-
Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?Ang Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
Pagtatayo sa Pamamagitan ng Tamang mga Materyales
9. Bagaman si Pablo ay pangunahin nang isang tagapaglatag ng pundasyon, ano ang ikinababahala niya para sa mga tumanggap ng katotohanan na kaniyang itinuro?
9 Sumulat si Pablo: “Ngayon kung ang sinuman ay nagtatayo sa pundasyon ng ginto, pilak, mahahalagang bato, mga materyales na kahoy, dayami, pinaggapasan, ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang araw ang magpapakita nito, dahil isisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy; at ang apoy mismo ang magpapatunay kung anong uri ng gawa ang sa bawat isa.” (1 Corinto 3:12, 13) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo? Tingnan natin ang mga kalagayan sa likod nito. Si Pablo ay pangunahin nang isang tagapaglatag ng pundasyon. Sa kaniyang mga paglalakbay pangmisyonero, naglakbay siya sa mga lunsod, anupat nangangaral sa marami na hindi pa kailanman nakarinig tungkol kay Kristo. (Roma 15:20) Dahil sa tinanggap ng mga tao ang katotohanan na kaniyang itinuro, naitatag ang mga kongregasyon. Nagmalasakit nang husto si Pablo sa mga tapat na ito. (2 Corinto 11:28, 29) Gayunman, dahil sa kaniyang gawain ay kinailangan siyang magpatuloy sa paglalakbay. Kaya matapos gumugol ng 18 buwan sa paglalatag ng pundasyon sa Corinto, lumisan siya upang mangaral sa iba pang lunsod. Gayunman, siya’y lubhang interesado sa kung paano ipinagpatuloy ng iba ang gawain na kaniyang sinimulan doon.—Gawa 18:8-11; 1 Corinto 3:6.
10, 11. (a) Paano ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng mga uri ng materyales sa pagtatayo? (b) Anong uri ng literal na mga gusali ang malamang na umiiral noon sa sinaunang Corinto? (c) Anong uri ng mga gusali ang malamang na makatagal sa isang sunog, at anong aral ang inilalaan nito para sa mga Kristiyanong gumagawa ng mga alagad?
10 Waring hindi maganda ang ginawang pagtatayo ng ilan sa pundasyon na inilatag ni Pablo sa Corinto. Upang ilantad ang suliranin, ipinakita ni Pablo ang pagkakaiba ng dalawang uri ng materyales sa pagtatayo: ang ginto, pilak, at mahahalagang bato sa isang panig; ang kahoy, dayami, at pinaggapasan naman sa kabila. Maitatayo ang gusali sa pamamagitan ng mga materyales na mahusay, matibay, at di-tinatablan ng apoy; o maaari itong agad na maitayo sa pamamagitan ng paggamit sa itinatapon, pansamantala, at nagdiringas na mga materyales. Tiyak na ang isang malaking lunsod na gaya ng Corinto ay may maraming gusali na yari sa gayong dalawang uri. Naroon ang malalaking templo na yari sa makakapal at mamahaling mga bloke ng bato, marahil nababalot o napapalamutian ng ginto at pilak.b Malamang na naglalakihan ang magagarang gusaling ito kung ihahambing sa kalapit na mga kubo, tolda, at mga puwesto sa palengke na yari sa magagaspang na balangkas ng kahoy at bubong na dayami.
-
-
Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?Ang Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
12. Sa anu-anong paraan walang ingat sa gawaing pagtatayo ang ilan sa mga Kristiyanong taga-Corinto?
12 Maliwanag, inakala ni Pablo na mahina ang uri ng pagtatayo ng ilang Kristiyano sa Corinto. Ano ba ang suliranin? Gaya ng ipinakikita ng konteksto, ang kongregasyon ay sinasalot ng pagkakabaha-bahagi, ng paghanga sa mga tao sa kabila ng panganib na dulot nito sa pagkakaisa ng kongregasyon. Sinasabi ng ilan, “Ako ay kay Pablo,” samantalang iginigiit naman ng iba, “Ako ay kay Apolos.” Waring napakataas ng pagtingin ng ilan sa kanilang sariling karunungan. Hindi nakapagtataka na ang resulta ay isang kapaligiran ng makalaman na pag-iisip, pagiging di-maygulang sa espirituwal, at palasak na “paninibugho at alitan.” (1 Corinto 1:12; 3:1-4, 18) Tiyak na masasalamin ang ganitong mga saloobin sa pagtuturo na isinagawa sa kongregasyon at sa ministeryo. Nagbunga ito ng kawalang-ingat sa kanilang paggawa ng alagad, gaya ng pagtatayo sa pamamagitan ng marurupok na materyales. Hindi iyon makatatagal sa “apoy.” Ano bang apoy ang binabanggit ni Pablo?
-
-
Makatatagal Ba sa Apoy ang Iyong Gawa?Ang Bantayan—1998 | Nobyembre 1
-
-
14. (a) Paano maaaring “daranas ng kawalan” ang mga Kristiyanong gumagawa ng alagad, subalit paano nila matatamo ang kaligtasan na gaya sa pamamagitan ng apoy? (b) Paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan?
