangangalaga ng minamahal na si apostol Juan. Iyan ay isang bagay na malamang na hindi gagawin ni Jesus kung buháy pa si Jose.​—Juan 19:26, 27.

  • Taglay Mo ba ang “Pag-iisip ni Kristo”?
    Ang Bantayan—2000 | Pebrero 15
    • Taglay Mo ba ang “Pag-iisip ni Kristo”?

      “Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon . . . ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”​—ROMA 15:5.

      1. Paano inilalarawan si Jesus sa maraming iginuhit na larawan ng Sangkakristiyanuhan, at bakit hindi ito isang makatuwirang paglalarawan kay Jesus?

      “NI MINSAN ay hindi siya nakitang tumawa kailanman.” Ganiyan ang pagkakalarawan kay Jesus sa isang dokumento na diumano’y isinulat ng isang sinaunang opisyal na Romano. Ang dokumentong ito, na nakilala sa kasalukuyang anyo nito sapol noong mga ika-11 siglo, ay sinasabing nakaimpluwensiya sa maraming pintor.a Sa maraming iginuhit na larawan, ipinakikita si Jesus bilang isang malungkuting tao na bihirang-bihira, kung sakali man, na tumawa. Subalit iyan ay talagang isang di-makatuwirang paglalarawan kay Jesus, na inilalarawan ng Mga Ebanghelyo bilang isang masigla at mabait na tao na may matinding damdamin.

      2. Paano natin malilinang ang “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus,” at masasangkapan tayo nito na gawin ang ano?

      2 Maliwanag, upang makilala ang tunay na Jesus, dapat nating punuin ang ating isip at puso ng tumpak na unawa sa talagang uri ng pagkatao ni Jesus noong siya’y nasa lupa. Kung gayon, suriin natin ang ilang salaysay ng Ebanghelyo na magbibigay sa atin ng kaunawaan tungkol sa “pag-iisip ni Kristo”​—alalaong baga’y, ang kaniyang damdamin, ang kaniyang mga pananaw, ang kaniyang mga kaisipan, at ang kaniyang mga pangangatuwiran. (1 Corinto 2:16) Sa paggawa nito, tingnan natin kung paano natin malilinang ang “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” (Roma 15:5) Sa gayon, maaari tayong higit na masangkapan sa ating buhay at sa ating pakikitungo sa iba na sundin ang parisang inilagay niya para sa atin.​—Juan 13:15.

      Madaling Lapitan

      3, 4. (a) Ano ang tagpo ng salaysay na nakaulat sa Marcos 10:13-​16? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang tangkaing pigilin ng kaniyang mga alagad ang maliliit na bata sa paglapit sa kaniya?

      3 Ang mga tao’y naakit kay Jesus. Sa maraming pagkakataon, ang mga indibiduwal na may iba’t ibang edad at pinagmulan ay malayang nakalalapit sa kaniya. Tingnan natin ang pangyayaring nakaulat sa Marcos 10:13-16. Nangyari ito nang malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo habang siya’y patungong Jerusalem sa huling pagkakataon, upang harapin ang isang napakasakit na kamatayan.​—Marcos 10:32-34.

      4 Isalarawan natin ang eksena. Nagsimulang dalhin ng mga tao ang mga bata, pati na ang mga sanggol, para pagpalain ni Jesus ang mga ito.b Gayunman, tinangka ng mga alagad na pigilin ang mga bata sa paglapit kay Jesus. Marahil ay iniisip ng mga alagad na tiyak na ayaw ni Jesus na maabala siya ng mga bata sa napakahalagang mga linggong ito. Subalit nagkakamali sila. Nang mapagtanto ni Jesus ang ginagawa ng mga alagad, hindi siya nalugod. Pinalapit ni Jesus sa kaniya ang mga bata, na sinasabi: “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin; huwag ninyong tangkaing pigilan sila.” (Marcos 10:14) Pagkatapos ay gumawa siya ng isang bagay na nagsisiwalat ng isang totoong magiliw at mapagmahal na ugali. Sinabi ng salaysay: “Kinuha niya ang mga bata sa kaniyang mga bisig at pinasimulang pagpalain sila.” (Marcos 10:16) Maliwanag na palagay ang loob ng mga bata habang kinukuha sila ni Jesus sa kaniyang mapagmahal na mga bisig.

      5. Ano ang sinasabi sa atin ng salaysay sa Marcos 10:13-​16 hinggil sa naging uri ng pagkatao ni Jesus?

      5 Maraming bagay ang sinasabi sa atin ng maigsing salaysay na iyan hinggil sa naging uri ng pagkatao ni Jesus. Pansinin na siya’y madaling lapitan. Bagaman siya’y humawak ng napakataas na posisyon sa langit, hindi niya tinakot ni minaliit man ang di-sakdal na mga tao. (Juan 17:5) Hindi ba kapansin-pansin din na maging ang mga bata ay naging palagay ang loob sa kaniya? Tiyak na hindi sila maaakit sa isang malamig-makitungo at malungkuting tao na hindi kailanman ngumingiti o tumatawa! Ang mga tao na may iba’t ibang edad ay lumapit kay Jesus sapagkat nararamdaman nilang siya’y isang masigla, mapagmalasakit na tao, at nakatitiyak silang hindi niya sila itataboy.

