Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • “Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
    Ang Bantayan—2000 | Agosto 1
    • Si Pablo​—Isang “Nasasakupan” at Isang “Katiwala”

      4. Anong pambihirang mga pribilehiyo ang tinamasa ni Pablo?

      4 Si Pablo ay isang kilalang tao sa gitna ng mga Kristiyano noon, at mauunawaan naman kung bakit. Sa kaniyang pagmiministeryo, naglakbay siya nang libu-libong kilometro sa karagatan at sa lupa, at nakapagtatag siya ng maraming kongregasyon. Karagdagan pa, biniyayaan ni Jehova si Pablo ng mga pangitain at ng kaloob na pagsasalita ng ibang mga wika. (1 Corinto 14:18; 2 Corinto 12:1-5) Kinasihan din niya si Pablo na isulat ang 14 na liham na bahagi ngayon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Maliwanag, masasabi na ang pagpapagal ni Pablo ay nakahihigit sa ginawa ng lahat ng iba pang mga apostol.​—1 Corinto 15:10.

      5. Paano ipinakita ni Pablo na siya’y may mahinhing pangmalas sa kaniyang sarili?

      5 Yamang si Pablo ay nangunguna sa gawaing Kristiyano, maaaring inaasahan ng ilan na ipinagpaparangalan niya ang pagiging sikat, anupat ipinagmamalaki pa nga ang kaniyang awtoridad. Subalit, nagkakamali sila, sapagkat si Pablo ay may kahinhinan. Tinawag niya ang kaniyang sarili na “pinakamababa sa mga apostol,” na idinagdag pa: “Hindi ako naaangkop na tawaging apostol, sapagkat pinag-usig ko ang kongregasyon ng Diyos.” (1 Corinto 15:9) Bilang dating mang-uusig sa mga Kristiyano, hindi kailanman nalimutan ni Pablo na dahil lamang sa di-sana-nararapat na kabaitan kung kaya siya nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos sa paanuman, anupat nagtamasa pa nga ng pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod. (Juan 6:44; Efeso 2:8) Kaya nga, hindi ipinalagay ni Pablo na ang kaniyang pambihirang mga nagawa sa ministeryo ay nagpangyari na makahigit siya sa iba.​—1 Corinto 9:16.

      6. Paano nagpakita ng kahinhinan si Pablo sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto?

      6 Ang kahinhinan ni Pablo ay kitang-kita sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Corinto. Lumilitaw, ang ilan sa kanila ay humanga sa mga inaakala nilang prominenteng mga tagapangasiwa, kasali na sina Apolos, Cefas, at si Pablo mismo. (1 Corinto 1:11-15) Subalit hindi hinangad ni Pablo ang papuri ng mga taga-Corinto ni sinamantala man ang kanilang paghanga. Nang dinadalaw niya sila, hindi niya iniharap ang kaniyang sarili “taglay ang karangyaan ng pananalita o ng karunungan.” Sa halip, sinabi ni Pablo tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasama: “Hayaang tayahin tayo ng tao bilang mga nasasakupan ni Kristo at mga katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.”a​—1 Corinto 2:1-5; 4:1.

      7. Paano nagpamalas ng kahinhinan si Pablo kahit nagpapayo?

      7 Nagpamalas pa nga si Pablo ng kahinhinan nang kailanganing magbigay siya ng matinding payo at patnubay. Nakiusap siya sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano “sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos” at “salig sa pag-ibig” sa halip na sa pamamagitan ng bigat ng kaniyang apostolikong awtoridad. (Roma 12:1, 2; Filemon 8, 9) Bakit ito ginawa ni Pablo? Sapagkat talagang minalas niya ang kaniyang sarili bilang isang “kamanggagawa” ng kaniyang mga kapatid, hindi bilang isang ‘panginoon ng kanilang pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Walang-alinlangang nakatulong ang kahinhinan ni Pablo upang mapamahal siya nang husto sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.​—Gawa 20:36-38.

  • “Ang Karunungan ay Nasa mga Mahinhin”
    Ang Bantayan—2000 | Agosto 1
    • a Ang salitang Griego na isinaling “mga nasasakupan” ay maaaring tumukoy sa isang alipin na tagasagwan sa gawing ibaba ng pinaggagauran sa isang malaking barko. Sa kabaligtaran, ang “mga katiwala” naman ay maaaring pagkatiwalaan ng mas maraming pananagutan, marahil ay ang pangangalaga sa isang ari-arian. Gayunpaman, sa paningin ng karamihan sa mga pinuno, ang katiwala ay alipin din na gaya ng alipin sa galera.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share