14 Tunay na seryosong mga pananalita! Napakasakit ang magpagal upang tulungan ang isa na maging isang alagad, upang pagkatapos ay makita lamang na nagpadaig ang taong iyon sa tukso o pag-uusig at sa dakong huli ay nilisan ang daan ng katotohanan. Ganiyang-ganiyan ang inamin ni Pablo nang sabihin niyang daranas tayo ng kawalan sa gayong mga kalagayan. Napakasakit na karanasan anupat ang ating kaligtasan ay inilarawan na “sa pamamagitan ng apoy”—gaya ng isang tao na nawalan ng lahat dahil sa sunog at muntik nang hindi masagip. Sa bahagi naman natin, paano natin mababawasan ang panganib na dumanas ng kawalan? Magtayo sa pamamagitan ng matitibay na materyales! Kung tinuturuan natin ang ating mga estudyante upang maabot ang kanilang puso, anupat pinakikilos sila na pahalagahan ang mahahalagang katangiang Kristiyano gaya ng karunungan, kaunawaan, pagkatakot kay Jehova, at tunay na pananampalataya, kung gayo’y nagtatayo tayo sa pamamagitan ng mga materyales na matibay at di-tinatablan ng apoy. (Awit 19:9, 10; Kawikaan 3:13-15; 1 Pedro 1:6, 7) Yaong mga nakapaglilinang ng ganitong mga katangian ay magpapatuloy na gawin ang kalooban ng Diyos; tiyak ang kanilang pag-asa na manatiling buháy magpakailanman. (1 Juan 2:17) Paano, kung gayon, praktikal na magagamit natin ang ilustrasyon ni Pablo? Tingnan ang ilang halimbawa.
15. Sa anu-anong paraan matitiyak nating maiwasan ang kawalang-ingat sa gawaing pagtatayo may kinalaman sa ating mga estudyante ng Bibliya?
15 Kapag nagtuturo sa mga estudyante ng Bibliya, hindi natin dapat itaguyod kailanman ang mga tao sa halip na ang Diyos na Jehova. Hindi natin tunguhin na turuan silang malasin tayo bilang pangunahing pinagmumulan ng karunungan. Ibig nating bumaling sila kay Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang organisasyon ukol sa patnubay. Sa layuning ito, hindi natin basta sinasabi ang ating sariling pananaw bilang tugon sa kanilang mga tanong. Sa halip, tinuturuan natin silang hanapin ang mga sagot, na ginagamit ang Bibliya at mga publikasyon na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Sa katulad na mga dahilan, nag-iingat tayo na huwag maging mapag-angkin sa ating mga estudyante ng Bibliya. Sa halip na magalit kapag ang iba ay nagpapakita ng interes sa kanila, dapat nating pasiglahin ang ating mga estudyante na sila’y “magpalawak” ng kanilang pagmamahal, anupat kilalanin at pahalagahan ang marami hangga’t maaari sa kongregasyon.—2 Corinto 6:12, 13.
16. Paano maaaring makapagtayo ang matatanda sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy?
16 Ang Kristiyanong matatanda ay gumaganap din naman ng mahalagang papel sa pagtatayo ng mga alagad. Kapag nagtuturo sila sa kongregasyon, sinisikap nilang magtayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy. Maaaring lubhang nagkakaiba ang kanilang kakayahan sa pagtuturo, karanasan, at personalidad, ngunit hindi nila sinasamantala ang mga pagkakaibang ito upang makaakit ng mga tagasunod para sa kanilang sarili. (Ihambing ang Gawa 20:29, 30.) Hindi natin eksaktong nalalaman kung bakit ang ilan sa Corinto ay nagsabing, “Ako ay kay Pablo” o, “Ako ay kay Apolos.” Ngunit talagang makatitiyak tayo na wala sa mga tapat na matatandang ito ang nagtaguyod ng gayong bumabahaging kaisipan. Hindi nagpadala si Pablo sa gayong damdamin; mariing pinabulaanan niya ang mga ito. (1 Corinto 3:5-7) Gayundin naman sa ngayon, ikinikintal ng matatanda sa kanilang isip na sila’y nagpapastol sa “kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:2) Hindi iyon pag-aari ng sinumang tao. Kaya matatag ang matatanda laban sa anumang hilig ng isang tao na mangibabaw alinman sa kawan o sa lupon ng matatanda. Hangga’t ang matatanda ay nauudyukan ng mapagpakumbabang hangarin na paglingkuran ang kongregasyon, abutin ang mga puso, at tulungan ang mga tupa na maglingkod kay Jehova nang buong-kaluluwa, nagtatayo sila sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy.
17. Paano sinisikap ng Kristiyanong mga magulang na magtayo sa pamamagitan ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy?
17 Labis din namang ikinababahala ng Kristiyanong mga magulang ang bagay na ito. Gayon na lamang ang pananabik nilang makitang mabuhay magpakailanman ang kanilang mga anak! Kaya naman nagpapagal sila nang husto upang “itimo” sa puso ng kanilang mga anak ang mga simulain ng Salita ng Diyos. (Deuteronomio 6:6, 7) Ibig nilang malaman ng kanilang mga anak ang katotohanan, hindi lamang bilang isang kalipunan ng mga alituntunin o litanya ng mga katotohanan, kundi bilang isang ganap, kasiya-siya, at maligayang paraan ng pamumuhay. (1 Timoteo 1:11) Upang gawing tapat na mga alagad ni Kristo ang kanilang mga anak, sinisikap ng maibiging mga magulang na gumamit ng mga materyales na di-tinatablan ng apoy. Matiyaga silang gumagawa kasama ng kanilang mga anak, anupat tinutulungan silang iwaksi ang mga katangiang kinapopootan ni Jehova at linangin ang mga katangiang iniibig niya.—Galacia 5:22, 23.
-