      6. Paano magagawa ng matatanda na sila’y maging higit na madaling lapitan?

      6 Sa pagmumuni-muni sa salaysay na ito, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Taglay ko ba ang pag-iisip ni Kristo? Madali ba akong lapitan?’ Sa mga panahong ito na mapanganib, kailangan ng mga tupa ng Diyos ang madaling-lapitang mga pastol, mga lalaking gaya ng “taguang dako sa hangin.” (Isaias 32:1, 2; 2 Timoteo 3:1) Kayong matatanda, kapag nililinang ninyo ang isang tapat at taos-pusong interes sa inyong mga kapatid at handa ninyong ipagkaloob ang inyong sarili alang-alang sa kanila, mararamdaman nila ang inyong pagmamalasakit. Mababakas nila iyon sa inyong mga mukha, maririnig iyon sa tono ng inyong boses, at mapapansin iyon sa inyong mabait na paggawi. Ang gayong tunay na kasiglahan at pagmamalasakit ay makalilikha ng isang mapagtiwalang kapaligiran na doo’y mas madali para sa iba, pati na sa mga bata, na lumapit sa inyo. Isang Kristiyanong babae ang nagpaliwanag kung bakit nakuha niyang magtapat sa isang matanda: “Magiliw at madamayin ang paraan ng pakikipag-usap niya sa akin. Kung hindi, malamang na hindi na ako nagsalita gaputok man. Ipinadama niya sa aking ligtas ako sa panganib.”

      Makonsiderasyon sa Iba

      7. (a) Paano ipinamalas ni Jesus na siya’y makonsiderasyon sa iba? (b) Bakit inunti-unti ni Jesus ang pagpapanumbalik sa paningin ng isang bulag na lalaki?

      7 Si Jesus ay makonsiderasyon. Matalas ang kaniyang pakiramdam sa damdamin ng iba. Makita lamang niya ang mga naghihirap ay labis na siyang naaantig anupat nauudyukan siyang pawiin ang kanilang pagdurusa. (Mateo 14:14) Makonsiderasyon din siya sa mga limitasyon at pangangailangan ng iba. (Juan 16:12) Minsan, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang bulag na lalaki at pinakiusapan si Jesus na pagalingin niya ito. Pinanumbalik ni Jesus ang paningin ng lalaki, subalit ginawa niya ito nang unti-unti. Sa pasimula, bahagyang nakabanaag ng mga tao ang lalaki​—“para bang mga punungkahoy, ngunit naglalakad sila.” Pagkatapos, lubusan nang pinanumbalik ni Jesus ang paningin nito. Bakit inunti-unti niya ang pagpapagaling sa lalaki? Tiyak na ito’y upang ang isa na nasanay nang husto sa dilim ay hindi mabigla sa kagyat na pagkakita ng isang nasisikatan-ng-araw at komplikadong daigdig.​—Marcos 8:22-26.

      8, 9. (a) Ano ang agad na nangyari matapos pumasok si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa rehiyon ng Decapolis? (b) Ilarawan ang ginawang pagpapagaling ni Jesus sa binging tao.

      8 Isaalang-alang din ang isang pangyayaring naganap matapos ang Paskuwa ng 32 C.E. Pumasok si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa rehiyon ng Decapolis, sa silangang bahagi ng Dagat ng Galilea. Doon, agad silang nasumpungan ng malaking pulutong at dinala kay Jesus ang maraming maysakit at may kapansanan, at pinagaling niya silang lahat. (Mateo 15:29, 30) Kapansin-pansin, ibinukod ni Jesus ang isang tao para sa pantanging konsiderasyon. Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos, na bukod-tanging nag-ulat sa pangyayaring ito, ang siyang naglahad sa naganap.​—Marcos 7:31-35.

      9 Ang tao ay bingi at halos hindi makapagsalita. Malamang na napansin ni Jesus ang kakaibang nerbiyos o pagkamahiyain ng taong ito. Sa gayon ay gumawa si Jesus ng isang bagay na di-karaniwan. Inihiwalay niya ang tao, palayo mula sa pulutong, tungo sa isang pribadong lugar. Pagkatapos ay sumenyas si Jesus upang ipaalam sa tao kung ano ang gagawin niya. Kaniyang “inilagay ang kaniyang mga daliri sa mga tainga ng tao at, pagkatapos dumura, hinipo niya ang kaniyang dila.” (Marcos 7:33) Sumunod, tumingala si Jesus sa langit at may-pananalanging nagbuntong-hininga. Ang kapansin-pansing mga kilos na ito ay magsasabi sa tao, ‘Ang gagawin ko para sa iyo ay mula sa kapangyarihan ng Diyos.’ Sa wakas ay sinabi ni Jesus: “Mabuksan ka.” (Marcos 7:34) Nang magkagayon, nanumbalik ang pandinig ng tao, at siya’y nakapagsalita nang normal.

      10, 11. Paano natin maipakikita ang konsiderasyon sa damdamin ng iba sa loob ng kongregasyon? sa loob ng pamilya?

      10 Kay laking konsiderasyon nga ang ipinakita ni Jesus sa iba! Matalas ang kaniyang pakiramdam sa kanilang damdamin, at ang pagdadalang-habag na ito naman ang nag-udyok sa kaniya upang kumilos sa paraang di-masasaktan ang kanilang damdamin. Bilang mga Kristiyano, makabubuti para sa atin na linangin at ipamalas ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito. Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Tiyak na hinihiling nito sa atin na magsalita at kumilos sa paraang isinasaalang-alang ang damdamin ng iba.

      11 Sa loob ng kongregasyon, makapagpapakita tayo ng konsiderasyon sa damdamin ng iba sa pamamagitan ng pag-uukol sa kanila ng dignidad, anupat pinakikitunguhan sila sa paraang nais nating ipakitungo nila sa atin. (Mateo 7:12) Lakip diyan ang pagiging maingat sa ating sinasabi at kung paano natin ito sinasabi. (Colosas 4:6) Alalahanin na ang ‘di-pinag-iisipang salita ay maaaring sumaksak na parang tabak.’ (Kawikaan 12:18) Kumusta naman sa loob ng pamilya? Ang mag-asawang tunay na nagmamahalan ay matalas ang pakiramdam sa damdamin ng isa’t isa. (Efeso 5:33) Iniiwasan nila ang masasakit na salita, walang-tigil na pamumuna, at maaanghang na panunuya​—na pawang nagiging dahilan ng sama ng loob na mahirap mapawi. Maging ang mga bata ay may damdamin din, at isinasaalang-alang ito ng mapagmahal na mga magulang. Kapag kailangan ang pagtutuwid, ang gayong mga magulang ay nagbibigay nito sa paraang iginagalang ang dignidad ng kanilang mga anak at inililigtas sila sa di-kinakailangang pagkapahiya.c (Colosas 3:21) Samakatuwid, kapag nagpapamalas tayo ng konsiderasyon sa iba, ipinakikita natin na taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.

      Handang Magtiwala sa Iba

      12. Taglay ni Jesus ang anong timbang at makatotohanang pangmalas sa kaniyang mga alagad?

      12 Si Jesus ay may timbang at makatotohanang pangmalas sa kaniyang mga alagad. Alam na alam niyang sila’y hindi mga sakdal. Kung sa bagay, nababasa niya ang puso ng tao. (Juan 2:24, 25) Magkagayunman, minalas niya sila hindi ayon sa kanilang di-kasakdalan kundi ayon sa kanilang mabubuting katangian. Nakita rin niya ang potensiyal ng mga taong ito na inilapit ni Jehova. (Juan 6:44) Mahahalata ang positibong pangmalas ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa paraan ng kaniyang pakikisama at pakikitungo sa kanila. Una sa lahat, nagpakita siya ng pagiging handang magtiwala sa kanila.

      13. Paano ipinamalas ni Jesus na may tiwala siya sa kaniyang mga alagad?

      13 Paano ipinamalas ni Jesus ang pagtitiwalang iyan? Nang lisanin niya ang lupa, ipinagkatiwala niya ang isang mabigat na pananagutan sa kaniyang pinahirang mga alagad. Inilagay niya sa kanilang mga kamay ang pananagutan ng pag-aasikaso sa pandaigdig na mga kapakanan ng kaniyang Kaharian. (Mateo 25:14, 15; Lucas 12:42-44) Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ipinakita niya kahit sa maliit at di-tuwirang paraan na may tiwala siya sa kanila. Nang makahimalang paramihin niya ang pagkain upang pakanin ang pulutong, ipinagkatiwala niya sa kaniyang mga alagad ang pananagutang ipamahagi ang pagkain.​—Mateo 14:15-21; 15:32-37.

      14. Paano mo isusumaryo ang salaysay na nakaulat sa Marcos 4:35-​41?

      14 Isaalang-alang din ang salaysay na nakaulat sa Marcos 4:35-41. Sa pagkakataong ito ay sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kaniyang mga alagad at naglayag nang pasilangan patawid sa Dagat ng Galilea. Di-nagtagal matapos tumulak ang bangka, nahiga si Jesus sa gawing likuran ng bangka at nakatulog nang mahimbing. Subalit di-nagtagal, “isang napakalakas na bagyong-hangin ang nagpasimula.” Karaniwan na ang gayong mga bagyo sa Dagat ng Galilea. Dahil sa kababaan nito (mga 200 metro ang baba sa kapantayan ng dagat), ang hangin doon ay mas mainit kaysa sa paligid nito, at ito’y lumilikha ng pagbabago sa atmospera. Karagdagan pa, humahampas ang malakas na hangin pababa sa Libis ng Jordan mula sa Bundok Hermon, na nasa hilaga. Ang sandaling katahimikan ay maaaring agad na mapalitan ng nagngangalit na bagyo. Pag-isipan ito: Tiyak na alam ni Jesus na karaniwan na ang pagdating ng bagyo, yamang pinalaki siya sa Galilea. Magkagayunman, siya’y payapang natulog, anupat nagtiwala sa kakayahan ng kaniyang mga alagad, yamang ang ilan sa kanila ay mga mangingisda.​—Mateo 4:18, 19.

      15. Paano natin matutularan si Jesus sa kaniyang pagiging handang magtiwala sa kaniyang mga alagad?

      15 Matutularan ba natin si Jesus sa kaniyang pagiging handang magtiwala sa kaniyang mga alagad? Ang ilan ay nahihirapang ipagkatiwala sa iba ang mga pananagutan. Gusto nilang sila ang palaging nagmamaniobra, wika nga. Baka isipin nila, ‘Kung gusto kong magawa nang tama ang isang bagay, ako ang dapat gumawa niyaon!’ Subalit kung tayo na lamang ang gagawa ng lahat ng bagay, nanganganib tayong mapagod nang husto at baka gumugol pa nga ng panahon na malayo sa ating pamilya gayong hindi naman kailangan. Bukod diyan, kung hindi natin ipagkakatiwala sa iba ang angkop na mga tungkulin at pananagutan, maaaring pinagkakaitan natin sila ng kinakailangang karanasan at pagsasanay. Isang katalinuhan na matutong magtiwala sa iba, anupat iniaatas sa kanila ang mga bagay-bagay. Makabubuting tanungin natin nang tapatan ang ating sarili, ‘Taglay ko ba ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito? Handa ko bang iatas sa iba ang ilang tungkulin, anupat nagtitiwalang gagawin nila ang pinakamabuti nilang magagawa?’

      Nagpahayag Siya ng Pananalig sa Kaniyang mga Alagad

      16, 17. Sa huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, ano ang tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga apostol, kahit batid niyang siya ay pababayaan nila?

      16 Ipinakita ni Jesus ang isang positibong pangmalas sa kaniyang mga alagad sa isa pang mahalagang paraan. Ipinaalam niya sa kanila na siya’y may tiwala sa kanila. Ito’y maliwanag na mahahalata sa nakapagpapatibay na mga salita na sinabi niya sa kaniyang mga apostol noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa. Pansinin ang nangyari.

      17 Punung-puno ng gawain ang gabing iyon para kay Jesus. Nagbigay siya sa kaniyang mga alagad ng isang praktikal na halimbawa ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa. Pagkatapos, pinasimulan niya ang hapunan na magiging isang memoryal ng kaniyang kamatayan. Nang magkagayon, muli na namang nagkainitan sa pagtatalo ang mga apostol hinggil sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila. Palibhasa’y mapagpasensiya, hindi sila kinagalitan ni Jesus kundi nakipagkatuwiranan siya sa kanila. Sinabi niya sa kanila ang mangyayari: “Lahat kayo ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’ ” (Mateo 26:31; Zacarias 13:7) Batid niyang pababayaan siya ng matatalik niyang kasama sa oras ng kaniyang pangangailangan. Gayunman, hindi pa rin niya sila hinatulan. Sa kabaligtaran, sinabi pa nga niya sa kanila: “Subalit pagkatapos na maibangon ako, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” (Mateo 26:32) Oo, tiniyak niya sa kanila na bagaman pababayaan nila siya, hindi niya sila pababayaan. Pagkatapos ng matinding pagsubok na ito, muli siyang makikipagkita sa kanila.

      18. Sa Galilea, anong mabigat na atas ang ipinagkatiwala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at paano ito isinakatuparan ng mga apostol?

      18 Tinupad ni Jesus ang kaniyang salita. Nang maglaon, sa Galilea, nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa 11 tapat na apostol, na maliwanag na nagkakatipon kasama ng marami pang iba. (Mateo 28:16, 17; 1 Corinto 15:6) Doon, ibinigay ni Jesus sa kanila ang isang mabigat na atas: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang aklat ng Mga Gawa ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na katibayan na isinakatuparan ng mga apostol ang atas na iyon. Buong-katapatan nilang pinangunahan ang pangangaral ng mabuting balita noong unang siglo.​—Gawa 2:41, 42; 4:33; 5:27-32.

      19. Hinggil sa pag-iisip ni Kristo, ano ang itinuturo sa atin ng mga ikinilos ni Jesus matapos siyang buhaying-muli?

      19 Ano ang itinuturo ng pagsisiwalat na ito hinggil sa pag-iisip ni Kristo? Nakita ni Jesus ang pinakamatinding kapintasan ng kaniyang mga apostol, gayunman ay ‘inibig niya sila hanggang sa wakas.’ (Juan 13:1) Sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, ipinabatid niya sa kanila na may pananalig siya sa kanila. Pansinin na hindi naman naging mali ang pagtitiwala ni Jesus. Ang pagtitiwala at pananalig na ipinahayag niya sa kanila ay tiyak na nagpalakas sa kanila na ipasiya sa kanilang puso na isagawa ang gawaing ipinag-utos niya sa kanila.

      20, 21. Paano natin maipakikita ang isang positibong pangmalas sa ating mga kapananampalataya?

      20 Paano natin maipamamalas ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito? Huwag maging negatibo sa ating mga kapananampalataya. Kung masama ang iyong iniisip, malamang na mahalata iyon sa iyong mga salita at kilos. (Lucas 6:45) Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Ang pag-ibig ay positibo, hindi negatibo. Ito’y nagpapatibay sa halip na nagpapalupaypay. Mas napakikilos ang mga tao dahil sa pag-ibig at pampasigla kaysa sa pananakot. Mapatitibay natin at mapasisigla ang iba sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagtitiwala sa kanila. (1 Tesalonica 5:11) Kung, tulad ni Kristo, tayo’y may positibong pangmalas sa ating mga kapatid, pakikitunguhan natin sila sa mga paraang nakapagpapatibay sa kanila at napalalabas ang pinakamabuti mula sa kanila.

      21 Ang paglilinang at pagpapamalas ng pag-iisip ni Kristo ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pagtulad lamang sa ilang bagay na ginawa ni Jesus. Gaya ng binanggit sa sinundang artikulo, kung talagang nais nating tularan ang kilos ni Jesus, dapat muna nating matutuhang malasin ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas niya. Pinapangyayari ng Ebanghelyo na makita natin ang iba pang aspekto ng kaniyang personalidad, ng kaniyang mga kaisipan at damdamin hinggil sa gawaing iniatas sa kaniya, gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo.

      [Mga talababa]

      a Sa dokumento, inilalarawan ng palsipikador ang diumano’y pisikal na hitsura ni Jesus, lakip na ang kulay ng kaniyang buhok, balbas, at mga mata. Ipinaliliwanag ng tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar J. Goodspeed na ang panghuhuwad na ito ay “sinadya bilang karagdagang suporta sa karaniwang paglalarawan na nasa mga manwal ng pintor hinggil sa personal na hitsura ni Jesus.”

      b Lumilitaw na iba’t iba ang edad ng mga bata. Ang salita rito na isinaling “maliliit na bata” ay ginamit din sa 12-taóng-gulang na anak na babae ni Jairo. (Marcos 5:39, 42; 10:13) Gayunman, sa kahawig na salaysay, ginamit ni Lucas ang isang salita na ginagamit din sa mga sanggol.​—Lucas 1:41; 2:12; 18:15.

      c Tingnan ang artikulong “Iginagalang Mo ba ang Kanilang Dignidad?” sa Abril 1, 1998, isyu ng Ang Bantayan.

  • Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?
    Ang Bantayan—2000 | Pebrero 15
    • Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?

      “Nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit naantig siya sa pagkahabag sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagpasimula siyang magturo sa kanila.”​—MARCOS 6:34.

      1. Bakit madaling maunawaan kung bakit ang mga indibiduwal ay nakapagpapamalas ng mga kahanga-hangang katangian?

      SA BUONG kasaysayan, marami nang indibiduwal ang nakapagpamalas ng mga kahanga-hangang katangian. Mauunawaan mo naman kung bakit. Ang Diyos na Jehova ay nagtataglay at nagpapamalas ng pag-ibig, kabaitan, pagkabukas-palad, at iba pang mga katangian na hinahangaan natin. Ang mga tao’y nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Kaya mauunawaan natin kung bakit marami ang nakapagpapakita ng isang antas ng pag-ibig, kabaitan, pagkamadamayin, at iba pang makadiyos na mga katangian, kung paanong marami ang nagpapamalas na sila’y may budhi. (Genesis 1:26; Roma 2:14, 15) Gayunman, mapagtatanto mo na ang ilan ay mas madaling makapagpamalas ng mga katangiang ito kaysa sa iba.

      2. Ano ang ilang mabubuting gawa na maaaring gawin ng mga tao, anupat marahil ay nag-aakalang tinutularan nila si Kristo?

      2 Marahil ay may kilala kang mga taong madalas na dumadalaw o tumutulong sa mga maysakit, nakikiramay sa mga may kapansanan, o bukas-palad na nagbibigay sa mahihirap. Isip-isipin din ang mga indibiduwal na dahil sa pagiging madamayin ay naaantig na gugulin ang kanilang buhay sa pagtatrabaho sa mga institusyon ng mga ketongin o mga ampunan, yaong mga nagboboluntaryo sa mga ospital o hospisyo, o mga taong nagsisikap na makatulong sa mga walang bahay o sa mga lumilikas. Malamang, inaakala ng ilan sa kanila na tinutularan nila si Jesus, na siyang naglagay ng parisan para sa mga Kristiyano. Mababasa natin sa Mga Ebanghelyo na pinagaling ni Kristo ang maysakit at pinakain ang nagugutom. (Marcos 1:34; 8:1-9; Lucas 4:40) Ang mga pagpapamalas ni Jesus ng pag-ibig, pagkamagiliw, at pagkamadamayin ay mga kapahayagan ng “pag-iisip ni Kristo,” na tumutulad naman sa kaniyang makalangit na Ama.​—1 Corinto 2:16.

      3. Upang magkaroon ng timbang na pangmalas sa mabubuting gawa ni Jesus, ano ang kailangan nating isaalang-alang?

      3 Gayunman, napansin mo ba na sa ngayon ay nakakaligtaan ng marami sa mga naantig ng pag-ibig at pagkamadamayin ni Jesus ang isang mahalagang bahagi ng pag-iisip ni Kristo? Magtatamo tayo ng kaunawaan hinggil dito sa pamamagitan ng isang maingat na pagsasaalang-alang sa Marcos kabanata 6. Mababasa natin doon na dinala ng mga tao kay Jesus ang mga maysakit upang pagalingin. Sa konteksto, napag-alaman din natin na nang makita niyang nagugutom ang libu-libong nagpunta sa kaniya, makahimalang pinakain sila ni Jesus. (Marcos 6:35-44, 54-56) Ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapakain sa nagugutom ay pambihirang pagpapamalas ng maibiging pagkamadamayin, subalit ang mga ito ba ang pangunahing mga paraan ng pagtulong ni Jesus sa iba? At paano natin pinakamagaling na matutularan ang kaniyang sakdal na halimbawa ng pag-ibig, kabaitan, at pagkamadamayin, gaya ng pagtulad niya kay Jehova?

      Naantig na Tugunin ang Espirituwal na mga Pangangailangan

      4. Ano ang tagpo sa salaysay sa Marcos 6:30-34?

      4 Nahabag si Jesus sa mga nakapaligid sa kaniya pangunahin nang dahil sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Ang mga pangangailangang iyon ang pinakamahalaga, na higit pa sa pisikal na mga pangangailangan. Tingnan natin ang salaysay sa Marcos 6:30-34. Ang pangyayaring nakaulat doon ay naganap sa mga baybayin ng Dagat ng Galilea, nang malapit na ang panahon ng Paskuwa noong 32 C.E. Tuwang-tuwa ang mga apostol, at may mabuting dahilan naman ito. Palibhasa’y katatapos lamang ng isang malawakang paglilibot, pumunta sila kay Jesus, anupat tiyak na nasasabik nang sabihin sa kaniya ang kanilang mga naging karanasan. Subalit dumagsa ang isang pulutong. Napakarami nito anupat hindi na makakain ni makapagpahinga man lamang si Jesus at ang kaniyang mga apostol. Sinabi ni Jesus sa mga apostol: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang dakong liblib at magpahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) Sakay ng bangka, marahil malapit sa Capernaum, naglayag sila patungo sa ibayo ng Dagat ng Galilea sa isang tahimik na lugar. Subalit nagtakbuhan sa baybayin ang pulutong at nauna pang nakarating kaysa sa bangka. Paano tumugon si Jesus? Nagalit ba siya dahil naistorbo ang kaniyang paglayo sa karamihan? Hinding-hindi!

      5. Ano ang nadama ni Jesus sa mga pulutong na pumunta sa kaniya, at ano ang ginawa niya bilang tugon?

      5 Naantig ang puso ni Jesus nang makita niya ang pulutong na ito na binubuo ng libu-libo, pati na ang mga maysakit, na sabik na naghihintay sa kaniya. (Mateo 14:14; Marcos 6:44) Sa pagtutuon ng pansin sa naging dahilan ng pagdamay ni Jesus at kung paano Siya tumugon, sumulat si Marcos: “Nakita niya ang isang malaking pulutong, ngunit naantig siya sa pagkahabag sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol. At nagpasimula siyang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.” (Marcos 6:34) Hindi lamang kapal ng tao ang nakita ni Jesus. Nakita rin niya ang mga indibiduwal na may pangangailangan sa espirituwal. Gaya sila ng mga tupang palabuy-laboy na wala nang pag-asa, na walang pastol para akayin sila tungo sa luntiang pastulan o kaya’y ipagsanggalang sila. Batid ni Jesus na ang walang-simpatiyang mga pinuno ng relihiyon, na dapat sana’y naging mapagmalasakit na mga pastol, ay siya pang humamak sa karaniwang mga tao at nagpabaya sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. (Ezekiel 34:2-4; Juan 7:47-49) Iba naman ang nais ni Jesus na maging pakikitungo sa kanila, anupat ginawa nito ang pinakamabuti para sa kanila. Pinasimulan niyang turuan sila hinggil sa Kaharian ng Diyos.

      6, 7. (a) Isinisiwalat ng Mga Ebanghelyo ang anong priyoridad sa pagtugon ni Jesus sa pangangailangan ng mga tao? (b) Ano ang nakaganyak kay Jesus para mangaral at magturo?

      6 Pansinin ang pagkakasunud-sunod at ang ipinahihiwatig na priyoridad na makikita sa isang kahawig na salaysay. Ito’y isinulat ni Lucas, na isang manggagamot at lubhang interesado sa pisikal na kapakanan ng iba. “Ang mga pulutong . . . ay sumunod [kay Jesus]. At tinanggap niya sila nang may kabaitan at nagpasimulang magsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling niya yaong mga nangangailangan ng pagpapagaling.” (Lucas 9:11; Colosas 4:14) Bagaman hindi laging ganito sa bawat salaysay tungkol sa isang himala, sa kasong ito, ano ang unang binigyang-pansin ng kinasihang salaysay ni Lucas? Ito ay ang bagay na tinuruan ni Jesus ang mga tao.

      7 Ito’y talagang kaayon ng pagdiriin na masusumpungan natin sa Marcos 6:34. Maliwanag na idiniriin ng talatang iyan kung paano pangunahin nang naantig si Jesus na ipahayag ang kaniyang pagkahabag. Tinuruan niya ang mga tao, anupat tinugon ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Bago nito sa kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Gayunman, nagkakamali tayo kung iisipin natin na ipinahayag ni Jesus ang mensahe ng Kaharian udyok lamang ng tungkulin, na para bang wala-sa-pusong isinagawa niya ang pangangaral na dapat niyang gawin. Hindi, ang kaniyang maibiging pagdamay sa mga tao ang pangunahing nakaganyak kung kaya niya ibinahagi ang mabuting balita sa kanila. Ang pinakasukdulang kabutihan na magagawa ni Jesus​—kahit na sa maysakit, sa pinipighati ng demonyo, sa mahirap, o sa nagugutom​—ay ang tulungan silang alamin, tanggapin, at ibigin ang katotohanan hinggil sa Kaharian ng Diyos. Ang katotohanang iyan ay napakahalaga dahil sa papel ng Kaharian sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova at paglalaan ng permanenteng mga pagpapala sa mga tao.

      8. Ano ang nadama ni Jesus hinggil sa kaniyang pangangaral at pagtuturo?

      8 Ang aktibong pangangaral ni Jesus hinggil sa Kaharian ay napakahalagang dahilan kung bakit siya bumaba sa lupa. Nang malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo sa lupa, sinabi ni Jesus kay Pilato: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Nakita natin sa sinundang dalawang artikulo na si Jesus ay isang taong may magiliw na damdamin​—mapagmalasakit, madaling lapitan, makonsiderasyon, mapagtiwala, at higit sa lahat, maibigin. Kailangan nating maunawaan ang mga aspektong iyon ng kaniyang personalidad kung talagang nais nating maintindihan ang pag-iisip ni Kristo. Mahalaga ring mapagtanto na lakip sa pag-iisip ni Kristo ang priyoridad na kaniyang inilalagay sa kaniyang pangangaral at pagtuturo.

      Hinimok Niya ang Iba na Magpatotoo

      9. Para kanino dapat magkaroon ng priyoridad ang pangangaral at pagtuturo?

      9 Ang priyoridad na inilagay sa pangangaral at pagtuturo​—bilang kapahayagan ng pag-ibig at pagdamay​—ay hindi lamang para kay Jesus. Hinimok niya ang kaniyang mga tagasunod na tularan ang kaniyang mga motibo, priyoridad, at mga pagkilos. Halimbawa, matapos piliin ni Jesus ang kaniyang 12 apostol, ano ang dapat nilang gawin? Sinasabi sa atin ng Marcos 3:14, 15: “Bumuo siya ng isang pangkat ng labindalawa, na pinanganlan din niyang ‘mga apostol,’ nang sa gayon ay makapagpatuloy silang kasama niya at nang sa gayon ay maisugo niya sila upang mangaral at upang magkaroon ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.” May nakikita ka bang anumang priyoridad para sa mga apostol?

      10, 11. (a) Nang isugo ang mga apostol, ano ang sinabi ni Jesus na gagawin nila? (b) Hinggil sa pagsusugo sa mga apostol, ano ang pinagtutuunan ng pansin?

      10 Nang maglaon, pinangyari nga ni Jesus na ang 12 ay makapagpagaling sa iba at makapagpalayas ng mga demonyo. (Mateo 10:1; Lucas 9:1) Pagkatapos ay isinugo niya sila na maglibot para sa “nawawalang mga tupa ng bahay ng Israel.” Upang gawin ang ano? Inutusan sila ni Jesus: “Samantalang humahayo kayo, mangaral, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng mga langit ay malapit na.’ Magpagaling ng mga taong may-sakit, magbangon ng mga taong patay, gawing malinis ang mga ketongin, magpalayas ng mga demonyo.” (Mateo 10:5-8; Lucas 9:2) Ano, sa katunayan, ang ginawa nila? “Kaya humayo sila at [1] nangaral upang ang mga tao ay makapagsisi; at [2] nagpapalayas sila ng maraming demonyo at nilalangisan ng langis ang maraming taong masasakitin at pinagagaling sila.”​—Marcos 6:12, 13.

      11 Yamang ang pagtuturo ay hindi naman palaging unang nababanggit sa bawat pagkakataon, ang pagbibigay-pansin ba sa pagkakaayos ng nasa itaas ay labis-labis na pagbibigay-kahulugan sa mga priyoridad o sa mga motibong nasasangkot? (Lucas 10:1-8) Buweno, hindi natin dapat maliitin ang madalas na pagbanggit muna sa pagtuturo bago sa pagpapagaling. Isaalang-alang ang konteksto sa bagay na ito. Bago pa man isugo ang 12 apostol, si Jesus ay naantig na sa kalagayan ng mga pulutong. Mababasa natin: “Si Jesus ay humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan. Sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol. Nang magkagayon ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: ‘Oo, ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.’ ”​—Mateo 9:35-38.

      12. Ang makahimalang mga gawa ni Jesus at ng mga apostol ay maaaring magsilbi sa anong karagdagang layunin?

      12 Dahil sa pagsama sa kaniya, naikikintal sa isip ng mga apostol ang ilan sa pag-iisip ni Kristo. Nadarama nila na kalakip sa kanilang pagiging tunay na maibigin at madamayin sa mga tao ang pangangaral at pagtuturo hinggil sa Kaharian​—iyan ang dapat na maging isang pangunahing aspekto ng kanilang mabubuting gawa. Kaayon niyan, ang maiinam na gawa na may kinalaman sa pisikal na mga bagay, gaya ng pagpapagaling sa maysakit, ay nakagawa pa nang higit kaysa sa basta pagtulong lamang sa nangangailangan. Gaya ng maguguniguni mo, ang ilang tao ay maaaring maakit dahil sa pagpapagaling at makahimalang paglalaan ng pagkain. (Mateo 4:24, 25; 8:16; 9:32, 33; 14:35, 36; Juan 6:26) Gayunman, bukod sa nakatulong ito sa pisikal, ang gayong mga gawa sa katunayan ay nakaantig sa mga nagmamasid upang kilalanin na si Jesus ang Anak ng Diyos at “ang propeta” na inihula ni Moises.​—Juan 6:14; Deuteronomio 18:15.

      13. Ang hula sa Deuteronomio 18:18 ay nagdiriin ng anong papel para sa ‘propeta’ na darating?

      13 Bakit mahalaga na si Jesus “ang propeta”? Buweno, ano ba ang pangunahing papel na inihula para sa isang iyan? Mapapabantog ba lamang “ang propeta” dahil sa makahimalang pagpapagaling o madamaying paglalaan ng pagkain sa nagugutom? Inihula ng Deuteronomio 18:18: “Isang propeta ang ibabangon ko para sa kanila mula sa gitna ng kanilang mga kapatid, na tulad mo [ni Moises]; at ilalagay ko nga ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at tiyak na sasalitain niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko sa kaniya.” Kaya bagaman natuto ang mga apostol na magtaglay at magpahayag ng magiliw na damdamin, maipapasiya nila na ang pag-iisip ni Kristo ay dapat ding makita sa kanilang pangangaral at pagtuturo. Iyan ang pinakamagaling na magagawa nila para sa mga tao. Sa pamamagitan niyan, ang mga maysakit at mahihirap ay magtatamo ng permanenteng mga pakinabang, hindi lamang yaong limitado sa maigsing panahon na itinatagal ng buhay ng tao o sa isa o dalawang beses na pagkain.​—Juan 6:26-30.

      Linangin ang Pag-iisip ni Kristo Ngayon

      14. Paano nasasangkot ang pagtataglay ng pag-iisip ni Kristo sa ating pangangaral?

      14 Walang isa man sa atin ang magkakaroon ng pangmalas na ang pag-iisip ni Kristo ay para lamang noong unang siglo​—kay Jesus at sa sinaunang mga alagad na tungkol sa kanila’y sumulat si apostol Pablo: “Taglay nga natin ang pag-iisip ni Kristo.” (1 Corinto 2:16) At agad nating aaminin na tayo’y obligadong mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Gayunman, makabubuting pag-isipan nating mabuti ang ating sariling mga motibo sa pagsasagawa ng gawaing iyan. Hindi dapat na ito’y dahil lamang sa udyok ng tungkulin. Ang pag-ibig sa Diyos ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nakikibahagi sa ministeryo, at kalakip sa pagiging tunay na kagaya ni Jesus ang pangangaral at pagtuturo udyok ng pagkamadamayin.​—Mateo 22:37-39.

      15. Bakit isang angkop na bahagi ng ating pangmadlang ministeryo ang pagkamadamayin?

      15 Ipagpalagay nang hindi nga laging madali na makadama ng pagkamadamayin sa mga hindi natin kapananampalataya, lalo na kapag nakatatagpo tayo ng mga taong walang interes, tumatanggi, o kaya’y sumasalansang. Subalit, kung maiwawala natin ang ating pag-ibig at pagdamay sa mga tao, maaaring maiwala natin ang isang mahalagang pangganyak sa pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Kung gayon, paano natin malilinang ang pagkamadamayin? Maaari nating subuking malasin ang mga tao ayon sa pangmalas ni Jesus sa kanila, bilang mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Hindi nga ba ganiyan maaaring ilarawan ang marami sa ngayon? Sila’y kinaligtaan at binulag sa espirituwal na paraan ng huwad na mga pastol ng relihiyon. Bilang resulta, hindi nila alam ang tungkol sa mahusay na patnubay na masusumpungan sa Bibliya ni ang tungkol sa mga kalagayan sa Paraiso na idudulot ng Kaharian ng Diyos sa ating lupa. Nakaharap sila sa mga suliranin ng pang-araw-araw na buhay​—kasali na ang karalitaan, awayan ng pamilya, sakit, at kamatayan​—nang walang pag-asa sa Kaharian. Nasa atin ang kailangan nila: ang nagliligtas-buhay na mabuting balita ng Kaharian ng Diyos na nakatatag na ngayon sa langit!

      16. Bakit dapat nating naising ibahagi sa iba ang mabuting balita?

      16 Kaya nga kapag pinag-iisipan mo ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga nakapaligid sa iyo, hindi ba naaantig ang iyong puso na hangarin mong gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sabihin sa kanila ang tungkol sa maibiging layunin ng Diyos? Oo, ang ating gawain ay isang gawain ng pagdamay. Kapag may empatiya tayo sa mga tao na gaya ni Jesus, mahahalata iyon sa tono ng ating boses, sa ibinabadya ng ating mukha, sa paraan ng ating pagtuturo. Pangyayarihin ng lahat ng iyan na maging higit na kaakit-akit ang ating mensahe sa mga taong “nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.”​—Gawa 13:48.

      17. (a) Ano ang ilang paraan na maipakikita natin ang ating pag-ibig at pagkamadamayin sa iba? (b) Bakit hindi naman kinakailangan dito na mamilì alinman sa paggawa ng mabuti o pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo?

      17 Mangyari pa, ang ating pag-ibig at pagkamadamayin ay dapat na makita sa buong landasin ng ating buhay. Lakip dito ang ating pagiging mabait sa mga kapospalad, maysakit, at mahihirap​—na ginagawa ang makatuwiran nating magagawa upang lunasan ang kanilang pagdurusa. Saklaw nito ang ating mga pagsisikap sa salita at sa gawa na pawiin ang pamimighati niyaong mga namatayan ng mga mahal sa buhay. (Lucas 7:11-15; Juan 11:33-35) Gayunman, ang gayong pagpapamalas ng pag-ibig, kabaitan, at pagkamadamayin ay hindi dapat na maging pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng ating mabubuting gawa, na gaya ng ilang mapagkawanggawa. Ang makapupong higit na may namamalaging halaga ay ang mga pagsisikap na inuudyukan ng nabanggit na makadiyos na mga katangian subalit ipinamamalas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa Kristiyanong pangangaral at pagtuturo. Gunitain ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino, ngunit winalang-halaga ninyo ang mas matimbang na mga bagay ng Batas, alalaong baga, katarungan at awa at katapatan. Ang mga bagay na ito ay kinakailangang gawin, gayunma’y huwag waling-halaga ang iba pang mga bagay.” (Mateo 23:23) Para kay Jesus, hindi naman siya kailangang mamilì sa dalawa​—ito man ay pagtulong sa mga tao sa kanilang pisikal na pangangailangan o pagtuturo sa kanila ng nagbibigay-buhay na espirituwal na mga bagay. Parehong ginawa ito ni Jesus. Gayunman, maliwanag pa rin na ang kaniyang pagtuturo ang pinakamahalaga sapagkat ang mabuting bagay na nagawa niya ay maaaring makatulong magpakailanman.​—Juan 20:16.

      18. Sa ano tayo dapat pakilusin ng ating pagsasaalang-alang sa pag-iisip ni Kristo?

      18 Laking pasasalamat natin na isiniwalat ni Jehova ang pag-iisip ni Kristo sa atin! Sa pamamagitan ng Mga Ebanghelyo, maaari nating higit na malaman ang mga kaisipan, damdamin, mga katangian, mga gawain, at mga priyoridad ng pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Nasa atin na kung ating babasahin, bubulay-bulayin, at ikakapit ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol kay Jesus. Tandaan, upang tayo ay tunay na makakilos na kagaya ni Jesus, dapat muna tayong matutong mag-isip, makadama, at magsuri ng mga bagay-bagay na kagaya ng ginawa niya, sa abot ng ating makakaya bilang di-sakdal na mga tao. Kung gayon, maging determinado tayo na linangin at ipakita ang pag-iisip ni Kristo. Wala nang mas magaling na paraan ng pamumuhay, wala nang mas magaling na paraan ng pakikitungo sa tao, at wala nang mas magaling na paraan para mapalapit tayo at ang iba sa isa na ganap niyang ipinaaaninag, ang ating magiliw na Diyos, si Jehova.​—2 Corinto 1:3; Hebreo 1:3.

  • Ikaw ba’y Naaantig na Kumilos Gaya ni Jesus?
    Ang Bantayan—2000 | Pebrero 15
    • [Buong-pahinang larawan sa pahina 23]

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share